Seminary
Moises 7:22–47: Pangitain ni Enoc


“Moises 7:22–47: Pangitain ni Enoc,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)

“Moises 7:22–47: Pangitain ni Enoc,” Manwal Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan

Moises 7: Lesson 17

Moises 7:22–47

Pangitain ni Enoc

Illustration depicting the City of Enoch being taken up.

Kailan mo nadama ang awa ng Diyos sa iyong buhay? Ipinakita ng Panginoon kay Enoc ang isang pangitain ng kasaysayan ng daigdig mula sa sarili niyang panahon hanggang sa Milenyo. Natutuhan ni Enoc sa natatanging paraan ang personal na pagmamahal ng Ama sa Langit para sa Kanyang mga anak. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na madama ang awa at pagmamahal ng Diyos para sa lahat ng Kanyang anak.

Paghahanda ng estudyante: Anyayahan ang mga estudyante na mag-isip ng mga karanasan at banal na kasulatan na tumutulong sa kanila na malaman kung ano ang katangian ng Ama sa Langit. Maaari din nilang hilingin sa mga magulang o pinagkakatiwalaang lider o kaibigan na magbahagi ng mga karanasan o banal na kasulatan sa kanila. Sabihin sa mga estudyante na maghandang magbahagi.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Nahihirapang madama ang awa at pagmamahal ng Diyos

Upang maihanda ang mga estudyante na mas makilala ang Diyos at ang Kanyang pagkatao, basahin o ipakita ang mga sumusunod na sitwasyon:

Iniisip ni Caleb kung ang mga tao lang ba na gumagawa ng tama ang pinagmamalasakitan ng Diyos.

Nag-aalala si Zoe na maaaring nagagalit ang Diyos sa mga pasiyang ginagawa ng isang taong malapit sa kanya. Nag-aalala siya na baka parusahan Niya ito.

Sa palagay ni Olivia ay hindi pa niya nadama ang pagmamahal ng Diyos.

  • Bakit maaaring ganito ang nadarama ng mga taong ito?

Pumili ng isa sa mga sitwasyong ito na pagninilayan habang ipinagpapatuloy ninyo ang lesson na ito.

Upang matulungan ang mga estudyante na maging bukas sa impluwensya ng Espiritu Santo sa buong lesson na ito, hikayatin sila na pagnilayan ang mga sumusunod na tanong:

  • Ano ang alam mo tungkol sa Ama sa Langit na makatutulong sa iyo kung mayroon kang mga katulad na alalahanin?

  • Ano ang mga tanong mo tungkol sa Ama sa Langit?

Humingi ng tulong sa Panginoon upang malaman at madama ang Kanyang pagmamahal para sa inyo at para sa lahat ng Kanyang anak.

Ang pangitain ni Enoc tungkol sa mga taong hindi dinala sa langit

Maaari mong ibuod ang sumusunod sa sarili mong mga salita:

Alalahanin na sa pamamagitan ng tulong at patnubay ng Panginoon, itinatag ni Enoc ang lungsod ng Sion. Ang mga tao ng Sion ay nagkaisa sa Panginoon, namuhay sa kabutihan, at nagmalasakit sa isa’t isa (tingnan sa Moises 7:16–19). Sa isang pangitain, ipinakita ng Panginoon kay Enoc na dadalhin Niya ang mga tao ng Sion sa langit dahil sa kanilang pananampalataya at kabutihan (tingnan sa Moises 7:20–21). “Namalas din ni Enoc ang labi ng mga tao” (Moises 7:22), na tumutukoy sa mga taong naiwan sa mundo dahil ayaw nilang sundin ang Tagapagligtas.

Basahin ang Moises 7:23–26, at alamin ang nakita ni Enoc.

  • Ano ang nalaman ninyo tungkol kay Satanas?

  • Sa inyong palagay, bakit mahalagang maunawaan ang mga bagay na ito tungkol kay Satanas?

Nakita ni Enoc kung paano tumugon ang Diyos sa kasamaan

Pagkatapos ay nagkaroon ng nakakaantig na karanasan si Enoc nang mamalas niya ang Diyos na minamasdan ang mga tao na pinili ang hindi sumunod sa Kanya.

Maaari mong ipaliwanag na nakita ni Enoc si Jehova, o si Jesucristo. Mula pa noong Pagkahulog ni Adan, si Jehova ang nagpapakita at nakikipag-usap sa mga propeta. Sa mga pangyayaring ito, madalas Siyang magsalita na parang Siya ang Ama. Ang pagkakaisa ng Ama at ng Anak ay ganap kaya ang nadarama ng Tagapagligtas ay naglalarawan din sa nadarama ng Ama. Samakatwid, ang pag-aaralan ng mga estudyante tungkol sa pangitaing ito sa pagitan nina Enoc at Jehova ay makatutulong din sa kanila na makilala ang Ama sa Langit.

Habang binabasa ng mga estudyante ang mga sumusunod na talata, maaari mo silang hikayatin na magbasa nang dahan-dahan, tumigil sandali upang pagnilayan ang nabasa nila, at marahil ay basahin nang mahigit isang beses ang mga talata. Ang pagbabasa sa ganitong paraan ay makatutulong sa mga estudyante na maanyayahan ang Espiritu na dagdagan ang kanilang kaalaman tungkol sa kanilang Ama sa Langit.

Basahin ang Moises 7:28–33 at markahan ang mga salita o parirala na tumutulong sa inyo na mas makilala at maunawaan ang Ama sa Langit.

  • Ano ang natutuhan ninyo tungkol sa Diyos mula sa mga talatang ito?

Maaari mong isulat sa pisara ang “Ang Diyos …” at sabihin sa mga estudyante na tapusin ang pahayag na ito batay sa natutuhan nila. Maghikayat ng iba’t ibang sagot. Maaaring kasama sa mga sagot ang mga sumusunod:

  • ay mahal na mahal tayo (talata 28–33).

  • ang lumikha ng sansinukob ngunit ito ay nagagamit natin (talata 30).

  • ay makatarungan, maawain, at mabait (talata 30).

  • ang nagbigay sa atin ng kalayaang pumili (talata 32).

  • ay nagnanais na mahalin natin ang isa’t isa (talata 33).

  • ay nagnanais na piliin natin Siya (talata 33).

Habang ibinabahagi ng mga estudyante ang nalaman nila, maaari mong itanong pa ang mga sumusunod:

  • Bakit makabuluhan sa inyo ang katotohanang iyon tungkol sa Ama sa Langit?

  • Paano makatutulong na nalaman ninyo ang katotohanang iyon sa tao sa sitwasyong pinili ninyo? Paano kayo nito matutulungan?

Gamit ang karanasan ni Enoc, itinuro ni Pangulong Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol na ipinapakita sa atin ng Tagapagligtas kung ano ang katangian ng Ama sa Langit at kung gaano Niya tayo kamahal. Ibinahagi niya ang sumusunod na pananaw tungkol sa Ama sa Langit:

Official Portrait of Elder Jeffrey R. Holland.  Photographed January 2018.

Sa gitna ng magandang pangitain ng sangkatauhan na ipinakita ng langit kay Enoc, habang minamasdan ang mga biyaya at hamon ng mortalidad, lumingon siya sa Ama at nagulat na makita Siyang nananangis. Nagtataka at gulat niyang sinabi sa pinakamakapangyarihang Nilikha sa buong sansinukob: “Paanong kayo ay nananangis?” …

Mas malaki ang nagawa ng kaisa-isang nakaaantig na tagpong iyon sa pagtuturo ng tunay na katangian ng Diyos kaysa sa anumang naisulat sa relihiyon. …

Di malilimutan ang paglalarawang ito ng pagmamalasakit ng Diyos sa ating buhay! Napakasakit sa isang magulang kapag hindi Siya pinili ng Kanyang mga anak ni “ang ebanghelyo ng Diyos” na Kanyang ipinadala! [Mga Taga Roma 1:1]. Kaydaling mahalin ang taong lubos na nagmamahal sa atin! …

Pinatototohanan ko sa araw na ito ang isang buhay na Diyos, na nakaaalam sa ating pangalan, nakikinig at sumasagot sa mga dalangin, at walang hanggan tayong minamahal bilang mga anak ng Kanyang espiritu. (“Ang Kadakilaan ng Diyos,” Liahona, Nob. 2003, 72)

Anyayahan ang mga estudyante na ibahagi kung ano ang pinakanapansin nila mula sa pahayag ni Pangulong Holland.

Maaari mong isulat sa pisara ang mga sumusunod na tanong. Anyayahan ang mga estudyante na talakayin ang mga sumusunod na tanong sa maliliit na grupo. Sabihin din sa kanila na talakayin kung paano maiaangkop ang mga ideyang ito sa mga sitwasyong pinili nila sa simula ng lesson. Habang sumasagot ang mga estudyante, lumibot sa silid at pakinggan ang ilan sa kanilang mga tugon.

  • Sa inyong palagay, bakit nananangis ang Ama sa Langit para sa atin kapag hindi natin minamahal ang isa’t isa?

  • Bakit kaya tumatangis Siya para sa atin kapag hindi natin pinipiling sundin at mahalin Siya?

  • Ano ang ilang kasinungalingan na gusto ni Satanas na paniwalaan natin tungkol sa mga nadarama ng Diyos sa atin?

Matapos talakayin ng mga estudyante ang mga tanong na ito, maaari mong itanong kung ano ang narinig nila mula sa isa pang estudyante na makatutulong na ibahagi sa buong klase. Dahil dito muling napag-iisipang mabuti ng mga estudyante ang kanilang mga sagot habang pinupuri ang isa’t isa para sa kanilang mga sagot. Maaari mo ring banggitin ang mga kapaki-pakinabang na sagot na narinig mo.

Nakita ni Enoc ang buhay at misyon ng Tagapagligtas

Pagkatapos ay ipinakita ng Panginoon kay Enoc na ang mga taong naiwan sa lupa na hindi magsisisi ay masasawi sa isang baha (tingnan sa Moises 7:34–44). Bilang tugon, nanangis si Enoc. Pagkatapos ay inalo ng Panginoon si Enoc at sinabing, “Pasiglahin ang iyong puso, at magalak; at tumingin” (Moises 7:44).

Basahin ang Moises 7:44–47, at alamin ang ipinakita ng Panginoon kay Enoc upang aluin siya. Maaaring makatulong na malaman na ang pariralang “ang Mabuti” (talata 45 at 47) ay isang titulo para kay Jesucristo.

  • Sa inyong palagay, bakit magagalak ang kaluluwa ni Enoc kapag nakita niya ang mga bagay na ito? (talata 47).

  • Paano ipinapakita ang awa at pagmamahal ng Ama sa pamamagitan ng pagpapadala kay Jesucristo?

Kung makatutulong, maaari mong talakayin kung paano tutulungan ng Tagapagligtas ang lahat ng anak ng Diyos, maging ang mga taong masama at namatay sa Baha. Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na bagama’t nasawi ang masasama sa Baha at kailangang magdusa para sa kanilang mga kasalanan sa daigdig ng mga espiritu, maaari pa rin silang magsisi sa pamamagitan ng Tagapagligtas (tingnan sa Moises 7:38–39; 1 Pedro 3:18–20).

Pagdama sa pagmamahal ng Diyos

Sa katapusan ng lesson, sabihin sa mga estudyante na humingi ng tulong sa pamamagitan ng Espiritu Santo habang ginagawa nila ang sumusunod na aktibidad. Bilang alternatibo, maaaring sumulat ang mga estudyante sa isang tao sa kanilang buhay na maaaring nangangailangang makadama ng awa at pagmamahal ng Ama sa Langit.

Sumulat ng liham para matulungan ang tao sa sitwasyong pinili ninyo sa simula ng lesson. Bilang bahagi ng inyong liham, ilagay ang sumusunod:

  • Ang natutuhan ninyo mula sa Moises 7 tungkol sa awa at pagmamahal ng Ama sa Langit. Isama ang ilang parirala o talata na sa palagay ninyo ay magiging partikular na makabuluhan.

  • Iba pang banal na kasulatan o karanasan na nakatulong sa inyo na madama ang awa at pagmamahal ng Diyos.

  • Mga karagdagang ideya na sa palagay ninyo ay maaaring makatulong sa taong ito na madama ang pagmamahal ng Diyos.

Tapusin ang lesson sa pamamagitan ng pag-anyaya sa mga estudyante na magbahagi ng kanilang mga naiisip, karanasan, at nadarama. Maaari mong idagdag ang iyong sariling patotoo tungkol sa pagmamahal ng Ama.