Gawaing Misyonero sa Panahon ng Makabagong Teknolohiya
Nagpapasalamat akong makasama kayo ngayon. Kinikilala namin ang mga missionary mula sa Provo Missionary Training Center na narito ngayon. Tingnan ninyo sila. Hindi ba kahanga-hanga sila? Inihahanda ng mga bagong tawag na missionary na ito ang kanilang sarili na ipangaral ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo sa bawat lahi, wika, at tao.
Sa pagbaba ng edad ng mga tatawaging magmisyon, pinasisimulan nito ang isang bagong panahon para sa gawaing misyonero sa Simbahan. Alam kong binago nito ang buhay ng marami. Alam naming napakatindi nito sa naapektuhang mga kabataang lalaki at babae.
Tunay na ang Panginoon at ang inyong mga magulang ay nagpalaki ng isang natatanging henerasyon na maglilingkod sa mahalagang panahong ito na higit ang pangangailangan at pagkakataong ituro ang ebanghelyo kaysa noon.
Ilang araw na lang, ipadadala na ang mga missionary na nakaupo sa likuran ko sa inyong mga ward at stake. Habang parami nang parami ang mga missionary, naitanong natin, “Ano ang gagawin ng lahat ng missionary na ito?” Ang aming sagot ay gagawin din nila ang laging ginagawa ng mga missionary; susundin nila ang ating Tagapagligtas na si Jesucristo at ipapangaral ang Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo.
Hawak ng mga mission president ang mga susi para mamuno at mamahala sa mga mission na itinalaga sa kanila. Hawak ng stake president ang mga susi para sa gawaing misyonero sa kanyang stake. Hawak ng bishop ang mga susi para mamuno sa kanyang ward mission. Dapat silang mag-ugnayan at magtulungan, na nagkakaisa sa pagsusulong ng gawaing misyonero sa panahong ito ng makabagong teknolohiya. Gagamitin ng bishop ang kanyang mga susi kasama ang ward council para matukoy at maturuan ang mga pamilyang hindi lahat ay miyembro at ang kanilang pamilya at mga kaibigan at ang mga miyembrong di-gaanong aktibo at ang kanilang pamilya at mga kaibigan.
Ang mensaheng kanilang ibabahagi—ang Pagbabayad-sala ni Cristo, ang Aklat ni Mormon, at ang mga buhay na propeta—ang mensahe ring ibinahagi ko noong missionary pa ako sa Northern States Mission. Gayunpaman, ang ilan sa mga paraan ng pagbabahagi namin noon ng mensaheng iyon ay lubhang kakaiba sa paraan ng pagbabahagi ninyo nito ngayon.
Noong ako ay bata pang misyonero, nagawa naming kausapin ang mga tao sa daan at kumatok sa mga pintuan para ibahagi ang ebanghelyo. Nagbago na ang mundo simula noon. Ngayon, maraming tao ang abala sa kanilang buhay. Paroo’t parito sila, at madalas ay ayaw nilang magpapasok ng mga estranghero sa bahay nila, na hindi imbitado, para magbahagi ng mensahe ng ipinanumbalik na ebanghelyo. Ang pangunahing paraan ng pakikipag-ugnayan nila sa iba, kahit sa malalapit na kaibigan, ay kadalasang sa pamamagitan ng Internet. Ang paraan ng paggawa ng gawaing misyonero, samakatwid, ay dapat magbago upang maisakatuparan ng Panginoon ang Kanyang gawaing tipunin ang Israel “mula sa apat na sulok ng mundo” (2 Nephi 21:12). Pinahihintulutan na ang mga missionary na gamitin ang Internet sa kanilang pagtuturo ng ebanghelyo.
Sa mga oras na wala silang gaanong ginagawa—lalo na sa umaga—gagamitin ng mga missionary ang mga computer sa mga meetinghouse at iba pang pasilidad ng Simbahan para kontakin ang mga investigator at miyembro, tulungan ang mga lokal na priesthood leader at mission leader, tumanggap at kumontak ng mga referral, alamin kung tumupad sa pangako ang kanilang tinuturuan, tiyakin ang mga appointment, at magturo ng mga alituntunin mula sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo gamit ang mormon.org, Facebook, mga blog, email, at mga text message.
Ang pag-akses sa Internet ng mga missionary at paggamit ng mga digital device ay uunti-untiin sa susunod na ilang buwan hanggang sa susunod na taon. Makikipag-ugnayan kami sa inyo kapag oras na para gamitin ng inyong mission at area ang mga kasangkapang ito. Kaligtasan ang pinakamahalaga sa bagong paraang ito ng gawaing misyonero. Susubaybayan ng mga mission president ang ginagawa ng mga missionary online para tulungan silang manatiling ligtas sa lahat ng ginagawa nila.
Ang isang reklamong madalas naming matanggap mula sa mga interesado sa Simbahan ay na lakas-loob silang nagpupunta sa isa sa ating mga gusali at aabutan lamang nilang nakakandado ito at walang tao. Kaya nagpasiya na rin kaming buksan ang ating mga meetinghouse para mailibot sila rito. Ang mga missionary ay nasa mga meetinghouse para salubungin ang mga taong interesado at samahan sila sa ating mga bahay-sambahan, kung saan sila matuturuan at maaanyayahan sa isang lugar na may malakas na impluwensya ng Espiritu.
Sa pagpasok ng mga missionary sa bagong panahong ito na gagamit sila ng mga computer sa gawain ng Panginoon, inaanyayahan namin ang mga bata at matanda, mga adult, young adult, kabataan, at mga bata saanman na samahan kami sa masayang bagong gawaing ito sa pakikipagkaibigan sa mga missionary sa Facebook sa inyong lugar gamit ang sarili ninyong computer at pagbabahagi ng kanilang mga mensahe ng ebanghelyo online at pakikibahagi ninyo mismo sa gawaing misyonero.
Wala pang isang taon ang nakalipas, nagbigay ng napakahalagang pahayag si Pangulong Monson tungkol sa pagbaba sa edad ng magmimisyon. Mula noon, libu-libo na ang tumugon sa panawagan ng propeta, at marami pang nadaragdag sa kanila bawat linggo. Nitong nakaraang dalawang araw, ang kabuuang bilang ng mga missionary na naglilingkod ay 70,274. Ngayon lamang nagkaroon ng napakaraming missionary sa mundo. Kailangan nating maitalaga ang mga kahanga-hangang missionary na ito, kaya nga lumikha tayo ng 58 bagong mission ngayong taon—umabot na sa total na 405 ang mission. Sa taong ito tumawag din kami ng 173 bagong mission president sa iisang pagkakataon, na ngayon lang namin ginawa.
Malinaw na tinugon ng mga missionary at mission president ang panawagan ng Panginoon. Ngayo’y tinatawag Niya tayo, bilang mga miyembro, na maglingkod na kasama sila at Siya sa Kanyang dakilang gawain.
Tulad ng mga missionary na dapat makaagapay sa nagbabagong mundo, dapat ding baguhin ng mga miyembro ang pananaw nila tungkol sa gawaing misyonero. Sa pagsasabi nito, nais kong linawin na ang ipinagagawa sa atin, bilang mga miyembro, ay hindi nagbabago; ngunit ang paraan ng pagsasagawa ng ating responsibilidad na ibahagi ang ebanghelyo ay dapat iakma sa nagbabagong mundo.
Limampu’t apat na taon na ang nakaraan nang manawagan si Pangulong McKay sa bawat miyembro na maging missionary. Nanawagan sa atin si Pangulong Hinckley na gumamit ng mas magandang paraan sa paggawa ng gawaing misyonero. Hindi lamang ito pagbabahay-bahay. May mas magandang paraan. Ibinalangkas ni Pangulong Monson ang mas magandang paraan na pagtutulungan ng mga miyembro at missionary na ipangaral ang ebanghelyo sa nagkakaisang pagsisikap.
Ang mga ipinahayag na ito ay pag-ulit lamang ng itinuro mismo ni Propetang Joseph Smith: “Matapos masabi ang lahat, ang pinakadakila at pinakamahalagang tungkulin ay ipangaral ang Ebanghelyo” ((Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 386).
Walang nagbago sa mga panawagang ito ng propeta na kumilos. Ang pinakamahalagang responsibilidad ng sinuman sa atin, anuman ang tungkulin o katungkulan natin sa Simbahan, ay ang ipangaral ang ebanghelyo. Totoo ito sa ating panahon tulad noong panahon ni Joseph Smith o sa alinmang iba pang dispensasyon.
Paano natin ngayon maisasakatuparan ang panawagang ito ng Panginoon na ipangaral ang ebanghelyo? Ang isang paraan para magawa iyan ay magkaisa tayo sa layunin sa paggawa ng gawaing misyonero.
Ang pagkakaisa sa layunin ay higit pa sa pagkakaroon lamang ng iisang mithiin. Halimbawa, marami sa ating mga anak ang interesado sa popular na larong soccer. Agad nilang natutuhan na makakapuntos sila kapag sinipa nila ang bola at pumasok ito sa net. Sa una hindi nila nauunawaan ang mga konsepto ng laro. Iisa ang kanilang mithiin, ang makapuntos, ngunit hindi sila gaanong organisado. Sabay-sabay lang silang nag-aagawan sa bola.
Sa gawaing misyonero, marami sa atin ngayon ang nasa ganitong sitwasyon. Akala natin nakikita at nauunawaan natin ang pangunahing mithiin, ngunit hindi natin nakikita ang layunin natin dito; hindi natin alam ang tungkuling dapat nating gampanan. Ang kulang sa atin ay pag-unawa, hindi pagnanais.
Tanungin ang isang full-time missionary dito ngayon kung ano ang layunin nila sa misyon, at tiyak kong mariing sasabihin ng bawat isa na: “Ang aking layunin ay ‘imbitahin ang iba na lumapit kay Cristo sa pagtulong sa kanila na matanggap ang [ipinanumbalik] na ebanghelyo sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala, pagsisisi, [pagpapa]binyag, pagtanggap ng kaloob na Espiritu Santo, at pagtitiis hanggang wakas’ ” (Mangaral ng Aking Ebanghelyo: Gabay sa Paglilingkod ng Misyonero [2004], 1).
Mga kapatid, kung ang ating pinakadakila at pinakamahalagang tungkulin ay ipangaral ang ebanghelyo, tulad ng sabi ni Propetang Joseph Smith, malinaw kung gayon ang ating layunin: dahil miyembro tayo ng Kanyang Simbahan, bawat isa sa atin ay tinatawag at inaatasang “imbitahin ang iba na lumapit kay Cristo,” aktibo man silang mga miyembro, bagong miyembro, di-gaanong aktibo, o hindi miyembro. Kung mayroon sa paligid natin—mga hindi miyembro o di-gaanong aktibong miyembro ng Simbahan—na hindi pa natatanggap “ang [ipinanumbalik] na ebanghelyo sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala, pagsisisi, [pagpapa]binyag, [at] pagtanggap ng kaloob na Espiritu Santo,” inaanyayahan natin silang gawin ito.
Ang responsibilidad na ito ay hindi lamang nakaatang sa mga missionary.
Hinggil sa maling pagkaunawang ito, sinabi ni Pangulong Gordon B. Hinckley: “Maaari nating hayaang gawin itong mag-isa ng mga missionary, o maaari natin silang tulungan. Kung gagawin nila itong mag-isa, kakatok sila sa mga pintuan araw-araw at kakaunti ang matuturuan. O kaya’y matutulungan natin sila bilang mga miyembro na maghanap at magturo ng mga investigator” (“Find the Lambs, Feed the Sheep,” Ensign, Mayo 1999, 107).
Panahon na para maunawaan natin na tayo—mga kapitbahay, kaibigan, at kapamilya ng mga di-gaanong aktibong miyembro at hindi miyembro—ay nasa magandang posisyon para mag-anyaya nang may pagmamahal at pagmamalasakit na nararapat sa taong inaanyayahan natin. Umaasa tayo na tatanggapin nila ang paanyaya, ngunit kung hindi, dapat ay patuloy tayong makipagkaibigan at magpakita ng pagmamahal na katulad ng kay Cristo nang sa gayon ay malaman nila na ang ugnayang inalagaan at pinagyaman natin ay hindi naghihintay ng kapalit kundi isang walang hanggan at tunay na pakikipagkaibigan.
Ang Simbahan ng Panginoon ay isang simbahan ng kaayusan, at ang gawaing ito ay susulong sa ilalim ng wastong mga susi. “Sa ilalim ng pamamahala ng bishop, ang ward council ay gagawa ng ward mission plan. Ang plano ay dapat maging maikli at simple. Dapat itong kapalooban ng tiyak na mga mithiin at aktibidad para tulungan ang mga miyembro ng ward priesthood at auxiliary na makibahagi sa gawaing misyonero, pagpapanatili, at pagpapaaktibo. Ang ward council kasama ang ward mission leader ay iniuugnay ang ward mission plan sa mga plano ng mga full-time missionary na nakatalaga sa ward” (Handbook 2: Administering the Church [2010], 5.1.8.).
Pinamamahalaan ng bishop ang gawain ng kaligtasan sa kanyang ward sa pamamagitan ng ward council. Ang ward council ang tumutukoy sa mga taong maaaring tumanggap ng paanyaya na magpaturo sa mga missionary o bumalik sa ganap na pagkaaktibo at ang nagpapasiya kung sino sa ward ang pinakaangkop na mag-aanyaya nang may sapat na pagmamahal at paggalang.
Ang elders quorum president at high priests group leader ay mga miyembro ng ward council. Responsibilidad nilang tukuyin ang mga miyembro ng korum na di-gaanong aktibo at makipagtulungan sa ibang mga miyembro ng ward council sa paggabay sa kanila pabalik sa ganap na pagkaaktibo sa Simbahan. Ang pagpapala na maibalik ang priesthood sa kanilang tahanan ay magpapala sa lahat ng pamilya sa lahat ng henerasyon.
Tutukuyin naman ng ward council ang mga miyembrong di-gaanong aktibo na maaaring bisitahin at turuan ng mga full-time missionary. Ang ward mission leader, na miyembro ng ward council, ay makikipagtulungan sa mga missionary para mapuno ang mga planner ng mga missionary ng mga pangalan ng mga taong lubos na makikinabang sa kanilang pagbisita.
Bagama’t responsibilidad ng mga full-time missionary na turuan ang mga investigator, maaari at dapat silang samahan ng mga miyembro ng ward council, ward missionary, o miyembro na personal na kilala ang mga investigator. Ang mga miyembrong sumasama sa mga missionary ay dapat patotohanan ang mga alituntuning itinuturo ng mga missionary at pagtibayin ang mga alituntuning ito sa mga tinuturuan ng mga missionary.
Maaaring patulungin ng ward council ang mga full-time missionary sa pagbisita ng mga ward missionary sa mga miyembrong di-gaanong aktibo o pagtuturo ng mga new member lesson. Alam namin na iilan lang sa mga miyembro nating bagong binyag ang natuturuan ng mga new member discussion.
Nais ng Panginoon na tayo ay maging “sabik sa paggawa ng mabuting bagay, at gumawa ng maraming bagay sa [ating] sariling kalooban” (D at T 58:27).
Kapag binabanggit ko ang pagiging “sabik sa paggawa,” naaalala ko ang kaibigan kong si Scott. Si Scott ay may ilang pagsubok na naglilimita sa kanya sa ilang kaparaanan, ngunit sa ibang bagay ay kahanga-hanga siya. Halimbawa, ang kanyang katapangan bilang missionary ay maihahalintulad sa mga anak ni Mosias. Naniniwala ako na hindi maubos-maisip ni Scott kung bakit hindi lahat ng tao ay miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw at hindi pa nababasa ng lahat ang Aklat ni Mormon at wala pa silang patotoo sa katotohanan nito.
Nang sumakay mag-isa si Scott sa eroplano sa unang pagkakataon para bisitahin ang kanyang kapatid, isang kapitbahay niya ang nakaupo sa malapit at nakarinig sa pag-uusap na ito.
“Hello, ako si Scott. Ano’ng pangalan mo?”
Sinabi ng katabi niya ang pangalan nito.
“Ano’ng trabaho mo?”
“Engineer ako.”
“Maganda ‘yan. Saan ka nakatira?”
“Sa Las Vegas.”
“May templo kami roon. Alam mo ba kung nasaan ang templo ng mga Mormon?”
“Oo. Magandang gusali iyon.”
“Mormon ka ba?”
“Hindi.”
“Dapat kang sumapi. Magandang relihiyon ito. Nabasa mo na ba ang Aklat ni Mormon?”
“Hindi.”
“Dapat mong basahin ito. Napakagandang aklat nito.”
Walang nag-utos kay Scott na kausapin ang kapwa niya pasahero. Ni hindi ko alam na lagi niyang isinasaisip ang kanyang tipan sa binyag na “tumayo bilang [isang] saksi ng Diyos sa lahat ng panahon at sa lahat ng bagay, at sa lahat ng lugar kung saan kayo ay maaaring naroroon, maging hanggang kamatayan” (Mosias 18:9); ngunit malinaw sa kanyang paanyaya na natanim sa kanyang isipan ang tipang ito.
Gayundin, hindi na kailangan, ni dapat hintayin, na atasan pa tayong anyayahan ang ating pamilya, mga kaibigan, at kapitbahay na hindi miyembro na magsimba, basahin ang Aklat ni Mormon, o magpaturo sa mga full-time missionary. Bilang mga home at visiting teacher, hindi na kailangang atasan pa tayong anyayahan ang di-gaanong aktibong mga miyembro na binibisita natin na magbalik sa ganap na pagkaaktibo o maghandang tanggapin ang mga pagpapala ng templo. Bukod pa sa tipan na inilahad sa itaas, gumawa rin tayo ng sagradong tipan na “magpasan ng pasanin ng isa’t isa, nang ang mga yaon ay gumaan; … at … makidalamhati sa mga yaong nagdadalamhati, oo, at aliwin yaong mga nangangailangan ng aliw” (Mosias 18:8–9).
Sa pagtupad sa ating responsibilidad na ibahagi ang ebanghelyo at tulungan ang ating di-gaanong aktibong mga kaibigan at kapitbahay na bumalik sa ganap na pagkaaktibo, ang ating mga pagsisikap ay magiging napakaepektibo kapag naghangad tayo ng inspirasyon at kumilos nang may pagmamahal—kapwa para sa Tagapagligtas at para sa taong pinangangalagaan natin. Halimbawa, isipin ang panalangin ni Alma nang maghanda sila ng kanyang mga kasama na magturo sa mga Zoramita:
“O Panginoon, nawa’y ipagkaloob ninyo sa amin na ang tagumpay ay matamo namin sa muling pagdadala sa kanila sa inyo sa pamamagitan ni Cristo.
“Masdan, O Panginoon, ang kanilang mga kaluluwa ay mahahalaga, at marami sa kanila ay aming mga kapatid; kaya nga, ipagkaloob ninyo sa amin, O Panginoon, ang kapangyarihan at karunungan, upang madala naming muli sila, na aming mga kapatid, sa inyo” (Alma 31:34–35).
Naunawaan ni Alma na bawat taong iniatas na turuan niya ay espiritung anak ng Diyos at kanyang kapatid sa espiritu, at mahal niya sila. Matapos manalangin, si Alma at ang mga kasama niya ay napuspos ng Banal na Espiritu at agad ginawa ang gawain.
Para iugnay ang karanasan at panalangin ni Alma sa ating panahon, sinabi ni Pangulong Gordon B. Hinckley: “Hayaang mag-ibayo sa puso ng bawat miyembro ang kabatiran sa sarili niyang kakayahang ipaalam sa iba ang katotohanan. Hayaan siyang pagsikapan ito. Hayaan siyang manalangin nang buong sigasig tungkol dito. Hayaang manalangin ang bawat miyembro, tulad ni Alma noong unang panahon” (“Find the Lambs, Feed the Sheep,” 106).
Ang gawain ng Panginoon ay sumusulong kapag nauunawaan at naisasakatuparan ng bawat isa sa atin ang ating layunin. Mapapalakas ang priesthood, at mararanasan natin ang malaking tagumpay sa gawaing misyonero at pagpapaaktibo kapag nagkakaisa ang mga ward council, miyembro, at full-time missionary sa layunin ng Panginoon.
Tunay na wala nang mas masayang panahon para makibahagi sa gawain ng Panginoon. Sa mundo kung saan napakadali nating maibabahagi ang ating patotoo, ang kaharian ng Diyos ay tiyak na lalaganap, gaya ng malaking bato sa panaginip ni Nabucodonosor, hanggang sa mapuno nito ang buong mundo (tingnan sa Daniel 2).
Tayo nawa, na kapwa mga miyembro at missionary, ay magkaisa sa pagtupad sa ating layunin bilang missionary na tulungan ang iba na lumapit kay Cristo. Nawa’y maging liwanag at tanglaw tayo sa buong mundo at lalo na sa mga anak ng Diyos na naghahangad ng mga pagpapala ng Panginoon. Ito ang dalangin ko sa pangalan ni Jesucristo, amen.