“Moises 7:1–21: ‘Tinawag ng Panginoon ang Kanyang mga Tao na Sion,’” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)
”Moises 7:1–21: ‘Tinawag ng Panginoon ang Kanyang mga Tao na Sion’” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan
Moises 7: Lesson 16
Moises 7:1–21
“Tinawag ng Panginoon ang Kanyang mga Tao na Sion”
Tinawag ng Diyos si Enoc bilang propeta upang ipangaral ang mensahe ng ebanghelyo. Nagtipon-tipon ang mga taong pumiling sumunod kay Enoc, at sila ay pinrotektahan ng Panginoon mula sa kasamaan sa kanilang paligid. Kalaunan ay bumuo sila ng isang masaya at banal na lunsod na tinawag ng Panginoon na “Sion” (Moises 7:18). Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na magkaroon ng mga katangiang tulad ng kay Cristo na taglay ni Enoc at ng kanyang mga tao.
Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na isipin ang tungkol sa nakaraang araw nila at ang maaaring naging epekto ng kanilang mga ginawa sa ibang tao.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Lakas sa pamamagitan ng magkakaugnay na ugat
Mag-isip ng paraan kung paano masisimulan ang lesson sa pamamagitan ng pagtulong sa mga estudyante na makilala ang lakas na maaaring magmula sa pakikiisa sa iba. Ang sumusunod ay isang paraan kung paano mo ito magagawa.
-
Sa inyong palagay, gaano maaaring tumaas ang pinakamataas na uri ng puno?
Ang pinakamataas na puno sa mundo ay ang mga punong redwood. Maaaring tumaas ang mga ito nang mahigit sa 300 talampakan (92 m) ang taas.
-
Para masuportahan ang gayong kataas na puno, ano sa inyong palagay ang hitsura ng mga ugat ng redwood?
Hindi mo aakalaing ang mga ugat ng redwood ay nasa 3–6 na talampakan (1–2 m) lang ang lalim. Gayunpaman, ang mga ugat na ito ay gumagapang ng ilang daang talampakan (mahigit sa 100 m) at pumupulupot sa mga ugat ng iba pang puno. Ang pagpulupot na ito ay nagpapatibay sa mga redwood sa loob ng daan-daang taon sa kabila ng malalakas na hangin at mga baha (tingnan sa Richard H. Winkel, “Web of Friendship,” New Era, Ago. 2003, 10–11).
-
Ano sa palagay ninyo ang matututuhan natin mula sa mga redwood na maaaring makaimpluwensya sa ating mga pamilya, paaralan, at mga ward o branch?
-
Sa inyong palagay, bakit nais ng Panginoon na kumuha tayo ng lakas sa ibang tao sa ating paligid at gayundin sa Kanya?
Upang matulungan ang mga estudyante na i-assess kung gaano katibay ang ugnayan nila sa mga tao sa kanilang paligid, sabihin sa mga estudyante na sagutin ang mga sumusunod na tanong sa kanilang study journal:
-
Paano ka tinutulungan at sinusuportahan ng iba, lalo na sa mga pagsisikap mong mapalapit pa sa Tagapagligtas? (Maaaring ito ay sa iyong pamilya, ward o branch, mga grupo ng kaibigan, komunidad, at iba pa.)
-
Paano mo sinusubukang suportahan ang iba at tinutulungan sila na mapalapit pa sa Tagapagligtas?
Habang inaaral ng mga estudyante ang lesson na ito, sabihin sa kanila na maging sensitibo sa mga impresyon ng Espiritu Santo. Maaaring ituro sa kanila ng Espiritu Santo kung paano nila madaragdagan ang lakas na nadarama nila sa Diyos at sa mga taong nakapaligid sa kanila.
Lakas ng Sion
Sa isang pangitain, tinawag ng Panginoon ang propetang si Enoc upang mangaral ng pagsisisi at pagbibinyag sa ilang lunsod. Nagtipon-tipon ang mga taong sumunod kay Enoc.
Basahin ang Moises 7:13, 16–17, at alamin ang pagkakaiba ng mga taong nagsisikap na sundin ang Panginoon at ng mga taong nakipaglaban sa kanila.
-
Ano ang hinangaan ninyo tungkol sa mga pagpapalang ibinigay ng Panginoon sa mga taong nagsikap na sundin Siya?
Upang mas maunawaan kung paano naiiba ang mga tao ng Panginoon, basahin ang Moises 7:18–21. (Maaaring makatulong na ipaliwanag na ang ibig sabihin ng isinumpa ay ipinagkait ang mga pagpapala dahil sa kasamaan. Tingnan din sa “Sumpa, Mga Sumpa” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan.)
Ang Moises 7:18 ay isang doctrinal mastery passage. Maaari mong sabihin sa mga estudyante na markahan ang mga doctrinal mastery passage sa natatanging paraan para madali nilang mahanap ang mga ito.
Tulungan ang mga estudyante na maunawaan ang pinag-aralan nila. Para magawa ito, maaari mo silang anyayahang magdrowing sa kanilang journal ng isang simpleng representasyon ng natutuhan nila mula sa talata 18. Pagkatapos ay maaaring ibahagi ng mga estudyante sa mga kapartner, maliliit na grupo, o sa klase ang idinrowing nila at kung bakit nila ito idinrowing.
-
Ano ang natutuhan ninyo tungkol sa mga tao ng Panginoon mula sa talata 18?
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng “may isang puso at isang isipan”?
Tulungan ang mga estudyante na makatukoy ng katotohanan na tulad ng nagsisikap ang mga tao ng Panginoon na magkaisa, mamuhay nang matwid, at pangalagaan ang mga maralita sa kanila. Maaari mong ipaliwanag na ang mga ito ay mga katangian din ng Tagapagligtas. Ang pagiging mga tao ng Panginoon ay nangangahulugang pagiging higit na katulad Niya.
Pagiging mga tao ng Panginoon
Upang matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan kung paano magkaisa, mamuhay nang matwid, at pangalagaan ang mga taong nangangailangan, maaari mong sabihin sa mga estudyante na gawin ang sumusunod na handout sa maliliit na grupo. Maaari silang magsikap na tulungan at suportahan ang isa’t isa sa buong aktibidad. Nasa ibaba ang dalawang paraan kung paano mo maaaring gamitin ang handout:
-
Sabihin sa mga estudyante na hatiin ang mga bahagi ng handout sa mga miyembro ng kanilang grupo at pag-aralan nang mag-isa ang kani-kanyang bahagi. Matapos makumpleto ang kanilang bahagi, maaaring ibahagi ng mga estudyante ang natutuhan nila.
-
Idikit ang mga kopya ng mga bahagi ng handout sa mga pader at anyayahan ang maliliit na grupo na lumibot sa silid para makumpleto ang bawat bahagi nang magkakasama.
Anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi ang natutuhan o napag-aralan nila na makabuluhan para sa kanila. Maaari mo ring itanong kung paano nakadagdag sa pag-unawa ng mga estudyante ang pakikipagtulungan sa mga grupo.
-
Paano ipinakita ng Tagapagligtas ang mga katangian ng Sion noong Siya ay nabuhay sa mundong ito?
Para mailarawan ang isang halimbawa ng mga katangian ng Sion na tulad ng kay Cristo, maaari mong ibahagi ang video na “Charity: An Example of the Believers” (4:50), na matatagpuan sa Gospel Library. Maaari mong sabihin sa mga estudyante na alamin kung paano ipinakita ng mga kabataang babaeng ito ang katangian ng Sion.
Gumawa ng plano
Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang mga naging impresyon nila sa lesson at isulat sa kanilang study journal ang mga sagot sa mga sumusunod na tanong:
-
Ano ang isang katangian ng Sion na tulad ng kay Cristo na sa palagay mo ay mapapahusay mo pa sa iyong buhay? (Maaaring ito ay sa tahanan, sa simbahan, o sa iba.)
-
Ano ang isang bagay na sisimulan mong gawin sa linggong ito para mapalakas ang katangiang iyon na tulad ng kay Cristo? (Maaaring bahagi ito ng iyong mga mithiin para sa programang Mga Bata at Kabataan.)
Isaulo
Maaari mong tulungan ang mga estudyante na isaulo ang doctrinal mastery reference at mahalagang parirala ng banal na kasulatan sa lesson na ito at balikan ang mga ito sa mga susunod na lesson. Ang mahalagang parirala ng banal na kasulatan para sa “Moises 7:18” ay “Tinawag ng Panginoon ang kanyang mga tao na Sion, sapagkat sila ay may isang puso at isang isipan.” Ang mga ideya para sa mga aktibidad sa pagsasaulo ay nasa appendix sa ilalim ng “Mga Aktibidad sa Pagrerebyu ng Doctrinal Mastery.”