“Marso 9–15. ‘Ang Panginoon ay Naging Kasama ni Jose”: Genesis 37–41,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at sa Simbahan: Lumang Tipan 2026 (2026)
“Marso 9–15. ‘Ang Panginoon ay Naging Kasama ni Jose’,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin: 2026
Si Jose at ang Kanyang mga Kapatid, ni Sam Lawlor
Marso 9–15: “Ang Panginoon ay Naging Kasama ni Jose”
Genesis 37–41
Alam natin na pinagpapala ng Diyos ang mga taong nagtitiwala sa Kanya at sumusunod sa Kanyang mga utos. Ngunit kung minsa’y parang hindi gayon ang nangyayari. Kung minsan ang taong nagtitiwala sa Diyos ay inaabuso at iniiwan ng mga kapamilya. Kung minsan ang taong buong tapang na tumatangging lumabag sa batas ng kalinisang-puri ay pinararatangan pa rin nang mali. Kapag nangyari sa atin ang mga bagay na katulad niyan, maaari tayong matuksong magalit sa Diyos. Maaari nating isipin, “Ano ang saysay ng pagsisikap na gawin ang tama kung tila lalo nitong pinahihirap ang buhay?”
Maaaring naisip iyan ni Jose, na anak ni Jacob. Paminsan-minsa’y umunlad ang matapat na lalaking ito; sa kung minsan naman, tila kapag mas tapat siya, mas nahirapan siya. Ngunit hindi kailanma’y hindi tinalikuran ni Jose ang Panginoon, at kailanma’y hindi tinalikuran ng Panginoon si Jose. Hindi iyan nangangahulugan na pinigilan ng Panginoon na mangyari ang masasamang bagay kay Jose, ngunit sa lahat ng iyon, “ang Panginoon ay kasama niya” (Genesis 39:3).
Mga Ideya para sa Pag-aaral sa Tahanan at sa Simbahan
Genesis 37:1–28; 39; 41:9–45
Makakasama ko ang Panginoon sa aking paghihirap.
Muli’t muli, tila naging mailap kay Jose ang magandang kapalaran, ngunit hindi siya pinabayaan ng Panginoon kailanman. Habang binabasa mo ang kuwento tungkol kay Jose, pagnilayan ang mga tanong na tulad nito: Ano ang ginawa ni Jose para manatiling malapit sa Panginoon? Paano nangyari na “kasama niya” ang Panginoon? (tingnan sa Genesis 39; 40:1–19; 41:9–45). Ano ang natututuhan mo mula sa kuwento tungkol kay Jose na maaaring makatulong sa iyo na madama ang presensya ng Panginoon sa iyong buhay?
Maaari mo ring itanong ang mga bagay na ito tungkol sa buhay mo. Anong katibayan ang nakita mo na hindi ka pinabayaan ng Panginoon sa mga panahon ng pagsubok? Isipin kung paano mo maibabahagi ang iyong mga karanasan sa mga miyembro ng pamilya at sa darating na mga henerasyon (tingnan sa 1 Nephi 5:14).
Siyempre, magkakaroon ka ng iba pang mga pagsubok sa hinaharap. Ano ang magagawa mo ngayon para matiyak na hindi ka mailalayo ng mga pagsubok na ito mula sa Panginoon? Isiping sumulat ng isang liham para hikayatin ang iyong sarili sa hinaharap na manatiling malapit sa Kanya anuman ang mangyari. Maaari mong isama ang mga kabatiran mula sa buhay ni Jose o mula sa mensahe ni Elder D. Todd Christofferson na “Ang Ating Kaugnayan sa Diyos” (Liahona, Mayo 2022, 78–81).
Tingnan din sa Juan 14:18; Roma 8:28; Alma 36:3; Doktrina at mga Tipan 121:7–8; “Manatili sa Piling Ko!,” Mga Himno, blg. 97.
Genesis 37:5–11; 40; 41:1–38
Kung ako ay tapat, gagabayan at bibigyang-inspirasyon ako ng Panginoon.
Si Jose ay may kaloob na mahiwatigan ang mga mensahe mula sa Panginoon sa pamamagitan ng mga panaginip. Ano ang matututuhan mo mula sa Genesis 37:5–11; 40:5–8; 41:14–25, 37–38 tungkol sa pagtanggap at pag-unawa sa paghahayag mula sa Panginoon? Halimbawa, ano ang matututuhan mo mula sa halimbawa ni Jose kapag tila mahirap maunawaan ang paghahayag? (tingnan sa Genesis 40:8; 41:16).
Pagnilayan kung paano inihahayag ng Panginoon ang Kanyang kalooban sa iyo. Ano ang ginagawa mo para kumilos ayon sa paghahayag na naibigay Niya sa iyo? Paano ka naghahanap ng karagdagang patnubay mula sa Kanya?
Joseph Interpreting the Butler and Baker’s Dreams [Si Jose na Binibigyang-Kahulugan ang mga Panaginip ng Katiwala ng Kopa at ng Panadero ng Hari], ni François Gérard
Genesis 39:1–20
Sa tulong ng Panginoon, maaari kong takasan ang tukso.
Kung magpapayo si Jose kung paano labanan ang tuksong gumawa ng kasalanang seksuwal, ano sa palagay mo ang sasabihin niya? Pag-isipan ito habang binabasa mo ang kanyang karanasan sa Genesis 39. Halimbawa, isipin kung paano maaaring tumugon si Jose sa mga alalahaning tulad ng mga ito:
-
Kung walang ibang nakakaalam ng ginagawa ko, ano ang problema? (tingnan sa mga talata 8–9).
-
Sinisikap kong labanan, ngunit tila hindi tumitigil ang tukso (tingnan sa talata 10).
-
Ano ba ang dapat kong gawin kapag nasa sitwasyon ako na matindi ang tukso? (tingnan sa talata 12).
Paano mo ipaliliwanag kung bakit mahalagang sundin ang batas ng kalinisang-puri? (tingnan sa Para sa Lakas ng mga Kabataan: Isang Gabay sa Pagpili, 23–28).
Ang halimbawa ni Jose ay maaaring angkop sa iba pang uri ng tukso. Nasasaisip ang halimbawa ni Jose, isiping gumawa ng plano sa pag-iwas at paglaban sa tukso. Halimbawa, maaari kang mag-isip ng isang tukso at isulat ang mga sitwasyon na dapat iwasan at kung paano ka “tatakas” kapag dumating ang tukso.
|
Tukso | |
|
Mga sitwasyong iiwasan | |
|
Magplanong tumugon |
Narito ang ilang iba pang talata sa banal na kasulatan na maaaring magbigay ng impormasyon sa iyong plano. Ano ang natututuhan mo mula sa bawat isa kung paano ka matutulungan ng Tagapagligtas na labanan ang tukso? Mateo 4:1–11; 1 Corinto 10:13; 1 Nephi 15:23–24; 3 Nephi 18:17–18.
Habang nagpaplano ka, makakatulong ding isipin ang mga pagkakataon noong araw na nagtagumpay kang iwasan o labanan ang tukso. Paano ka tinulungan ng Tagapagligtas? (tingnan sa 2 Nephi 4:18–33).
Genesis 41:15–57
Tutulungan ako ng Panginoon na maghanda sa posibleng mga paghihirap.
Ang interpretasyon ni Jose sa panaginip ng Faraon ay humantong sa ilang napakatalino at praktikal na payo para makaligtas sa taggutom (tingnan sa Genesis 41:15–57). Isipin kung ano ang mga espirituwal na mensahe ng Panginoon para sa iyo sa salaysay na ito. Ano sa pakiramdam mo ang nais Niyang gawin mong paghahanda para sa mga paghihirap sa iyong hinaharap?
Tingnan din sa David A. Bednar, “Susubukin Natin Sila,” Liahona, Nob. 2020, 8–11.
Para sa iba pa, tingnan ang mga isyu ng mga magasing Liahona at Para sa Lakas ng mga Kabataan sa buwang ito.
Mga Tulong sa Banal na Kasulatan
Mga Ideya para sa Pagtuturo sa mga Bata
Genesis 37
Maaari akong maging mabait sa aking pamilya.
-
Ang pagbabasa tungkol sa mga samaan ng loob sa pamilya ni Jose ay maaaring magpasimula ng isang talakayan kung paano natin dapat tratuhin ang mga miyembro ng pamilya. Para maikuwento ang tungkol kay Jose at sa kanyang mga kapatid mula sa Genesis 37, maaari mong gamitin ang mga larawan sa outline na ito o sa “Ang mga Inspiradong Panaginip ni Jose” (sa Mga Kuwento sa Lumang Tipan, 47–51). Hayaang ibahagi ng iyong mga anak ang mga detalye ng nalalaman nila tungkol sa kuwento. Maaari mong hilingin sa iyong mga anak na wariin na sila ay kasama sa pamilya ni Jose. Ano kaya ang masasabi o magagawa nila para maging isang tagapamayapa sa pamilya? Halimbawa, ano ang ibig sabihin ng “[ma]kipag-usap nang payapa” sa ating pamilya? (talata 4). Paano nagiging isang tagapamayapa si Jesucristo sa pamilya ng Diyos?
2:17Joseph’s Inspired Dreams
Genesis 37:18–28; 39:20–23; 41:38
Maaari akong tulungan ng Diyos kapag nangyayari ang masasamang bagay.
-
Kapag naharap ang iyong mga anak sa mahihirap na panahon, kailangan nilang malaman na ang Panginoon ay makakasama nila, tulad ng nangyari kay Jose. Marahil ay matutulungan mo ang iyong mga anak na ilista ang mahihirap na bagay na nangyari kay Jose (tingnan sa Genesis 37:23–28; 39:20; o “Ang mga Inspiradong Panaginip ni Jose” at “Si Jose sa Egipto,” sa Mga Kuwento sa Lumang Tipan, 47–51, 52–56). Pagkatapos ng bawat paghihirap na matagpuan nila, sabihin sa iyong mga anak na ulitin ang, “Ang Panginoon ay naging kasama ni Jose” (Genesis 39:2).
2:17Joseph’s Inspired Dreams
2:50Joseph in Egypt
-
Marahil ay maaaring saliksikin ng iyong mga anak ang Genesis 39:1–3, 20–23 sa tuwing mababanggit ang katagang ang pariralang “Ang Panginoon ay naging kasama ni Jose” at ang mga pariralang katulad nito. Hayaan silang magbahagi ng kanilang iniisip tungkol sa kahulugan ng pariralang ito. Paano natin malalaman na kasama natin ang Panginoon? Sabihin sa isa’t isa kung paano ninyo nadama na kasama ninyo ang Diyos sa isang mahirap na panahon.
Si Jose ng Ehipto sa Bilangguan, ni Jeff Ward (detalye)
Genesis 39:7–12
Sa tulong ng Panginoon, maaari kong takasan ang tukso.
-
Narito ang isang object lesson na makakatulong sa iyong mga anak na tularan ang halimbawa ni Jose na pagtakas mula sa asawa ni Potifar: Gumamit ng dalawang magnet para kumatawan kay Jesucristo at kay Satanas. Gumamit ng isang maliit na metal na bagay, tulad ng paper clip, para kumatawan sa atin. At ipakita sa iyong mga anak kung paano naging mas malakas ang hila ng magnet sa metal na bagay kapag inilapit nila iyon sa magnet. Paano inilalarawan ng karanasan ni Jose sa Genesis 39:7–12 ang katotohanang ito? Ano ang magagawa natin para lumayo mula sa kasalanan at mas mapalapit kay Jesus? Ang video na “Temptation Fades as We Seek Christ in Every Thought” (Gospel Library) at ang awiting tulad ng “Kailangan Ko Kayo” (Mga Himno, blg. 54) ay makakatulong sa talakayang ito.
2:58Temptation Fades as We Seek Christ in Every Thought
Gumamit ng musika. “Makatutulong ang mga himno at iba pang mga sagradong awit para madama ng mga bata ang pagmamahal ng Diyos, at ang Espiritu, at matutuhan ang mga katotohanan ng ebanghelyo. Ang mga himig, ritmo, at simpleng rhyme ay makatutulong sa mga bata na maalala ang mga katotohanan ng ebanghelyo sa darating na mga taon. Kapag kumakanta kayo ng mga bata, tulungan silang tuklasin at unawain ang mga alituntuning itinuro sa mga awit” (Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 32).
-
Tulungan ang iyong mga anak na mag-isip ng mga tukso na maaari nilang makaharap. Hayaang isadula nila kung paano nila “matatakasan” ang mga tuksong ito.
Para sa iba pa, tingnan ang isyu ng magasing Kaibigan sa buwang ito.