Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Abril 20–26. “Lahat ng Sinabi ng Panginoon ay Aming Gagawin”: Exodo 19–20; 24; 31–34


“Abril 20–26. ‘Lahat ng Sinabi ng Panginoon ay Aming Gagawin’: Exodo 19–20; 24; 31–34,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at sa Simbahan: Lumang Tipan 2026 (2026)

“Abril 20–26. ‘Lahat na Sinabi ng Panginoon ay Aming Gagawin,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin: Lumang Tipan 2026

si Moises na dala ang mga tapyas na bato ng Sampung Utos

Moses and the Tablets [Si Moises at ang mga Tapyas na Bato], ni Jerry Harston (detalye)

Abril 20–26: “Lahat ng Sinabi ng Panginoon ay Aming Gagawin”

Exodo 19–2024; 31–34

Bagama’t bumulung-bulong ang mga anak ni Israel at nag-alinlangan noong araw, nang basahin ni Moises ang batas sa paanan ng bundok ng Sinai, ginawa nila ang tipang ito: “Lahat ng sinabi ng Panginoon ay aming gagawin, at kami ay magiging masunurin” (Exodo 24:7). Pagkatapos ay pinapunta ng Diyos si Moises sa bundok, na sinasabi sa kanya na magtayo ng isang tabernakulo “upang ako’y makapanirahan sa gitna nila” (Exodo 25:8).

Ngunit habang nasa tuktok ng bundok si Moises na inaalam kung paano mapapasa mga Israelita ang presensya ng Diyos, ang mga Israelita ay nasa paanan ng bundok na gumagawa ng gintong diyus-diyusan para sambahin sa halip na sambahin ang Diyos. Kapapangako pa lang nila na “[hindi sila] magkakaroon ng ibang mga diyos,” ngunit “sila’y madaling lumihis” sa kanilang pangako (Exodo 20:3; 32:8; tingnan din sa Exodo 24:3). Nakakagulat ang nangyari, ngunit alam natin mula sa karanasan na ang pananampalataya at katapatang iyon kung minsan ay maaaring madaig ng pagkayamot, pangamba, o pagdududa. Kapag hinangad natin ang presensya ng Panginoon sa ating buhay, nakakahikayat na malaman na hindi pinabayaan ng Panginoon ang sinaunang Israel at hindi Niya tayo pababayaan—sapagkat Siya ay “puspos ng kahabagan at mapagpala, hindi magagalitin, at sagana sa wagas na pag-ibig at katotohanan” (Exodo 34:6).

icon ng pag-aaral

Mga Ideya para sa Pag-aaral sa Tahanan at sa Simbahan

Exodo 19:3–6

Ang pinagtipanang mga tao ng Panginoon ay isang kayamanan sa Kanya.

Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson: “Sa Lumang Tipan, ang katagang Hebreo na pinagmulan ng pagsasalin ng peculiar ay segullah, na ibig sabihin ay ‘mahalagang ari-arian’ o ‘kayamanan.’ … Ang matukoy tayo ng mga lingkod ng Panginoon na kanyang kakaibang mga tao ay isang napakalaking papuri” (“Children of the Covenant,” Ensign, Mayo 1995, 34). Paano naaapektuhan ng mga salita ni Pangulong Nelson ang paraan ng pag-unawa mo sa Exodo 19:3–6? Paano naipakita sa iyo ng Panginoon na pinahahalagahan ka Niya?

Exodo 19:10–11, 17

Ang mga sagradong karanasan ay nangangailangan ng paghahanda.

Sinabi ng Panginoon kay Moises na kailangang maging handa ang mga anak ni Israel bago nila “salubungin ang Dios” (Exodo 19:10–11, 17) at tumupad ng tipan sa Kanya (tingnan sa Exodo 19:5). Paano ka naghahanda para sa mga espirituwal na karanasan, kabilang na ang sakramento at mga ordenansa sa templo? Paano mo matutulungan ang iba na maghanda? Ano ang natututuhan mo tungkol sa paghahanda mula sa Lucas 6:12–13; Enos 1:2–6; Alma 17:2–3?

Bundok ng Sinai, Ehipto

Ang bundok na ito sa Ehipto ayon sa kaugalian ay pinaniniwalaan na ang Bundok ng Sinai.

Exodo 20:1–17

icon ng seminary
Ang pagsunod sa mga utos ng Diyos ay naghahatid ng mga pagpapala.

Samantalang nakatipon ang mga Israelita sa paanan ng Bundok ng Sinai, narinig nila ang tinig ng Diyos na ibinibigay ang Sampung Utos (tingnan sa Deuteronomio 4:12–13). Siyempre, hindi lamang ito ang mga utos ng Diyos—marami pang iba sa mga banal na kasulatan. Kaya habang binabasa mo ang Exodo 20:1–17, itanong sa iyong sarili kung bakit partikular na binigyang-diin ng Diyos ang sampung ito. Narito ang isang sample table na maaari mong gamitin habang pinagninilayan mo ang kahalagahan ng Sampung Utos sa iyong buhay:

Kautusan

Sa madaling salita, inuutusan ako ng Panginoon na …

Mga pagpapalang nagmumula sa pagsunod sa utos na ito

  • Paano nakakatulong sa iyo ang pagsunod sa sampung utos na ito na sundin ang dalawang dakilang utos na ibinigay ni Jesus sa Mateo 22:34–40?

  • Ano ang mga bagay na maaari kang matuksong unahin kaysa sa Diyos? Anong mga pagpapala ang nakita mo sa pag-uuna sa Diyos?

  • Paano ka tutugon sa isang taong nagsasabi na matagal nang ibinigay ang Sampung Utos at hindi na angkop ngayon? Anong mga halimbawa mula sa buhay mo ang ibabahagi mo bilang bahagi ng iyong tugon? Paano maaaring maapektuhan ng himnong “Banayad ang Utos ng Diyos” (Mga Himno, blg. 73) ang paraan ng pagpapaliwanag mo ng mga utos ng Diyos sa iba?

  • Paano natupad ng Panginoon ang pangako sa Exodo 20:6 sa iyong buhay?

Tingnan din sa “Ang Dakilang Utos—Mahalin ang Panginoon,” sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Ezra Taft Benson (2014), 43–52; Dallin H. Oaks, “Walang Ibang mga Diyos,” Liahona, Nob. 2013, 72–75; Mga Paksa at mga Tanong, “Mga Kautusan,” Gospel Library.

Exodo 24:1–11

Ipinakikita ng aking mga pakikipagtipan ang kahandaan kong sundin ang batas ng Diyos.

Habang binabasa mo ang Exodo 24:3–8, isipin ang mga tipang nagawa mo sa Diyos. Bagama’t kasama sa tipan ng Israel ang mga ritwal na naiiba sa ipinagagawa ng Diyos ngayon, maaari kang makapansin ng ilang pagkakatulad. Halimbawa, binabanggit sa mga talata 4, 5, at 8 ang isang altar, pag-aalay ng mga hayop, at dugo. Ano ang maaaring isagisag ng mga bagay na ito, at paano ito nauugnay sa iyong mga tipan?

Exodo 32–34

Ang kasalanan ay pagtalikod sa Diyos; ang pagsisisi ay pagbaling sa Kanya at pagtalikod sa kasamaan.

Subuking ilagay ang iyong sarili sa lugar ng mga Israelita—ikaw ay nasa ilang, 40 araw nang wala si Moises, at ang pagharap sa mga Cananeo sa lupang pangako ay nasa iyong hinaharap (tingnan sa Exodo 32:1–8). Bakit kaya gusto ng mga Israelita ng isang gintong diyus-diyusan? Ano ang nagbibigay-inspirasyon sa iyo tungkol sa pakiusap ni Moises sa Panginoon sa Exodo 33:11–17?

Bagama’t mabigat ang kasalanan ng mga Israelita, kabilang din sa kuwentong ito ang mensahe tungkol sa awa at pagpapatawad ng Diyos. Ano ang itinuturo sa iyo ng Exodo 34:1–10 tungkol sa Tagapagligtas? (tingnan sa Exodo 32:30–32; Mosias 14:4–8; 15:9; Doktrina at mga Tipan 45:3–5).

Exodo 31:13–16

Ang Sabbath ay isang tanda.

Ipinaliwanag ni Pangulong Russell M. Nelson: “Noong ako ay bata pa, pinag-aralan ko ang listahan na ginawa ng ibang tao tungkol sa bagay na dapat gawin at hindi dapat gawin sa araw ng Sabbath. Kalaunan ko lang natutuhan mula sa mga banal na kasulatan na ang aking kilos at pag-uugali sa Sabbath ay tanda sa pagitan ko at ng aking Ama sa Langit [tingnan sa Exodo 31:13; Ezekiel 20:12, 20]. Dahil sa pagkaunawang iyon, hindi ko na kailangan ng mga listahan ng mga dapat at hindi dapat gawin. Kapag kailangan kong magpasiya kung ang isang aktibidad ay angkop o hindi sa araw ng Sabbath, tinatanong ko lang ang sarili ko, ‘Anong tanda ang nais kong ibigay sa Diyos?’ Sa tanong na iyon ay naging napakalinaw sa akin ang mga dapat piliin sa araw ng Sabbath” (“Ang Sabbath ay Kaluguran,” Liahona, Mayo 2015, 130). Pagnilayan kung anong tanda ang nais mong ibigay sa Diyos sa iyong pagsunod sa araw ng Sabbath.

Exodo 34:1–4

Ano ang pagkakaiba ng dalawang tapyas na bato na ginawa ni Moises?

Nang bumaba sa bundok si Moses, dinala niya ang batas na nakasulat sa mga tapyas na bato. Matapos malaman na nilabag ng mga Israelita ang kanilang tipan, sinira ni Moises ang mga tapyas na bato (tingnan sa Exodo 31:18; 32:19). Kalaunan, inutusan ng Diyos si Moises na tumabas ng isa pang set ng mga tapyas na bato at ibalik ang mga ito sa bundok (tingnan sa Exodo 34:1–4). Nililinaw sa Pagsasalin ni Joseph Smith, Exodo 34:1–2 (sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan) na ang unang set ng mga tapyas na bato ay kinabilangan ng mga ordenansa ng “banal na utos” o ng Melchizedek Priesthood. Ang ikalawang set ay kinapalooban ng “batas ng makalupang mga kautusan.” Ito ay mas mababang batas na pinangangasiwaan ng “nakabababang pagkasaserdote” (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 84:17–27), na nilayong ihanda ang mga Israelita para sa mas mataas na batas at mas mataas na pagkasaserdote upang makapasok sila sa kinaroroonan ng Diyos.

Para sa iba pa, tingnan ang mga isyu ng mga magasing Liahona at Para sa Lakas ng mga Kabataan sa buwang ito.

icon 03 ng bahaging pambata

Mga Ideya para sa Pagtuturo sa mga Bata

Exodo 20:3–17

Binibigyan ako ng Diyos ng mga utos dahil nais Niya akong lumigaya.

  • Paano mo mapapasaya ang pag-aaral tungkol sa Sampung Utos para sa iyong mga anak? Habang binabasa ninyo ang Exodo 20:3–17 nang sama-sama, hayaan ang iyong mga anak na tulungan kang maghanap o magdrowing ng isang larawan para kumatawan sa bawat isa sa Sampung Utos. Pagkatapos ay maaaring maghalinhinan ang iyong mga anak sa pagpili ng isang larawan at pagkukuwento kung paano nila maipapamuhay ang kautusang iyon. Ibahagi sa isa’t isa kung paano naghahatid ng kaligayahan sa iyo ang pagsunod sa kautusang iyan.

  • Maaari mo ring kantahin ang isang awiting tulad ng “Mga Kautusan sa Tuwina ay Sundin” (Aklat ng mga Awiting Pambata, 68–69). Tulungan ang iyong mga anak na makahanap ng mga salita sa awitin na nagtuturo sa kanila kung bakit nais ng Diyos na sundin natin ang Kanyang mga utos.

Kapag nagbahagi ang mga bata ng mga espirituwal na karanasan, lumalago ang kanilang patotoo. Ang mga tanong mo ay maaaring makahikayat sa iyong mga anak na ibahagi ang nadarama nila tungkol sa Tagapagligtas at kung paano sila napagpala ng pamumuhay ng ebanghelyo (tingnan sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas34). Sa paggawa nila nito, sila ay nagpapatotoo. Isipin kung paano ninyo ito magagawa habang tinatalakay ninyo ang mga pagpapalang nagmumula sa pagsunod sa Sampung Utos.

Exodo 20:12

Nais ng Panginoon na igalang ko ang aking mga magulang.

  • Tulungan ang iyong mga anak na matutuhan ang pariralang “Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina” (Exodo 20:12). Maaari mong ipaliwanag na ang “paggalang” sa isang tao ay nangangahulugan ng respetuhin sila o bigyan sila ng kaligayahan. Ano ang ginawa ni Jesus para parangalan ang Kanyang mortal na ina at ang Kanyang Ama sa Langit? (tingnan sa Lucas 2:48–51; Juan 19:26–27). Marahil ay maaaring maghalinhinan ang iyong mga anak sa pagsasadula ng mga bagay na magagawa nila para igalang ang kanilang mga magulang, habang hinuhulaan ng iba pang mga bata ang ginagawa nila.

Exodo 31:13, 16–17

Ang paggalang sa araw ng Sabbath ay tanda ng pagmamahal ko sa Panginoon.

  • Maaaring masiyahan ang iyong mga anak sa pagtingin sa mga halimbawa ng tanda—tulad ng mga tanda sa kalsada o mga tanda sa isang gusali. Ano ang layunin ng mga tanda? Pagkatapos ay maaaring hanapin ng iyong mga anak ang salitang “tanda” sa Exodo 31:13, 16–17. Ano ang sinabi ng Panginoon na tanda sa pagitan natin at Niya? Ikuwento sa isa’t isa ang ilan sa mga paraan na sinisikap ninyo ng iyong pamilya na ipakita ang inyong pagmamahal para sa Panginoon sa araw ng Sabbath.

si Moises na hawak ang Sampung Utos

Larawang-guhit ni Moises na hawak ang Sampung Utos, ni Sam Lawlor (detalye)

Exodo 32:1–8, 19–24; 34:6–7

Hindi ako “[lilihis]” sa mga landasin ng Diyos.

  • Isiping gamitin ang “Si Moises sa Bundok ng Sinai” (sa Mga Kuwento sa Lumang Tipan, 77–82) para tulungan ang iyong mga anak na malaman ang kuwento sa Exodo 32:1–8, 19–24. Bakit mali na sambahin ng mga Israelita ang isang rebulto sa halip na ang Diyos?

    2:55

    Moses on Mount Sinai

  • Maaaring masayang lumikha ng isang landas sa sahig (o maghanap ng isa na malapit sa bahay ninyo) para ilarawan ang mga salitang ito mula sa Exodo 32:8: “Sila’y madaling lumihis sa daan.” Habang naglalakad sa landas, maaaring pag-usapan ng iyong mga anak ang mga tuksong kinakaharap natin na tumalikod sa Diyos. Ano ang tumutulong sa atin na manatili sa landas ng Diyos—at bumalik doon kung naligaw tayo? (tingnan sa Exodo 34:6–7).

Para sa iba pa, tingnan ang isyu ng magasing Kaibigan sa buwang ito.

si Moises na inihahagis ang Sampung Utos

Pagsamba sa Guya, ni W. C. Simmonds

Pahina ng aktibidad sa Primary: Binibigyan ako ng Diyos ng mga utos dahil nais Niya akong lumigaya