Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Mayo 25–31. “Ang Panginoon ay Nagbangon ng Isang Tagapagligtas”: Mga Hukom 2–4; 6–8; 13–16


“Mayo 25–31. ‘Ang Panginoon ay Nagbangon ng Isang Tagapagligtas: Mga Hukom 2–4; 6–8; 13–16,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at sa Simbahan: Lumang Tipan 2026 (2026)

“Mayo 25–31. ‘Ang Panginoon ay Nagbangon ng Isang Tagapagligtas,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin: Lumang Tipan 2026

Ang Propetang si Debora

“Tiyak na Sasama Ako sa Iyo”—Ang Propetang si Debora, ni Des Leavitt

Mayo 25–31: “Ang Panginoon ay Nagbangon ng Isang Tagapagligtas”

Mga Hukom 2–4; 6–8; 13–16

Alam nating lahat kung ano ang pakiramdam ng magkasala, malungkot dahil dito, at pagkatapos ay magsisi at magpasiyang baguhin ang ating mga gawi. Ngunit kadalasan ay nakakalimutan natin ang ating naunang pasiya, at, kapag dumarating ang tukso, natatagpuan natin ang ating sarili na ginagawang muli ang kasalanang iyon. Ang pattern na ito ay madalas lumitaw sa aklat ng Mga Hukom. Dahil naimpluwensyahan ng mga paniniwala at gawi sa pagsamba ng mga Cananeo—na dapat sana’y itinaboy nila palabas ng lupain–nilabag ng mga Israelita ang kanilang mga tipan sa Panginoon at tumalikod sa pagsamba sa Kanya. Bilang resulta, nawala sa kanila ang Kanyang proteksyon at nabihag sila. Subalit tuwing mangyayari ito, binigyan ng Panginoon ang Kanyang pinagtipanang mga tao ng pagkakataong magsisi at nagbangon ng isang tagapagligtas, isang pinuno ng militar na tinatawag na “hukom.” Hindi lahat ng hukom sa aklat ng Mga Hukom ay matwid, ngunit ang ilan sa kanila ay lubos na nanampalataya sa pagliligtas sa mga anak ni Israel at pagbabalik sa kanila sa pakikipagtipan sa Panginoon. Ipinaaalala sa atin ng mga kuwentong ito na anuman ang nag-akay sa atin palayo kay Jesucristo, Siya ang Manunubos ng Israel at laging handang iligtas at tanggapin tayong muli kapag bumalik tayo sa Kanya.

Para sa buod ng aklat ng Mga Hukom, tingnan sa “Hukom, Aklat ng mga” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan.

icon ng pag-aaral

Mga Ideya para sa Pag-aaral sa Tahanan at sa Simbahan

Mga Hukom 2:1–19; 3:5–12

Pinatatawad ako ng Panginoon tuwing magsisisi ako.

Ang aklat ng Mga Hukom ay maaaring kapwa isang babala at isang panghihikayat. Hanapin ang babala at panghihikayat na ito habang binabasa mo ang Mga Hukom 2:1–19; 3:5–12. Sa palagay mo, paano naaangkop sa iyo ang babala at panghihikayat?

Halimbawa, kung ang Mga Hukom 2:19 ay tungkol sa iyo at sa mga tukso sa buhay mo sa halip na tungkol sa mga sinaunang Israelita, ano ang maaaring sabihin nito? Kung ang Mga Hukom 3:9 ay tungkol sa nagawa ng Panginoon para iligtas ka, ano ang maaaring sabihin nito?

Isiping basahin ang tanong at sagot sa pahina 9 ng Para sa Lakas ng mga Kabataan: Isang Gabay sa Pagpili. Paano kaya ito naaangkop sa karanasan ng mga Israelita sa aklat ng Mga Hukom? Ano ang itinuturo nito sa iyo tungkol kay Jesucristo?

Mga Hukom 4:1–15

icon ng seminary
Maaari kong mahikayat ang iba na manampalataya sa Panginoon.

Kung minsan ang pananampalataya ng isang tao ay maaaring makahikayat ng pananampalataya sa marami pang iba. Sa Mga Hukom 4, ang taong iyon ay si Debora. Magbasa tungkol sa kanya sa Mga Hukom 4:1–15, at pansinin ang naging impluwensya niya sa mga tao sa kanyang paligid. Narito ang ilang tanong para tulungan kang isipin kung paano maaaring umangkop ang kanyang karanasan sa iyong buhay:

  • Paano mo ilalarawan ang mga kalagayan ng mga Israelita noon? (tingnan sa mga talata 1–3). Anong mga pagkakatulad ang nakikita mo sa mga kalagayan ngayon—sa mga indibiduwal at sa lipunan?

  • Anong mga salita o hakbang ni Debora ang nagpapakita sa iyo na sumampalataya siya sa Panginoon? Paano inimpluwensyahan ng kanyang pananampalataya ang iba? Ano pa ang tumatak sa isipan mo tungkol sa kanya?

  • Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ni Debora sa kanyang tanong sa talata 14: “Hindi ba lumabas ang Panginoon sa harap mo?” Paano “luma[la]bas ang Panginoon sa harap” mo? (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 84:87–88).

mga dalagitang sama-samang naglalakad

Pagnilayan kung paano maaaring pagpalain ng iyong pananampalataya kay Jesucristo ang iba sa paraang pinagpala ng pananampalataya ni Debora si Barak at ang iba pang mga Israelita. Para matulungan kang pag-isipan ito, maaari mong pag-aralan ang mensahe ni Elder Neil L. Andersen na “Nangungusap Tayo Tungkol kay Cristo” (Liahona, Nob. 2020, 88–91). Saliksikin ang mensahe para sa (1) mga dahilan para mas hayagang magsalita tungkol sa Tagapagligtas at (2) mga paraan para magawa ito.

Pagkatapos ay maaari mong ilista ang mga bagay na alam mo tungkol kay Jesucristo—mula sa mga banal na kasulatan, mula sa mga salita ng mga buhay na propeta, at mula sa iyong personal na karanasan. Sino ang kailangang makaalam nito? Paano mo ito ibabahagi?

Tingnan din sa Mateo 5:14–16; 1 Pedro 3:15; “Bawat Buhay na Dumantay,” Mga Himno, blg. 185.

Mag-anyaya ng pagbabahagi. Kung ikaw ay isang guro—sa tahanan o sa simbahan—“bigyan ng pagkakataon ang mga mag-aaral na ibahagi sa isa’t isa ang natutuhan nila tungkol sa Tagapagligtas at sa Kanyang ebanghelyo. Ang paggawa nito ay makatutulong sa kanila na maipamuhay ang mga katotohanang itinuro sa kanila at maipahayag ang mga ito” (Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas28). Halimbawa, kapag sama-sama ninyong pinag-aaralan ang Mga Hukom 4, maaari mong bigyan ang bawat mag-aaral ng isang partikular na bagay na hahanapin sa kabanata at pagkatapos ay anyayahan silang ibahagi sa isa’t isa ang matuklasan nila.

Mga Hukom 6–8

Ang Panginoon ay makagagawa ng mga himala kapag nagtitiwala ako sa Kanyang mga paraan.

Habang binabasa mo ang Mga Hukom 6–8, pansinin ang mga pagkakataon na hiniling ng Panginoon kay Gedeon na maniwala sa isang bagay na tila malamang na hindi mangyari. May hiniling na ba Siya sa iyo na katulad nito?

Ano sa pakiramdam mo ang sinisikap ng Panginoon na ituro sa iyo sa salaysay na ito? Paano mo nakitang ginawa ng Panginoon ang Kanyang gawain sa mga paraang tila malamang na hindi mangyari?

Mga Hukom 13–16

Pinalalakas ako ng Diyos kapag tapat ako sa aking mga tipan.

Nawala kay Samson kapwa ang kanyang pisikal na lakas at kanyang espirituwal na lakas dahil nilabag niya ang kanyang mga tipan sa Diyos, pati na yaong partikular na nauukol sa mga Nazirita (para sa impormasyon tungkol sa mga Nazirita, tingnan sa Mga Bilang 6:1–6; Mga Hukom 13:7). Habang nagbabasa ka tungkol kay Samson sa Mga Hukom 13–16, pansinin ang mga talatang nagpapakita na kasama ni Samson ang Panginoon, gayundin ang mga talatang nagpapakita na hindi lubos na tapat si Samson sa Panginoon.

Maaari mo ring pagnilayan ang mga tipang nagawa mo sa Panginoon. Paano naghatid ng kapangyarihan ang mga tipang ito sa buhay mo? Ano ang natututuhan mo mula sa mga karanasan ni Samson na naghihikayat sa iyo na manatiling tapat sa iyong mga tipan sa Diyos?

Itinuro ni Sister Ann M. Dibb: “Si Samson ay isinilang na may malaking potensyal. Pinangakuan ang kanyang ina na, ‘Kanyang pasisimulang iligtas ang Israel sa kamay ng mga Filisteo’ [Mga Hukom 13:5]. Ngunit nang lumaki si Samson, mas tumingin siya sa mga tukso ng kamunduhan kaysa sa patnubay ng Diyos. Gumawa siya ng mga pasiya dahil ang mga ito ay ‘lubhang nakalulugod [sa kanya]’ [Mga Hukom 14:3] at hindi dahil tama ang mga ito. Paulit-ulit na ginamit sa mga banal na kasulatan ang mga katagang ‘at siya’y lumusong’ [Mga Hukom 14:7] sa paglalahad ng mga paglalakbay, ginawa, at pasiya ni Samson. Sa halip na bumangon at magliwanag si Samson para makamit ang kanyang malaking potensyal, nadaig siya ng mundo, nawala sa kanya ang lakas na kaloob ng Diyos, at namatay siya nang maaga sa kalunus-lunos na paraan” (“Bumangon at Magliwanag,” Liahona, Mayo 2012, 118).

Tingnan din sa Dallin H. Oaks, “Mga Tipan at Responsibilidad,” Liahona, Mayo 2024, 93–96; Ulisses Soares, “Tiwala sa Tipan sa Pamamagitan ni Jesucristo,” Liahona, Mayo 2024, 17–21.

Mga Tulong sa Banal na Kasulatan

Iklik para makita ang iba pa.

icon ng bahaging pambata

Mga Ideya para sa Pagtuturo sa mga Bata

Dahil ang Linggong ito ang unang Linggo ng buwan, hinihikayat ang mga guro sa Primary na gamitin ang mga aktibidad sa pag-aaral sa “Apendise B: Paghahanda sa mga Bata para sa Habambuhay na Pagtahak sa Landas ng Tipan ng Diyos.”

Mga Hukom 3:7–9, 12–15

Si Jesucristo ang aking Tagapagligtas.

  • Ang Mga Hukom 3 ay naglalarawan ng isang pattern na nagtuturo tungkol sa kapangyarihan ng Tagapagligtas na iligtas tayo mula sa kasalanan. Para tulungan ang iyong mga anak na matukoy ang pattern na ito, maaari mong isulat ang mga pariralang ito: “gumawa ng masama,” “dumaing sa Panginoon,” at “nagbangon ng isang tagapagligtas.” Pagkatapos ay maaaring hanapin ng iyong mga anak ang mga pariralang ito sa Mga Hukom 3:7–9 at Mga Hukom 3:12–15. Ano ang natututuhan natin tungkol sa Panginoon mula sa pattern na ito?

  • Para bigyang-diin na si Jesucristo ang ating Tagapagligtas, maaari kang magtipon ng ilang larawan ng mga tao, pati na ng larawan ni Jesus, at ilagay nang pataob ang mga ito. Hayaang maghalinhinan ang iyong mga anak sa pagbabaligtad ng mga larawan. Kapag natagpuan nila ang larawan ni Jesus, kantahin ang awiting tungkol sa Kanya, tulad ng “Isinugo, Kanyang Anak” (Aklat ng mga Awit Pambata, 20–21), at sabihin sa iyong mga anak kung paano Niya kayo nailigtas.

Mga Hukom 4:1–15

Maaari kong hikayatin ang iba na manampalataya sa Panginoon.

  • Magagamit mo ang “Ang Propetang si Debora” sa Mga Kuwento sa Lumang Tipan, 92–95, para ikuwento sa iyong mga anak ang mga Hukom 4. Ibahagi ninyo sa isa’t isa ang hinahangaan ninyo kay Debora. Paano pinagpala ng kanyang pananampalataya sa Panginoon ang mga tao sa paligid niya? Ano ang magagawa natin para matulungan ang iba na higit na manampalataya kay Jesucristo?

    2:9

    Deborah the Prophetess

Mga Hukom 7:1–21

Maaaring gumamit ang Panginoon ng maliliit na bagay para makagawa ng dakilang gawain.

  • Gamitin ang Mga Hukom 7:4–7, ang pahina ng aktibidad sa linggong ito, o “Ang Hukbo ni Gedeon” sa Mga Kuwento sa Lumang Tipan, 96–99, para ituro sa iyong mga anak kung paano pinaliit ng Panginoon ang hukbo ng Israel. Bakit nais ng Panginoon na maging kaunti ang hukbo ni Gedeon? (tingnan sa Mga Hukom 7:2).

    2:37

    The Army of Gideon

  • Maaaring magdrowing ang iyong mga anak ng mga larawan ng tabak, kalasag, trumpeta, lampara, at pitsel at pag-usapan kung alin sa mga bagay na ito ang gusto nila sa isang labanan. Pagkatapos ay maaari nilang basahin ang Hukom 7:16 para alamin kung ano ang sinabi ng Panginoon na gamitin ng hukbo ni Gedeon. Habang nagbabasa kayo tungkol sa labanan sa Mga Hukom 7:19–21, ibahagi sa isa’t isa ang matutuhan ninyo tungkol sa Panginoon mula sa kuwentong ito.

Si Samson na pinababagsak ang mga haligi ng templo

Pinabagsak ni Samson ang mga Haligi, ni James Tissot at iba pa

Mga Hukom 13:5

Ang pagtupad sa mga tipan ay nagbibigay sa akin ng lakas.

  • Ang mga tipan ni Samson sa Panginoon ay nagbigay sa kanya ng pisikal na lakas, tulad ng pagbibigay sa atin ng ating mga tipan ng espirituwal na lakas. Maaaring masiyahan ang iyong mga anak sa paggawa ng mga pisikal na ehersisyo at pagtalakay kung paano makakatulong ang mga ehersisyong iyon para mapalakas ang ating katawan. Paano pinalalakas ng pagtupad ng ating mga tipan ang ating espiritu? (tingnan sa Mosias 18:8–10; Doktrina at mga Tipan 20:77, 79).

Para sa iba pa, tingnan ang isyu ng magasing Kaibigan sa buwang ito.

mga miyembro ng hukbo ni Gedeon na hinihipan ang kanilang mga tambuli

Hukbo ni Gedeon, ni Daniel A. Lewis

Pahina ng aktibidad sa Primary: Maaaring gumamit ang Panginoon ng maliliit na bagay para makagawa ng dakilang gawain