2025
Ice Cream, Pagkakaibigan, at Pagmamahal sa Iyong Kapwa
Marso 2025


Paggamit ng Gabay

Ice Cream, Pagkakaibigan, at Pagmamahal sa Iyong Kapwa

Ang pagsunod sa pangalawang dakilang utos ay hindi kasinghirap ng iniisip mo.

mga kabataang babae na may hawak na malalaking ice cream cone

Mga larawang-guhit ni Valentina Vinci

Kapag ang isang kaibigan o kapamilya ay dumaranas ng matinding problema, pinag-iisipan mo bang lutasin ang kanilang mga problema? Mukhang maganda namang gawin iyan.

Pero isipin mo kunwari na magdidiborsyo ang mga magulang ng kaibigan mo. O kaya naman ay binubully ang nakababatang kapatid mo sa paaralan. O dumaranas ng matinding depresyon ang lolo mo. Paano mo aayusin ang lahat ng iyan?

Ang maikling sagot ay hindi mo kayang ayusin iyan. At OK lang iyan. Gayunman, kasabay nito maaari ka namang palaging tumulong. At magugulat ka kung gaano kalaki ang nagagawang pagbabago ng kaunting tulong.

Malalaking Problema, Simpleng Kabaitan

Pinalaki si Foni P. ng isang solong magulang. Noong bata pa siya at nagdadalaga, nasaksihan ni Foni ang paghihirap ng kanyang ina na palakihin nang mag-isa ang tatlong anak. Dahil dito, naghinanakit si Foni sa kanyang ama. Pagkatapos kamakailan, nang mag-19 na siya, nagsimulang makipag-ugnayan ang kanyang ama.

“Nainis ako,” sabi ni Foni. “Ang iniisip ko, ‘May 19 na taon siya para pumasok sa buhay ko pero hindi niya ginawa. Bakit ngayon lang?’” Kahit nagdasal at nagnilay-nilay na siya, hindi pa rin makadama ng kapayapaan si Foni. Medyo nakatulong ang pakikipag-usap niya sa kanyang nanay at tiyahin, pero masama pa rin ang loob niya. Pagkatapos ay may isang bagay na hindi kapani-paniwala (ngunit simple) ang nangyari: Niyaya si Foni ng kanyang matalik na kaibigan na lumabas para mag-ice cream at mamili.

“Maraming tao ang ituturing na maliit na bagay lang iyon,” sabi ni Foni, “pero napakahalaga nito sa akin! Naramdaman ko ang sikat ng araw sa aking balat. Naglalakad kami sa labas, at nakita ko ang mga puno. Nadama ko ang hangin, at kasabay niyon nadama ko ang Espiritu. Napakasaya.”

mga kabataang babae na may hawak na mga ice cream cone

Nalutas ba ng biglaang pamimiling ito ang mga problema ni Foni? Hindi. Aminado si Foni na hindi pa rin maayos ang ugnayan nila ng kanyang ama. Ngunit dahil sa simpleng pagpapakita ng kabaitan na iyon ng kanyang kaibigan, nadamang muli ni Foni ang Espiritu Santo. Mas mahaharap na niya ang kanyang problema nang may dagdag na lakas. “Alam ko na ipinahiwatig ng Espiritu Santo sa kaibigan ko na yayain akong lumabas,” pagbabahagi ni Foni.

Sino ang Nangangailangan sa Iyo Ngayon?

Sa gabay na Para sa Lakas ng mga Kabataan, inaanyayahan tayong “tulungan ang mga taong nalulungkot, nag-iisa, o walang magawa. Ipadama sa kanila ang pagmamahal ng Ama sa Langit sa pamamagitan ninyo” (Para sa Lakas ng mga Kabataan: Isang Gabay sa Paggawa ng mga Pagpili [2022], 12). Ang simpleng pagpapakitang iyon ng pagiging kaibigan ay nagpadama kay Foni ng pagmamahal ng Diyos sa panahong puno ng pagsubok. Sino ang matutulungan mong madama ang pagmamahal na iyon ngayon?