Si Joseph Smith ay tumira sa tahanang ito sa loob ng limang taon noong kanyang kabataan. Marami sa mga unang pangyayaring may kaugnayan sa Panunumbalik ay naganap dito. Sa tahanang ito natuto si Joseph Smith magtrabaho, magbasa ng mga banal na kasulatan, at manalangin mula sa mga halimbawa ng kanyang mga magulang. Dito nakatira si Joseph Smith noong una niyang pagnilayan ang kalagayan ng kanyang kaluluwa at kung aling simbahan ang dapat niyang sapian. Dito rin siya nagbabasa ng banal na kasulatan nang magpasiya siyang mag-alay ng panalangin na humantong sa kanyang Unang Pangitain. Sa bahay rin na ito binisita ng anghel na si Moroni si Joseph Smith sa kanyang kwarto sa ikalawang palapag at nagbigay ng tagubilin kung saan matatagpuan ang mga laminang naglalaman ng Aklat ni Mormon.
Noong taglamig ng 1818–19, ang pamilya Smith ay lumipat sa maliit na bahay na ito na yari sa troso na nasa dulo ng kanilang bagong sakahan. Bagama’t wala na ang orihinal na bahay na yari sa troso, natuklasan ang lokasyon nito ng mga archaeological excavation, pati na rin ang 2,000 artepakto na mula sa panahong nanirahan doon ang pamilya Smith. Gamit ang parehong mga pamamaraan, materyales, at kasangkapang ginamit sa pagtatayo ng orihinal na gusali, isang muling itinayong bahay na yari sa troso ang matatagpuan ngayon sa orihinal na lokasyon.
Ang panganay na kapatid ni Joseph Smith na si Alvin ay talagang interesado sa mga natutuhan ni Joseph mula sa mga pagbisita ni Moroni. Bago mamatay si Alvin, sinabi niya kay Joseph na, “Gusto ko na maging mabuti kang bata, at gawin ang lahat ng makakaya mo para makuha ang Talaan. Maging matapat ka sa pagtanggap ng tagubilin, at sa pagsunod sa bawat utos na ibinibigay sa iyo” [sa Lucy Mack Smith,
History of Joseph Smith, 87]. Si Alvin ay namatay noong Nobyembre 19, 1823, dalawang buwan lamang makalipas ang unang pagbisita ni Moroni kay Joseph Smith. Natanggap ni Joseph ang talaan mula kay Moroni sa
Burol ng Cumorah noong 1827.
Basahin pa ang tungkol sa Joseph Smith’s Boyhood Home sa
Mga Banal, Tomo 1, Kabanata 3.Ano ang Aasahan
Ang Joseph Smith Boyhood Home (o Log Home) ay bahagi ng guided tour ng mga missionary sa mga tahanan sa Smith Family Farm. Ang tour ay magsisimula sa Sacred Grove Welcome Center.
360° Walkthrough