Pananampalataya sa Gawain ng Kaligtasan
Bago ko simulan ang aking mensahe, sasamantalahin ko ang pagkakataong ito na pasalamatan kayo sa inyong kabutihan sa panahong ito na nagdadalamhati kami sa pagpanaw ng pinakamamahal kong kabiyak na si Frances. Napalakas at napanatag ako ng inyong pagmamahal at mga dalangin para sa akin.
Para sa amin ni Sister Monson, ang gawaing misyonero ay bahagi na noon pa man ng aming puso at buhay. Bagong kasal pa lang kami nang tawagin akong bishop sa dating Sixth-Seventh Ward sa Salt Lake City—isang ward na may isang libo at walumpung miyembro. May ilang miyembro sa ward na di-gaanong aktibo, at si Sister Monson ay laging sumusuporta at nagpapalakas ng loob kapag binibisita namin ng mga counselor ko ang mahal na mga miyembrong ito at sinisikap naming ibalik sila sa pagkaaktibo.
Ilang taon pagkaraan tinawag akong maging pangulo ng Canadian Mission. Wala pang isang buwan mula nang tawagin ako, nilisan namin ni Sister Monson ang aming bagong tayong bahay, at kasama ang dalawa naming maliliit na anak at isa pang ipanganganak, nagbiyahe kami papuntang Toronto, Ontario, Canada, kung saan naging buhay na namin ang gawaing misyonero sa sumunod na tatlong taon.
Hinihikayat ko kayong sundin ang lahat ng sinabi rito ngayon. Pinatototohanan ko na pagpapalain kayo kapag sinunod ninyo ang payo na natanggap ninyo.
Ang mga banal na kasulatan ay walang nilalamang pagpapahayag na mas mahalaga, responsibilidad na mas kailangang gawin, tagubiling mas tahasan kaysa sa utos ng nabuhay na mag-uling Panginoon nang magpakita Siya sa Galilea sa labing-isang disipulo. Wika Niya: “Dahil dito magsiyaon nga kayo, at gawin ninyong mga alagad ang lahat ng mga bansa, na sila’y inyong bautismuhan sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo” (Mateo 28:19). Ipinahayag ni Propetang Joseph Smith: “Matapos masabi ang lahat, ang pinakadakila at pinakamahalagang tungkulin ay ipangaral ang Ebanghelyo.” Maaalala pa ng ilan sa inyo na narito ngayon ang mga salita ni Pangulong David O. McKay, na binanggit ang pamilyar na mga katagang “Bawat miyembro ay isang misyonero!” Sinabi sa atin ni Pangulong Gordon B. Hinckley: “Ang tingin ng marami sa atin sa gawaing misyonero ay simpleng pagbabahay-bahay lang. Alam ng lahat ng pamilyar sa gawaing ito na may mas mainam na paraan. Ang paraang iyon ay sa pamamagitan ng mga miyembro ng Simbahan.”
Magdaragdag ako sa kanilang sinabi. Panahon na para ang mga miyembro at missionary ay magsama-sama, magtulungan, magsigawa sa ubasan ng Panginoon upang magdala ng mga kaluluwa sa Kanya. Naghanda Siya ng maraming paraan para maibahagi natin ang ebanghelyo, at tutulungan Niya tayo sa ating mga pagsisikap kung gagawin natin nang may pananampalataya ang Kanyang gawain.
Noong maglingkod kami ni Sister Monson sa Canadian Mission, nasaksihan namin at nagpalakas sa amin ang matibay na pananampalataya ng mga Banal sa Canada. Makikita sa video clip na ito ang pananampalataya at mga ginawa ng mga miyembro at missionary sa aming misyon na nanirahan at naglingkod sa St. Thomas.
Isa pang katibayan ng pananampalataya ang naganap nang una kong bisitahin ang St. Thomas Branch ng mission, na 193 kilometro ang layo mula Toronto. Inanyayahan kaming mag-asawa na dumalo sa sacrament meeting ng branch at magsalita sa mga miyembro doon. Habang ginagaygay namin ang magandang lansangan, marami kaming nakitang gusali ng simbahan at inisip namin kung alin doon ang atin. Wala pala roon. Hinanap namin ang address na ibinigay at natuklasan namin na luma at sirang gusali pala ito. Nagpulong sa basement ng sirang gusali ang branch natin na marahil ay binubuo ng 25 miyembro, at 12 sa kanila ang naroon. Sila rin ang nangasiwa sa pulong, nagbasbas at nagpasa ng sakramento, nagdasal, at kumanta ng mga himno.
Nang matapos ang service, nagtanong si Irving Wilson, ang branch president, kung puwede niya akong makausap. Sa pag-uusap na iyon, inabutan niya ako ng kopya ng Improvement Era, na nauna sa magasing Ensign ngayon. Habang nakaturo sa larawan ng isa sa mga chapel natin sa Australia, isang bagong chapel, sinabi ni President Wilson, “Ganitong gusaling ang kailangan natin dito sa St. Thomas.”
Ngumiti ako at sumagot, “Kapag sapat na ang bilang ng mga miyembro natin dito para kailanganin at tustusan ang ganyang gusali, tiyak kong magkakaroon tayo niyan.” Noong panahong iyon, kailangang bayaran ng mga lokal na miyembro ang 30 porsiyento ng presyo ng lugar na pagtatayuan at ng gusali, bukod pa sa pagbabayad ng ikapu at iba pang mga handog.
Sumagot si President Wilson, “Lumalaki na ang mga anak natin. Kailangan natin ang gusaling iyan, at kailangan natin iyan ngayon na!”
Hinikayat ko silang paramihin ang kanilang bilang sa sarili nilang mga pagsisikap na makipagkaibigan at magturo. Ang resulta, mga kapatid, ay isang klasikong halimbawa ng pananampalataya na sinamahan ng pagsisikap at napagtibay ng patotoo.
Humiling si President Wilson ng anim pang missionary para sa lungsod ng St. Thomas. Nang matugunan ito, pinulong niya ang mga missionary sa silid sa likuran ng kanyang maliit na tindahan ng alahas, kung saan sila lumuhod at mapagkumbabang nanalangin. Nang matapos ang panalangin, ipinaabot niya sa isang elder ang yellow-page telephone directory, na nasa ibabaw ng kalapit na mesa. Hinawakan ni President Wilson ang aklat at sinabi, “Kung gusto nating maitayo ang pangarap nating gusali sa St. Thomas, kakailanganin natin ng isang Banal sa mga Huling Araw na magdidisenyo nito. Dahil wala tayong miyembrong arkitekto, kailangan nating makapagpabinyag ng isa nito.” Pinasadahan niya ang listahan ng mga arkitekto, at tumigil sa isang pangalan at sinabi, “Ito ang aanyayahan natin sa bahay ko para makinig sa mensahe ng Panunumbalik.”
Sinunod ni President Wilson ang pamamaraang iyon sa paghahanap ng mga tubero, electrician, at lahat ng klase ng manggagawa. Wala siyang kinaligtaang iba pang mga propesyon, dahil gusto niyang magkaroon ng mga miyembro sa branch na iba’t iba ang propesyon. Inanyayahan ang mga taong ito sa bahay niya para ipakilala sa mga missionary, tinuruan sila ng katotohanan, binahaginan ng mga patotoo, at nabinyagan. Pagkatapos ay inulit ng mga bagong binyag mismo ang pamamaraang ito, at inanyayahan nila ang iba na makinig. Linggu-linggo at buwan-buwan nagpatuloy ang ganitong pamamaraan.
Kagila-gilalas ang naging paglago ng St Thomas Branch. Sa loob ng dalawa’t kalahating taon, nabili ang pagtatayuang lugar, naitayo ang isang magandang gusali, at nagkatotoo ang isang pangarap na puno ng inspirasyon. Ang branch na iyan ay isa na ngayong maunlad na ward sa stake ng Sion.
Kapag iniisip ko ang bayan ng St. Thomas, hindi ko iniisip ang daan-daang miyembro at pamilya ng ward; sa halip, naaalala ko ang sacrament meeting na iyon na dinaluhan ng kakaunting miyembro sa basement ng gusali, 12 tao, at ang pangako ng Panginoon na, “Sapagka’t kung saan nagkakatipon ang dalawa o tatlo sa aking pangalan, ay naroroon ako sa gitna nila” (Mateo 18:20).
Maraming taon na ang nakalipas mula nang irekord ang video na ito. Ang boses na narinig ninyo ay bata-bata pa, ngunit ang alituntunin ng pananampalataya hinggil sa gawaing misyonero ay totoo pa rin ngayon tulad noong nakalipas na kalahating siglo sa St. Thomas Branch.
Pinatototohanan ko na kapag kumilos tayo nang may pananampalataya, ipapakita sa atin ng Panginoon kung paano palakasin ang Kanyang Simbahan sa mga ward at branch na ating kinabibilangan. Siya ay sasaatin at patuloy na magiging katuwang natin sa ating mga gawain bilang missionary.
Sa pagdami ng mga missionary sa mga ward at stake sa iba’t ibang panig ng mundo, hinihiling ko sa inyo na manampalataya, tulad ng ginawa ni President Wilson sa St. Thomas, habang mapanalangin ninyong iniisip kung sino sa inyong pamilya, mga kaibigan, kapitbahay, at kakilala ang gusto ninyong anyayahan sa bahay ninyo para ipakilala sa mga missionary, upang marinig nila ang mensahe ng Panunumbalik. Tulad ng ginawa ng Panginoon sa lungsod ng St. Thomas, pababanalin Niya ang inyong mga pagsisikap, at magkakaroon kayo ng kakayahang higit pa sa sarili ninyong lakas upang mapasigla at mapagpala ang buhay ng iba.
Nawa’y palakasin pa natin ang ating pananampalataya at katapatan sa pagtupad sa ating sagradong tungkuling sagipin ang mga anak ng ating Ama sa Langit—ang ating mga kapatid. Sa pangalan ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo, amen.