Library
Pagtuturo sa Simbahan


Pagtuturo sa Simbahan

Nang matanggap ko ang atas na magsalita sa Simbahan tungkol sa paksang pagtuturo, lubos akong napakumbaba at taimtim akong nanalangin tungkol sa atas na ito. Halos 70 taon na ang nakararaan, umupo ako sa isang talampas na nasa isang napakaliit na isla sa labas ng Pacific, malapit sa isla ng Okinawa. Tapos na ang digmaan at nakaligtas ako. Inisip ko kung ano ang gagawin ko. Naghihintay kami noon sa pagdating ng mga barko na mag-uuwi sa aming lahat. Inisip ko kung ano ang gagawin ko sa buhay ko. Ano ba ang gusto kong gawin? Ano ba ang gusto kong maging? Sa huli ay ipinasiya kong maging guro. Kaya heto ako halos 70 taon na ang nakaraan, gayon pa rin ang hangarin, ang determinasyon, maraming natutuhan, ngunit marami pang dapat matutuhan.

Lahat ng iba pang ginagawa natin, kapag sinuri sa huli, ay pagtuturo. At natututo tayong magturo. May mga alituntunin na maaari nating matutuhang suriin, at kabilang dito, at siguro’y ang pinakamahirap matutuhan, ang mamuhay sa paraang hindi ka umaasa sa sarili mong pang-unawa at nagbabasa mula sa script, kundi umaasa lamang sa Espiritu.

Sana may paraan para mapangakuan ko kayo na kung masigasig at seryoso kayong mag-aaral ay magiging mas mahusay kayo. Hindi ito makasasama sa inyo. Ngunit hindi kayo gagawin nitong mas mahusay, o kahit mahusay man lang kung hindi kayo magtitiwala sa Panginoon at sa Espiritu at pagkatapos ay magtuturo. Hindi iyan nakakamtan kaagad, ngunit kayo, sa tamang panahon, ay natututong magtiwala sa Espiritu na ito ay pasasainyo. Maraming beses na akong tumayo sa pulpito at nag-isip kung ano ang sasabihin, at wala akong maisip at alam kong malaki ang responsibilidad, ngunit laging dumarating ang dapat kong sabihin. Dumarating ito kapag nagsimula na kayong magturo. Simulan ang pagtuturo, at dadaloy na ang paghahayag. Ang papuring natatanggap natin mula sa lahat ng ito ay kakaunti para sa atin, dahil sa Espiritu nagmumula ang kapangyarihan.

Natanto ko na lahat ng tao ay guro. Sa Simbahan pinag-uusapan natin ang matawag sa mga katungkulan at maitalagang magturo sa Sunday School o sa iba pang mga priesthood auxiliary. Kung minsan ipinagmamalaki ng priesthood ang pagkakaroon ng kapangyarihang magturo. Higit ang kapangyarihang magturo ng ina kaysa sa kanila. Ang pinakadakilang pagtuturo sa Simbahan ay ginagawa ng mga ina.

Kaya kayong mga nagtuturo sa Simbahan, propesyonal man ninyo itong ginagawa o sa ibang paraan, alam ninyo na sagradong pagtuturo ito at karamihan ay ginagawa sa labas ng silid-aralan, bukod pa sa paghahanda kung saan binabasa, pinag-aaralan, at pinag-iisipan ninyo ang mga lesson dahil sa sinabi sa banal na kasulatan—“ang [salita] ng Panginoon ay sumaisip ko.” Ang “salita” ay laging darating kung susulong kayo at magiging masunurin. Ang pagsunod para sa mga kabataan ay parang malungkot na salita. Hindi tayo sadyang masunurin. Ang mga magulang, lalo na ang mga ina, ay tinuturuan ang maliliit nilang anak na maging masunurin. Responsibilidad din natin iyan kapag nasa hustong gulang na tayo at kung minsa’y may kaunting pagtatalo sa kalooban natin. May isang salita, repent o magsisi. Ano ang ibig sabihin ng “re” sa repent? Ibig sabihin nito gawin mo itong muli—repeat, repent. At pagkatapos ay kailangan ninyong magbalik sa mabuting daan na nilisan ninyo at sumulong, nang malaya mula sa mga hamon na naranasan ninyo noon. Pagbabayad-sala ang nagpapagaling—nagbabayad sa mga kasalanan. Natatanto ba ninyo na lubhang nakamamangha na maaari kayong makinabang sa Pagbabayad-sala? Nagbayad-sala ang Panginoon para sa ating kapakanan. At walang anumang bagay na hindi ninyo mapagsisisihan at hindi kayo masasagip kung kayo ay magsisisi at determinado kayong magpapasiya. Kaya, simple lang ang payo ko. Magpasiya lang na gawin ang tama, magpasiyang magpakabuti, magpasiyang magtiwala sa banal na kasulatan, at kapag ginawa ninyo ito, kayo ay uunlad at ang inyong mga pagsubok ay magiging para sa inyong ikabubuti.

Sa nakaraang 70 taon o mahigit pa ay marami akong natutuhan. Marami pa akong dapat matutuhan. Hindi ko alam kung gaano katagal ako matututo, ngunit kapag tapos na ang buhay na ito ay paroroon ako sa bagong mundo at magsisimula sa bagong paaralan. Kaya pinatototohanan ko sa inyo na ang Panginoon ay buhay, totoo ang Panunumbalik, ito ay pinamahalaan at ipinlano sa kabila ng tabing para sa ating kapakanan. Ang Panginoon ay buhay. Alam ko na buhay ang Panginoon, at kilala ko Siya. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.