Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Mga Kaisipan na Dapat Tandaan: Ang Tabernakulo at Sakripisyo


“Mga Kaisipan na Dapat Tandaan: Ang Tabernakulo at Sakripisyo,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at sa Simbahan: Lumang Tipan 2026 (2026)

“Ang Tabernakulo at Sakripisyo,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin: Lumang Tipan 2026

icon ng kaisipan

Mga Kaisipan na Dapat Tandaan

Ang Tabernakulo at Sakripisyo

Sa pagbabasa natin ng Lumang Tipan, kung minsa’y nakakakita tayo ng mahahabang sipi tungkol sa mga bagay na malinaw na mahalaga sa Panginoon ngunit maaaring hindi kaagad maramdaman na akma sa atin ngayon. Ang Exodo 25–30; 35–40; Levitico 1–9; 16–17 ay mga halimbawa. Inilalarawan ng mga kabanatang ito ang detalye ng tabernakulo ng Israel sa ilang at ang sakripisyo ng mga hayop na isasagawa doon. Ang tabernakulo ay isang nabubuhat (portable) na templo, ang tahanan ng Panginoon sa gitna ng Kanyang mga tao.

Ang ating mga makabagong templo ay may mga pagkakatulad sa tabernakulo sa Israel, ngunit tiyak na hindi katugma ng paglalarawan dito sa Exodo. At hindi tayo pumapatay ng mga hayop sa ating mga templo—winakasan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas ang pag-aalay ng mga hayop halos 2,000 taon na ang nakalilipas. Subalit sa kabila ng mga pagkakaibang ito, may malaking halaga ngayon ang pagbabasa tungkol sa mga uri ng pagsamba ng sinaunang Israel, lalo na kung ang tingin natin sa mga ito ay tulad ng pagtingin ng mga tao ng Diyos sa Aklat ni Mormon—bilang isang paraan “upang palakasin ang kanilang pananampalataya kay Cristo” (Alma 25:16). Kapag naunawaan natin ang simbolismo ng tabernakulo at pag-aalay ng hayop, magkakaroon tayo ng mga espirituwal na kabatiran na magpapalakas din sa ating pananampalataya kay Cristo.

mga Israelitang nagdadala ng isang kordero sa tabernakulo

Pag-aalay ng Isang Kordero, ni Robert T. Barrett

Ang Tabernakulo ay Nagpapatatag ng Pananampalataya kay Jesucristo

Nang inutusan ng Diyos si Moises na magtayo ng tabernakulo sa kampo ng mga Israelita, sinabi Niya ang layunin nito: “upang ako’y makapanirahan sa gitna nila” (Exodo 25:8). Sa loob ng tabernakulo, ang presensya ng Diyos ay kinakatawan ng kaban ng tipan—isang kahong yari sa kahoy, na natatakpan ng ginto, na naglalaman ng nakasulat na tala ng tipan ng Diyos sa Kanyang mga tao. Ang kaban ay inilagay sa pinakabanal, pinakaloob na silid, na nakahiwalay sa iba pang bahagi ng tabernakulo sa pamamagitan ng isang tabing. Ang tabing na ito ay maaaring sumagisag sa pagkahiwalay natin sa presensya ng Diyos dahil sa Pagkahulog, gayundin sa ating daan pabalik sa Kanya—sa pamamagitan ng Tagapagligtas.

Maliban kay Moises, isang tao lang ang alam natin na maaaring pumasok sa “dakong kabanal-banalan” (Exodo 26:34)—ang mataas na saserdote. Tulad ng iba pang mga saserdote, kailangan muna siyang mahugasan at mapahiran ng langis at nakabihis sa sagradong kasuotan na simbolo ng kanyang katungkulan. Minsan sa isang taon, na tinatawag na Araw ng Pagbabayad-sala, ang mataas na saserdote ay nag-aalay ng mga sakripisyo alang-alang sa mga tao bago pumasok sa tabernakulo nang mag-isa. Sa tabing, magsusunog siya ng insenso. Ang mabangong usok na umaakyat sa langit ay kumakatawan sa mga panalangin ng mga taong umaakyat sa Diyos. Pagkatapos ang mataas na saserdote, na dala ang dugo mula sa isang sakripisyong hayop, ay daraan sa tabing at lalapit sa luklukan ng Diyos, na isinasagisag ng kaban ng tipan.

Batid ang nalalaman mo tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang papel sa plano ng Ama sa Langit, nakikita mo ba kung paano tayo itinuturo ng tabernakulo sa Tagapagligtas? Tulad ng tabernakulo, at ng kaban sa loob nito, na sumasagisag sa presensya ng Diyos sa gitna ng Kanyang mga tao, si Jesucristo ang presensya ng Diyos sa gitna ng Kanyang mga tao. Tulad ng mataas na saserdote, si Jesucristo ang Tagapamagitan sa pagitan natin at ng Diyos Ama. Dumaan Siya sa tabing upang mamagitan para sa atin sa bisa ng dugo ng Kanyang sariling sakripisyo.

Ang ilang aspeto ng tabernakulo sa Israel ay maaaring pamilyar sa iyo, lalo na kung nakapunta ka na sa templo para tanggapin ang sarili mong mga ordenansa. Ang templo ay ang bahay ng Panginoon—ang Kanyang tirahan sa piling ng Kanyang mga tao. Tulad ng kabanal-banalang dako ng tabernakulo, ang selestiyal na silid sa templo ay kumakatawan sa presensya ng Diyos. Upang makapasok, kailangan muna tayong mahugasan at mapahiran ng langis. Nagsusuot tayo ng sagradong kasuotan. Gumagawa tayo ng mga tipan. Nagdarasal tayo sa isang altar kung saan umaakyat ang mga panalangin sa Diyos. At sa wakas ay dumaraan tayo sa tabing tungo sa presensya ng Diyos.

Marahil ang pinakamahalagang pagkakatulad ng mga makabagong templo at ng sinaunang tabernakulo ay na ang mga ito, kung mauunawaan nang tama, ay parehong nagpapalakas ng ating pananampalataya kay Jesucristo at pinupuspos tayo ng pasasalamat sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo. Nais ng Diyos na makapasok sa Kanyang kinaroroonan ang lahat ng Kanyang mga anak; nais Niya ng “isang kaharian ng mga pari” at mga babaing pari (Exodo 19:6). Ngunit ang ating mga kasalanan ang humahadlang sa atin sa pagkakamit ng pagpapalang iyan, dahil “walang maruming bagay ang makapananahanang kasama ng Diyos” (1 Nephi 10:21). Kaya isinugo ng Diyos Ama si Jesucristo, ang “pinakapunong pari ng mabubuting bagay na darating” (Mga Hebreo 9:11). Hinahawi Niya ang tabing para sa atin at nagbibigay-kakayahan sa lahat ng tao ng Diyos na “lumapit tayong may katapangan sa trono ng biyaya, upang tayo’y tumanggap ng awa” (Mga Hebreo 4:16).

Ngayon, ang layunin ng mga templo ay higit pa sa pagtatamo ng kadakilaan para sa ating sarili. Matapos tanggapin ang sarili nating mga ordenansa at makipagtipan sa Diyos, maaari nating katawanin ang ating mga ninuno at matanggap ang mga ordenansa para sa kanila. Sa isang banda, maaari tayong maging katulad ng sinaunang mataas na saserdote—at ng Dakilang Mataas na Saserdote—na nagbubukas ng daan tungo sa presensya ng Diyos para sa iba.

Ang Sakripisyo ay Nagpapatatag ng Pananampalataya kay Jesucristo

Ang mga alituntunin ng pagbabayad-sala at pagkakasundo ay mabisang itinuro sa sinaunang kaugalian ng pag-aalay ng hayop, na matagal na umiral sa batas ni Moises. Sina Adan at Eva ay nag-alay ng sakripisyo. Naunawaan nila ang simbolikong pagtukoy nito sa sakripisyo ng Tagapagligtas. At itinuro nila ito sa kanilang mga anak.

Ang simbolismo ng pag-aalay ng hayop ay tila lalong naging mas matindi sa Araw ng Pagbabayad-sala sa sinaunang Israel (“Yom Kippur” sa Hebreo). Ang pangangailangan sa taunang seremonyang ito ay ipinahayag sa Levitico 16:30: “Sa araw na ito, ang pari ay gagawa ng pagtubos sa inyo upang linisin kayo sa lahat ng inyong mga kasalanan; kayo ay magiging malinis sa harapan ng Panginoon.” Tinulutan nitong manatili ang presensya ng Diyos sa mga tao. Ang pagbabayad-salang ito ay isinasagawa noon sa pamamagitan ng iba’t ibang seremonya. Sa isa sa mga ito, isang kambing ang pinapatay bilang hain para sa mga kasalanan ng mga tao, at dinadala ng mataas na saserdote ang dugo ng kambing sa kabanal-banalang dako. Kalaunan, ipinapatong ng mataas na saserdote ang kanyang mga kamay sa isang buhay na kambing at ipinagtatapat ang mga kasalanan ng mga anak ni Israel—na sagisag ng paglilipat ng mga kasalanang iyon sa kambing. Pagkatapos ay pinaaalis ang kambing sa kampo ng Israel.

Sa mga ritwal na ito, ang mga kambing ay simbolo ni Jesucristo, na tumatayo sa lugar ng mga taong makasalanan. Ang kasalanan ay hindi dapat pahintulutan sa presensya ng Diyos. Ngunit sa halip na wasakin o itaboy ang mga makasalanan, naglaan ng ibang paraan ang Diyos—isang kambing ang papatayin o itataboy. “Dadalhin ng kambing ang lahat ng mga kasamaan nila” (Levitico 16:22).

Ang mga ritwal na ito ay tumutukoy sa paraang inilaan ng Diyos para maibalik tayo sa Kanyang presensya—si Jesucristo at ang Kanyang Pagbabayad-sala. Ang Tagapagligtas ay “pinasan ang ating mga karamdaman, at dinala ang ating mga kalungkutan,” maging “ang [kasamaan nating] lahat” (Isaias 53:4, 6). Tumayo Siya sa ating lugar, ibinuwis ang Kanyang buhay para mabayaran ang parusa ng kasalanan, at pagkatapos ay dinaig ang kamatayan sa pamamagitan ng Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli. Ang sakripisyo ni Jesucristo ay ang “dakila at huling hain; oo, hindi isang paghahain ng tao, ni ng hayop” kundi “isang walang katapusan at walang hanggang hain” (Alma 34:10). Siya ang katuparan ng lahat ng ginawang mga sinaunang sakripisyo noon.

si Jesucristo na pasan ang krus

Dahil dito, matapos makumpleto ang Kanyang sakripisyo, sinabi Niya, “Hindi na kayo mag-aalay pa sa akin ng pagbubuhos ng dugo; oo, ang iyong mga alay … ay tatanggalin na. … At mag-aalay kayo bilang pinaka-hain sa akin ng isang bagbag na puso at nagsisising espiritu” (3 Nephi 9:19–20).

Kaya kapag nakakita ka ng mga sipi sa Lumang Tipan tungkol sa mga sakripisyo at sa tabernakulo (o, kalaunan, sa templo)—at marami kang makikitang ganito—tandaan na ang pangunahing layunin ng lahat ng ito ay para palakasin ang iyong pananampalataya sa Mesiyas na si Jesucristo. Iugnay ang iyong mabasa at matutuhan sa iyong pagsamba sa Kanyang bahay. Hayaan ang iyong puso at isipan na bumaling sa Kanya. Pag-isipang mabuti kung ano ang ginawa Niya para maibalik ka sa piling ng Diyos—at ano ang gagawin mo para makasunod sa Kanya.

Mga Tala

  1. Binabanggit sa Exodo 33:7–11 ang isang “toldang tipanan,” kung saan nakipag-ugnayan si Moises sa Panginoon, ngunit hindi ito ang lugar para sa mga sakripisyong inilarawan sa Exodo at Levitico. Ang mga sakripisyong iyon ay isinagawa sa tabernakulo na inilarawan sa Exodo 25–30, na iniutos ng Diyos kay Moises at ng mga anak ni Israel na itayo (tingnan sa Exodo 35–40). Ang tabernakulong ito, kung saan isinagawa ni Aaron at ng kanyang mga anak ang mga pag-aalay ng hayop, ay madalas ding tinukoy bilang “toldang tipanan” (tingnan, halimbawa, sa Exodo 28:43; 38:30; Levitico 1:3).

  2. Tingnan din sa Jacob 4:5; Jarom 1:11.

  3. Tingnan sa Exodo 25:10–22.

  4. Tingnan sa Mga Hebreo 10:19–20.

  5. Tingnan sa Exodo 40:12–13.

  6. Tingnan sa Exodo 28.

  7. Tingnan sa Levitico 16:12.

  8. Tingnan sa Mga Awit 141:2.

  9. Tingnan sa Levitico 16:14–15.

  10. Tingnan sa Juan 1:14.

  11. Tingnan sa Mga Hebreo 8–10.

  12. Tingnan sa Moises 5:4–12; tingnan din sa Genesis 4:4.

  13. Tingnan sa Mosias 15:8–9.