Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Hunyo 1–7. “Nagagalak ang Aking Puso sa Panginoon”: Ruth; 1 Samuel 1–7


“Hunyo 1–7. ‘Nagagalak ang Aking Puso sa Panginoon’: Ruth 1; 1 Samuel 1–7,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at sa Simbahan: Lumang Tipan 2026 (2026)

“Hunyo 1–7. ‘Nagagalak ang Aking Puso sa Panginoon,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin: Lumang Tipan 2026

sina Ruth at Noemi na magkasamang naglalakbay

Kung Saan Ka Pumaroon, ni Sandy Freckleton Gagon

Hunyo 1–7: “Nagagalak ang Aking Puso sa Panginoon”

Ruth; 1 Samuel 1–7

Kung minsan iniisip natin na dapat sundan ng ating buhay ang isang malinaw na landas mula simula hanggang wakas. Tutal, ang pinakamaikling distansya sa pagitan ng dalawang tuldok ay isang tuwid na linya. Gayunman ang buhay ay madalas na puno ng pagkaantala at mga pagliko na nagdadala sa atin sa mga di-inaasahang direksyon.

Talagang naunawaan ito ni Ruth at Ana. Si Ruth ay hindi Israelita, ngunit nag-asawa siya ng Israelita, at nang mamatay ang kanyang asawa, kinailangan niyang magpasiya. Babalik ba siya sa kanyang pamilya at sa kanyang dati, at pamilyar na buhay, o tatanggapin niya ang relihiyon ng mga Israelita at ang bagong tahanan kasama ang kanyang biyenan? (tingnan sa Ruth 1:4–18). Ang plano ni Ana sa kanyang buhay ay magkaanak, ngunit hindi siya magkaanak, at dahil doon siya ay “labis na nabagabag” (tingnan sa 1 Samuel 1:1–10). Habang nagbabasa ka tungkol kina Ruth at Ana, isipin ang pananampalataya nila para maglakbay sa mga di-inaasahang landas. Pagkatapos ay pag-isipan ang sarili mong paglalakbay. Kakaiba iyan kina Ruth at Ana—at sa sinuman. Ngunit sa lahat ng pagsubok at sorpresa sa pagitan nito at ng iyong walang-hanggang hantungan, matututuhan mong sabihin na katulad ni Ana, “Nagagalak ang aking puso sa Panginoon” (1 Samuel 2:1).

Tingnan din sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan para sa buod ng mga aklat na Ruth at 1 Samuel.

icon ng pag-aaral

Mga Ideya para sa Pag-aaral sa Tahanan at sa Simbahan

Ruth

Maaaring gawing tagumpay ni Cristo ang trahedya.

Mahirap ang buhay para sa isang balo sa anumang panahon. Ngunit nang mamatay ang asawa ni Ruth, lalong naging mahirap ang sitwasyon niya. Sa kultura ng mga Israelita sa panahong iyon, ang babaeng walang asawa o mga anak na lalaki ay walang karapatan sa ari-arian at iilan lamang ang paraan para makapaghanapbuhay. Habang binabasa mo ang kuwento ni Ruth, pansinin kung paano naging malaking pagpapala ang trahedyang ito. Ano ang napansin mo kay Ruth na maaaring nakatulong sa kanya? Paano tinubos ni Boaz si Ruth mula sa kanyang desperadong sitwasyon? (tingnan sa Ruth 4:4–10). Paano naging katulad ni Jesucristo sina Ruth at Boaz?

Tingnan din sa “Pumayapa, Aking Kaluluwa,” Mga Himno, blg. 71.

Ruth; 1 Samuel 1

Maaari akong magtiwala na gagabayan at tutulungan ako ng Diyos anuman ang aking sitwasyon.

Marahil ay dumanas ka na ng malaking kawalan, tulad ng nangyari kina Ruth at Naomi (tingnan sa Ruth 1:1–5). O siguro, tulad ni Ana, inaasam mo ang mga pagpapala na hindi mo pa natatanggap (tingnan sa 1 Samuel 1:1–10). Paano ipinakita ng mga babaeng ito ang kanilang pananampalataya sa Diyos? Ano ang natututuhan mo mula sa kanilang mga halimbawa?

Siyempre, hindi lahat ng nagdarasal na magkaanak ay nagkakaanak, at hindi lahat ng namamatayan ng asawa ay nag-aasawang muli. Ngunit lahat ng lumalapit sa Tagapagligtas ay tumatanggap ng Kanyang tulong at patnubay. Isipin kung paano ka “nanganlong” sa Panginoon (Ruth 2:12) sa mahihirap na panahon ng iyong buhay.

Tingnan din sa Amy A. Wright, “Mananatili sa Araw na Yaon kay Cristo,” Liahona, Nob. 2023, 9–11.

si Hannah at ang kanyang anak

For This Child I Prayed [Para sa Batang Ito Ako ay Nanalangin], ni Elspeth Young

1 Samuel 2; 4–7

Para matanggap ang tulong ng Panginoon, kailangan kong magtiwala sa Kanya at sundin ang Kanyang mga utos.

Nang sumalakay ang kanilang mga kaaway, mukhang inakala ng mga Israelita na poprotektahan sila dahil lamang sa nasa kanila ang kaban ng tipan. Habang binabasa mo ang 1 Samuel 4–6, pag-isipan kung bakit hindi iyon nangyari. (Pansinin din ang masasamang ginawa ng mga anak ni Eli, na naglingkod bilang mga saserdote sa tabernakulo, sa 1 Samuel 2:12–25.) Ano sa palagay mo ang sinisikap ng Panginoon na ituro sa Kanyang mga tao? Ano ang natututuhan mo sa nangyari sa mga Filisteo matapos makuha ang arka? (tingnan sa mga kabanata 5–6). Ano ang natututuhan mo mula sa mga pagsisikap ng Israel na mabawi ang proteksyon ng Panginoon sa 1 Samuel 7?

Maaari kang mabigyang-inspirasyon sa pagbabasa ng tula ng papuri ni Ana sa 1 Samuel 2:1–10. Ano ang nakikita mo sa kanyang mga salita na maaaring nakatulong sa mga anak ni Eli at sa iba pang mga Israelita?

1 Samuel 3

icon ng seminary
Naririnig at sinusunod ko ang tinig ng Panginoon.

Kung minsan, maaaring madama mo ang nadama ni Samuel, na narinig ang tinig ng Panginoon ngunit hindi iyon nakilala. Tulad nating lahat, kinailangang matutuhan ni Samuel kung paano makilala ang tinig ng Panginoon. Habang pinag-aaralan mo ang 1 Samuel 3, ano ang natututuhan mo mula sa batang lalaking ito tungkol sa pakikinig at pagsunod sa tinig ng Panginoon? Maaari mo ring saliksikin ang karagdagang mga talatang ito sa banal na kasulatan at ilista ang mga tuntuning makakatulong sa isang tao na makilala ang tinig ng Panginoon: 1 Mga Hari 19:11–12; Lucas 24:15–32; 3 Nephi 11:3–7; Doktrina at mga Tipan 6:22–23; 8:2–3; 9:7–9.

Sa ibang mga pagkakataon, maaari mong madama na sarado ang kalangitan at na ayaw makipag-ugnayan ng Diyos sa iyo. Sabi ni Pangulong Russell M. Nelson: “Talaga bang nais ng Diyos na mangusap sa inyo? Oo!” (“Paghahayag para sa Simbahan, Paghahayag para sa Ating Buhay,” Liahona, Mayo 2018, 93–96). Habang pinag-aaralan mo ang mensahe ni Pangulong Nelson, ano ang nakikita mo na humihikayat sa iyo na pakinggan at sundin ang tinig ng Panginoon? Ano ang sinasabi ni Pangulong Nelson na gawin mo, at anong mga pagpapala ang ipinapangako niya? Makakakita ka rin ng mga paanyaya at ipinangakong pagpapala tungkol sa paghahayag sa “Lumakad sa Liwanag ng Diyos” (Para sa Lakas ng mga Kabataan: Isang Gabay sa Pagpili, 16–20). Isiping pumili ng isang bagay na magagawa mo para “dagdagan pa ang espirituwal na kakayahan [mong] makatanggap ng paghahayag.”

Para sa iba pa, tingnan ang mga isyu ng mga magasing Liahona at Para sa Lakas ng mga Kabataan sa buwang ito.

Mga Tulong sa Banal na Kasulatan

Iklik para makita ang iba pa.

icon ng bahaging pambata

Mga Ideya para sa Pagtuturo sa mga Bata

Ruth

Maaari akong magpakita ng pagmamahal at kabaitan sa mga tao sa paligid ko.

  • Kapag ibinahagi mo sa iyong mga anak ang kuwento ni Ruth (maaari mong gamitin ang “Sina Ruth at Noemi” sa Mga Kuwento sa Lumang Tipan, 100–103), anyayahan silang magtaas ng kamay tuwing makakarinig sila ng kabaitan sa kuwento. Maaari din nilang ibahagi ang nadarama nila kapag mabait sa kanila ang iba, o kapag mabait sila sa iba. Paano naging mabait sa atin ang Tagapagligtas? Paano natin matutularan ang Kanyang halimbawa? (tingnan sa “Sa Akin Nagmumula ang Kabaitan,Aklat ng mga Awit Pambata, 83).

    2:0

    Ruth and Naomi

Ruth; 1 Samuel 1

Maaari akong manampalataya sa Panginoon.

  • Ang mga kuwento nina Ruth at Ana ay maaaring makahikayat sa iyong mga anak na manatiling tapat sa mahihirap na panahon. Isiping tulungan silang gumawa ng isang simpleng chart na may mga heading na Mga Pagsubok, Mga Gawa, Mga Pagpapala. Pagkatapos ay sama-sama ninyong basahin ang Ruth 1:3–5, 8, 16; 2:1–3, 8–12; 4:13–17; 1 Samuel 1:1–18 at isulat sa ilalim ng mga heading ang makita nila sa mga talatang ito. Paano ipinakita nina Ruth at Ana ang kanilang pananampalataya sa Panginoon? Pagkatapos ay maaari kang magbahagi o ang iyong mga anak ng mga halimbawa kung paano kayo napagpala ng Panginoon sa mahihirap na panahon.

1 Samuel 1:1–18

Dinirinig at sinasagot ng Ama sa Langit ang aking mga dalangin.

  • Para makaalam tungkol kay Ana, maaaring basahin ng iyong mga anak ang 1 Samuel 1:1–18 o ang “Ana” sa Mga Kuwento sa Lumang Tipan (104–5) o panoorin ang “Hannah’s Faith” (video, Gospel Library). Maaaring masayang maghagis ng bola sa isang bata at anyayahan siyang isalaysay ang bahagi ng kuwento bago ipasa ang bola sa iba. Ano ang natututuhan natin tungkol sa panalangin mula sa halimbawa ni Ana?

    1:15

    Hannah

    3:9

    Hannah's Faith

Samuel at Eli

Ipinagtapat ni Samuel kay Eli ang Katotohanan, ni Robert T. Barrett.

1 Samuel 3:1–10

Maaari kong pakinggan at sundin ang tinig ng Panginoon.

  • Marahil ang isang simpleng dula-dulaan ay maaaring makatulong sa iyong mga anak na matuto mula sa karanasan ni Samuel sa paghahayag. Ang isang bata ay maaaring magkunwaring si Samuel, at ang isa pa ay maaaring magkunwaring si Eli habang binabasa mo ang 1 Samuel 3:1–10 (tingnan din sa “Ang Propetang si Samuel” sa Mga Kuwento sa Lumang Tipan, 106–9, o ang video na “Samuel and Eli,” Gospel Library). Ano ang natututuhan natin mula kay Samuel kung paano pakinggan ang tinig ng Panginoon? Paano natin maipapakita na handa tayong makinig kapag nangungusap ang Panginoon sa atin?

    2:10

    Samuel the Prophet

    2:4

    Samuel at Eli

  • Itanong sa iyong mga anak kung paano nila ipaliliwanag sa isang tao kung paano nangungusap sa kanila ang Panginoon. Maaari mo silang tulungang hanapin ang mga sagot sa Doktrina at mga Tipan 6:22–23; 8:2–3; 9:7–9.

Tulungan ang iyong mga anak na matutong kilalanin ang Espiritu. Hindi madaling makahiwatig sa pagitan ng sarili nating damdamin at ng Espiritu Santo. Nahihirapan dito ang lahat paminsan-minsan. Gamitin ang lahat ng oportunidad para matulungan mo ang iyong mga anak na mapansin kung kailan nila nadarama ang impluwensya ng Espiritu. Halimbawa, habang binabasa mo ang 1 Samuel 3:1–10 at ang mga mungkahing talata sa Doktrina at mga Tipan, maaari kang magbahagi ng mga karanasan kung saan naturuan ka ng Panginoon sa iyong puso’t isipan.

Para sa iba pa, tingnan ang isyu ng magasing Kaibigan sa buwang ito.

Si Samuel na nagbabangon sa kama

Ang Batang si Samuel na Tinatawag ng Panginoon, ni Harry Anderson

Pahina ng aktibidad sa Primary: Dinirinig at sinasagot ng Ama sa Langit ang aking mga dalangin