Alisin ang mga Hadlang sa Pagdarasal
Paano natin aalisin ang mga hadlang sa pagdarasal?
Mga paglalarawan nina Andrew Bosley at Derek L. Smith
“Manalangin tuwina.” Ibinigay ng Tagapagligtas ang tagubilin na ito nang 10 beses sa Doktrina at mga Tipan. Nauunawaan natin na ito ay matalinghaga—hindi tayo literal na nakaluhod at nananalangin sa buong maghapon—ngunit kung minsan ay mahirap magdasal kahit dalawang beses sa isang araw! Paano natin maaalis ang mga hadlang?
Ang hadlang: Paglimot
Mga tao tayo. Nangyayari ito.
Isang posibleng solusyon:
Iugnay ang iyong mga panalangin sa isang bagay na ginagawa mo araw-araw, para kapag naisip mo ang bagay na ito, naiisip mo ang isa. Kung sa pakiramdam mo ay antok na antok ka na para makapagdasal pa nang makabuluhan sa paggising mo o bago matulog, iugnay ang iyong mga panalangin sa iba pang mga karaniwang ginagawa mo sa araw at gabi na mas alerto ka, tulad ng pagsisipilyo ng ngipin o pag-inom ng gamot. O mag-set ka ng alarm sa telepono mo!
Ang hadlang: Walang masabing nangyari
Ano ba ang masasabi mo sa umaga kung ang tanging nagawa mo noong huling pagdarasal mo ay matulog?
Isang posibleng solusyon:
Sa umaga magpasalamat sa Diyos sa iyong mga pagpapala, kabilang na ang mga taong pinagpala ang iyong buhay. Ipagdasal mo ang mga taong iyon. Sabihin sa Diyos kung ano ang iyong plano para sa araw na ito at hilingin ang Kanyang patnubay. Sa gabi, ibahagi mo ang nangyari. Sabihin sa Kanya ang lahat ng nangyari sa maghapon na ipinagpapasalamat mo, natutuhan mo, o ikinatuwa mo.
Ang hadlang: Negatibong damdamin
Siguro pakiramdam mo ay hindi ka karapat-dapat dahil sa isang bagay na ginawa mo—o iniisip mong gawin. Siguro may galit ka sa Diyos o sa isang bagay. Siguro wala ka lang gana.
Ang solusyon: Manalangin pa rin
Anuman ang iyong nararamdaman, mauunawaan ito ng Diyos. Kahit kailan, walang sinuman ang “hindi karapat-dapat” na manalangin, at ang diyablo ang gustong magpaisip niyan sa iyo (tingnan sa 2 Nephi 32:8). Mas gusto ng iyong Ama na pakinggan ang iyong di-perpekto at hindi kumpletong panalangin—ang uri kung saan hindi mo binabanggit ang Malaking Bagay na parang ayaw mong talakayin—kaysa walang marinig na kahit anuman mula sa iyo.