“Marso 2–8. ‘Hayaang Manaig ang Diyos’,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at sa Simbahan: Lumang Tipan 2026 (2026)
“Marso 2–8. ‘Hayaang Manaig ang Diyos’,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin: 2026
Ibinenta ni Esau ang Kanyang Karapatan sa Pagkapanganay, ni Glen S. Hopkinson (detalye)
Marso 2–8: “Hayaang Manaig ang Diyos”
Genesis 24–33
Paano mo masisiguro para sa iyong sarili na makamtan ang isang basbas mula sa Diyos? Maaari mong sabihin na ang salaysay tungkol kay Jacob, apo nina Abraham at Sarah, ay ang kuwento ng isang lalaki na nalaman ang sagot sa tanong na iyon. Sa isang kultura kung saan ang panganay ang tumanggap ng isang basbas na karapatan sa pagkapanganay, si Jacob ang pangalawang isinilang, na nakahawak sa sakong ng kakambal niyang si Esau. Ang ibig sabihin ng “Jacob” ay “kapalit”—isang taong pumapalit sa iba. Nabuhay si Jacob sa pangalang iyan sa pamamagitan ng pagsisikap, hindi lang nang minsan, na palitan si Esau bilang tagapagmana ng pagpapala ng karapatan sa pagkapanganay dahil hindi naging marapat si Esau doon (tingnan sa Genesis 25:30–34; 26:34–35; 27:36). Ang resulta ay alitan sa pamilya, at kinailangang tumakas ni Jacob patungo sa ilang para mabuhay.
Pagkaraan ng ilang taon, inutusan ng Diyos si Jacob na umuwi. Habang daan, mapagpakumbabang muling humingi si Jacob ng isang basbas mula sa Diyos. Inilalarawan sa mga banal na kasulatan ang pagkakataong ito bilang “pakikibaka” para kay Jacob, at ipinahayag niya na hindi siya susuko “[maliban kung] ako ay mabasbasan mo” (Genesis 32:26). Pagkatapos ay dumating ang aral—at ang basbas. Pinalitan ng Diyos ang pangalan ni Jacob ng Israel—ibig sabihin, bukod pa sa ibang mga bagay, “hayaang manaig ang Diyos.” Natutuhan ni Israel na para matanggap ang pinakamahahalagang basbas ng Diyos, ang Kanyang mga basbas sa tipan, hindi kailangang palitan ang iba. Ang Kanyang mga basbas ay hindi nabibili o naaagaw o napapanalunan. Malaya Niyang ibinibigay ang mga iyon sa lahat ng namumuhay ayon sa pangalan ni Israel—na hinahayaan ang Diyos na manaig sa kanilang buhay.
Mga Ideya para sa Pag-aaral sa Tahanan at sa Simbahan
Genesis 24
Mahalaga ang tipan ng kasal sa walang-hanggang plano ng Diyos.
Habang binabasa mo ang Genesis 24, itanong sa iyong sarili kung bakit itinuring ni Abraham ang pag-aasawa ng kanyang anak na si Isaac na napakahalaga. Bakit mahalaga sa Diyos ang pagsasama ng mag-asawa?
Anong mga katangian ang nakikita mo kay Rebecca na makakatulong sa isang matibay na pagsasama ng mag-asawa at pamilya? (tingnan lalo na sa mga talata 15–28, 57–61).
Tingnan din sa Mga Paksa at mga Tanong, “Kasal,” Gospel Library.
Genesis 25:29–34
Maaari kong pahalagahan ang mga walang-hanggang bagay kaysa sa mga temporal na bagay.
Sa kultura nina Isaac at Rebecca, tinatanggap ng panganay ang karapatan sa pagkapanganay, na ibig sabihin ay mas malaking mana, kasama ang mas malalaking responsibilidad sa pangangalaga sa pamilya. Habang binabasa mo ang Genesis 25:29–34, pagnilayan kung bakit naging handa si Esau na ipagpalit sa pagkain ang kanyang karapatan sa pagkapanganay. Anong mga aral ang makikita mo para sa iyong sarili sa salaysay na ito? Maaaring makatulong ang paggawa ng dalawang listahan: (1) walang-hanggang mga pagpapalang nais ibigay sa iyo ng Diyos at (2) mga makamundong bagay na maaaring makagambala sa iyo. Pagkatapos ay maaari mong basahin ang talata, na pinapalitan ang “karapatan sa pagkapanganay” ng isang bagay mula sa unang listahan at ang “nilaga” ng isang bagay mula sa pangalawang listahan. Paano ka magtutuon sa Tagapagligtas at sa mga walang-hanggang pagpapala ng Kanyang ebanghelyo?
Tingnan din sa Mateo 6:19–33; M. Russell Ballard, “Alalahanin Kung Ano ang Pinakamahalaga,” Liahona, Mayo 2023, 105–7.
Si Jacob sa Bethel, ni James Smetham
Genesis 28
Ang mga tipan ng bahay ng Panginoon ay naghahatid ng kapangyarihan ng Diyos sa buhay ko.
Habang natutulog sa unan na mga bato, nagkaroon si Jacob ng isang panaginip na nagpabago ng kanyang buhay. Napakasagradong karanasan niyon kaya tinawag ni Jacob ang lugar na Bethel, o “bahay ng Diyos,” na nagpapahayag na, “Tunay na ang Panginoon ay nasa lugar na ito” (Genesis 28:16).
Habang binabasa mo ang Genesis 28, maaari mong itanong sa iyong sarili kung bakit napakasagrado ng karanasang ito kay Jacob. Ano ang pinagdaraanan niya sa oras na iyon? Ano kaya ang nadarama niya noon? Maaari ka ring maghanap ng mga salita at parirala sa mga talata 10–22 na nagpapaalala sa iyo ng bahay ng Panginoon. Anong mga impresyon ang natatanggap mo tungkol sa Diyos, sa Kanyang bahay, at sa Kanyang mga tipan?
Sa dulo ng outline na ito ay may isang painting na naglalarawan sa panaginip ni Jacob; maaari mong tukuyin iyon habang nagbabasa ka. Kung lilikha ka ng sarili mong makasining na paglalarawan ng kanyang panaginip, ano ang gagawin mo? Anong mga katotohanan mula sa kuwento ang susubukan mong ilarawan?
Ang himnong “Sa Inyo, Aking Diyos, Lumalapit” (Mga Himno, blg. 55) ay batay sa karanasan ni Jacob. Anong mga koneksyon ang nakikita mo sa pagitan ng awiting ito at ng Genesis 28:10–22? Paano ka tinutulungan ng templo na madama na mas malapit ka sa Diyos? Isiping maghanap ng mga sagot sa tanong na ito sa mensahe ni Pangulong Russell M. Nelson na “Ang Templo at ang Inyong Espirituwal na Pundasyon” (Liahona, Nob. 2021, 93–96). Maaaring nais mo ring rebyuhin ang mga tipan at pagpapala ng bahay ng Panginoon sa Pangkalahatang Hanbuk, 27.2 (Gospel Library). Paano inihahatid ng pagtupad sa mga tipang ito ang kapangyarihan ng Diyos sa iyong buhay?
Maging malikhain. Maraming paraan para matuto mula sa mga banal na kasulatan bukod pa sa pagbabasa lamang ng mga ito. Nalaman ng ilang tao na mas nauunawaan nila ang mga banal na kasulatan kung nagdodrowing sila ng mga larawan ng mga salaysay. Ang iba ay nakakakita ng mga espirituwal na kabatiran sa sagradong musika na may kaugnayan sa mga banal na kasulatan. Huwag limitahan ang iyong sarili sa isang paraan ng pag-aaral; maging bukas sa pagsubok ng iba’t ibang mga diskarte.
Genesis 29:31–35; 30:1–24
Naaalala ako ng Panginoon sa aking mga pagsubok.
Habang binabasa mo ang Genesis 29:31–35 at 30:1–24, hanapin ang mga salitang naglalarawan sa awa ng Diyos kina Raquel at Lea. Pagnilayan kung paano “tiningnan ng Panginoon ang [iyong] kapighatian” at “inalala” ka (Genesis 29:32; 30:22).
Genesis 32–33
Maaaring paghilumin ng Tagapagligtas ang aking pamilya.
Nang bumalik si Jacob sa Canaan, siya ay “natakot nang husto at nabahala” kung paano siya tatanggapin ng kanyang kapatid na si Esau (Genesis 32:7). Habang binabasa mo ang Genesis 32–33, pagnilayan ang sarili mong mga relasyon sa pamilya—marahil lalo na ang isang relasyon na nangangailangan ng paghihilom. Maaari ka sigurong mahikayat ng kuwentong ito na tumulong sa isang tao. Maaaring gabayan ng mga tanong na katulad nito ang iyong pagbabasa:
-
Paano naghanda si Jacob na makipagkita kay Esau?
-
Ano ang namukod-tangi sa iyo tungkol sa panalangin ni Jacob na matatagpuan sa Genesis 32:9–12?
-
Ano ang natututuhan mo tungkol sa pagpapatawad mula sa halimbawa ni Esau?
-
Paano tayo matutulungan ng Tagapagligtas na mapaghilom ang mga relasyon sa pamilya?
Para sa iba pa, tingnan ang mga isyu ng mga magasing Liahona at Para sa Lakas ng mga Kabataan sa buwang ito.
Mga Tulong sa Banal na Kasulatan
Mga Ideya para sa Pagtuturo sa mga Bata
Genesis 24:10–21
Maaari akong maging mabait sa iba.
-
Para maitampok ang kahanga-hangang halimbawa ng kabaitan ni Rebecca, maaari mong ipakita sa iyong mga anak ang larawan sa ibaba o sa pahina ng aktibidad para sa linggong ito habang ibinubuod mo ang kuwento sa Genesis 24:10–21. Maaaring masiyahan ang iyong mga anak na isadula ang kuwento. Maaari itong humantong sa isang pag-uusap tungkol sa mga kabaitang nakita ninyo ng iyong mga anak.
-
Isiping sama-samang kumanta ng isang awitin tungkol sa kabaitan, tulad ng “Sa Akin Nagmumula ang Kabaitan” (Aklat ng mga Awit Pambata, 83). Anyayahan ang iyong mga anak na pakinggan ang salitang “kabaitan” (o isang katulad na salita) at patayuin sila kapag narinig nila ito. Paano tayo maaaring maging mabait na katulad ni Rebecca?
Mga Bayani sa Lumang Tipan, ni Dilleen Marsh (detalye)
Genesis 25:21–34
Ang mga walang-hanggang bagay ay mas mahalaga kaysa mga makamundong bagay.
-
Isiping gamitin ang “Jacob at Esau” (sa Mga Kuwento sa Lumang Tipan, 38–41) para maipaunawa sa iyong mga anak ang kuwento sa Genesis 25:21–34. Maaari sigurong wariin ng iyong mga anak na humingi ng payo si Esau kung dapat ba niyang ipagpalit ang kanyang karapatan sa pagkapanganay sa isang mangkok ng nilaga. Ano ang sasabihin nila sa kanya?
2:5Jacob and Esau
-
Anong mga bagay ang mahalaga magpakailanman sa iyo at sa iyong mga anak? Marahil ay makakahanap ang iyong mga anak ng mga larawan o bagay na kumakatawan sa mga bagay na ito. Paano natin maipapakita sa Panginoon na mahalaga sa atin ang mga bagay na ito?
Genesis 28:10–22
Tinutulungan ako ng mga tipan na makabalik sa Ama sa Langit.
-
Habang binabasa ninyo ang Genesis 28:10–22 nang sama-sama, maaari kang gumamit ng isang hagdan (o isang larawang katulad ng nasa dulo ng outline na ito) para talakayin kung paano naging parang hagdan ang ating mga tipan. Maaaring magkunwari ang iyong mga anak na umaakyat sa hagdan, at sa bawat hakbang, talakayin ang mga pagkakataon na nangangako tayong sundin ang Diyos, tulad noong kapag tayo ay binyagan, tumanggap ng sakramento, o nagpunta sa templo. Paano tayo mas nailalapit ng ating mga tipan sa Diyos?
Genesis 32:6–11; 33:1–4
Maaari akong tulungan ng Ama sa Langit at ni Jesucristo na mahalin ang aking pamilya.
-
Para mapasimulan ang mga talatang ito, maaari mong ipaliwanag na pagkaraan ng maraming taon ng samaan ng loob, makikipagkitang muli si Jacob kay Esau. Sama-samang basahin ang Genesis 32:6–11. Ano ang naramdaman ni Jacob? Ano ang ginawa niya para makahingi ng tulong? Sama-samang basahin ang Genesis 33:1–4 para tuklasin kung paano sinagot ng Panginoon ang panalangin ni Jacob. Kung makakausap tayo nina Jacob at Esau ngayon, ano kaya ang sasabihin nila para matulungan tayo kapag may pagtatalo sa ating pamilya?
Para sa iba pa, tingnan ang isyu ng magasing Kaibigan sa buwang ito.