2025
Ang mga Pagpapala ng Awtoridad at Kapangyarihan ng Priesthood
Para sa Lakas ng mga Kabataan Setyembre 2025


Ang mga Pagpapala ng Awtoridad at Kapangyarihan ng Priesthood

Ipinanumbalik ang priesthood ng Diyos sa ating panahon para pagpalain ang lahat ng Kanyang mga anak.

pagpapanumbalik ng Melchizedek Priesthood

Restoration of the Melchizedek Priesthood [Pagpapanumbalik ng Melchizedek Priesthood], ni Walter Rane

Madalas magtanong ang mga kabataan tungkol sa priesthood. Tungkol sa priesthood, ang ating patotoo sa mundo ay:

  1. Ang banal na priesthood ng Diyos ay mahalaga sa pagsasakatuparan ng Kanyang gawain tungkol sa kaligtasan at kadakilaan.

  2. Ipinanumbalik ng Diyos ang priesthood sa mundo.

  3. Ang priesthood ay pinangangasiwaan ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.

Bakit Kailangan Natin ang Awtoridad at Kapangyarihan ng Priesthood

Si Jesucristo ang pinuno ng Simbahan. Ang Simbahan ang kasangkapan na nilikha Niya upang maisakatuparan ang mahalagang gawain ng pagtubos sa sangkatauhan. Sa pamamagitan ng Simbahan, maaari Niyang:

  • Ipangaral ang Kanyang ebanghelyo sa buong mundo.

  • Ialok ang binyag at ang lahat ng iba pang tipan—maging ang landas ng tipan tungo sa Kanyang kahariang selestiyal.

  • Ibuklod ang mga pamilya para sa kawalang-hanggan.

  • Ialok ang mga kaloob ng kaligtasan, maging sa mga namatay nang wala ng mga ito.

  • Tugunan ang pisikal na mga pangangailangan ng mga anak ng Diyos sa kasalukuyan.

si Jesucristo na nagtuturo

Jesus Teaching Mary [Tinuturuan ni Jesus si Maria], ni Dan Burr

Para maisakatuparan ang mga dakilang layuning ito, at maghanda sa pagbabalik ng Tagapagligtas, kailangan ng Simbahan ang patuloy na patnubay, awtoridad, at kapangyarihan ng Diyos. Ang Simbahan ang “tunay at buhay na simbahan” (Doktrina at mga Tipan 1:30) dahil ipinagkaloob dito ni Cristo ang Kanyang pamumuno at kapangyarihan sa pamamagitan ng Kanyang priesthood.

Kung wala ang banal na priesthood na ito, ang Simbahan ay magiging isang sekular na organisasyon tulad ng marami pang iba, na gumagawa ng kabutihan sa mundo pero walang kakayahang makamit ang layuning ihanda ang mga anak ng Diyos para sa kagalakang dulot ng buhay na walang hanggan sa Kanyang presensya. Sa pamamagitan ng priesthood na ito, at sa mga susi sa pamamahala sa gawain ng priesthood na ito, kapwa may awtoridad at kaayusan sa Simbahan.

Sa Simbahan, ang lahat ng awtoridad ng priesthood ay ginagamit sa ilalim ng pamamahala ng mga maytaglay ng mga susi ng priesthood.

“Ang mga karapat-dapat na lalaking miyembro ng Simbahan ay tumatanggap ng awtoridad ng priesthood sa pamamagitan ng paggawad ng priesthood at ordinasyon sa mga katungkulan sa priesthood. Ang lahat ng miyembro ng Simbahan ay maaaring gumamit ng itinalagang awtoridad kapag sila ay na-set apart o naatasang tumulong na isakatuparan ang gawain ng Diyos.”

mga sister missionary

Ipinanumbalik sa Ating Panahon

Habang isinasalin ang Aklat ni Mormon noong 1829, sinimulan ng Panginoon na ilagay sa tamang lugar ang istraktura ng Kanyang priesthood. Bilang sagot sa panalangin nina Joseph Smith at Oliver Cowdery tungkol sa binyag, nagpakita ang nabuhay na muling si Juan Bautista at iginawad sa kanila ang Aaronic Priesthood, na “[nagtataglay] ng mga susi ng paglilingkod ng mga anghel, at ng ebanghelyo ng pagsisisi, at ng binyag sa pamamagitan ng paglulubog para sa kapatawaran ng mga kasalanan” (Doktrina at mga Tipan 13:1). Sa awtoridad na iyon, bininyagan nina Joseph at Oliver ang isa’t isa at ang iba pa nang pormal na itatag ang Simbahan.

Hindi nagtagal pagkatapos niyon, ang mga sinaunang Apostol na sina Pedro, Santiago, at Juan ay nagpakita at iginawad ang mas mataas o Melchizedek Priesthood, kabilang ang “mga susi ng aking kaharian, at isang dispensasyon ng [ebanghelyo para sa] kaganapan ng mga panahon!” (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 27:12–13; 128:20).

Binatilyo na may mga kamay na nakapatong sa kanyang ulo

Dumating ang karagdagang awtoridad ng priesthood nang magpakita sina Moises, Elias, at Elijah kina Joseph at Oliver sa Kirtland Temple at ipinagkatiwala sa kanila ang mga susi ng pagtitipon ng Israel at ng gawain ng mga templo ng Panginoon (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 110:11–16).

mga missionary

Ang Kapangyarihan na Magbasbas

Sa madaling salita, ang layunin ng awtoridad at kapangyarihan ng priesthood na ipinanumbalik ni Jesucristo ay para magpala o magbasbas. Dahil dito ay magagamit ng lahat ng mga miyembro ng Simbahan ang kapangyarihan ng Diyos sa paglilingkod at pagpapala sa iba pa na nasa Simbahan, nasa tahanan, at sa iba’t ibang panig ng mundo. Ang mga miyembro ay nakikiisa sa Tagapagligtas sa pagsasagawa ng Kanyang gawain ng kaligtasan at kadakilaan, na gumagamit ng mga banal na kaloob at kapangyarihan na higit pa sa kanilang taglay para matulungan ang kaharian ng Diyos na lumago upang punuin ang mundo (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 65:2, 5–6).

Ipinaliwanag ng Panginoon na “ang nakatataas na [Melchizedek priesthood] na ito ang nangangasiwa ng ebanghelyo at humahawak ng susi ng mga hiwaga ng kaharian, maging ng susi ng kaalaman tungkol sa Diyos.

“Samakatwid, sa mga ordenansa nito, ang kapangyarihan ng kabanalan ay makikita” (Doktrina at mga Tipan 84:19–20).

Ang mga ordenansa ay mga seremonya na pinangangasiwaan ng priesthood kung saan tayo ay nakikipagtipan sa Diyos, simula sa binyag at nagpapatuloy sa mga tipang tinatanggap sa bahay ng Panginoon. Sa pagtupad sa mga tipang ito tayo ay nagbabago mula sa “likas” na kalalakihan at kababaihan tungo sa pagiging mga banal (tingnan sa Mosias 3:19) sa pamamagitan ng nagbabayad-salang biyaya ni Cristo at nagiging kapwa nabigyang-katwiran at pinabanal—walang kasalanan at walang bahid-dungis sa harapan ng Diyos (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 20:29–31; 3 Nephi 27:16–20).

Jesucristo

Christ in America [Si Cristo sa Amerika], ni Ben Sowards

Ang Pagpapanumbalik ng Kabuuan ng Ebanghelyo ni Jesucristo: Isang Proklamasyon sa Mundo para sa Ika-200 Taong Anibersaryo,” ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol, ay nagpapahayag ng angkop na buod:

“Ipinapahayag namin na Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, na itinatag noong ika-6 ng Abril 1830, ang ipinanumbalik na Simbahan ni Cristo na nakatala sa Bagong Tipan. Nakasalig ang Simbahang ito sa sakdal na buhay ng pangunahing batong-panulok nito, na si Jesucristo, at sa Kanyang walang katapusang Pagbabayad-sala at literal na Pagkabuhay na Muli. Muling tumawag si Jesucristo ng mga Apostol at pinagkalooban sila ng awtoridad ng priesthood. Inaanyayahan Niya tayong lahat na lumapit sa Kanya at sa Kanyang Simbahan, upang matanggap ang Espiritu Santo, ang mga ordenansa ng kaligtasan, at magkamit ng walang-maliw na kagalakan.”