Seminary
Mga Gawi na Nag-aanyaya sa Espiritu Santo sa Inyong Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan: Paglikha ng Kapaligiran para Makapagturo ang Espiritu


“Mga Gawi na Nag-aanyaya sa Espiritu Santo sa Inyong Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan: Paglikha ng Kapaligiran para Makapagturo ang Espiritu,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)

“Mga Gawi na Nag-aanyaya sa Espiritu Santo sa Inyong Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan: Paglikha ng Kapaligiran para Makapagturo ang Espiritu,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan

Mga Kasanayan sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan: Lesson 169

Mga Gawi na Nag-aanyaya sa Espiritu Santo sa Inyong Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan

Paglikha ng Kapaligiran para Makapagturo ang Espiritu

Isang dalagitang nagbabasa ng mga banal na kasulatan malapit sa bukas na bintana

Lahat tayo ay nagkaroon na ng mga pagkakataon kung saan pinag-aralan natin ang mga banal na kasulatan sa mas kaswal at mas maingat na paraan. Kapag sadyang sinisikap nating pag-aralan nang mabuti ang mga banal na kasulatan, isusugo ng Ama sa Langit ang Espiritu Santo para tulungan tayong makilala at maipamuhay ang mga banal na kasulatan (tingnan sa 2 Nephi 32:3, 5; Juan 14:26). Sa lesson na ito, magsasanay ang mga estudyante sa mga kasanayan na nag-aanyaya sa Espiritu Santo sa kanilang pag-aaral ng mga banal na kasulatan.

Paghahanda ng estudyante: Anyayahan ang mga estudyante na gumawa ng listahan ng mga ideya na maaari nilang ibigay sa isang kaibigan para tulungan silang mapahusay ang kanilang personal na pag-aaral ng banal na kasulatan. Maaari silang humingi sa iba ng mga ideya na idaragdag sa kanilang listahan.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Dalawang magkaibang karanasan

Upang simulan ang klase, maaari kang magdrowing ng dalawang stick figure sa pisara, tulad ng sumusunod, at mag-iwan ng espasyo para makapagsulat sa pagitan at paligid ng mga ito. Maaari mo ring anyayahan ang mga estudyante na magdrowing ng dalawang katulad na stick figure sa isang piraso ng papel o sa kanilang journal.

Ang dalawang ito ay kunwaring mga karaniwang tinedyer.

Male Stick Figure
  • Ano ang maaaring maging ilang pagkakatulad nila?

    Isulat ang mga komento ng mga estudyante sa pagitan ng dalawang stick figure.

    Sabihin sa mga estudyante na isipin kunwari na nagkaroon ang dalawang indibidwal na ito ng lubos na magkaibang karanasan habang pinag-aaralan nila ang mga banal na kasulatan. Isulat ang “Nagkakaroon ng mga makabuluhang karanasan sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan” sa tabi ng isang figure at “Nahihirapan sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan” sa tabi ng isa pa.

    Maaari mong isulat sa pisara ang mga sagot ng mga estudyante sa sumusunod na tanong sa ibaba ng stick figure.

  • Ano ang ilang gawain na maaaring magdulot ng positibo o negatibong epekto sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan?

Itinuro ni Elder Gary E. Stevenson ng Korum ng Labindalawang Apostol ang sumusunod na maaaring iangkop sa pag-aaral natin ng mga banal na kasulatan:

Official portrait of Elder Gary E. Stevenson of the Quorum of the Twelve Apostles, 2015.

Ang mga espirituwal na bagay ay hindi maipipilit. Maaaring makapaglinang kayo ng pag-uugali at kapaligiran na nag-aanyaya sa Espiritu, at maihahanda ninyo ang inyong sarili, ngunit hindi ninyo maididikta kung paano o kailan darating ang inspirasyon. Maging matiyaga at magtiwala na matatanggap ninyo ang kailangan ninyo sa tamang panahon. (“Mga Pahiwatig ng Espiritu,” Liahona, Nob. 2023, 45)

  • Paano maaaring iangkop ang mga salita ni Elder Stevenson sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan?

    Kung hindi ito nasagot ng mga estudyante, tulungan silang matukoy na maaari nating linangin ang isang pag-uugali at kapaligiran na nag-aanyaya sa Espiritu Santo sa ating pag-aaral ng mga banal na kasulatan.

  • Anong mga pagpapala ang maaaring dumating sa pag-aanyaya sa Espiritu Santo sa inyong pag-aaral ng mga banal na kasulatan?

    Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na pag-isipan ang sumusunod na tanong.

  • Gaano kayo kakumpiyansa sa inyong kakayahang anyayahan ang Espiritu Santo sa inyong pag-aaral ng mga banal na kasulatan?

Habang nag-aaral kayo ngayon, bigyang-pansin ang mga ideya o impresyon na makatutulong sa inyo na mas maanyayahan ang Espiritu Santo sa inyong personal na pag-aaral ng mga banal na kasulatan.

Mga gawi na nag-aanyaya sa Espiritu Santo sa inyong pag-aaral ng mga banal na kasulatan

Bago anyayahan ang mga estudyante na sagutin ang mga sumusunod na tanong, basahin ang mga tanong at sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang kanilang mga sagot sa loob lamang ng lima hanggang sampung segundo.

  • Ano ang nakatulong sa inyo para maanyayahan ang Espiritu Santo sa inyong pag-aaral ng mga banal na kasulatan?

  • Ano ang nasubukan na ninyo na tila hindi epektibo?

Maaari mong ilista sa pisara ang mga sagot ng mga estudyante sa unang tanong. Maaaring kabilang sa ilang sagot ang pag-alis ng mga nakagagambala, pagdarasal, at pagninilay. Kung hindi nila ibinigay ang mga sagot na ito, maaari mong idagdag ang mga ito sa pisara. Tatalakayin ng lesson na ito ang tatlong ideyang ito. Maaari mong talakayin ang iba pang mga gawi na nakalista sa pisara na sa tingin mo ay makatutulong sa iyong mga estudyante na mas maanyayahan ang Espiritu Santo sa kanilang pag-aaral ng mga banal na kasulatan.

Maaari ninyong gawin ang bawat bahaging ito bilang klase. Bilang alternatibo, maaari mong gawing istasyon ang bawat bahagi. Maaari kang mag-assign nang maaga ng isang estudyante na mangunguna sa talakayan sa bawat istasyon. Siguraduhin na may sapat na oras ang mga lider ng talakayan para maghanda bago magklase. Sa klase, maaaring hatiin ang mga estudyante sa mga grupo at umikot sa iba’t ibang istasyon na pinamumunuan ng mga estudyante.

Pag-aalis ng mga nakagagambala

  • Ano ang mga posibleng makagagambala na maaaring maging dahilan para mas mahirap na madama ang Espiritu Santo habang nag-aaral ng mga banal na kasulatan?

    Maaari mong ilista sa pisara ang mga sagot. Maaaring banggitin ng mga estudyante ang mga bagay tulad ng mga telepono, level ng enerhiya, kanilang kapaligiran, atbp.

  • Sa palagay ninyo, bakit makatutulong ang pag-aalis ng mga nakagagambala sa pag-anyaya ng Espiritu Santo sa inyong pag-aaral ng mga banal na kasulatan?

    Maaari mong ipaliwanag na madalas maghanap ng tahimik na lugar ang Tagapagligtas na si Jesucristo kapag gusto Niyang makasama ang Diyos (tingnan sa Mateo 14:22–23). Ito ang isang paraan kung paano Niya inalis ang mga nakagagambala.

  • Ano ang mga partikular na bagay ang maaari ninyong gawin upang alisin ang mga nakagagambalang nabanggit?

Maaari mong ilista sa pisara ang mga sagot ng mga estudyante sa tabi ng nakagagambala kung saan naaangkop ang mga ito.

Kung gumagamit ang iyong mga estudyante ng mga smart phone o iba pang mobile device, maaaring makatulong na ipakita sa kanila o anyayahan ang isang estudyante na ipakita kung paano buksan ang airplane mode sa mga device na iyon. Ino-off ng setting na ito ang mga notification mula sa mga mobile app na maaaring makagambala sa mga estudyante habang nag-aaral ng kanilang mga banal na kasulatan. Magagamit pa rin ng mga estudyante ang Gospel Library app habang nasa airplane mode.

Panalangin

Ang pagdarasal sa Ama sa Langit ay isang mabisang paraan para maanyayahan ang Espiritu Santo sa inyong pag-aaral ng mga banal na kasulatan.

Anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi kung ano ang maaaring isagot nila sa sumusunod na tanong. Anyayahan sila na mapitagang ibahagi kung anong mga salita ang maaari nilang sabihin (nang hindi binibigkas nang malakas ang pormal na panalangin).

  • Ano ang maaari ninyong sabihin sa inyong panalangin sa Ama sa Langit bago pag-aralan ang mga banal na kasulatan?

Ibinahagi ni Pangulong Dallin H. Oaks ng Unang Panguluhan kung paano niya ginagamit ang panalangin para anyayahan ang Espiritu Santo sa kanyang pag-aaral ng mga banal na kasulatan.

1:9
Official Portrait of President Dallin H. Oaks taken March 2018.

Bago ko basahin ang mga banal na kasulatan sa bawat araw, yumuyuko ako, at humihiling sa Panginoon na pagpalain ako na magkaroon ng Kanyang Espiritu upang maliwanagan ako sa kahulugan ng aking binabasa at masamahan ako sa buong araw upang tulungan akong magpasiya, at labanan ang tukso. Hinihimok ko kayo na gawin ninyong gawi ito. (“2.3.1. I Love My Daily Scripture Study,” Welcome to Seminary, 2012)

  • Anong iba pang mga ideya ang natutuhan ninyo mula kay Pangulong Oaks?

Pagnilayan ang mga banal na kasulatan

Para matulungan ang mga estudyante na maunawaan kung paano sila makakapagnilay habang pinag-aaralan nila ang mga banal na kasulatan, maaari mong ibahagi ang isa o lahat ng sumusunod na mga pahayag. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi kung ano ang pinakanapansin nila sa mga turong ito.

Itinuturo ng Gabay sa mga Banal na Kasulatan na ang ibig sabihin ng magbulay-bulay o magnilay ay “magmuni-muni at mag-isip nang malalim, kadalasan sa mga banal na kasulatan o iba pang mga bagay na tungkol sa Diyos. Kapag lakip ng panalangin, ang pagbubulay-bulay ng mga bagay ng Diyos ay maghahatid ng paghahayag at pang-unawa” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Pagbulay-bulay,” Gospel Library).

Inilarawan ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol kung ano ang ginagawa kapag pinagninilayan ang mga banal na kasulatan.

11:21
Portrait of Elder D. Todd Christofferson.  Photographed in March 2020.

Kung minsa’y magandang basahin ang isang aklat sa banal na kasulatan sa takdang haba ng panahon para maunawaan ang buong mensahe nito, ngunit sa pagbabalik-loob, mas mahalaga dapat ang oras ninyo sa pagbabasa ng mga banal na kasulatan kaysa sa dami ng nabasa ninyo sa oras na iyon. Kung minsa’y nawawari kong nagbabasa kayo ng ilang talata, tumitigil sandali para pag-isipan ito, at muling binabasa ang talata, at habang pinag-iisipan ang kahulugan nito, ay nagdarasal kayong maunawaan ito, nag-iisip ng mga tanong, naghihintay ng espirituwal na mga paramdam, at isinusulat ang damdamin at kabatirang dumarating para mas matandaan ito at matuto pa kayo. Sa ganitong pag-aaral, maaaring ilang kabanata o talata lang ang mababasa ninyo sa kalahating oras, pero bibigyan ninyo ng puwang sa inyong puso ang salita ng Diyos, at kakausapin Niya kayo. (“Kapag Ikaw ay Nagbalik-loob,” Liahona, Mayo 2004, 11)

  • Ano ang pinakamahalaga para sa inyo sa itinuro ni Elder Christofferson?

  • Sa inyong palagay, bakit nakakapag-anyaya sa Espiritu Santo ang pagninilay sa mga banal na kasulatan?

  • Ano ang mga naging karanasan ninyo (o ng kakilala ninyo) sa pagninilay sa mga banal na kasulatan? Tiyaking hindi magbahagi ng anumang napakapersonal o napakasagrado.

Gumawa ng plano

Kung nakaikot na ang mga estudyante sa mga istasyon, muli silang tipunin bilang klase at ipabahagi sa kanila ang anumang bagay na mahalaga para sa kanila. Anyayahan ang bawat isa sa kanila na gumawa ng isang bagay batay sa natutuhan nila. Maaari mong ibahagi sa kanila ang sumusunod na paanyaya para tulungan silang magawa ito.

Habang iniisip ang natutuhan ninyo ngayon, gumawa ng plano para mas maanyayahan ang Espiritu Santo sa inyong pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Sagutin ang mga sumusunod na tanong sa inyong study journal:

  • Ano ang maaari ninyong gawin para mas maanyayahan ang Espiritu Santo sa inyong personal na pag-aaral?

  • Ano ang maaaring maging resulta kapag nasa inyo ang Espiritu Santo habang pinag-aaralan ninyo ang salita ng Diyos?

Maaari mong ibahagi ang iyong patotoo kung paano nakatulong sa iyo ang mga gawing tinalakay ngayon para maanyayahan ang Espiritu Santo sa iyong pag-aaral ng mga banal na kasulatan at mapalapit kay Jesucristo.