Apoy. Mga kutsilyo. Pagsasayaw. At ang Ebanghelyo.
Marso 2025
Apoy. Mga kutsilyo. Pagsasayaw. At ang Ebanghelyo.
Ni Kate Stewart
Mga Magasin ng Simbahan
Tuklasin kung paano nauugnay ang sayaw ng Samoa na Fireknife sa ebanghelyo ni Jesucristo para sa pitong kabataan sa Hawaii, USA.
Mga larawang kuha nina Leslie Nilsson at Marissa Couto
May ilang tao na tumutugtog ng piano. May ilang mahilig magbasa ng libro. Ang iba naman ay mahilig sa gymnastics, soccer, o chess. Hindi gaanong karaniwan, at medyo mahirap pa ngang paniwalaan, na ang ilang tao ay mahilig sumayaw habang pinapaikot ang mga kutsilyo na nagliliyab.
Ang Kasaysayan ng Pagsasayaw ng Fireknife
Ang Samoan fireknife dancing, o ailao afi, ay isang makabagong interpretasyon ng isang tradisyonal na sayaw ng digmaan. Ito ay isang natatanging talento, isang uri ng sining at ekspresyon, at para sa marami, isang paraan ng paggalang sa kanilang kultura.
Ganito ito ipinaliwanag ng tatlong kabataan mula sa Hawaii, USA:
Vivian, 18: “Ayon sa tradisyon, ito ay isang bagay na ginawa ng mga mandirigma sa pamamagitan lamang ng isang kutsilyo. Kalaunan, idinagdag ang apoy at ang pagpapaikot. Medyo katulad ito ng pagpapaikot ng baton, may apoy lang sa magkabilang dulo.”
Tui, 12: “Ang fireknife dancing ay nangangailangan ng matinding init. Kailangan din ng maraming pag-ikot. Inihahagis pa ang kutsilyo at ginagalaw habang iniikot-ikot.”
Joseph, 18: “Kapag magalaw ang apoy, sumisipol ang hangin, at tumutugtog ang mga tambol, talagang napaka-ingay. Pero sa totoo lang, tahimik na espirituwal na sandali ito sa akin, dahil napakaraming kahulugan nito sa akin. Ang fireknife ay isang paraan ng pagkonekta ko sa aking pamilya at sa aking kultura.”
Para sa mga kabataang ito, ang fireknife dancing ay hindi lamang isang kamangha-mangha at pambihirang talento. Itinuro din nito sa kanila ang maraming mahahalagang aral sa buhay tungkol sa pananatiling malapit sa Panginoon sa pamamagitan ng pamumuhay ng ebanghelyo at pagtulong sa iba.
Pagtitiwala sa Panginoon
Joseph A., 18
Sa fireknife dancing, maraming bagay ang maaaring sumablay. Maaaring dumaloy ang gasolina sa hawakan na magpapadulas dito. Maaari ding magbago ang direksyon ng hangin na magpapahirap sa pagsalo sa kutsilyo. Ang pagtitiwala sa Panginoon habang sumasayaw ay malaking tulong sa akin.
Isa sa mga paborito kong talata sa banal na kasulatan ay ang Mga Kawikaan 3:5, na naglalahad tungkol sa pagtitiwala sa Panginoon nang iyong buong puso. Sa palagay ko mahalaga iyan dahil sa sandali ng pagtatanghal matatanto mo na magagamit mo ang lahat ng iniukol mo sa pag-eensayo, pero ang pinakamahalaga ay ikaw, ang fireknife, at ang Ama sa Langit.
Gusto kong idinadalangin sa Ama sa Langit, “Nagawa ko na po ang lahat ng pag-eensanyo, ngayo’y hinihiling ko po na gabayan Ninyo ang aking mga kamay.”
Pag-uukol ng Panahon sa Panginoon
Gary K., 16
Maraming paghahanda ang kailangan para sa mga kumpetisyon sa fireknife dancing. Mga anim na buwan akong nagsasanay araw-araw hanggang sa dumating ang kumpetisyon.
Mahirap rin ito dahil napakaabala ng aking iskedyul. Pero lagi akong nag-uukol ng panahon sa Panginoon sa pamamagitan ng pagsisimba, mga aktibidad ng Young Men, at seminary at pagbabasa ng aking mga banal na kasulatan at pagdarasal. Kapag ginagawa ko ang mga bagay na ito, napapansin ko na may naiiba sa maghapon ko. Nagiging maayos ang lahat.
Talagang nararamdaman ko na nariyan si Cristo para sa akin. Kung magtitiwala ka sa Panginoon at sisikapin mong unahin Siya, tutulungan ka Niya sa anumang kailangan mong gawin.
Pagkakaroon ng Tiwala sa Sarili at Pagbibigay-inspirasyon sa Iba
Vivian K., 18
Habang lumalaki, nakita ko ang pagsasayaw ng mga tito at pinsan ko ng fireknife. Naisip ko na ang sayang gawin niyon, pero hindi ko alam kung magagawa ko mismo ito. Noong high school ako, ginawa kong isa sa mga mithiin ko na matuto kung paano ito gagawin. Nang matuto ako, ginawa kong mas partikular ang aking mithiin: Gusto kong sumali sa isang kumpetisyon sa fireknife.
Ang fireknife ay nakatulong sa akin na magkaroon ng kumpiyansa sa sarili. Kapag sumasayaw ka, may mga partikular na galaw kung kailan ihahagis mo sa ere ang kutsilyo, pagmamasdan ito habang nasa ere, at pagkatapos ay sasaluhin ito. Tinatakbuhan ko dati ang kutsilyo pagkahagis ko. Tinuruan ako ng tatay ko na kailangan kong eksaktuhin ang mga galaw ko at magkaroon ng kumpiyansa sa sarili.
Dahil sa inspirasyon ng kanyang mga kapamilya, nagkakumpiyansa si Vivian sa pagdadala ng sulo.
Sa paglipas ng panahon, nagsimula na akong magkaroon ng kumpiyansa sa sarili habang nagtatanghal at sa lahat ng iba pang bagay. Nakakatuwa talaga kapag kung minsan may naglalapitan sa akin na mga babae at sinasabing nahikayat silang subukan ang fireknife dancing. Sobrang saya ko na naiinspirasyunan ko ang ibang tao na gawin ang isang bagay na inakala nilang hindi nila kayang gawin.
“Ang pagdarasal ay pinoprotektahan ako at tinutulungan akong makapagsayaw nang maganda,” sabi ni Tui.
Daigin ang Takot sa pamamagitan ng Panalangin
Tui M., 12
Kapag nagtatanghal ako, hindi ako kinakabahan. Masayang-masaya ang pakiramdam ko. Natutuhan ko na kahit magkamali ako, pwede ko itong ibahin at pagandahin. Halos parang pagpipinta lang. Kapag nagkamali ang isang pintor, maaari nila itong ibahin at pagandahin. Kung minsan ay nababagsak ko ang aking fireknife, pero pinupulot kong muli at patuloy na sasayaw.
Ang paghihikayat sa sarili ay nakatulong sa akin nang malaki para madaig ko ang aking mga takot. Sa halip na isipin ang, “Paano kung magkamali ako?” Sinisikap kong mas ganito ang maisip, “Eh, paano kung mahusay naman ang nagawa ko!”
Naging routine na rin sa akin ang magdasal nang maikli tuwing bago magsimula ang fireknife dancing. Pinoprotektahan ako at tinutulungan ng pagdarasal na makapagsayaw nang maganda. Kapag nananalangin ako, tiwala ako na makakapagtanghal ako nang maganda.
Manasseh T., 12
Bago ako magtanghal ng fireknife dancing, madalas kabado ako. Tuwing bago ako magtanghal, nagdarasal ako. Minsan, bago ako magtanghal, nagdasal ako, at gumaan na ang pakiramdam ko at hindi na ako kabado. Nang sumayaw ako, parang may nakatayo sa tabi ko para samahan ako.
Nakatulong talaga sa akin ang panalangin na huwag kabahan. Pagkatapos kong magdasal, ang saya na ng pakiramdam ko!
Pagbabahagi ng Mensahe ng Pagmamahal
Kawiki A., 15
Nitong nakaraang tag-init, nagtanghal kami ng fireknife sa Romania at Bulgaria. Laging itinuturo sa amin ng tatay ko na pag-aralan ang “Pag-ibig sa Tahanan” (Mga Himno, blg. 183) sa wika ng mga bansang binibisita namin. Ginagawa namin ito para sabay-sabay naming awitin ito bilang isang pamilya pagkatapos naming magtanghal.
Sa palagay ko mahalaga ang mensahe ng pagmamahal sa tahanan dahil nagpapaalala ito sa atin na magkaroon ng pagmamahal saanman tayo magpunta. Pakiramdam ko ay napapasigla ko ang ibang tao at napapasaya ko sila. At kahit paminsan-minsan ay hindi nila kayang magsalita ng wika ko, alam ko na nadama nila ang ebanghelyong ibinahagi sa pamamagitan ng aming mga talento.
Nainoa A., 13
Mahalaga ang mensahe ng pagmamahal sa tahanan dahil kung hindi alam ng mga tao na may pagmamahal sa paligid nila, baka maging miserable sila. Kapag may pagmamahal sa aking tahanan, payapa at kalmado ako.
Pagbabahagi ng Liwanag sa pamamagitan ng mga Talento
Ang fireknife dancing ay isang paraan ng mga kabataang ito na paningningin ang kanilang liwanag at ibahagi ang kanilang mga talento sa iba. “Nakakapagtanghal ako at naibabahagi ko ang aking mga talento sa buong mundo kasama ang aking pamilya. Pinapasaya nito ang kalooban ko dahil alam ko na kung ibinabahagi mo ang iyong mga talento, maiinspirasyunan mo ang iba,” sabi ni Nainoa.
Ayon sa nakatatandang kapatid ni Nainoa na si Kawiki, ang pagsasayaw ng fireknife ay nagpapaalala sa kanya kung paano nahahawi ng liwanag ang kadiliman. Para sa kanya, ang pagbabahagi ng kanyang mga talento ay tulad ng pagbabahagi ng kanyang liwanag sa iba.
Sabi ni Joseph, kapag nagniningning tayo, nagniningning tayo para sa Ama sa Langit. “Kapag ibinabahagi natin ang mayroon tayo, hindi lamang natin pinagpapala ang ating sarili, o pinagpapala ang mga taong binabahagian natin ng ating mga talento, kundi pinupuri din natin ang ating Ama sa Langit.”
Sinabi ni Vivian na laging ibinabahagi ng kanyang lolo ang banal na kasulatan Mateo 5:16, na naglalahad tungkol sa pagpapaningning ng ating liwanag sa harap ng mga tao. “Palagay ko magandang talata sa banal na kasulatan iyan dahil hindi kailangang maging mahusay ka lang sa fireknife sa pagbabahagi ng ebanghelyo. Maaari kang maging mahusay sa anumang bagay at gamitin ang iyong mga talento upang ibahagi ang ebanghelyo sa ganoong paraan.”