Library
Isang Espirituwal na Gawain


Isang Espirituwal na Gawain

ELDER ANDERSEN

Mahal kong mga kapatid, isang malaking pagpapala sa buhay ko ang makasama kayo sa inyong mga stake nang halos linggu-linggo. Sa bawat bansa at kultura, kami bilang mga General Authority ay nagkaroon ng pribilehiyong madama ang inyong kabutihan at pananampalataya sa Panginong Jesucristo. Alam naming mahal Niya kayo, at nagagalak kami na nais ninyong tularan Siya at sundin ang Kanyang mga utos. Pinasasalamatan namin kayong mga stake at ward council sa pangangalaga sa kaharian ng Diyos at pagiging kasangkapan sa Kanyang mga kamay sa paglilingkod sa Kanyang mga anak.

Sa paglilingkod natin sa mga ward council at presidency, lagi nating ipinapaalala sa ating sarili na ang ating gawain ay espirituwal na gawain. Bagama’t nagpupulong tayo sa mga council meeting, ang ating gawain ay nagsisimula sa pagluhod at pagdarasal na gabayan tayo ng Panginoon. At bagama’t nagpaplano tayo ng mga gagawin, kadalasang naisasagawa natin ang Kanyang pinakamahalagang layunin kapag umalis na tayo sa mga pulong at naglingkod sa Panginoon. Sama-sama tayong kumikilos nang may pananampalataya at pagkakaisa--pananampalatayang gagabayan ng Panginoon ang ating mga hakbang at pakikipagkaisa sa isa’t isa at sa mga missionary, na laging pinasisigla ng pagmamahal natin sa Kanya, sa isa’t isa, at sa ating mga pinaglilingkuran.

Ang espirituwal na mga alituntuning ito ay bahagi na noon pa man ng gawain ng Panginoon. Tiyak kong makikita ito sa ward council ninyo habang magkakasama kayong naglilingkod.

Ibabahagi ko sa inyo ang tatlong kuwentong totoong nangyari mula sa isang assignment ko ilang linggo pa lamang ang nakararaan sa Tampa, Florida. Habang nanonood kayo, isipin ang magagandang nangyayari sa inyong ward council.

Ang unang kuwento ay nangyari sa ward council sa Brooksville, Florida.

BISHOP CICCARELLO

Nang tingnan namin ang aming mga attendance roll, napansin namin ang isang pangalan doon na hindi namin kilala. Si Sister Kane iyon. Sa mga ward council namin nagbibigay kami ng mga assignment para mabisita ang iba’t ibang pamilya, at ang mga miyembro—nakakita ako ng pagbabago kung saan tumulong sila at talagang nagboluntaryo—“Bishop, sasama ako.”

ELDER ANDERSEN

Ito ang pinakamahalaga sa ating sagradong gawain—ang makadama ng espirituwal na impresyon at maging handang sundin ito. Sa Brooksville Ward, si Sister James ang nagboluntaryo.

SISTER KANE

Binisita ako ni Sister James at ng ilang missionary. At niyaya niya ako sa ilang aktibidad at mga bagay na naging dahilan para magkaroon ako ng kaibigan sa Simbahan. At, alam mo, iba ang pakiramdam na alam kong masaya sila na bumalik ako.

ELDER ANDERSEN

Kapag dumalo tayo sa ward council nang may panalangin, darating ang mga paghahayag. Nagboluntaryo si Sister James, binigyan siya ng assignment, at naganap ang mga himala. Di-nagtagal, ang asawa ni Sister Kane, na hindi miyembro ng Simbahan, ay nadama na rin ang inspirasyon ng Panginoon.

SISTER KANE

Isang araw ng Linggo, walang anu-ano—ilang linggo na siyang hindi nakasama sa amin na magsimba—sabi niya, “Palagay ko sasama ako sa inyong magsimba ngayon.”

BISHOP CICCARELLO

Nagsimba si Brother Kane, at pagkatapos ng sacrament meeting ay umalis na siya. Nakita ko si Sister Kane at itinanong ko kung nasaan ang asawa niya. Sabi niya, “Naroon siya sa parking lot. Uuwi na.” At itinanong ko kung okey lang na magpakilala ako sa asawa niya. Kaya nagpakilala ako.

ELDER ANDERSEN

Ang ward council, ang mga missionary, si Sister James, ang bishop—nakikita ba ninyo ang pagkakaisa nila? Kasunod niyan ay nagkaroon ng inspirasyon ang bishop na anyayahan sina Brother at Sister Kane na makipag-usap sa stake president.

BROTHER KANE

Sabi niya, “Alam mo, gusto kong magsimba ka at sumapi sa Simbahan. Ano sa palagay mo?” At naisip ko, “Wow, nakakatuwa naman na may nagtitiwala sa akin at talagang gusto ako.” Nakakatuwa na may nagmamalasakit sa iyo, ‘di ba?

ELDER ANDERSEN

Ang nadama ni Brother Kane noong kasama niya ang stake president ay matagal na niyang naramdaman. Nadama niya ang pagmamahal ng Panginoon sa kanya nang ipadama ito ng mga lider, mga miyembro, at mga missionary na nagkakaisa.

BISHOP CICCARELLO

Mula noon inanyayahan na namin siya sa mga sacrament meeting. Dahil sa masayang pagtanggap sa kanya ng ward at sa nadama niyang Espiritu pagkatapos dahil sa pagmamahal namin ay talagang nagsimula siyang magbago.

ELDER ANDERSEN

Nang makausap ko ang ward council sa Brooksville, ipinahayag ni Bishop Aaron Ciccarello ang nadama ng lahat.

BISHOP CICCARELLO

Malaki ang pagbabago dahil ipinadama namin ang pagmamahal sa mga taong ito. Pinagtulungan naming lahat ito, at puro lider kami na hindi perpekto. Ang pinakamalaking kaibhan ay alam namin na ito ay gawain Niya; hindi Niya kami hahayaang mabigo kung gagawin namin ang aming makakaya.

ELDER ANDERSEN

Napakahalaga nito: kapag ginawa natin ang ating makakaya, hindi Niya tayo hahayaang mabigo. Lahat tayo ay nakakaramdam ng kakulangan sa kakayahan. Ngunit sabi nga ni Pangulong Monson, “Kapag tayo ay nasa paglilingkod ng Panginoon, may karapatan tayo sa tulong ng Panginoon.” Naghihintay tayo sa Panginoon, batid na susundan ng mga himala ang ating pananampalataya.

Sinabi ni Nephi na siya ay “pinatnubayan ng Espiritu, nang sa simula ay hindi pa nalalaman ang mga bagay na nararapat [niyang] gawin” (1 Nephi 4:6). Ito ang dapat gawin ng isang disipulo. Hindi natin palaging alam ang mangyayari sa hinaharap, ngunit alam ng Panginoon, at kapag nagtiwala tayo sa Kanya, aakayin Niya tayo, at susunod ang Kanyang mga himala. Gustung-gusto ko ang pahayag na ito ng Panginoon, “Ako ay Diyos ng mga himala; … at hindi ako gumagawa sa mga anak ng tao maliban kung ito ay naaayon sa kanilang pananampalataya” (2 Nephi 27:23).

Angkop ang alituntuning ito sa bawat bansa, kultura, at wika. Noong nasa Hong kong ako nitong nakaraang buwan, ginamit ko ang maliit kong video camera para irekord ang mga nasa isipan at damdamin ng ilang lider ng Simbahan natin doon.

ELDER ANDERSEN

Bishop Chek, nakatukoy ka na ba ng tatlo o apat na pamilya na puwede kayong matulungan ng mga missionary na ibalik sa pagkaaktibo?

BISHOP CHEK

Opo, may naibalik na nga po kaming pamilya. Ang pamilya Wong ay 5–6 na taon nang hindi nagsisimba. Dinalaw ng mga missionary ang pamilya. Ipinag-ayuno at ipinagdasal namin ang pamilya. At noong handa na sila, ibinalik namin sila.

SISTER MOK

Lagi tayong tutulungan kapag nananalig tayo.

ELDER ANDERSEN

Kapag kumilos tayo nang may pananampalataya, kadalasang iba sa inaasahan natin ang mga pagpapalang ibinibigay ng Panginoon ngunit higit na mabuti kaysa iniisip natin. Ilalarawan ng ating pangalawang kuwento ang alituntuning ito. Nagsimula ito kay President Victor Patrick ng Tampa Florida Stake. Humingi sila ng kanyang pamilya ng gabay sa Panginoon at nainspirasyunan silang imbitahin ang mga kaibigan at kapitbahay nila sa binyag ng kanilang anak.

PRESIDENT PATRICK

May kaunting dumating, pero wala ni isang nagsabi na interesado sila sa Simbahan. Kaya sa isang stake meeting ipinaliwanag ko, “Ito ang plano ko, ito ang ginawa natin, at ayos naman. Maraming dumalo sa binyag, pero wala pa ring nangyayari hanggang ngayon.” Nasa miting na iyon si Sister Palmer.

MELISSA PALMER

Noong nakaraang taon narinig ko ang mensahe ni President Patrick, at binanggit lang niya na namigay ng imbitasyon ang asawa niya sa kaarawan ng anak nila, na may nakasingit na imbitasyon sa binyag. Kaya naglagay rin ako ng maikling sulat-kamay na iniimbita silang lahat sa binyag. Kaya lang …

PAREHO

Walang dumating. [Tawanan]

BRAD PALMER

At wala kaming kamalay-malay noon, pero isa pala sa mga kapitbahay namin ang inihahandang tanggapin ang ebanghelyo.

ELDER ANDERSEN

Binigyang-inspirasyon ng Panginoon sina President Patrick at Sister Palmer, ngunit hindi para sa himalang inaasahan nila. Hindi natin laging makikita ngayon ang mangyayari sa huli. Nagtitiwala tayo sa Panginoon at naglilingkod sa Kanya, batid na sa sarili Niyang panahon at pamamaraan, isasagawa Niya ang Kanyang mga himala. Habang hinihikayat ng Panginoon sina President Patrick at Sister Palmer, inihahanda rin Niya si Sister Valerie Adams, isang di-gaanong aktibong miyembro na mahigit sampung taon nang hindi nagsisimba. Ang anak ni Sister Adams na si Braden at si Rhett Palmer ay magkaibigan na sa eskuwela.

ELDER ANDERSEN

Kuwentuhan nga ninyo kami kung paano nagsimula ito sa pamilya ninyo.

SISTER ADAMS

Una, napanaginipan ko noon ang Simbahan. Pero wala namang kakaiba. Mga dalawang linggo kalaunan, kumatok sa pintuan ko ang isang guwapong bata, at inabutan niya ako ng imbitasyon para sa kaarawan niya. At sa loob ng imbitasyong iyon, may nakaipit na isa pang imbitasyon. At dala ko nga ngayon ang imbitasyong iyan.

ELDER ANDERSEN

Oh, patingin nga.

SISTER ADAMS

Opo, itinabi ko ito kasi napakaespesyal nito.

SISTER ADAMS

Kaya nang basahin ko ito luminga-linga ako na hindi makapaniwala.

ELDER ANDERSEN

Dahil may nagmamalasakit sa iyo.

SISTER ADAMS

Ganoon nga po, at ito ang palatandaan. Kaya pumunta ako sa birthday party. Pumasok ako at sinabi ko lang, “Hi, ako si Valerie at miyembro ako ng Simbahan.”

ELDER ANDERSEN

Agad naipadama kay Valerie at sa kanyang pamilya ang pagmamahal at pakikipagkaibigan ng mababait na miyembro at missionary. Ang mga missionary ang naging mga guro. Di-nagtagal, bumalik si Valerie sa Simbahan. Si Derek, na kanyang asawa, ay nabinyagan, at bininyagan naman nito si Braden.

Nakikita ba ninyo kung paano isinasagawa ng Panginoon ang Kanyang gawain? Kilala ng ating Ama sa Langit ang Kanyang mga anak. Nakikinig Siya sa kanilang mga panalangin. Alam Niya kung sino ang naghahanap sa Kanya, at dadalhin Niya tayo sa kanila. Tulad ng sinabi ni Ammon sa Aklat ni Mormon: “Sila ay nasa mga kamay ng Panginoon ng anihan, at sila ay kanya” (Alma 26:7).

May isang mahalagang alituntunin ng pananampalataya na gumabay sa buhay ng ating propetang si Pangulong Thomas S. Monson. Sinabi niya: “Ito ay hindi natin magagawa sa pangangarap lamang. Inaasahan ng Panginoon … na tayo’y kikilos.” Binibigyang-diin ng ating pangatlong kuwento ang tuntuning ito. Nagsimula ito kay Bishop Rodney Kelly, na nadama na kailangan niyang hikayating kumilos ang ward.

BISHOP KELLY

Nahihirapan kaming magkaroon ng mga bagong binyag sa ward namin. Kakaunti ang nabibinyagan, at natanto namin na hindi kami bibigyan ng Panginoon ng mga bagong miyembro hangga’t hindi namin napangangalagaan ang mga miyembro ng aming ward.

ELDER ANDERSEN

Alam ng bishop at ng ward council na hindi sapat na pag-usapan lang ang mga tao. Kailangan nilang kumilos.

BISHOP KELLY

Kaya kami sa bishopric ang nauna, at inalam namin ang ilang pangalan ng mga miyembro na hindi namin kilala at hinanap sila. Inanyayahan namin ang PEC na sumama sa amin, pagkatapos ay inanyayahan na rin namin ang buong elders quorum at high priests group. At hiniling namin na ilaan nila ang isang Martes o Huwebes ng gabi kada buwan para dito.

ELDER ANDERSEN

Nang tumulong ang mga ward leader at missionary sa paghanap at pagtulong sa iba, ang laki ng pagbabago sa ward. Nadama nang lubos ang Espiritu ng Panginoon. Napansin ng mga full-time missionary ang kaibhan.

ELDER LYONS

May mission leader kami na tinatawagan kami araw-araw, pero hindi lang iyan, pati ang bishop ay wala ring tigil sa katatawag sa amin at ang mga miyembro—lahat ng miyembrong tumutulong sa amin ay halos araw-araw din kaming tinatawagan o tine-text o tinatanong kung ano ang maitutulong nila.

ELDER ANDERSEN

Ibinahagi sa akin ng mga lider at missionary mula sa Tampa Fourth Ward ang mga naranasan nila noong bisitahin ko ang ward council meeting nila.

BROTHER BARNHILL

Noong una akong dumalo sa ward council, at magsalita tungkol sa lingguhang mga pagbisita, inisip ko, “Mahirap ‘yan.” Pero noong kumilos na ako at bumisita sa mga tao at sinunod ang mga tagubilin at paggabay ng bishop, ang saya pala.

RELIEF SOCIETY PRESIDENT

Nakakita ako ng pagbabago rito sa mga sister, at mas handa silang tumulong pa at gumawa ng mga bagay na kailangan nilang gawin at ipadama sa lahat na mahal at tanggap sila.

BISHOP KELLY

Kapag may nagaganap na mga espirituwal na sandali, nasa tamang lugar tayo. Gusto ng mga aktibong miyembro sa ward na maranasan ang mga espirituwal na sandaling iyon.

SISTER BOWE

Sa unang pagbisita namin, pinaggrupu-grupo nila kami. At nagpasigla iyon sa akin, na malaman na narito ako para turuan ang mga tao at ibalik sila sa Simbahan at tulungan ang ward.

ELDER ANDERSEN

Sa paglalakbay ko sa Asia apat na linggo na ang nakalipas, bumisita ako sa India. Nauunawaan ng mga lider doon ang mga espirituwal na katotohanan ding ito. Nagbahagi sila ng kanilang mga kaalaman na inirekord ko sa maliit na kamerang dala ko.

PRESIDENT BENGANPA

Binibisita namin sila sa bahay. Oo, binibisita namin sila sa bahay. At sinisikap naming magbahagi ng patotoo at mahalin sila at ibalik sila.

SISTER MASSEY

Kapag nagpapatotoo kami, inaanyayahan namin ang Espiritu, at nadarama ng investigator o di-gaanong aktibong mga miyembro ang Espiritu. At nagpapasiya silang bumalik kasi alam nila na ito ang mahalagang bagay na nawawala sa buhay nila.

ELDER ANDERSEN

Para matulungan tayong lahat, may bagong bahagi sa LDS.org na tinatawag na “Pagpapabilis ng Gawain ng Kaligtasan.” Makikita ninyo roon ang makakatulong na mga sanggunian, kabilang na ang iba pang mga kuwento at halimbawa mula sa mga lider, miyembro, at missionary sa buong mundo na nagtutulungan din, tulad ninyo, nang may pananampalataya at pagmamahal na pabilisin ang gawain ng Panginoon.

Kapag ginawa natin ang lahat ng ating makakaya, tutulungan tayo ng Panginoon. Sabi sa banal na kasulatan, “[Nang] humayo ang mga tagapagsilbi at gumawa nang buong [kakayahan] nila; … gumawa rin ang Panginoon … na kasama nila” (Jacob 5:72).

Habang nakaupo ako sa harapan sa Tampa Florida Stake conference ilang linggo pa lang ang nakararaan, namangha akong makita na 32 kalalakihan ang sinang-ayunang tumanggap ng Melchizedek Priesthood. Mula sila sa mga ward at branch na katulad na katulad ng kinabibilangan at pinaglilingkuran ninyo ngayon.

Nang tumayo ang bawat isa sa kanila, naisip ko ang himalang naganap sa buhay niya at sa buhay ng kababaihan at mga batang nakapaligid sa kanya. Naisip ko ang mga lider, miyembro, at missionary na nagkaisang kumilos at ang kanilang pagmamahal at paglilingkod na katulad ng kay Cristo. Naisip ko ang dakilang patnubay ng Panginoon nang kumilos sila nang may pananampalataya. Naisip ko ang mga salita ni Moroni: “Tumigil na ba ang mga himala? … O ang mga anghel ba ay huminto ng pagpapakita sa mga anak ng tao? O kanya bang ipinagkait ang kapangyarihan ng Espiritu Santo sa kanila?” (Moroni 7:27, 36).

“Masdan, sinasabi ko sa inyo, Hindi; sapagkat sa pamamagitan ng pananampalataya ang mga himala ay nagagawa” (Moroni 7:37).

Ibinabahagi ko sa inyo ang aking tapat na patotoo. Si Jesus ang Cristo. Siya ang ating Tagapagligtas at Manunubos. Ito ang Kanyang banal na gawain. Ipinapangako ko na gagabayan at papatnubayan Niya kayo kapag mapagkumbaba ninyong hinangad ang Kanyang tulong nang may pananampalataya. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.