“Paghahanap ng mga Katotohanan ng Ebanghelyo sa mga Banal na Kasulatan: Matutong Tukuyin ang Doktrina at mga Alituntunin,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)
“Paghahanap ng mga Katotohanan ng Ebanghelyo sa mga Banal na Kasulatan: Matutong Tukuyin ang Doktrina at mga Alituntunin,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan
Mga Kasanayan sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan: Lesson 167
Paghahanap ng mga Katotohanan ng Ebanghelyo sa mga Banal na Kasulatan
Matutong Tukuyin ang Doktrina at mga Alituntunin
Ang pag-aaral ng mga banal na kasulatan ay maaaring maging higit na makapangyarihan kung aktibo tayong naghahanap ng mga katotohanan ng ebanghelyo na mas maglalapit sa atin sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na maragdagan ang kanilang kakayahang maghanap ng mga katotohanan ng ebanghelyo sa mga banal na kasulatan na makatutulong sa kanila na mas mapalapit sa Panginoon.
Paghahanda ng estudyante: Anyayahan ang mga estudyante na markahan o itala sa kanilang mga banal na kasulatan ang isang bagay na natutuhan nila mula sa kanilang personal na pag-aaral ng banal na kasulatan. Pagkatapos ay maaari nilang hilingin sa isang kaibigan o miyembro ng pamilya na basahin ang parehong scripture passage, ibahagi ang natutuhan nila mula rito, at ihambing ang mga natutuhan.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Iniingatan ng mga banal na kasulatan ang mga katotohanan ng ebanghelyo
Para matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang kahalagahan ng paghahanap ng mga katotohanan ng ebanghelyo sa mga banal na kasulatan, maaaring makapagbigay ang sumusunod na talinghaga ng mga kapaki-pakinabang na kabatiran tungkol sa kung paano iniingatan ng mga kuwento sa banal na kasulatan ang mga katotohanan ng ebanghelyo. Maaari kang magdala sa klase ng saging (o ibang prutas na ang balat) ay hindi karaniwang kinakain ng mga tao sa inyong kultura. Hilingin sa isang boluntaryo na kainin ang prutas. Pagkatapos itong balatan at kagatan sa unang pagkakataon ng estudyante, maaari kang magkunwaring nagulat at itanong kung bakit hindi niya kinagat ang balat. Pagkatapos ay itanong ang sumusunod.
(Kung walang prutas, maaari mong ibahin ang bahaging ito upang makagawa ng katulad na talakayan sa pamamagitan ng pagpapakita ng larawan ng prutas o pagdrowing nito sa pisara.)
-
Bakit mahalaga pa rin ang balat ng saging kahit hindi natin ito kinakain?
Maaari mong tulungan ang mga estudyante na maunawaan na pinoprotektahan, iniingatan, at pinananatiling malinis ng balat ang bahagi ng prutas na kinakain natin.
Pagkatapos ay sabihin sa mga estudyante na ibahagi sa klase o sa isang kapartner ang kanilang mga ideya tungkol sa sumusunod.
-
Kung ihahambing natin sa balat ng saging ang mga kuwento sa mga banal na kasulatan, ano ang maaaring isinasagisag ng bahaging kinakain natin? (Sa madaling salita, ano ang mga pinoprotektahan, iniingat, at pinapanatiling dalisay ng mga kuwento para sa atin?)
Kung kinakailangan, ipaliwanag na para matuto pa mula sa mga banal na kasulatan, kailangan nating unawain hindi lamang ang kuwento kundi pati na ang mga pangyayari sa likod nito upang matuklasan ang mga katotohanang nais ng Diyos na matutuhan natin. Ang mga kuwento mismo ay maaaring maging tulad ng isang balat na nagtataglay at nag-iingat ng mga katotohanan ng ebanghelyo na tutulong sa atin kalaunan na makilala at sundin si Cristo.
Ibahagi ang sumusunod na pahayag at sabihin sa mga estudyante na alamin kung bakit mahalagang hanapin ang mga katotohanan ng ebanghelyo habang nag-aaral tayo.
Itinuro ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Alam ko na ang doktrina at mga alituntunin ng ebanghelyo ni Jesucristo ang pinakamahusay at tanging pinagmumulan ng gabay para sa ating buhay at ng nagtatagal na kagalakan sa mortalidad at sa kawalang-hanggan. … Masaya kong pinatototohanan na ang ating buhay na Tagapagligtas ang pinagmumulan ng mga katotohanang ito. (“Ang mga Alituntunin ng Aking Ebanghelyo,” Liahona, Mayo 2021, 126)
-
Paano ninyo ibubuod ang natutuhan ninyo mula kay Elder Bednar?
Maaari mong tulungan ang mga estudyante na matukoy ang isang katotohanan mula sa pahayag ni Elder Bednar na tulad nito: Ang doktrina at mga alituntunin ng ebanghelyo ay nagmumula kay Jesucristo at pinagmumulan ng patnubay at walang-hanggang kagalakan.
(Tandaan: Ang mga pagkakaiba sa pagitan ng doktrina at mga alituntunin ay hindi tatalakayin sa lesson na ito. Para sa mga layunin ng lesson na ito, ang doktrina at mga alituntunin ay tutukuyin sa mas karaniwang kataga na “mga katotohanan ng ebanghelyo.” May mga pahayag sa Karagdagang mga Resource ng lesson na ito na magagamit mo kung sa palagay mo ay makatutulong para sa iyong mga estudyante na matukoy ang kaibahan ng doktrina at mga alituntunin.)
Para matulungan ang mga estudyanteng suriin ang kanilang kakayahang maghanap ng mga katotohanan ng ebanghelyo sa mga banal na kasulatan, maaari mo silang anyayahan na tahimik na pagnilayan ang mga sumusunod na pahayag.
I-rate sa scale na 1–5 kung gaano katotoo ang mga sumusunod na pahayag tungkol sa inyo. (1 = bihirang maging totoo; 5 = halos palaging totoo)
-
May kumpiyansa ako sa kakayahan kong maghanap ng mga katotohanan ng ebanghelyo sa mga banal na kasulatan.
-
Palagi akong naghahanap ng mga katotohanan sa mga banal na kasulatan na mas naglalapit sa akin sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.
Hikayatin ang mga estudyante na hangarin ang Espiritu Santo para tulungan silang mas makilala ang mga katotohanan sa mga banal na kasulatan na iniingatan ng Ama sa Langit para sa atin.
Para sa mga sumusunod na aktibidad, maaari mong hilingin na gawin muna ang mga bahaging “Ipaliwanag” at “Ipakita” ng bawat kasanayan at pagkatapos ay anyayahan ang mga estudyante na sanayin ang dalawang kasanayan nang magkasabay. Maaari mong gamitin ang alinman sa mga ideya sa banal na kasulatan na nakalista sa mga bahaging “Magsanay” ng mga kasanayan.
Kasanayan: Tukuyin ang malilinaw na ipinahayag na katotohanan
Ipaliwanag
Ang isang uri ng katotohanan ng ebanghelyo na matutuklasan ninyo sa inyong pag-aaral ay isang malinaw na ipinahayag na katotohanan. Ang mga gayong katotohanan ay ipinapahayag sa isang simpleng pangungusap o parirala sa mga banal na kasulatan.
Ipakita
Magpakita sa mga estudyante ng halimbawa ng malinaw na ipinahayag na katotohanan sa pamamagitan ng pagbabasa ng sumusunod na banal na kasulatan o isa sa mga paborito mong talata na may malinaw na ipinahayag na katotohanan.
Basahin ang Mga Kawikaan 3:5–6, at alamin at markahan ang isang malinaw na ipinahayag na katotohanan.
-
Ano ang minarkahan ninyo?
Maaaring tukuyin ng mga estudyante ang isang katotohanang tulad ng “Sa Panginoon ay buong puso kang magtiwala … at itutuwid Niya ang iyong mga landasin.”
-
Bakit mahalaga sa inyo ang katotohanang minarkahan ninyo?
Magsanay
Ang isang paraan para makapagsanay ang mga estudyante ay anyayahan silang buksan ang Mga Doctrinal Mastery Scripture Passage at Mahahalagang Parirala ng Banal na Kasulatan sa Doctrinal Mastery Core Document (2023). Pagkatapos ay maaaring magbukas ang mga estudyante ng ilang talata at maghanap ng malilinaw na ipinahayag na mga katotohanan.
Pagkatapos magkaroon ng oras ang mga estudyante na tapusin ang aktibidad, maaari silang bumaling sa isang kapartner o maliit na grupo at ibahagi ang (mga) katotohanang natukoy nila.
Kasanayan: Tukuyin ang mga ipinahiwatig na katotohanan
Ipaliwanag
Ang isa pang uri ng katotohanan ng ebanghelyo na matutuklasan ninyo sa inyong pag-aaral ay ang ipinapahiwatig na katotohanan. Ang mga katotohanang ito ay ipinapahiwatig sa mas maraming passage o kuwento na kinakailangang pag-isipan natin kung ano ang nais ng Ama sa Langit na matutuhan natin mula sa mga ito. Mahahanap natin ang mga katotohanang ito sa pamamagitan ng pagtatanong ng tulad ng mga sumusunod.
Maaari mong ipakita o ilista sa pisara ang mga tanong na ito.
-
Mayroon bang anumang mahalagang ideya, parirala, o simbolo na nagtuturo sa inyo tungkol sa Ama sa Langit o kay Jesucristo?
-
Mayroon bang anumang ugnayang sanhi at epekto (kung/sa gayon) sa kuwentong ito?
-
Sa inyong palagay, bakit binigyang-inspirasyon ng Diyos ang manunulat na isama ang mga pangyayari o passage na ito?
Ipakita
Maaari mong anyayahan ang isang boluntaryo na basahin nang malakas sa klase ang Mga Bilang 21:5–9. Ito ay salaysay tungkol sa pagtuturo at pagpapagaling ng Diyos sa mga Israelitang natuklaw ng mga makamandag na ahas. Habang nakikinig sila, hikayatin ang mga estudyante na hanapin ang mga ipinahiwatig na katotohanan sa salaysay sa pamamagitan ng pagtatanong sa kanilang sarili ng mga tanong na nakalista sa itaas.
Pagkatapos magbasa, hilingin sa mga boluntaryo na ibahagi ang anumang ipinahiwatig na katotohanan na nahanap nila. Maaari mong hikayatin ang mga estudyante na magsulat ng katotohanan sa tabi ng mga talatang ito sa kanilang mga banal na kasulatan.
Kabilang sa mga posibleng ipinahiwatig na katotohanan mula sa salaysay na ito ang sumusunod:
-
Ang pagsasalita laban sa Diyos at sa Kanyang mga propeta ay hahantong kalaunan sa kalumbayan.
-
Itinuturo tayo ng propeta kay Jesucristo.
-
Ang Diyos ay maawain at gumagawa ng paraan para tayo ay mapagaling.
Maaari mong bigyang-diin na ginamit ni Jesucristo ang salaysay na ito upang ituro na ang mga naniniwala at sumusunod sa Kanya ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan (Juan 3:14–16).
Magsanay
Para simulan ang aktibidad na ito, maaari kang magdrowing sa pisara ng saging na bahagyang nabalatan.
Maaari mong ipakita ang mga sumusunod na tagubilin at scripture reference at anyayahan ang mga estudyante na kumpletuhin ang aktibidad nang mag-isa o nang may kapartner. Habang nag-aaral sila, anyayahan ang mga estudyante na pumunta sa pisara sa tuwing may matutukoy silang katotohanan at isulat ito sa pisara malapit sa saging.
Pumili ng isa sa mga salaysay sa banal na kasulatan sa ibaba upang pag-aralan, o ng isa pang salaysay na pipiliin mo.
-
Habang nagbabasa kayo, markahan ang anumang katotohanang malinaw na ipinapahayag sa mga banal na kasulatan.
-
Kapag tapos na kayong magbasa, isulat sa inyong sariling mga salita ang kahit isang ipinahiwatig na katotohanan na natutuhan ninyo mula sa salaysay.
-
Pagnilayan kung bakit mahalaga sa inyo ang mga katotohanang nahanap ninyo at kung paano kaya nais ng Ama sa Langit na gamitin ninyo ang mga ito.
1 Samuel 17:44–49 (si David na hinaharap ang higanteng si Goliat)
2 Mga Hari 6:14–18 (isang hukbo ng Siria na nakapalibot sa lungsod upang dakpin si Eliseo)
Mga Hukom 6:11–16 (humingi ng tulong si Gideon na iligtas ang kanyang mga tao mula sa isang nananalakay na hukbo)
Kapag tapos na ang mga estudyante, sabihin sa kanila na tukuyin ang mga katotohanang makabuluhan sa kanila na isinulat ng ibang estudyante sa pisara. Maaaring ibahagi ng mga estudyante kung bakit mahalaga sa kanila ang katotohanan at kung paano nila maipapamuhay ang katotohanang iyon. Maaari mo ring itanong kung may sinumang nagkaroon na ng karanasan na nakatulong sa kanila na malaman kung totoo ang isang bagay sa pisara.
Pangwakas
Maaari mong ipaalala sa mga estudyante ang personal na mithiin nila sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan na ginawa nila para sa semestreng ito. Kung hindi pa sila nagtatakda ng mithiin, hikayatin silang gawin ito.
Sabihin sa mga estudyante na isaisip ang kanilang mithiin habang sinasagot nila ang mga sumusunod na tanong sa kanilang study journal. Anyayahan silang maging bukas sa pagbabago ng kanilang mithiin kung nahihikayat silang gawin ito.
-
Anong mga kasanayan ang namukod-tangi sa inyo na makatutulong sa inyong personal o pangmag-anak na pag-aaral ng mga banal na kasulatan?
-
Paano makatutulong sa inyo ang paghahanap at pagninilay sa mga katotohanan ng ebanghelyo sa pag-aaral ninyo ng mga banal na kasulatan para mas mapalapit sa Tagapagligtas?
Maaari mong anyayahan ang isa o mahigit pang estudyante bawat araw para sa mga susunod na lesson na magbahagi ng isang katotohanang nalaman nila sa kanilang personal o pangmag-anak na pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Maghanap ng iba pang mga pagkakataon sa mga susunod na lesson para patuloy na mapraktis ng mga estudyante ang mahalagang kasanayang ito.