2022
Ang Party ng Pagkakaibigan
Oktubre 2022


Ang Party ng Pagkakaibigan

“Palagay mo ba, magiging masaya sila?” tanong ni Maya.

A girl looking thoughtful while holding a pen and notebook

“Hindi ko alam kung ano ang gagawin para sa aking social goal o mithiin sa pakikipagkapwa,” sabi ni Maya. Umupo siya sa sopa at binuklat-buklat ang kanyang Gabay na Aklat ng mga Bata.

“May nagustuhan ka ba sa mga ideyang mithiin sa buklet mo?” tanong ni Inay.

“Parang masaya po ang pag-welcome sa iba,” sabi ni Maya. “Sabi roon, magpakilala ka sa isang baguhan at ipakilala mo siya sa ibang mga tao.”

Tumingala si Maya mula sa pagkatitig sa kanyang buklet. “Pero wala po akong kakilala na puwede kong i-welcome. Puwede ba ninyo akong samahang magdasal, Inay?”

Naupo si Inay sa tabi ni Maya. ”Mahal na Ama sa Langit,” dasal ni Maya, “tulungan sana Ninyo akong malaman kung sino ang puwede kong i-welcome. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.”

Pagkatapos magdasal, naisip ni Maya ang kaibigan niyang si Jayden. Lagi silang naglalaro kapag bumibisita si Jayden sa lola niya. At ngayo’y lumipat na si Jayden, ang tatay niya, at ang mga kapatid niya sa bahay ng lola niya.

“Si Jayden kaya?” tanong ni Maya kay Inay. “Palagay ko kakaunti pa lang ang kakilala nilang mga bata rito. Siguro makakatulong akong i-welcome sila.”

“Iyon din ang iniisip ko,” sabi ni Inay. “Ano ang gusto mong gawin?”

Nag-isip sandali si Maya. “Siguro po puwede kaming magkaroon ng party ng pagkakaibigan!” sabi niya. “Puwede po nating imbitahan ang ilang bata sa Primary.”

“Mukhang magandang ideya iyan,” sabi ni Inay.

Pumili ng araw sina Maya at Inay para sa party. Tinawagan nila ang tatay ni Jayden at dinalhan ng mga imbitasyon sa mga bata sa Primary. Pagkatapos ay oras na para planuhin ang pagsasaya! Nakaisip ng ilang laro sina Maya at Inay. Naghanda sila ng maraming meryenda at dekorasyon.

Sa wakas ay dumating na rin ang araw ng party. Sabik na sabik si Maya na makilala ni Jayden at ng mga kapatid niya ang lahat.

“Palagay ninyo po ba, magiging masaya sila?” tanong ni Maya.

“Sigurado ‘yan,” sabi ni Inay.

Two boys and two girls at a party

Hindi nagtagal ay dumating na ang lahat. Malaki ang ngiti ni Jayden at ng kanyang mga kapatid. Naglaro sila, kumain ng meryenda, at nagkaroon ng mga bagong kaibigan. Masaya si Maya na makitang nagkakasayahan ang lahat.

“Salamat!” sabi ni Jayden pagkatapos ng party. “Ang saya-saya namin!”

Ngumiti si Maya. Masaya siyang maipadama kay Jayden at sa pamilya nito na welcome sila at minamahal. Tagumpay ang party ng pagkakaibigan!

Page from the October 2022 Friend Magazine.

Mga larawang-guhit ni Olga Lee