“Pasko ng Pagkabuhay: Pag-asa at Kapayapaan sa pamamagitan ng Tagapagligtas at ng Kanyang Pagbabayad-sala,” Manwal ng Guro ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)
“Pasko ng Pagkabuhay: Pag-asa at Kapayapaan sa pamamagitan ng Tagapagligtas at ng Kanyang Pagbabayad-sala,” Manwal ng Guro ng Seminary para sa Lumang Tipan
Pasko ng Pagkabuhay
Pasko ng Pagkabuhay
Pag-asa at Kapayapaan sa pamamagitan ng Tagapagligtas at ng Kanyang Pagbabayad-sala
Ang Tagapagligtas na si Jesucristo ay nagdala ng pag-asa at kapayapaan sa mga paraang marahil na akala ng iba ay imposible. Pinagaling Niya ang bulag, maysakit, at pilay. Binuhay Niya ang patay. Sa huli, sa pamamagitan ng Kanyang pagdurusa, kamatayan, at Pagkabuhay na Muli, napagtagumpayan Niya ang kasalanan at kamatayan para sa buong sangkatauhan. Ipinagdiriwang at inaalala natin ang Tagapagligtas sa Pasko ng Pagkabuhay. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na pagnilayan ang kapayapaan at pag-asang ibinibigay sa kanila ni Jesucristo.
Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na gawin ang isa sa apat na aktibidad na may numero sa pagtatapos ng lesson. Halimbawa, pag-aralan ang dokumentong “Ang Buhay na Cristo,” at hanapin ang mga pariralang nagpapatotoo sa kapayapaan at pag-asang ibinibigay ng Tagapagligtas. Hikayatin sila na dumating sa klase na handang ibahagi ang kanilang mga paboritong parirala.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Pagkawala o pagkakaroon ng pag-asa at kapayapaan
Idrowing ang sumusunod na graphic sa pisara.
Maaari mong sabihin sa mga estudyante na isiping nabuhay sila sa Israel at nasaksihan nila ang buhay ng Tagapagligtas. Itanong ang sumusunod:
-
Anong mga karanasan mula sa buhay ng Tagapagligtas ang maaaring magbigay sa inyo ng higit na pag-asa?
Pagkatapos magbahagi ng ilang halimbawa ang mga estudyante, maaari kang magpakita ng larawan ni Jesucristo sa krus, tulad ng “The Crucifixion [Ang Pagpapako sa Krus],” at ipaliwanag na maaaring ito ang isang sandali kung kailan natutukso ang ilang disipulo na mawalan ng pag-asa. (Namatay ang Tagapagligtas, at walang sinuman ang nabuhay na mag-uli noon.)
Pagkatapos ay ipakita ang isang larawan ng Pagkabuhay na Muli ng Tagapagligtas, tulad ng “Christ and Mary at the Tomb [Si Cristo at si Maria sa Libingan],” at itanong kung paano maaaring naapektuhan ng pangyayaring ito ang kanilang pag-asa.
-
Ano ang ilang dahilan kung bakit maaaring matukso ang mga tao na mawalan ng pag-asa ngayon?
-
Ano ang ilang dahilan kung bakit maaaring magkaroon ng pag-asa ang mga tao sa pamamagitan ng Tagapagligtas ngayon?
Maaari mong isulat ang mga sagot ng mga estudyante sa pisara sa tabi ng mga naaangkop na arrow. Ipaliwanag na maaari kayong gumawa ng katulad na aktibidad sa pamamagitan ng pagpapalit ng salitang pag-asa sa kapayapaan.
Maglaan ng sandali na pag-isipan kung paano kayo tinutulungan ng Tagapagligtas na madama ang pag-asa at kapayapaan sa inyong buhay. Pag-isipan din ang mga dahilan kung bakit pakiramdam ninyo ay nawawalan kayo ng pag-asa at kapayapaan. Pag-isipan kung bakit maaaring kailanganin ninyo ng higit pang pag-asa at kapayapaan sa inyong buhay.
Sa buong lesson na ito, hangarin ang patnubay ng Espiritu Santo upang tulungan kayong pagnilayan ang kapayapaan at pag-asa na ibinibigay sa inyo ni Jesucristo at sa buong sangkatauhan.
Pag-asa at kapayapaan sa ating buhay
Sa Pasko ng Pagkabuhay, ipinagdiriwang natin ang Pagkabuhay na Muli ni Jesucristo, ang pagkumpleto ng Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo para sa atin. Habang binabasa ninyo ang sumusunod na pahayag mula kay Pangulong Russell M. Nelson, hanapin ang pag-asang hatid ng Tagapagligtas sa ating buhay.
Nang Siya ay nagdusa para sa ating mga kasalanan at kahinaan, namatay sa krus, at nagbangong muli, ang Tagapagligtas ay lumikha ng mga bagong pagkakataon at posibilidad para sa sangkatauhan. Dahil sa Kanya, hindi natin haharapin ang kahinaan, kasalanan, at takot nang mag-isa. Dahil sa Kanya, ang kamatayan ay hindi ang katapusan. Ang Pagkabuhay na Mag-uli ay mangyayari sa lahat ng nabuhay. Dahil sa Kanya, magkakasama nang walang-hanggan ang mga pamilya. Dahil kay Jesucristo, ipinagdiriwang natin ang Pasko ng Pagkabuhay. At ang Pasko ng Pagkabuhay ay tungkol sa kapayapaan at pag-asa. …
… Ngayong Pasko ng Pagkabuhay, ating sambahin at purihin Siya para sa kapayapaan, pag-asa, liwanag, at katotohanang hatid Niya sa atin. (“The Peace and Hope of Easter,” video, ChurchofJesusChrist.org)
-
Paano ninyo ibubuod ang itinuro ni Pangulong Nelson?
Maaaring magbahagi ang mga estudyante ng iba’t ibang kabatiran. Pasalamatan sila sa kanilang mga sagot. Ang isa sa mga alituntuning maaari nating matutuhan ay sa pamamagitan ng pagdurusa, kamatayan, at Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas, magkakaroon tayo ng kapayapaan at pag-asa sa ating buhay.
-
Ano ang ilang paraang ibinahagi ni Pangulong Nelson na maibibigay sa atin ng Tagapagligtas ang pag-asa at kapayapaan?
-
Sa inyong palagay, bakit makatutulong ang kaalaman tungkol sa pagdurusa, kamatayan, at Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas sa paghahanap natin ng pag-asa at kapayapaan sa pamamagitan Niya?
Mga Patotoo ng Tagapagligtas
Makatutulong sa mga estudyante ang sumusunod na aktibidad na mas maunawaan kung paano tayo magkakaroon ng kapayapaan at pag-asa sa pamamagitan ni Jesucristo. Maaari mong ipakita ang mga sumusunod na tagubilin at scripture reference sa pisara. Anyayahan ang mga estudyante na pag-aralan ang ilan sa mga talatang ito o iba pang mga talatang nagpapatotoo sa Tagapagligtas. O maaari mong italaga ang bawat banal na kasulatan sa iba’t ibang estudyante. Pagkatapos ay maaaring ibahagi ng mga estudyante sa klase ang natuklasan nila tungkol sa kung paano nagdadala ng pag-asa at kapayapaan ang Tagapagligtas sa ating buhay.
Basahin ang ilan sa mga sumusunod na banal na kasulatan sa Lumang Tipan, na naghahanap ng mga pariralang naglalarawan kung ano ang magagawa ng Tagapagligtas para sa atin. Pagnilayan kung paano Siya nagdadala ng pag-asa at kapayapaan sa buhay natin.
Job 19:25–26
Mga Awit 16:8–11
Mga Awit 30:2–5
Mga Awit 33:18–22
Isaias 1:18
Isaias 12:2
Isaias 25:8–9
Isaias 40:28–31
Jeremias 17:7–8
Anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang mga pariralang nakita nilang makabuluhan sa kanila. Maaari mong ipasulat sa kanila ang mga pariralang ito sa pisara sa tabi ng arrow na “Pagkakaroon ng pag-asa.” Itanong sa kanila kung bakit makabuluhan ang mga parirala. Maaari mo ring hikayatin ang mga estudyante na markahan ang mga pariralang ibinahagi ng iba.
Pagnilayan ang pag-asa at kapayapaang ibinibigay ng Tagapagligtas
Para matulungan ang mga estudyante na pagnilayan ang pag-asa at kapayapaang nagmumula sa Tagapagligtas, anyayahan ang mga estudyante na gawin ang isa o dalawa sa mga sumusunod na aktibidad bilang isang klase. Maaari mong piliin ang mga aktibidad na sa tingin mo ay pinakakapaki-pakinabang o pinakamakatutulong sa mga estudyante. O maaari mong ibuod ang mga pagpipilian at hayaang pumili ang mga estudyante, bilang isang klase, kung aling mga aktibidad ang gusto nilang gawin. Maaari mo ring anyayahan ang mga estudyante na mag-isip ng sarili nilang mga ideya at subukan ang mga ito.
-
Pag-aralan ang “Ang Buhay na Cristo,” na isinulat ng Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol, na naghahanap ng mga pariralang nagpapatotoo sa kapayapaan at pag-asang ibinibigay ng Tagapagligtas. Maaaring ibahagi ng mga estudyante ang nahanap nila at kung bakit ito makabuluhan sa kanila.
-
Pumili ng mga himno o iba pang mga kantang nagtuturo ng tungkol sa kapayapaan at pag-asa na ibinibigay ng Tagapagligtas. Kantahin ang isa sa mga ito. Pagkatapos ay magbahagi ng mga parirala mula sa himnong iyon na makabuluhan para sa iyo. Ang ilang halimbawa ay ang “Saan Naroon ang Aking Kapayapaan?,” Mga Himno, blg. 74; “Ang Manunubos Ko’y Buhay,” Mga Himno, blg. 77; at “Aking Nadarama ang Pag-ibig ni Cristo,” Aklat ng mga Awit Pambata, 42.
-
Basahin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Russell M. Nelson o panoorin ang “The Peace and Hope of Easter, President Russell M. Nelson Palm Sunday Invitation” mula sa time code na 3:50 hanggang 5:11. Ibahagi kung paano tayo natutulungan ng pagsisimba o pakikinig sa pangkalahatang kumperensya na pagnilayan ang kapayapaan at pag-asa na ibinibigay ng Tagapagligtas.
Ngayong Pasko ng Pagkabuhay, hinihikayat ko kayong ituon ang inyong pansin sa Tagapagligtas. Kung humahanap kayo ng lugar para sumamba, halina’t sumama sa amin. Sa [o malapit sa] Pasko ng Pagkabuhay, ang pandaigdigang pangkalahatang kumperensya ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay mapupuno ng mga mensahe at musikang nakatuon kay Cristo. Magtitipon kami [nang personal at] nang virtual upang sambahin ang ating Manunubos. Sumama sa amin. Anyayahan ang inyong mga kaibigan!
Buhay si Jesucristo! Bilang ating Tagapagligtas na nabuhay na mag-uli at nagbayad-sala, handa Siyang tulungan tayong umunlad mula sa mga nakabibigla at di-inaasahang pangyayari sa buhay. Ngayong Pasko ng Pagkabuhay, ating sambahin at purihin Siya para sa kapayapaan, pag-asa, liwanag, at katotohanang hatid Niya sa atin. (“The Peace and Hope of Easter, President Russell M. Nelson Palm Sunday Invitation,” video, ChurchofJesusChrist.org)
-
Magbahagi ng mga karanasan noong nakadama ka o ang isang taong kilala mo ng pag-asa at kapayapaan sa pamamagitan ng Tagapagligtas na si Jesucristo.
Pagkatapos makumpleto ng mga estudyante ang isa o dalawa sa mga aktibidad na ito, maaari mong ibahagi ang isa sa mga sumusunod na video upang matulungan silang madama ang kapayapaan at pag-asa na ibinibigay ng Tagapagligtas:
“Ang Pangulo ng Kapayapaan: Magkaroon ng Walang-Hanggang Kapayapaan sa Pamamagitan ni Jesucristo” (2:32)
“Siya ay Buhay – Ipagdiwang ang Pasko ng Pagkabuhay Dahil si Jesucristo ay Buhay” (2:28)
Pangwakas
Balikan ang graphic sa pisara. Ipaliwanag na bagama’t lahat tayo ay maaaring matuksong mawalan ng pag-asa kung minsan, magagawa nating piliing hangarin ang pag-asa at kapayapaan sa pamamagitan ng Tagapagligtas.
Sa inyong scripture journal, isulat kung bakit kailangan ninyo ang pag-asa at kapayapaan ng Tagapagligtas sa inyong buhay. Pagkatapos ay sumulat ng ilang bagay na gusto ninyong gawin para tumuon sa Tagapagligtas at sa Kanyang pag-asa at kapayapaan. Maaaring kabilang sa mga ito ang pag-alaala sa mga banal na kasulatan o parirala mula sa “Ang Buhay na Cristo” na pinag-aralan ninyo ngayon.
Maaari mong bigyan ng pagkakataon ang mga estudyante na magbahagi ng kanilang mga saloobin at patotoo tungkol sa Tagapagligtas at sa pag-asa at kapayapaang ibinibigay Niya.