Ang Gawain ng Kaligtasan: Talinghaga tungkol sa Isang Gabi, May Isang Ama
Mahal kong mga kapatid, nagpapasalamat ako na makasama kayo sa espesyal na okasyong ito. Makasaysayan ang kaganapang ito dahil kasama natin dito ang 173 bagong mission president at kani-kanilang asawa! Nagmula sila sa 19 na iba’t ibang bansa at itinalagang maglingkod sa 50 bansa sa iba’t ibang panig ng mundo. Ang record number ng mga bagong mission president, pati na ang record number ng mahigit 70,000 missionary, ay mahahalagang palatandaan na pinabibilis ng Panginoon ang Kanyang gawain.
Sumisigla ang gawaing misyonero kapag naririnig natin ang kahanga-hangang mga kuwento tungkol sa conversion ng isang tao. Gusto kong simulan ang mensahe ko ngayon sa pagkukuwento ng inirekord na interbyu kamakailan kay Sister Neill F. Marriott, na sinang-ayunan noong Abril bilang pangalawang tagapayo sa general Young Women presidency. Maraming aral kayong matututuhan kapag nakinig kayong mabuti sa kanyang kuwento.
Isang Pakikipag-usap kay Sister Neill F. Marriott
ELDER NELSON
Sister Marriott, nagkaroon na ako ng pribilehiyong makasama kayo ng mahal mong asawang si David. Pero karamihan sa mga miyembro ng Simbahan ay hindi kayo gaanong kilala. Puwede mo ba kaming kuwentuhan nang kaunti tungkol sa conversion mo sa Simbahan?
SISTER MARRIOTT
Salamat, Elder Nelson. Noong 22 anyos ako lumipat ako sa Boston, Massachusetts, para magtrabaho, at nakilala ko roon ang dalawang miyembro ng Simbahan. At sinabi ng isa sa kanila, “Mormon ako.” At sabi namin ng mga roommate ko, “Ano ‘yung Mormon?”
Kaya sabi ng isa sa kanila, “Gusto ba ninyong magpapunta kami ng dalawang kaibigan namin sa apartment ninyo para masabi nila sa inyo ang mga paniniwala namin?” Kaya makalipas ang mga isang linggo isinama nila ang dalawang kaibigan nila, at noon lang ako nakakita ng mga Mormon missionary. At masasabi ko na napakarami kong tanong.
Pero panay ang punta nila, at sa huli’y binalikan nila ang plano ng kaligtasan. At tandang-tanda ko pa ang gabing iyon. Sabi nila, “Bago ka pumarito, nabuhay ka sa daigdig ng mga espiritu sa piling ng iyong Ama sa Langit. Ikaw ay Kanyang espiritung anak.” Elder Nelson, narinig ko na ang sinabi nilang iyon. Pamilyar iyon sa akin. Hindi ko pa narinig iyon sa buhay na ito, pero alam ko na narinig ko na iyon sa kung saan.
Nang matapos na ang pag-uusap namin sinabi ng isa sa mga miyembro, “May huling tanong lang ako.” Tumingin siya sa akin at sinabi, “Neill, ano ang palagay mo sa Aklat ni Mormon?” At ang mga salitang lumabas sa bibig ko ay, “Palagay ko totoo iyan.” Gulat na gulat akong marinig na sinabi ko ang mga salitang iyon. “Palagay ko totoo iyan.” At—napakatalino niya—hindi niya sinabi kung ano ang dapat kong gawin; sabi lang niya, “Dahil iyan ang palagay mo, ano ang plano mong gawin?” At nangako ako sa kanya nang gabing iyon na taimtim akong magdarasal. Lumuhod ako sa tabi ng kama—may sarili akong kuwarto—at sinabi ko lang na, “Ama sa Langit, kung ito ang tunay na simbahan ng Tagapagligtas sa mundo, magpapabinyag ako. Kailangan ko lang malaman kung ito’y totoo.” At biglang may tinig na nagsabi sa isipan ko o sa puso ko na, “Ito ay totoo.” Ganoon lang. At napatayo ako at sinabi ko, “Ito ay totoo,” na halos hindi makapaniwala sa napakagandang sagot na ito. At tinawagan ko ang mission president kinabukasan at sinabi kong, “Hello, kailangan po akong mabinyagan.”
ELDER NELSON
Ah, palagay ko masaya siyang makausap ka. May nahiwatigan ka ba tungkol sa mga ninuno mo?
SISTER MARRIOTT
Natutuwa ako’t itinanong ninyo iyan dahil pakiramdam ko ang una kong calling sa simbahan ay sinadya para sa akin. Tinawag ako ng bishop at tinanong niya ako kung puwede akong maging miyembro ng genealogy committee.
Sinulatan ko ang dalawang lola ko na mahigit 80 anyos na. Natatandaan ko na ilang linggo ang inabot bago dumating ang sulat at may kasamang kahon ng sapatos na puno ng mga retrato at pangalan sa likuran at maiikling sulat. Kaya naupo ako sa sahig sa kuwarto ko, at pinaggrupu-grupo ko ang mga pamilya—ang pamilya Dade, pamilya Hill, pamilya Ray, pamilya Fielding. At habang pinagbukud-bukod ko sila, bigla na lang akong napatingala. Wala akong nakita, pero punung-puno ang silid. Pakiramdam ko puno ito ng mga taong interesado at masaya sa ginagawa ko. At naramdaman kong naroon sila.
Sa unang dalawa o tatlong taon ng pagiging miyembro ko, naka-70 pangalan na ako, mga 70 pangalan ang napa-endow ko sa templo. Ipapadala ko ang mga ito sa mga kamag-anak dito ni David, ang asawa ko. May sasabihin ako sandali tungkol kay David.
ELDER NELSON
Sige nga. Sabihin mo sa amin kung sino si David.
SISTER MARRIOTT
Napakaespesyal ni David. Isa siya sa mga miyembrong nagtanong sa amin kung may gusto pa kaming malaman tungkol sa Simbahan. At ikinasal kami sa Salt Lake Temple 13 buwan lang matapos akong binyagan.
ELDER NELSON
Hindi ba’t dagdag na benepisyo iyan ng pagiging member missionary?
SISTER MARRIOTT
Oo nga po, inirerekomenda ko ‘yan.
ELDER NELSON
Ngayon, kayo ni David ay may masayang pamilya na. Kuwentuhan mo naman kami tungkol sa pamilya mo.
SISTER MARRIOTT
May 11 anak kami, at nang ikasal kami gusto na naming magkapamilya, magsimula ng pamilya, at nagdatingan na nga ang mga anak. Mababait na mga anak.
ELDER NELSON
May maipapayo ka ba sa ating mabubuting sister na nagsisikap na magampanang mabuti ang pagiging asawa’t ina at tapat na lingkod, isang disipulo ng Panginoon?
SISTER MARRIOTT
Gustung-gusto ko ang mga miting sa Simbahan. Alam kong kakatwang marinig iyan, pero ang tahanan ko ang una sa puso ko. Kaya nga sa bawat calling ko—at tila patung-patong ang mga ito—pamilya ko muna ang inaasikaso ko. May mga miting ako na hindi ko nadaluhan, pero hindi ito nakasagabal sa pamilya ko. Katunayan, itinuro nito sa akin kung paano maging mas mabuting ina.
ELDER NELSON
Mas mabuti kang ina dahil nakakapit ka sa ebanghelyo.
SISTER MARRIOTT
Tama po iyan.
ELDER NELSON
Nagpapasalamat kami sa iyo, sa paglilingkod na ibinibigay mo at ibibigay pa.
SISTER MARRIOTT
Salamat po.
Salamat, Sister Marriott. Hindi ba puno ng inspirasyon at aral ang kuwento niya? Napansin ba ninyo ang pagtutulungan ng mga member at missionary? (Napangasawa pa niya siya.) Talaga bang may malasakit sila sa kanya? Nakita ba ninyo ang papel ng pumanaw na mga kamag-anak na nagmalasakit din sa kanya? Nadarama ba ninyo ang kabutihan ng isang babaeng mahal ang kanyang asawa at mga anak? Nang madama ko ang galak na dumating sa buhay niya at sa sumunod na mga henerasyon, lumakas ang sarili kong patotoo at naragdagan ang kasabikan kong ibahagi ang ebanghelyo.
Kadalasan naiisip natin na hindi magkakaugnay ang mga ginagawa natin sa gawain ng Panginoon. Ito man ay pangangaral ng ebanghelyo sa mga di-miyembro, paglilingkod sa mga bagong binyag, pagpapaaktibong muli ng mga di-gaanong aktibo, pagtuturo at pagpapalakas ng mga miyembrong aktibo, o paggawa ng family history at gawain sa templo, magkakaugnay lahat iyan. Hindi magkakabukod ang mga pagsisikap na ito. Lahat ng ito ay bahagi ng gawain ng kaligtasan.
Ang mga pumanaw na ay nagagalak at sumisigaw ng papuri kapag tinatanggap o binabalikan ng kanilang mga inapo ang ebanghelyo, dahil alam nila na magagawa na ng kanilang mga inapo ang mahahalagang ordenansa sa templo para sa kanila, na siyang nag-uugnay sa kanila sa nakalipas na mga henerasyon. Iyan ang tuntuning natutuhan ni Sister Marriott nang mabinyagan siya. Umaasa ako na magkakaroon ang bawat miyembro ng pagkakataong maranasan ang magiliw na pagmamahal na iyon mula sa kanilang mga ninuno.
Para mailarawan kung paano inaasahan ng Ama sa Langit na mahalin natin ang isa’t isa, gusto kong ikuwento sa inyo ang isang talinghagang pinamagatang “Isang Gabi, May Isang Ama.”
Isang amang nag-aalala ang nakaupo sa kanyang tahanan isang gabi habang tulog na ang kanyang asawa’t mga anak. Bigla niyang naramdaman—isang paghimok—na tingnan ang kanyang mga anak. Naghubad siya ng sapatos at tahimik na nagpunta sa isang silid. Sa kaunting liwanag mula sa isang bukas na pintuan, nakita niyang nakahiga ang dalawa niyang musmos na anak, namamaluktot na nakakumot at tulog na tulog.
Habang pinakikinggan niya ang mahina nilang paghinga, naalala niya ang mga nangyari nang araw na iyon. Narinig niya ang kanilang pagtawa habang naglalaro. Nakita niya ang kanilang mga ngiti nang magpiknik sila at ang hagikgikan nila nang mahuli silang pinakakain ng sorbetes ang aso. (Mas madaling pagpasensyahan ang mga bata kapag tulog sila.) Habang natutulog sila, inisip niya kung ano ang kailangan nila at paano niya sila matutulungan. Nakadama siya ng matinding pagmamamahal at pagnanais na protektahan sila.
Patingkayad siyang pumunta sa pangalawang silid kung saan naroon dapat ang dalawang nakatatanda niyang anak. Nakita niya ang dalawang kama, ngunit kinabahan siya nang makita niyang walang nakahiga sa isang kama.
Dali-dali siyang pumunta sa study room, kung saan niya natagpuan ang anak nang minsang mawala ito. Nadatnan niya ang anak na nakaupo, tahimik na nagbabasa ng aklat.
“Hindi po ako makatulog,” sabi nito.
Umupo siya sa tabi nito. Kinumusta niya ang mga nangyari sa anak sa maghapon, ang mga kaibigan nito, ang mga mithiin at pangarap nito. Maya-maya bumalik na ang anak sa kama, at muling tiningnan ng ama ang mga anak bago patayin ang mga ilaw at matulog.
Kinaumagahan, tumulong ang ama sa kanyang mahal na asawa na maghanda ng almusal. Naghain siya ng pagkain para sa bawat anak, pati na sa bunso, na mas mahabang matulog. Nagising ang mga anak sa masarap na amoy ng pagkain mula sa kusina, at mabilis at naghahagikgikang nagpuntahan doon.
Pero walang nakaupo sa isang silya. Pinaghintay sila ng ama habang ginigising niya ang anak na wala roon. Maya-maya, sama-sama nang nag-almusal ang buong pamilya.
Ano ang matututuhan natin sa simpleng talinghagang ito? Sinunod ng ama ang nagtutulak sa kanyang tingnan ang mga anak. Sinuri niya ang samahan nilang mag-aama. Hinanap niya ang nawawalang anak. Ginawa niya ang lahat ng ito dahil sa pagmamahal. Hindi niya ito ginawa dahil sa nabasa niya sa handbook. Walang nag-utos sa kanya ng mga gagawin. Sinunod niya ang kanyang nadarama.
Gayon din sa gawaing misyonero. Ang pinakamahuhusay na missionary ay laging kumikilos dahil sa pagmamahal. Pagmamahal ang nagpapadali at nagpapasigla sa gawaing misyonero.
Minahal ng ama sa talinghaga ang bawat anak niya. Tayo man ay dapat kumilos nang may pagmamahal para tulungan ang lahat, hindi ang ilan lamang. Dumarating ang mga pagkakataon sa iba’t ibang paraan, at ang malungkot, ilan sa mga ito ay pinalalampas natin.
Heto ang halimbawa mula sa sarili kong pamilya. Lahat ng walo kong lolo’t lola sa tuhod ay sumapi sa Simbahan sa Europa. Lahat silang walo ay nandayuhan sa Amerika. Ang ebanghelyo ang lahat-lahat sa kanila. Gayunman, ilan sa mga kaanak ng mga magulang ko ang nawala sa Simbahan kalaunan. Bunga niyon, lumaki ako na hindi aktibo sa Simbahan ang mga magulang ko.
Sa maraming taon na nagpakadalubhasa ako sa medisina, malayo ang tirahan naming mag-asawa sa mga magulang namin, at nasa iba’t ibang bansa naman ang mga aming mga anak. Dahil lagi akong nag-aalala, at nagdadalamhati, sa magiging kalagayan ng aking mahal na mga magulang sa kawalang-hanggan, sumulat ako nang taos-puso sa bishop nila. Kilalang-kilala ko siya at malaki ang pag-asa kong makakatulong siya. Isinulat ko kung gaano ko kamahal ang aking mga magulang at hiniling sa butihing bishop na ito na mangyaring mag-anyaya o tumawag siya ng magtuturo ng ebanghelyo sa mahal kong Inay at Itay.
Kalaunan, natanggap ko ang sagot ng bishop nila. Isinulat niya na ikinalulungkot niya na wala siyang matawag na magtuturo sa mga magulang ko!
Nawalan ako ng pag-asa sa sagot ng bishop. Wala ni isang makakatulong sa kanya!
Sa panahon natin ngayon, hindi dapat mangyari iyan! Hindi kailangang muling mawalan ng makakatulong ang bishop! Ngayon ang mga bishop ay may mga ward council, ward mission leader, at missionary, na handa, gusto, at kayang tulungan ang mga magulang ng nagsusumamong mga anak.
Maraming taon kalaunan, ganap na nagbalik-loob sa Panginoon ang mga magulang ko. Ibinuklod sila sa templo at ibinuklod sa kanila ang kanilang mga anak. Ngunit hindi ko malilimutan ang aral na natutuhan ko sa kanilang karanasan. Iba ba ang pagtingin ng mapagmahal nating Ama sa Langit, na nag-utos sa ating ipangaral ang ebanghelyo sa bawat tao, sa mga taong hindi pa nakarinig sa ebanghelyo at sa mga nakarinig na nito ngunit nalimutan na ito?
Siguradong ang sagot ay hindi. Ang gawain ng kaligtasan ay para sa lahat! Ang mga missionary at miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay inatasang gumawa sa ubasan ng Panginoon para sa kaligtasan ng mga kaluluwa ng tao. Kabilang dito ang nararapat na pagkilos ng member missionary, sa pagpapaaktibo ng mga di-gaanong aktibong miyembro, at paghahanda sa mga anak ng Diyos para sa mga pagpapala ng templo. Nais ng Diyos na makabalik sa Kanya at maging karapat-dapat sa buhay na walang hanggan ang lahat ng anak Niya.
Ang gawaing misyonero sa kaharian ng Panginoon ay isang pagsagip. Ang minamahal nating Pangulong Thomas S. Monson ay paulit-ulit tayong tinuruan na tumulong tayo sa pagsagip. Sabi niya, “Maaari nating abutin ang mga tao na nasa ilalim ng ating pananagutan at dalhin natin sila sa hapag-kainan ng Panginoon upang magpakabusog sa Kanyang salita at upang matamasa ang paggabay ng Kanyang Espiritu.”
Sa dakilang gawaing ito, hangad nating magdala ng mga kaluluwa kay Cristo na nakagawa na ng kanilang mga unang tipan, at hangad din natin na matamong muli ng mga kaluluwang nakalimot ang mga tipang nagawa na nila. Ganito ang paliwanag ni Pangulong Joseph Fielding Smith. Sabi niya, “Ang magligtas ng mga kaluluwa ng mga nagsialis sa kawan ay karapat-dapat at kapuri-puri, at nagdudulot ng kagalakan sa langit, tulad din ng pagliligtas ng mga kaluluwa sa malalayong dako ng daigdig.”
Sa bawat ward, may dalawang tao na nagtatakda ng pagsulong ng gawaing misyonero. Sila ang bishop at ang ward mission leader. Hawak ng bishop ang mga susi sa pamamahala ng gawain. Itinuturo sa Handbook 2 na “ang bishop at kanyang mga tagapayo ay inuuna ang gawaing misyonero ng miyembro. Regular nilang itinuturo ang mga doktrina ng gawaing misyonero. Hinihikayat nila ang mga miyembro ng ward na tulungan ang mga full-time missionary na maghanap, magturo, at magbinyag ng mga investigator. Nagpapakita sila ng halimbawa sa pamamagitan ng paghahanap at paghahanda ng mga indibiduwal at pamilyang patuturuan sa mga missionary.”
Sa ilalim ng inspiradong tungkulin ng bishop, pinamumunuan ng ward mission leader ang gawaing misyonero. Siya ang namamahala, nangangasiwa, nag-assikaso, nag-oorganisa, tumutulong, nakikibahagi, dumadalo, o dili kaya’y namumuno sa gawaing misyonero sa ward. Regular siyang nagdaraos ng mga missionary coordination meeting kasama ang mga full-time missionary at tinitiyak na naanyayahan silang makibahagi sa mga ward council meeting kung nararapat. Ang ward mission leader ang laging katuwang ng mga missionary at siyang tumutulong sa kanila sa paghahanap ng matuturuan, nagpapayo sa kanila, at namamahala sa lahat ng maitutulong ng ward. Kabilang dito ang pagtukoy sa mga miyembrong handang sumama sa exchanges ng mga missionary, idaos ang mga pagtuturo sa bahay nila, magpahiram ng sasakyan, at samahan ang mga missionary sa pagtuturo sa mga miyembrong hindi nila kapareho ang kasarian.
Ang ward mission leader ay may dagdag na tungkulin. Kayong mga ward mission leader, tandaan ninyo ito: hinihiling naming gampanan ninyo ang bagong responsibilidad na ito. Kilalanin ninyo ang mga missionary. Kaibiganin sila. Makipagtulungan sa kanila. Tulungan silang punuin ang kanilang appointment book ng mga makabuluhang oportunidad at nakatakdang pagtuturo upang hindi na sila magbahay-bahay sa paghahanap ng mga taong tuturuan.
Sa pamamahala ng bishop, itinutuon ng mga ward mission leader at full-time missionary ang kanilang mga pagsisikap sa bago, di-gaanong aktibo, at nagbabalik-loob na mga miyembro at kanilang pamilya. Nagtutuon sila sa mga kaibigan, mga pamilyang hindi lahat ng kapamilya ay miyembro at kanilang mga pamilya at kaibigan, interesadong mga kapitbahay at kaibigan ng mga miyembro ng ward, at iba pang mga handang makinig.
Sinasabi sa atin sa mga Handbook kung ano ang dapat nating gawin ngunit hindi kung paano natin ito dapat gawin. Walang script kung ano ang dapat nating sabihin, ni walang mga partikular na gagawin para maihatid ang galak ng ebanghelyo sa buhay ng mga tao.
Mula sa ating talinghaga nalaman natin na walang aklat na nagsasabi sa magulang ng dapat gawin kapag nawawala ang anak. Ngunit sinong magulang ang hihintayin pang maisulat ang isang handbook bago hanapin ang anak? Ang mabubuting lider, tulad ng mabubuting magulang, ay kumikilos dahil sa pagmamahal. Kapag kumilos sila dahil sa pagmamahal, gagabayan at tutulungan sila ng Espiritu na maunawaan na kailangan ng bawat tao ang tunay na malasakit para matulungan silang magalak sa buhay na nakaayon sa pamamaraan ng Panginoon.
Ang ward mission leader ang nag-uugnay sa mga missionary, sa ward council, at sa mga miyembro ng ward. Paano niya magagawa ito? Paano niya mapapasabik sa gawaing misyonero ang bawat miyembro ng ward council na katulad ng nadarama niya?
Ipapakita namin sa video kung paano ito ginawa ng ward mission sa Edmunds Third Ward sa Stillwater Oklahoma Stake. Nagawa niyang baguhin ang nakagawiang pamamaraan ng buong ward niya sa gawaing misyonero!
Ang Ward Mission Leader sa Gawain ng Kaligtasan
CHRIS EUBANKS
Nasa gitna kami ng isa sa pinakamatitinding tagtuyot na naranasan namin sa loob ng 50 taon.
Kasabay ng tagtuyot, hindi rin gaanong sumusulong ang gawaing misyonero sa stake namin. Alam ko na sa ward namin, tatlong taon na kaming walang convert baptism.
PRESIDENT BOWMAN
Nag-alala kami bilang presidency sa nangyayari, at nagpulong kami. Kaya nagpadala kami ng liham sa mga miyembro na samahan kaming mag-ayuno para sa gawaing misyonero at sa tagtuyot.
CHRIS EUBANKS
Natanggap namin ang liham na ito, at nag-ayuno ang buong stake at iba pang mga stake, at agad nagsimulang sumulong ang gawaing misyonero.
Nagbukasan ang mga dike, at nagsitulong ang lahat.
Dumating si Elder Bowen ng Pitumpu sa lugar na ito at nagbigay ng missionary training. Isa sa mga sinabi niya ay, “Ang mga full-time missionary sa inyong ward o branch ay nariyan lang para tulungan kayo sa gawaing misyonero.”
Tungkulin nating mga miyembro ng Simbahan na aktibong makibahagi sa gawaing ito at anyayahan ang ating mga kaibigan at pamilya sa simbahan.
PRESIDENT BOWMAN
Hindi mangyayari ito kung walang mga full-time missionary o mga miyembrong kikilos. Iyan ang mithiin namin, ang hikayatin ang mga ward mission leader at ang ward council talaga ang namamahala rito, at hindi ang mga full-time missionary.
BISHOP
Tungkulin ng ward mission leader na kausapin ang bishop at ang ward council at bumuo ng ward mission plan at saka subukang isagawa ang planong iyan, na tulungan ang mga miyembro na maghanap at makipagkaibigan sa mga taong patuturuan sa mga full-time missionary.
CHRIS EUBANKS
Ang sinikap lang naming gawin ng assistant ward mission leader ko at ng mga missionary ay panatilihing puno ng mga taong tuturuan ang kalendaryo ng mga missionary. Mula nang umusad ang gawaing misyonero nitong nakaraang taon, nagsimula kami sa dalawa, tatlo, apat na lesson na itinuro na may kasamang miyembro bawat linggo at naging 10 hanggang 12 lesson ito. Nitong nakalipas na ilang buwan nakaka-14 hanggang 16 kami, at ang mithiin namin ngayon ay makapagturo ng 20 lesson kada linggo na may kasamang miyembro.
Habang inoobserbahan ko ang pagbabagong ito sa aming ward at sa stake, madali talagang makita ang dalawang pangunahing aspetong nagpabilis sa gawaing misyonerong ito, at iyon ay ang pakikibahagi ng mga miyembro sa gawaing ito at pag-aanyaya sa iba na magsimba o magpaturo sa mga missionary. Kaya tinutulungan ko ang pamilya ko at ang iba pang pamilya sa ward na humanap ng mga pagkakataong ibahagi ang ebanghelyo sa iba.
TRISH GAUVIN
Ako si Trish Gauvin. Siya si Mark Gauvin.
MARK GAUVIN
Nabinyagan kami noong Enero 26, 2013.
CHRIS EUBANKS
Napakagandang kuwento nito tungkol sa gawaing misyonero ng miyembro. May isang pamilya kami sa ward na naging kaibigan nila; ipinakilala sila nito sa isa pang pamilya. Nakilala ng mga anak nila ang ibang mga bata sa ward namin, at naging magkakaibigan sila.
TRISH GAUVIN
Naniniwala ako na may dahilan ang Diyos kaya maraming miyembro kaming nakilala sa Simbahan.
CHRIS EUBANKS
At humantong iyan sa mas seryosong pakikipagtalakayan sa mga missionary, at palagi na silang nagsisimba mula noon.
TRISH GAUVIN
Nakita ko kung paano naimpluwensyahan ng ebanghelyo ang kanilang buhay at paano sila naging liwanag sa amin.
CHRIS EUBANKS
Mahalaga na makilala ng ating mga miyembro at ng ating mga missionary ang isa’t isa. Pero higit pa riyan, napakahalagang makilala ng ating mga miyembro ang mga investigator at kaibiganin sila.
MARK GAUVIN
Napapanatag ka kapag nakakilala ka ng ganyang klaseng mga tao dahil alam mo na malaya kang magtanong. Malaya kang alamin at matutuhan ang isang bagay na hindi mo alam. Hindi ka huhusgahan.
TRISH GAUVIN
Palagay ko para akong si Joseph Smith nang magpunta ako sa iba’t ibang simbahan. Nadama ko na may napakahalagang bagay na wala roon, at hindi ko iyon natagpuan. Akma ito. Akma ito sa pamilya ko; akma ito sa buhay ko.
CHRIS EUBANKS
Ang tagtuyot o di-pagsulong ng gawaing misyonero sa lugar na ito ay malinaw na nagwakas na, at patuloy itong lumalakas sa bawat araw. At alam kong hindi na ito hihina pa kahit kailan.
Ito ang dakilang gawain sa mga huling araw. Ito ang dahilan kaya tayo naririto, ang tipunin ang Israel. At para sa akin at sa lahat ng miyembro ng Simbahan, responsibilidad nating ibahagi ang ebanghelyo sa pinakamaraming taong mababahaginan natin.
Nagpapasalamat kami kay President Kent W. Bowman at sa kanyang butihing ward mission leader sa pagpapakita sa atin kung paano nagtulungan ang ward mission leader at ang mga missionary. May iisang layunin at nagkakaisa ang pananaw, nalaman nila ang espirituwal at temporal na mga pangangailangan ng mga mahal nila. Oo, ang tunay na mga pagpapala at gawain ng ward council ay hindi nagaganap sa kanilang mga pulong, kundi sa piling ng mga taong kanilang tinuturuan.
Sa ating talinghaga, maaari ninyong ipalagay na kinakatawan ng ama ang ward bishop o ward mission leader. Ang totoo, maaaring katawanin ng ama roon ang sinumang miyembro ng Simbahan. Nang may pagmamahal, magagawa ng bawat isa ang gagawin ng Mabuting Pastol para magplano at sumagip. At mapanalangin itong magagawa ng bawat isa sa inspirasyon ng Ama nating lahat.
Sa patnubay ng langit, hindi na kailangang hintayin ng bawat ward auxiliary leader na atasan pa sila ng kanilang bishop o ward mission leader. Madarama nila na “tila kumpleto na ang ating kawan kapag naghanda tayo ng lugar sa hapag-kainan para sa lahat ng dapat na naroon, hindi lang para sa mga darating.” Gugustuhin ng bawat miyembro na hanapin ang mga hindi pa kasapi ng Simbahan o yaong kailangan ng tulong na madamang muli ang galak na dulot ng ebanghelyo. Kikilos sila dahil sa inspirasyon, at pagmamahal.
Kapag sinusunod natin si Jesucristo, kikilos tayo kung paano Siya kikilos at magmamahal kung paano Siya magmamahal. Isinasagawa ang Kanyang gawain sa paisa-isang kaluluwa! Nagsisikap tayo dahil mahal natin ang ating kapwa at ang ating Ama sa Langit, na Ama nating lahat.
Oo, ang Diyos ay ating Ama! Si Jesus ang Cristo! Ito ang Kanyang Simbahan! Tayo’y Kanyang mga lingkod! Pinatototohanan ko ito sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.