“Moises 7:53–69: Pangangalagaan ng Hari ng Sion ang Kanyang mga Tao,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)
“Moises 7:53–69: Pangangalagaan ng Hari ng Sion ang Kanyang mga Tao,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan
Moises 7: Lesson 18
Moises 7:53–69
Pangangalagaan ng Hari ng Sion ang Kanyang mga Tao
Ang isa sa mga titulo ng Tagapagligtas ay “ang Hari ng Sion” (Moises 7:53). Binabantayan Niya ang Kanyang mga tao, at sa mga huling araw ay pangangalagaan Niya sila mula sa matitinding paghihirap na mangyayari. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na makilala at mapahalagahan ang ginawa ng Panginoon upang tulungan silang madaig ang mga pagsubok sa ating kasalukuyang panahon.
Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na pumasok sa klase na handang magbahagi ng isang talata mula sa Aklat ni Mormon na nakatulong sa kanila noong naharap sila sa mga pagsubok.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Matitinding paghihirap sa mga huling araw
Sabihin sa mga estudyante na isipin na kunwari ay may isang malaking bagyo na mananalasa sa inyong lungsod. Kung kapaki-pakinabang, maaari kang magpakita ng larawan ng isang malakas na bagyo.
-
Ano ang ilan sa malalaking pagsubok o paghihirap sa mga huling araw? Paano maikukumpara ang mga pagsubok at paghihirap na ito sa isang bagyo?
-
Ano ang ilang paraan upang maging ligtas sa mga bagyong ito?
Sabihin sa mga estudyante na pagnilayan ang mga nadarama nila tungkol sa mga bagyong ito at ang kanilang mga pagsisikap na maging ligtas. Ang sumusunod na self-assessment ay isang paraan upang magawa mo ito:
Pagnilayan kung gaano katotoo sa iyo ang mga sumusunod na pahayag:
-
Alam ko kung ano ang ginawa ng Panginoon upang matulungan ako sa mga unos (mga pagsubok at paghihirap) na kinakaharap ko.
-
Pinahahalagahan ko ang nagawa ng Panginoon at tunay na hinahangad ko ang Kanyang tulong.
Sabihin sa mga estudyante na maghangad ng inspirasyon mula sa Espiritu Santo habang nag-aaral sila. Maituturo ng Espiritu Santo ang mga paraan na matutulungan ng Panginoon ang mga estudyante sa mga unos na kinahaharap nila.
Ang Hari ng Sion
Itinayo ni Enoc at ng kanyang mga tao “ang Lunsod ng Kabanalan, maging ang Sion” (Moises 7:19). Nangako ang Panginoon na sila ay “mamumuhay sa kaligtasan magpakailanman” (Moises 7:20). Pagkatapos ay nakita at tinangisan ni Enoc ang pagkawasak na darating sa panahon ng Baha. Dahil naghahangad ng kapanatagan, itinanong ni Enoc kung kaaawaan ng Panginoon ang mga taong dumating pagkatapos ng Baha. Bilang tugon, itinuro at ipinakita ng Panginoon kay Enoc ang Tagapagligtas at ang Kanyang Pagbabayad-sala (tingnan sa Moises 7:42–57).
Basahin ang Moises 7:53, at alamin kung paano inilarawan ng Tagapagligtas ang Kanyang sarili.
-
Paano mapapanatag si Enoc ng mga bagay na ibinahagi ng Panginoon sa talatang ito?
Sabihin sa mga estudyante na markahan at talakayin ang iba’t ibang titulo at tungkulin ni Jesucristo sa talata 53. Ang lesson na ito ay magtutuon sa Kanyang titulong “Hari ng Sion.” Maaari kang magtanong pa tungkol sa titulong ito tulad ng:
-
Paano natutulad si Jesucristo sa isang makapangyarihan at mapagmahal na hari sa atin?
-
Anong iba pang mga parirala mula sa talatang ito ang naglalarawan ng mga pagpapalang nanaisin ninyo mula sa pagsunod sa Hari ng Sion?
Maaari mong ipaalala sa mga estudyante na ang Sion ay binubuo ng sinuman na, tulad ng mga tao ni Enoc, ay “may dalisay na puso” (Doktrina at mga Tipan 97:21)—mga taong katulad ng Panginoon.
Pangangalagaan ng Panginoon ang Kanyang mga tao
Itinanong ni Enoc sa Panginoon kung Siya ay paparitong muli sa mundo. Ipinakita ng Panginoon kay Enoc ang mga huling araw at ang mga bagay na gagawin Niya para sa mga taong nagsisikap na sumunod sa Kanya.
Basahin ang Moises 7:60–61, at alamin ang ipinangakong gagawin ng Panginoon.
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng “pangangalagaan” ng Panginoon ang mga taong nagsisikap na sumunod sa Kanya?
Habang binabasa ng mga estudyante ang Moises 7:62 ayon sa tagubilin sa ibaba, maaari mo silang tulungang makita kung gaano kasigasig ang Diyos sa pangangalaga sa Kanyang mga tao. Ang isang paraan upang magawa ito ay sabihin sa mga estudyante na bigyang-pansin ang bawat paggamit ng salitang Ako at ang mga pandiwang kasunod nito. Maaari mo ring sabihin sa kanila na pansinin kapag ginagamit ng Panginoon ang salitang akin o ko at ang mga salitang nauugnay sa mga ito.
Bagama’t nakita ni Enoc sa pangitain ang nakapanlulumong baha sa mga araw ni Noe, ipinakita ng Panginoon kay Enoc ang mga paraan na titipunin Niya ang mga tao sa Kanya at pangangalagaan sila.
Basahin ang Moises 7:62, at alamin kung ano ang gagawin ng Diyos upang mapangalagaan ang Kanyang mga tao.
-
Ano ang ilan sa mga bagay na gagawin ng Panginoon upang mapangalagaan ang Kanyang mga tao?
Isulat sa pisara ang sumusunod na parirala: Upang mapangalagaan ang Kanyang mga tao sa mga huling araw, ang Panginoon ay …
Habang sumasagot ang mga estudyante, isulat ang mga sumusunod na parirala sa pisara:
magpapadala ng kabutihan mula sa langit.
magpapadala ng katotohanan mula sa lupa.
titipunin ang Kanyang mga tao sa Sion (tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 115:6).
-
Ano ang ilang paraan na tinutupad ng Panginoon ang propesiyang ito sa ating kasalukuyang panahon?
Kabutihan mula sa langit at katotohanan mula sa lupa upang tipunin tayo sa Sion
Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang tatlong magkakaibang aspeto ng katotohanang ito, maaari mong isulat sa pisara ang “Kabutihan mula sa langit,” “Katotohanan mula sa lupa,” at “Sion” sa magkakahiwalay na column. Ang sumusunod ay mga pangungusap at larawan na nauugnay sa bawat aspeto. Isulat ang bawat pangungusap sa magkakahiwalay na papel o ipakita ang mga larawan. Pagkatapos ay maaaring itugma ng mga estudyante ang pangungusap o larawan sa isa sa mga heading sa pisara.
Kabutihan mula sa langit
-
Natanggap ni Joseph Smith ang Unang Pangitain.
-
Ipinagkaloob ni Juan Bautista ang Aaronic Priesthood kay Joseph Smith.
-
Ipinagkaloob nina Pedro, Santiago, at Juan ang Melchizedek priesthood kay Joseph Smith.
-
Inihayag ng Panginoon ang Doktrina at mga Tipan.
-
Inihahayag ng Panginoon ang Kanyang salita sa pamamagitan ng mga makabagong propeta.
Katotohanan mula sa lupa
-
Nakuha at isinalin ni Joseph Smith ang mga laminang ginto.
Sion
-
Lahat tayo ay bahagi ng isang ward o branch.
Tulungan ang mga estudyante na pagnilayan ang kahalagahan ng nagawa ng Panginoon. Ang isang paraan upang magawa ito ay sa pamamagitan ng pag-anyaya sa mga estudyante na kumpletuhin ang sumusunod sa kanilang study journal. Kung ginamit mo ang nakaraang aktibidad, maaaring pumili ang mga estudyante ng isang bagay mula sa listahan sa pisara.
Tumukoy ng dalawang paraan na pinangangalagaan ng Panginoon ang Kanyang mga tao mula sa mga paghihirap sa ating kasalukuyang panahon at sagutin ang mga sumusunod na tanong. Kung maaari, mag-isip ng isang partikular na halimbawa. Maaari mong banggitin ang isang karanasan sa priesthood, isang passage mula sa Aklat ni Mormon, isang karanasan sa iyong ward o branch, at iba pa.
-
Paano ka natulungan ng halimbawang ito na mas makilala ang Tagapagligtas?
-
Paano ito nakatulong o makatutulong sa mga paghihirap sa mga huling araw?
Anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi ang kanilang mga tugon.
Maghanap ng mga paraan upang matulungan ang mga estudyante na makilala at pahalagahan ang lahat ng nagawa ng Panginoon upang matulungan sila sa mga pagsubok at paghihirap sa mga huling araw. Ang isang paraan na magagawa mo ito ay makinig nang mabuti sa sinasabi ng mga estudyante at ilahad ang maituturo nito sa atin tungkol sa pagkatao at katangian ng Panginoon. (Para sa karagdagang training tungkol sa pagtulong sa mga estudyante na malaman at madama ang pagmamahal ng Panginoon, tingnan sa “Tulungan ang mga Mag-aaral na Patibayin ang Kanilang Ugnayan sa Ama sa Langit at kay Jesucristo” sa Mga Kasanayan para sa Pag-unlad ng Guro.)