Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Mga Nakatagong Kayamanan
Saliksikin ang mga banal na kasulatan at makikita mo ang lahat ng uri ng bagay.
Nilinaw ng makabagong paghahayag ang mga banal na kasulatan.
Ipinaliwanag sa Doktrina at mga Tipan 19 ang dalawang bagay tungkol sa Tagapagligtas.
Sinabi ni Lucas na ang pawis ng Panginoon sa Halamanan ng Getsemani “ay naging gaya ng malalaking patak ng dugo” (Lucas 22:44). Ang “gaya ng” ay nagsasaad na ito ay matalinghagang mga kataga lamang.
Nilinaw ito ni Jesus. Sinabi niya na dahil sa Kanyang pagdurusa ay “[lumabas ang] dugo sa bawat pinakamaliit na butas ng balat” (Doktrina at mga Tipan 19:18). Walang mga metapora. Ang kanyang pighati ay napakasidhi kaya Siya ay talagang nagpawis ng dugo.
Sa ibang pagkakataon, ang mga banal na kasulatan ay gumagamit ng mga pariralang tulad ng “walang katapusang pagdurusa” at “walang hanggang kaparusahan.” Sabi ni Nakababatang Alma, siya ay “giniyagis ng walang hanggang pagdurusa” (Alma 36:12). Ngunit ang kanyang pagdurusa ay tumagal lamang ng tatlong araw (tingnan sa Alma 36:16). Paano iyan naging “walang hanggan”?
Muli, nilinaw ni Jesus. Dahil ang Ama sa Langit at si Jesus ay walang hanggan at walang katapusan, anumang parusa na ibinibigay Nila ayon sa kahulugan nito ay “walang hanggan” o “walang katapusang” kaparusahan, gaano man ito katagal (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 19:6–12). Tanging ang pagdurusa ng mga anak ng kapahamakan ang talagang magtatagal magpakailanman (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 76:30–38).
Sapat na ang isang binyag—ngunit kailangan nito ng awtoridad.
Madalas itanong sa mga missionary ng mga potensyal na mabibinyagan: Paano kung nabinyagan na ako sa ibang simbahan? Kailangan ko bang muling mabinyagan?
Ipinaliwanag ng Doktrina at mga Tipan na kung wala ang priesthood—ang awtoridad na kumilos sa pangalan ng Diyos—“bagaman ang isang tao ay mabinyagan nang isang daang ulit walang kabuluhan ito para sa kanya” (Doktrina at mga Tipan 22:2).
Kaya ang nararapat na sagot diyan ay “Ang pagpapabinyag mo ay mabuti batay sa alam mo nang panahong iyon. Ngayon ay mas marami ka nang alam, at nais ng Panginoon na kumilos ka ayon sa kaalamang iyon.”
Walang magaling sa lahat ng bagay. At OK lang iyan.
Si Propetang Joseph Smith ay hindi mahusay sa negosyo o ekonomiya. Sa makamundong pananalita, hindi siya naging matagumpay.
Sinabi sa kanya ng Panginoon na magiging ganoon: “Sa mga temporal na gawain ikaw ay hindi magkakaroon ng lakas, sapagkat ito ay hindi mo tungkulin” (Doktrina at mga Tipan 24:9).
Magkakaroon ka ng mga kaibigan at kaklase na nag-aaral sa mas mahusay na mga unibersidad kaysa sa iyo, makakakuha ng mas prestihiyosong trabaho kaysa sa iyo, at magkakaroon ng mas makamundong tagumpay kaysa sa iyo.
Eh ano ngayon?
Ang buhay ay hindi pagalingan. Dapat mong subukang gawin ang abot ng makakaya mo, siyempre. Pero huwag kang mabagabag kung may nakikita kang lumalampas sa iyo sa daan ng buhay. Maaaring hindi kayo pareho ng destinasyon! Patuloy na gawin ang nais ng Panginoon na gawin mo —ang iyong “tungkulin”—at huwag mag-alala tungkol sa Kanyang mga plano para sa iba.
Ang bahay ng Diyos ay isang bahay ng kaayusan.
Madalas ipaalala ng Tagapagligtas kay Propetang Joseph Smith na ang lahat ay dapat gawin “nang maayos” (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 20:68; 28:13; 58:55; 107:84). Kailangan mo ng mga patakaran para walang kaguluhan.
Pero hindi ibig sabihin niyan ay puro paghihigpit na. Halimbawa, sinabi ng Panginoon kay Joseph Smith na “hindi mahalaga kung ano ang inyong kakainin o kung anuman ang inyong iinumin kapag kayo ay tumatanggap ng sakramento”—basta’t ginagawa ninyo ito bilang pag-alaala sa Kanyang pagdurusa at Pagbabayad-sala (Doktrina at mga Tipan 27:2).
Gayunman, pagdating sa pamumuno sa Simbahan, may tiyak na tuntunin. Isang tao lamang sa bawat pagkakataon ang makatatanggap ng paghahayag para sa Simbahan: una si Joseph Smith (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 28:2); pagkatapos ay ang sinumang itinalaga ng Panginoon na “hahalili” (Doktrina at mga Tipan 28:7)—Brigham Young, John Taylor, at iba pa hanggang sa kasalukuyang propeta.
Ang iba pang mga inspiradong lider ng Simbahan ay maaaring magturo, magpayo, at magmungkahi (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 28:4–5). Ngunit tanging ang Pangulo ng Simbahan ang makapagsasalita para sa Diyos tungkol sa mga bagay na nakakaapekto sa buong Simbahan.