“Marso 23–29. ‘Aking Naalala ang Aking Tipan’: Exodo 1–6,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at sa Simbahan: Lumang Tipan 2026 (2026)
“Marso 23–29. ‘Aking Naalala ang Aking Tipan’,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin: 2026
Moses and the Burning Bush [Si Moises at ang Nagliliyab na Palumpong], ni Jerry Thompson
Marso 23–29: “Aking Naalala ang Aking Tipan”
Exodo 1–6
Ang paanyayang manirahan sa Ehipto ang nagligtas sa pamilya ni Jacob. Ngunit makalipas ang daan-daang taon, inalipin at tinakot ang kanilang mga inapo ng isang bagong faraon “na hindi kilala si Jose” (Exodo 1:8). Natural lamang sana na magtaka ang mga Israelita kung bakit tinulutan ng Diyos na mangyari ito sa kanila, na Kanyang mga pinagtipanang tao. Naalala ba Niya ang tipang ginawa Niya sa kanila? Mga tao pa rin ba Niya sila? Nakikita ba Niya kung gaano sila naghihirap noon?
Maaaring may mga pagkakataon na nadama mong itanong ang mga bagay na katulad nito. Maaaring iniisip mo, “Alam ba ng Diyos ang pinagdaraanan ko? Naririnig ba Niya ang mga paghingi ko ng tulong?” Malinaw na sinasagot ng paglaya ng Israel mula sa Ehipto ang gayong mga tanong: Hindi kinalilimutan ng Diyos ang Kanyang mga tao. Naaalala Niya ang Kanyang mga tipan sa atin at tutuparin ang mga ito sa Kanyang sariling panahon at paraan. “Aking tutubusin kayo na may nakaunat na kamay,” pahayag Niya. “Ako’y Panginoon ninyong Diyos, na nagpalaya sa inyo sa pagpapahirap ng mga Ehipcio” (Exodo 6:6–7).
Para sa isang maikling buod ng aklat ng Exodo, tingnan sa “Exodo” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan.
Mga Ideya para sa Pag-aaral sa Tahanan at Simbahan
Exodo 1–2
Maaaring gumawa ang Diyos sa pamamagitan ko para isakatuparan ang Kanyang mga layunin.
Ano ang tumatatak sa isip mo tungkol sa mga babaeng inilarawan sa Exodo 1–2? Paano sila nakatulong sa pagtupad ng plano ng Diyos para sa Kanyang mga tao? Ano ang itinuturo sa iyo ng kanilang mga pagsisikap tungkol sa paglilingkod sa gawain ng Diyos?
Exodo 1–3
Si Jesucristo ang aking Tagapagligtas.
Bago mo simulang basahin ang Exodo, maaari mong isipin ang hirap na pinagdaraanan mo—isang bagay na inaasam mo na ililigtas ka ng Panginoon. Anong mga salita at parirala sa Exodo 1–3 ang katulad ng espirituwal na pagkabihag o iba pang mga bagay na kinakaharap natin ngayon? Pansinin din kung paano hinangad ng mga anak ni Israel na mapalaya at kung paano tumugon ang Panginoon (tingnan, halimbawa, sa Exodo 2:23–25; 3:7–8). Paano “bumaba [ang Panginoon] upang iligtas” ka?
Sa buong aklat ng Exodo, maaari mo ring mapansin ang ilang pagkakatulad sa pagitan nina Moises at Jesucristo (tingnan sa Deuteronomio 18:18–19; 1 Nephi 22:20–21). Halimbawa, anong mga pagkakatulad ang nakikita mo sa pagitan ng Exodo 1:22; 2:1–10 at ng Mateo 2:13–16? O sa pagitan ng Exodo 24:18 at sa Mateo 4:1–2? Ano sa palagay mo ang nais ng Panginoon na maunawaan mo tungkol sa Kanyang sarili at sa Kanyang kapangyarihan?
Maghanap ng mga simbolong nagpapatotoo kay Jesucristo. “Makahahanap ka … ng mga pagkakatulad sa buhay ng Tagapagligtas sa buhay ng mga propeta at iba pang matatapat na kalalakihan at kababaihan sa mga banal na kasulatan. Ang [paggawa nito] ay naghahayag ng mga katotohanan tungkol sa Tagapagligtas sa mga lugar na maaaring hindi mo [mapansin]” (Tingnan sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 7; tingnan din sa Hosea 12:10).
Faith at Water’s Edge [Pananampalataya sa Gilid ng Ilog], ni Anne Marie Oborn
Exodo 3:1–6
Maaari akong magpakita ng pagpipitagan para sa mga banal na bagay at lugar.
May naiisip ka bang panahon na may isang bagay na pinuspos ka ng paghanga at pagkamangha? Ano ang naging reaksyon mo? Paano mo ilalarawan ang mga nadama mo?
Nasasaisip ito, basahin ang Exodo 3:1–6. Ano ang tumatak sa isipan mo tungkol sa nagbibigay-inspirasyong karanasan ni Moises? Ano ang ginawa ni Moises para magpakita ng pagpipitagan sa Diyos? Ano ang nakikita mong mga kaugnayan sa pagitan ng kanyang mga kilos at ng pagpipitagan sa mga sagradong bagay?
Ang pagbasa sa mga talatang ito ay maaaring maghikayat sa iyo na pag-isipan ang mga banal na bagay at banal na lugar sa iyong buhay. Bakit sagrado ang mga iyon sa iyo? Paano naiiba ang pagtrato mo sa mga ito kumpara sa mga bagay na karaniwan? Para magabayan ang iyong pagninilay, maaari kang sumangguni sa bahaging pinamagatang “Pag-alaala sa mga Pangako” sa mensahe ni Elder David A. Bednar na “Napakadakila at Mahahalagang Pangako” (Liahona, Nob. 2017, 91–93). Maaari ka ring kumanta o makinig sa isang himno na naghihikayat ng pagkamangha, tulad ng “Ako ay Namangha” (Mga Himno, blg. 115) at pagnilayan kung ano nakamamangha sa iyo tungkol sa ebanghelyo.
Siyempre, kahit nagkaroon tayo ng magagandang espirituwal na karanasan, may panganib na maging masyadong kaswal tungkol sa mga sagradong bagay. Paano mo ito maiiwasan? Narito ang dalawang mensaheng tumatalakay sa isyung ito; pumili ng isa, at hanapin ang mga pahayag na makakatulong sa iyo: Ulisses Soares, “Namamangha kay Cristo at sa Kanyang Ebanghelyo” (Liahona, Mayo 2022, 115–17); Gérald Caussé, “Kamangha-mangha pa rin ba Ito sa Inyo?” (Liahona, Mayo 2015, 98–100).
Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 6:10–12; 63:64.
Exodo 3–4
Binibigyan ng Diyos ng kapangyarihan ang mga tinatawag Niya para gawin ang Kanyang gawain.
Ngayon ay kilala natin si Moises bilang isang dakilang propeta at pinuno. Ngunit hindi ganoon ang tingin ni Moises sa kanyang sarili noong una siyang tinawag ng Panginoon. Habang binabasa mo ang Exodo 3–4, ilista ang mga alalahanin ni Moises at kung paano tumugon ang Panginoon sa bawat isa. Ano ang nakikita mo sa mga kabanatang ito na maaaring magbigay-inspirasyon sa iyo kapag nakadarama ka ng kakulangan? Kailan mo nakita na nagbigay ng kapangyarihan ang Diyos sa iyo o sa iba na gawin ang Kanyang gawain?
Tingnan din sa “Ang Simbahan ay Nagbibigay sa Atin ng mga Pagkakataong Tumulong sa Gawain ng Diyos” sa “Ang Organisasyon ng Simbahan” sa Mga Paksa at mga Tanong, Gospel Library.
Exodo 5–6
Ang mga layunin ng Panginoon ay matutupad sa Kanyang sariling panahon.
Maaaring nakakapanghina ng loob kapag tila hindi epektibo ang taimtim nating mga pagsisikap na gumawa ng kabutihan—kapag sinisikap nating gawin ang kalooban ng Panginoon ngunit hindi natin nakikita ang mga resultang inaasahan natin. Para malaman ang isang karanasang katulad ng kay Moises, basahin ang Exodo 5:4–9, 20–23. Paano tinulungan ng Panginoon si Moises na madaig ang panghihina ng kanyang loob? (tingnan sa Exodo 6:1–13). Paano ka natulungan ng Panginoon na magpumilit sa pagsunod sa Kanyang kalooban?
Tingnan din sa Jeffrey R. Holland, “Paghihintay sa Panginoon,” Liahona, Nob. 2020, 115–17.
Para sa iba pa, tingnan ang mga isyu ng mga magasing Liahona at Para sa Lakas ng mga Kabataan sa buwang ito.
Mga Tulong sa Banal na Kasulatan
Mga Ideya para sa Pagtuturo sa mga Bata
Dahil ang Linggong ito ang ikalimang Linggo ng buwan, hinihikayat ang mga guro sa Primary na gamitin ang mga aktibidad sa pag-aaral sa “Apendise B: Paghahanda sa mga Bata para sa Habambuhay na Pagtahak sa Landas ng Tipan ng Diyos.”
Exodo 1–2
Maaaring gumawa ang Diyos sa pamamagitan ko para maisakatuparan ang Kanyang mga layunin.
-
Si Moises ay may mahalagang papel sa pagpapalaya ng Israel mula sa pagkaalipin. Ngunit hindi niya sana naisakatuparan ito kung hindi siya naprotektahan at naalagaan ng kanyang ina, ng kanyang kapatid na babae, ng anak na babae ng Faraon, at ng iba pang matatapat na kababaihan. Tulungan ang iyong mga anak na malaman ang tungkol sa mga babaeng ito sa Exodo 1:15–20; Exodo 2:2–10 (tingnan din sa Mga Bilang 26:59); at Exodo 2:16–21. Maaari mo ring gamitin ang pahina ng aktibidad para sa linggong ito at “Ang Sanggol na si Moises” (sa Mga Kuwento sa Lumang Tipan, 61–63) para isalaysay ang mga kuwento nila. Paano tumulong ang mga babaeng ito na matupad ang plano ng Diyos? Mag-usap-usap tungkol sa iba pang mga tao na hinahangaan ninyo na tumutulong sa gawain ng Diyos, pati na sa maliliit at mga simpleng paraan. Paano natin matutularan ang kanilang halimbawa?
1:36Baby Moses
Exodo 3:1–5
Maaari kong tratuhin ang mga banal na lugar nang may pagpipitagan.
-
Matapos basahin ang Exodo 3:1–5 nang sama-sama, hilingin sa iyong mga anak na ibuod ang mga talatang ito sa sarili nilang mga salita (tingnan din sa “Ang Propetang si Moises” sa Mga Kuwento sa Lumang Tipan, 64–66). Paano nagpakita ng pagpipitagan si Moises sa presensya ng Panginoon? Paano nais ng Panginoon na magpakita tayo ng pagpipitagan? Maaari mo ring hilingin sa iyong mga anak na tulungan kang makahanap (o magdrowing) ng mga sagradong lugar o aktibidad kung saan dapat tayong maging mapitagan. Ano ang magagawa natin para maging sagradong lugar ang ating tahanan?
1:26Moses the Prophet
-
Sama-samang kantahin ang isang awitin tungkol sa pagpipitagan, tulad ng “Paggalang ay Pagmamahal” (Aklat ng mga Awit Pambata, 12). Habang ginagawa ninyo ito, maaaring maghanap ang iyong mga anak ng mga salita o parirala na nagpapaliwanag kung ano ang kahulugan ng maging mapitagan. Kung magdadala tayo ng isang kaibigan sa simbahan sa unang pagkakataon, paano natin ipaliliwanag ang kahulugan ng maging mapitagan?
Sina Moises at Aaron ay Nagsasalita sa mga Tao, ni James J. Tissot
Exodo 3–4
Kapag may ipinagagawa sa akin ang Panginoon, tutulungan Niya akong gawin iyon.
-
Gamit ang salaysay sa Exodo 3; 4:1–17, hayaang maghalinhinan ang iyong mga anak sa pagkukunwaring sila si Moises. Maaaring masaya na magsama ng mga bagay o simpleng props, tulad ng flashlight at halaman na kumakatawan sa nagliliyab na palumpong. Tulungan ang iyong mga anak na matuklasan kung ano ang nadama ni Moises tungkol sa atas na ibinigay sa kanya ng Panginoon (tingnan sa Exodo 3:11; 4:1, 10). Maaari siguro ninyong ibahagi sa isa’t isa ang mga pagkakataon na nagkaroon kayo ng gayon ding damdamin. Anong payo ang maibibigay natin kay Moises para matulungan siya? Basahin kung paano pinalakas ng Panginoon ang loob ni Moises sa Exodo 3:12; 4:2–9, 11–12. Sabihin sa mga bata kung paano ka natulungan ng Tagapagligtas na gumanap sa isang calling, sumunod sa isang pahiwatig, o gumawa ng iba pang bagay na mahirap para sa iyo.
Para sa iba pa, tingnan ang isyu ng magasing Kaibigan sa buwang ito.