Liahona
Pangulong Jeffrey R. Holland: Guro, Disipulo, Saksi
Sa Pag-alaala: Pangulong Jeffrey R. Holland


Sa Pag-alaala

Pangulong Jeffrey R. Holland: Guro, Disipulo, Saksi

“Si Jesucristo, ang Bugtong na Anak ng Diyos, ay nagdusa, namatay, at nagbangon mula sa kamatayan upang mahawakan Niya tayo, na parang kidlat sa unos ng tag-araw, kapag nahulog tayo, mahawakan tayo nang buo Niyang lakas, at sa pamamagitan ng pagsunod natin sa Kanyang mga utos, iangat tayo sa buhay na walang-hanggan.”

Nagsasalita si Pangulong Holland sa isang pulong

Larawan ni Francesco Galiano Abanto

Ang tinig ng isang makapangyarihang guro ng ebanghelyo at saksi ng Panginoong Jesucristo ay natahimik sa pagpanaw ni Pangulong Jeffrey R. Holland, Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol.

Ang kanyang mga inspiradong aral ay aalingawngaw sa lahat ng mga panahon sa pamamagitan ng kanyang di-nagbabagong patotoo tungkol sa Panginoong Jesucristo, na naitala sa langit (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 62:3). Pero mangungulila ang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa pakikinig, at pagkadama, ng kanyang magiliw, nagbibigay-katiyakang mga pagpapatibay sa mga banal at walang-hanggang katotohanan.

Ang kakayahan ni Pangulong Holland bilang isang guro ay tila taglay na niya mula pa sa pagsilang. Nakapaloob dito ang lahat ng sinabi o isinulat niya. Sa kanyang papel bilang saksi ni Jesucristo, palagi niyang inaanyayahan ang mga anak ng Diyos, sa loob at sa labas ng Simbahan, na hayaang hubugin ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas ang kanilang buhay at hayaang antigin ng pag-ibig ng Diyos ang kanilang mga kaluluwa.

Sa pangkalahatang kumperensiya ng Abril 2016, nagpayo siya sa mga Banal sa mga Huling Araw:

“Alalahanin bukas, at sa lahat ng araw na darating, na pagpapalain ng Panginoon ang mga taong nais umunlad, na tinatanggap na kailangan ang mga kautusan at sinusubukang sundin ito, na pinahahalagahan ang mga katangiang tulad ng kay Cristo at nagsisikap nang buong puso na taglayin ang mga ito. Kung kayo ay nabibigo paminsan-minsan sa adhikaing iyan, gayon din naman ang ibang tao; nariyan ang Tagapagligtas upang tulungan kayong magpatuloy na umunlad at magpakabuti. Kung kayo ay madapa, hilingin ang Kanyang lakas. ‘Magsumamo tulad ni Alma, “O Jesus, … kaawaan ako’ [Alma 36:18]. Tutulungan Niya kayong makabangon. Tutulungan Niya kayong magsisi, ayusin ang sarili, ayusin ang anumang kailangan ninyong ayusin, at magpatuloy. …

“… Kaya patuloy na magmahal. Patuloy na magsikap. Patuloy na magtiwala. Patuloy na manalig. Patuloy na umunlad. Palalakasin ng langit ang inyong loob ngayon, bukas, at magpakailanman.”

Sa bawat yugto ng buhay ni Jeffrey R. Holland, tinuruan siya ng Panginoon para sa mahalagang papel na kanyang gagampanan sa kaharian ng Diyos—bilang anak, bilang kabataan, at bilang binata na piniling maging isang guro. Ang espirituwal na pagtuturo ay lalong tumindi matapos siyang matawag sa pamamagitan ng paghahayag bilang isa sa “mga natatanging saksi” ng Panginoong Jesucristo (Doktrina at mga Tipan 27:12).

Jeffrey R. Holland noong bata pa siya

Isang Batang Masunurin

Si Jeffrey Roy Holland ay ipinanganak noong Disyembre 3, 1940, sa St. George, Utah, USA—na noon ay isang rural at halos hindi kilalang bayan sa timog-kanlurang sulok ng estado.

“Napakaganda ng kabataan ko,” sabi niya. “Lumaki ako na alagang-alaga at puno ng pagmamahal na hindi ko sukat-akalain.”

Ang kanyang inang si Alice, ay nagmula sa matiisin at matiyagang mga pioneer na nanirahan sa St. George area. Ang kanyang amang si Frank, ay ang uri ng pioneer na tinatawag ng ilan na taong matagumpay bunga ng sariling pagsisikap. Siya ay naging aktibo at maimpluwensiya sa mga kaganapan sa lungsod.

Mula sa kanilang ama, sabi ni Deborah Holland Millett, namana ng kanyang dalawang kapatid na sina Jeff at Dennis, ang talino at kahali-halinang ugali ng isang Irish. Mula sa kanilang ina, dagdag pa niya, natuto si Jeff na “maging di-makasarili at magbigay nang walang-sawa, nang hindi iniisip o inaasahan ang anumang kapalit.”

Jeffrey R. Holland kasama ang kanyang mga magulang at kapatid

Si Jeffrey R. Holland (nakalarawan sa itaas kasama ang kanyang ama, ina, at kuya) ay ipinanganak sa St. George, Utah. Namana niya ang kanyang talino sa kanyang ama at ang pagiging hindi makasarili sa kanyang ina.

Inilarawan ng kanyang ina si Jeff bilang masunuring bata. “Palagi siyang nasa simbahan, at palagi niyang ginagampanan ang kanyang mga tungkulin sa priesthood,” sabi niya.

Noong bata pa siya, minsan ay pinayagan niya si Jeff na dumalo sa isang party sa kondisyon na uuwi siya bago o pagsapit ng 10:00 n.g. Nang gabing iyon sa party, tumingin siya sa isang relo para alamin ang oras. Nang matanto niya na may 15 minuto na lang siya bago umuwi, tumakbo siya para lamang makauwi sa takdang oras. Ang katapatang iyon sa pagtupad sa kanyang salita ay naging bahagi ng kanyang pagkatao.

Jeffrey R. Holland na may basketball

Ang sports ay naging “sentrong kagalakan” ng buhay ng batang Jeff Holland.

Para kay Jeff, sports ang “pinagmulan ng saya ng buhay ko sa aking paglaki.” Miyembro siya noon ng state championship football at basketball team ng Dixie High School noong 1958. Naglaro rin siya ng baseball at track-and-field. Kalaunan, siya ay naging co-captain ng Dixie College (ngayon ay Dixie State University) basketball team, na nanalo ng isang conference championship.

“Nilayon ng Diyos na Ako ay Maging Isang Guro”

Pagkatapos ng hayskul, siya ay tinawag na maglingkod sa British Mission. Nililingon niya ang paglilingkod na iyon bilang “ang malaking espirituwal na puntong nagpabago sa aking buhay—ang umpisa ng aking mga simulain” sa pag-unlad sa ebanghelyo. Ang kanyang pangalawang mission president, si Elder Marion D. Hanks ng Pitumpu, “ang nagturo sa akin na mahalin ang mga banal na kasulatan, lalo na ang Aklat ni Mormon,” paggunita ni Pangulong Holland. “Malaki ang naging impluwensiya niya sa buhay ko.”

Si Jeffrey R. Holland bilang missionary kasama ang iba pang mga missionary

Para kay Pangulong Holland (dulong kanan), ang kanyang paglilingkod sa British Mission ang “malaking espirituwal na pagbabago ng buhay ko.”

Bago siya nagmisyon, binalak ni Pangulong Holland na maging doktor ng medisina. Pero, sabi niya, “Umuwi ako mula sa aking misyon na naniniwalang nilayon ng Diyos na ako ay maging isang guro.”

Makalipas ang maraming taon, matapos siyang tawagin sa Korum ng Labindalawang Apostol, sinabi ng kapatid niyang si Dennis na hindi na nakakagulat ang pagtawag sa kanya. “Ang gusto lang gawin ni Jeff ay ituro ang ebanghelyo sa mga estudyante sa isang silid-aralan,” sabi niya. “Noon pa man natitiyak ko na na gayundin ang iniisip ng Panginoon para sa kanya, kaya lang ang laki ng silid-aralan at ang bilang ng mga estudyante ay mas malaki kaysa sa iniisip niya noon.”

ang bata pang sina Jeffrey at Patricia Holland

“Isang Perpektong Kasama”

Sa pamamagitan ng paglalaro ng sports, nakilala ni Jeff si Patricia Terry, na isang cheerleader sa kanilang hayskul. Nagdeyt sila sa huling dalawang taon nila sa hayskul at, pagkatapos ng kanyang misyon, nanumbalik ang kanilang pagkakaibigan.

Sina Jeffrey at Patricia Holland ay ikinasal sa St. George Temple noong Hunyo 7, 1963. Noon pa man ay itinuring na niya ang pananampalataya, espirituwalidad, at malaking pag-ibig sa kapwa ni Patricia bilang isa sa mga nagpapatibay na impluwensiya sa kanyang buhay. “Ang kanyang pananampalataya ay dalisay na noon pa man at wala itong katulad sa kapangyarihan at lakas,” sabi niya.

Napansin ng iba ang kanilang magkatuwang na espirituwal na lakas bilang mag-asawa.

Jeffrey at Patricia Holland

Ibinilang ni Pangulong Holland ang pananampalataya, espirituwalidad, at pag-ibig sa kapwa-tao ni Sister Patricia Holland bilang mga nagpapalakas na impluwensiya sa kanyang buhay.

Si Pangulong James E. Faust (1920–2007), Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan, ay isang malapit na kaibigan. Minsan ay sinabi niya na si Pangulong Holland ay mayroong “malalim na espirituwalidad na may kalakip na pambihirang pagkasensitibo” kaya nakikita o nadarama niya ang mga bagay na maaaring hindi nauunawaan ng iba. Si Pangulong Holland ay “palaging pinatatatag ang mga tao at pinasisigla ang mga tao at nahahatak niya ang mga tao. May kahanga-hanga siyang kakayahan na ipadama sa mga tao na sila ang pinakamatalik niyang kaibigan.”

Idinagdag pa ni Pangulong Faust: “May kapares si Elder Holland. Si Sister Holland ay isang perpektong kasama para sa kanya. Sila ay isang ulirang mag-asawa.”

Nang magtatapos na sa pag-aaral si Jeff sa Brigham Young University noong 1965, nagkaroon siya ng pagkakataong magturo nang half-time sa unibersidad nang sumunod na taon habang pinagsisikapan niyang makatapos ng master’s degree. Pagkatapos ng taong iyon ng pagtuturo, tinanggap niya ang posisyon sa Church Educational System na magturo sa mga institute of religion sa Hayward, California, USA, area. Nang sumunod na taon, itinalaga siya bilang direktor ng institute sa Seattle, Washington, USA, kung saan matagumpay niyang nahatak ang mga kabataan.

Habang nagtuturo, natanto niya kaagad na ang pangmatagalang trabaho sa edukasyon o pagtuturo ay mangangailangan ng doctoral degree. Dahil dito lumipat ang kanyang pamilya sa New Haven, Connecticut, para makapag-aral siya sa Yale University. Kalaunan ay madalas siyang magbanggit ng mga aral na natutuhan niya mula sa panahong iyon sa Yale—at karamihan sa mga aral na iyon ay hindi sa akademya. Bilang master educator at inspiradong guro, ginagamit niya ang mga aral na iyon ng buhay para ituro ang mga alituntunin ng ebanghelyo.

Sa isang mensahe sa pangkalahatang kumperensiya noong Oktubre 1999, ginunita ni Pangulong Holland ang mahirap na simula ng paglalakbay na iyon papunta sa Connecticut 30 taon na ang nakalipas. Ang mga Holland ay nagsimula sa St. George sakay ng isang lumang kotse, na halos walang pera, may dalawang maliliit na anak (ang isa ay tatlong buwang gulang), at lahat ng kanilang ari-arian ay pinagkasya sa maliit na trailer. Dalawang beses nasiraan ang kotse sa iisang lugar, na 34 na milya lamang ang layo mula sa St. George. Dalawang beses siyang naglakad papunta sa kalapit na bayan para humingi ng tulong bago napag-alaman na hindi kakayanin ng kotse ang mahabang biyahe.

Sa paggunita, nakinita ni Pangulong Holland ang maaaring sinabi niya sa sarili niya na nasisiraan na ng loob habang tinatahak ang highway: “Huwag kang susuko. … Subukan mo nang subukan. May tulong at kaligayahan sa banda riyan. … Magiging maayos ang lahat sa huli. Magtiwala ka sa Diyos at maniwala sa mabubuting bagay na darating.”

Pagkatapos ay tiniyak niya sa mga naghihirap, na naghahangad ng tulong o pagpapala ng Panginoon at nag-iisip kung matatanggap nga ba nila ang mga ito: “May mga pagpapalang dumarating kaagad, kung minsa’y sa bandang huli, kung minsa’y hindi dumarating hangga’t hindi tayo nakararating sa langit; ngunit para sa mga taong tumatanggap ng ebanghelyo ni Jesucristo, dumarating ito. Iyan ay personal kong pinatototohanan.”

Nakita ni Pangulong Holland ang panahon na ginugol nila ni Sister Holland sa Yale bilang panahon ng matinding pagkatuto—kapwa sa akademiko at eklesiyastikal. Hindi nagtagal pagdating nila sa New England, tinawag siyang maglingkod sa stake presidency. Si Pat, na nakapaglingkod bilang Relief Society president sa kanilang student ward, ay tinawag din bilang Relief Society president sa kanilang bagong ward. Ang natutuhan ni Jeffrey sa panahong ito ay magagamit niya nang husto kalaunan nang maglingkod siya sa dalawa pang stake presidency at pagkatapos bilang regional representative.

“Ang talagang natutuhan ko ay ang pamamahala sa Simbahan,” sabi niya.

BYU: “Isang Pinakamamahal na Lugar”

Matapos bumalik ang mga Holland sa Utah noong 1972, tinawag siyang maglingkod bilang head o pinuno ng bagong Melchizedek Priesthood Mutual Improvement Association ng Simbahan, kung saan nakasama niya sa gawain sina Elder James E. Faust at Elder L. Tom Perry ng Korum ng Labindalawang Apostol, at si Elder Hanks. Noong 1974, si Brother Holland ay itinalaga bilang dean ng Religious Education sa Brigham Young University. Makalipas ang dalawang taon, siya ay itinalaga bilang Church Commissioner of Education. Sa tungkuling ito, hinilingan siya noong 1980 na pangunahan ang isang komite sa pagsasaliksik para pumili ng hahalili kay Dallin H. Oaks, na noon ay president ng BYU.

Nang tawagin si Brother Holland sa isang miting kasama ang Unang Panguluhan makalipas ang ilang araw, inakala niya na ang miting ay may kinalaman sa kanyang tungkulin sa komite sa pagsasaliksik. Nagulat siya nang hilingin sa kanya na humalili kay President Oaks bilang susunod na president ng BYU.

Ang unibersidad ay “isang lugar na mahal na mahal ko,” sabi ni Pangulong Holland kalaunan, dahil sa diwa na palagi niyang nadarama roon at sa paraan ng pag-antig ng BYU sa kanyang buhay.

Si Pangulong Holland na nakaupo sa isang mesa

Si Pangulong Holland, na kinunan ng retrato sa kanyang opisina matapos siyang tawaging president ng BYU noong 1980, ay iniugnay ang kadakilaan ng unibersidad sa mga mamamayan sa loob nito.

Mabilis na tinanggap ng mga guro, kawani, at estudyante ang mga Holland. Ang karanasan ni Sister Holland sa ebanghelyo, kaakibat ang kanyang diwa ng pagkakawanggawa, ay napakalaking tulong sa mga taon na magkasamang nagtrabaho ang mga Holland sa BYU. Sa buong pagmamahal na nakilala sa kampus bilang “Jeff and Pat Show,” nag-alok sila sa simula ng bawat school year ng magiliw at kapaki-pakinabang na espirituwal na payo na umantig sa maraming buhay. Ang ilan sa mga mensaheng ito sa BYU ay naging bantayog sa heograpiya ng kanyang pagtuturo ng ebanghelyo.

Sa isang interbiyu pagkatapos ng kanyang unang taon bilang president ng BYU, sinabi niya na may natuklasan siyang maraming anggulo ng eskuwelahan na maaaring pakinisin na tulad ng mamahaling hiyas. Ngunit binigyang-diin niya na ang pagpapakinis ay kailangang gawin nang may matang nakatuon sa kahusayan sa malawakang pananaw. Ang moral na kahusayan, sabi niya, ay kailangang maging bahagi ng edukasyon. Marahil walang iba pang pangulo ng unibersidad ang makapagsasabi na bahagi ng kanyang misyon sa eskuwelahan ay ang mag-ambag tungo sa “kadakilaan at buhay na walang-hanggang ng kalalakihan at kababaihan na nagpupunta rito.” Sa paglipas ng mga taon, masasabi niya na ang kahusayan ng BYU ay wala sa magagandang halaman nito o sa katayuan nito sa akademya o sports sa kolehiyo kundi nasa mga tao nito.

Si Pangulong Holland ay naharap sa mga pagsubok at hamon habang pinamumunuan niya ang BYU. Tinawag siya para pangunahan ang 100-milyong dolyar na kampanya sa paglikom ng pondo para sa unibersidad, at madalas siyang tumbukin ng mga mapang-abusong pananalita o panulat at kritisismo ng mga katunggali ng BYU Jerusalem Center noong itinatayo ito sa huling kalahati ng 1980s. Ngunit dahil sa proyekto, nagkaroon siya ng “napakagandang pakikipagsamahan” kay Pangulong Howard W. Hunter (1907–1995), na noon ay Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, at muli kay Elder Faust. Ang espirituwal na pagtuturo na natanggap niya ay talagang kapaki-pakinabang.

larawan ng mga miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol

“Tiyak na walang mas mataas na layunin o mas malaking pribilehiyo kaysa sa ‘espesyal [na saksi] ng pangalan ni Cristo sa buong mundo,’” sabi ni Pangulong Holland tungkol sa pagtawag sa kanya sa Korum ng Labindalawang Apostol noong 1994.

Tinawag sa Labindalawa

Nang oras na para i-release si Jeffrey Holland bilang pangulo ng BYU, tinawag siya noong Abril 1, 1989, sa Unang Korum ng Pitumpu. Makaraan ang limang taon, noong Hunyo 23, 1994, siya ay tinawag sa Korum ng Labindalawang Apostol. Ang pagtawag na iyon ay nagdulot sa kanya ng matinding pagpipitagan at pasasalamat.

“Walang alinlangan na ang pinakadakila at pinakamasayang bagay para sa akin ay ang matanto na may pagkakataon ako, tulad ng sinabi ni Nephi, na ‘[mangusap] tungkol kay Cristo, … [magalak] kay Cristo, … [mangaral] tungkol kay Cristo, [at magpropesiya] tungkol kay Cristo’ (2 Ne. 25:26) saanman ako naroon at sinuman ang kasama ko hanggang sa huling sandali ng aking buhay,” ang sabi niya sa pangkalahatang kumperensiya ng Simbahan noong Oktubre 1994. “Tunay ngang wala nang hihigit pang layunin o pribilehiyo kaysa sa maging ‘natatanging saksi ng pangalan ni Cristo sa buong daigdig’ (D at T 107:23).”

Isa sa mga karanasan sa pagkatuto na dumating kay Pangulong Holland sa kanyang tungkulin ay ang kakaibang asaynment na kasama niya si Pangulong Dallin H. Oaks.

Noong Agosto 2002, sa espesyal na asaynment mula sa Unang Panguluhan, dinala ni Elder Holland ang kanyang pagsaksi bilang apostol sa Chile, kung saan, sa loob ng dalawang taon, siya ay namuno at nagbigay ng training. Kasabay nito ay nadestino si Elder Oaks sa Pilipinas.

“Ang unang pinagtuunan ng pansin ni Elder Holland ay ang magpakita ng halimbawa ng pamumuno ayon sa paraan ng Panginoon,” sabi sa isang makasaysayang tala. “Tumulong siya sa pagsasanay ng mga bagong lider at nangasiwa sa muling pag-oorganisa, pagsasara, at pagsasanib ng daan-daang ward at maraming stake. Kinailangan ang muling pag-oorganisa at training o pagsasanay na ito dahil sa mabilis na paglago ng Simbahan sa bansa. Ang kanyang pamumuno ay nakatulong para mapalakas ang mga unit at maihanda ang Simbahan sa Chile sa hinaharap.”

Gumawa rin siya ng ilang mahahalagang koneksiyon para sa Simbahan sa pakikipagkaibigan sa mga lider ng gobyerno sa Chile, kabilang ang pangulo ng bansa at asawa nito, na katuwang ng Simbahan sa pagsasagawa ng mga humanitarian project. Nang matapos ang kanyang asaynment sa Chile, nahirapan siyang magpaalam.

“Ang sandaling ito—ang kumperensiyang ito—ay napakahirap para sa akin,” pagsisimula niya sa kanyang mensahe ng pamamaalam sa isang regional conference noong Hulyo 11, 2004. Gamit ang wikang Espanyol na pinaghirapan niyang matutuhan sa loob ng mahigit dalawang taon, sinabi niya sa mga Banal sa Chile: “Hindi ko alam na mapapamahal kayo nang husto sa akin. … Mananatili kayo sa puso ko.”

At ibinahagi niya sa wikang Ingles, sa tulong ng isang interpreter, ang kanyang pananaw sa hinaharap ng Simbahan sa kanilang bansa, “na ibinigay hindi bilang isang panauhin,” sabi niya, dahil “ako ay isang taga-Chile.” Binanggit niya ang tungkol sa isang “himala” na matatagpuan “sa mga tahanan” sa Chile sa hinaharap—isang hinaharap na puno ng espirituwal na kalakasan sa paghabi ng mga matuwid na priesthood holder, kapatid, at kabataan sa Chile ng pagsunod sa mga alituntunin ng ebanghelyo sa tapiserya ng kanilang buhay.

“Hindi tayo nasa Simbahan para sa ating sarili,” dagdag pa niya. “Narito tayo para sa mga susunod sa atin.”

pamilya ni Jeffrey R. Holland

“Pinakamasaya si Itay kapag nasa bahay siya kasama ang kanyang pamilya,” paggunita ni Matthew Holland.

Buhay-Pamilya

Ang masayahin, positibo, at magiliw na personalidad ni Pangulong Holland ay namalas sa lahat ng ginawa niya, pero napanatili niyang pribado ang kanyang buhay-pamilya. Ang mga kuwento at komentaryo mula sa kanyang mga anak, gayunman, ay nagpapakita na kapag kasama ang pamilya, siya rin ay isang mahusay na guro.

Ang mga Holland ay may tatlong anak: sina Matthew, Mary Alice (McCann), at David. Malalaki na silang lahat nang tawagin bilang Apostol ang kanilang ama. Kapwa ginugunita nina Mary Alice at David ang kahandaan ng kanilang ama, habang lumalaki sila, na magsakripisyo para sa kanyang mga anak. Sinabi ni Mary Alice na palaging nagpaplanong maigi ang kanyang ama ng mga daddy-daughter date na alam ng ama na ikasisiya niya, kahit na hindi paborito ng kanyang ama ang mga aktibidad. Naalala ni David ang panahon na nag-ukol ng ilang araw ang kanyang ama, kahit abala ito, para sa one-on-one na biyahe kasama ang kanyang mas nakababatang anak na lalaki.

Sa tuwina, ang kanyang kaalaman at patotoo tungkol sa Ama sa Langit at sa Kanyang plano ay bahagi ng pagtuturo sa pamilya.

Ikinuwento ni Matthew ang isang karanasan na kasama ang kanyang ama na nagturo sa kanya tungkol sa paghahayag. Sa isang outing, naligaw sila sa landas pabalik nang pauwi na sila. Dumidilim na nang makarating sila sa isang sangang-daan, at hindi nila matandaan kung alin ang tamang landas na tatahakin. Iminungkahi ni Pangulong Holland na magdasal ang kanyang anak. Pagkatapos ay tinanong niya si Matt kung aling landas ang inaakala niyang dapat nilang tahakin. Sumagot si Matt na dapat nilang tahakin ang nasa kaliwa, at sinabi ni Elder Holland na ganoon din ang pakiramdam niya.

Kasunod ng napagkasunduang direksiyon, nakarating sila sa isang dead end sa loob ng 10 minuto at napilitang bumalik sa sangang-daan, kung saan ang daan sa kanan ang pinili nila. Sa pag-iisip muli, itinanong ni Matt sa kanyang Itay kung bakit ibinigay sa kanila ng Panginoon ang sagot na umakay sa kanila papunta sa maling daan. Sumagot ang kanyang ama na marahil iyon ang pinakamabilis na paraan na masasabi sa kanila ng Panginoon kung aling landas ang mali. Ang ikalawang daan ay hindi pamilyar sa kanila, pero tiwala silang nagpatuloy, nalalaman na iyon ang tamang daan.

Kabilang sa mga pinakamagandang alaala ni Matt ang oras na magkakasama ang pamilya sa hapag-kainan.

“Bawat gabi ay parang family home evening na puno ng tawanan, papuri, panghihikayat, nakawiwiling usapan, patotoo, pagtuturo, at pagpapakita ng pagmamahal,” sabi niya. “Alam na alam mong pinakamasaya si Itay kapag nasa tahanan niya kasama ang kanyang pamilya.”

Kalaunan ay nagdalamhati si Pangulong Holland at ang kanyang pamilya nang pumanaw si Sister Holland noong Hulyo 20, 2023. Sa kanyang libing, tinawag siya ni Pangulong Holland na “ang pinakadakilang babaeng nakilala ko.” Dagdag pa niya, “Siya ay nagtataglay ng lahat ng mga katangiang nararapat sa isang makakasama sa mundong ito, at nagpapasalamat ako sa Diyos na magkakasama pa rin kami sa susunod na buhay.”

Si Pangulong Holland kasama ang isang grupo ng mga sister missionary

Si Pangulong Holland ay may espesyal na kakayahan na pasiglahin, palakasin, at makipag-kaibigan sa mga tao sa lahat ng edad.

Patotoo ng Isang Apostol

Ang magiliw na mga mensahe ni Pangulong Holland bilang General Authority ay batid at pinahahalagahan ng mga miyembro ng Simbahan. Ang kanyang malakas na patotoo tungkol sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo at sa pagmamahal ng Tagapagligtas ay paulit-ulit niyang binigyang-diin.

“Ang pag-asang ito sa maawaing katangian ng Diyos ang pinakasentro ng ebanghelyong itinuro ni Cristo,” sabi niya. “Nagpapatotoo ako na iniaangat tayo ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas, hindi lamang mula sa ating mga pasanin na kasalanan, kundi pati na rin sa ating mga kabiguan at kalungkutan, mga dalamhati at kawalang-pag-asa.”

Sa isa pang pagkakataon, nagpayo siya na, “Nawa maipahayag natin ang ating sarili na maging mas ganap na disipulo ng Panginoong Jesucristo, hindi lamang sa salita at hindi lamang sa oras na komportable tayo kundi sa gawa at sa pananampalataya, maging kapag ang landas ay malungkot at kapag mahirap pasanin ang krus.”

Nagpatotoo rin siya na: “Ang tanging pag-asa natin upang tunay na maging sakdal ay tanggapin ito bilang kaloob ng langit—hindi natin ito ‘matatamo [sa sariling sikap]’. Kaya nga, ang biyaya ni Cristo ay hindi lamang nag-aalok sa atin ng kaligtasan mula sa kalungkutan at kasalanan at kamatayan kundi maging ng kaligtasan mula sa ating patuloy na pagbatikos sa sarili.”

Ang pokus ni Pangulong Holland ay palaging sa pagtulong sa kanyang mga tagapakinig na maunawaan ang mahalagang papel ng Tagapagligtas sa plano ng ating Ama: “Kung si Jesus—ang Kanyang pangalan, Kanyang doktrina, Kanyang halimbawa, Kanyang kabanalan—ay maaaring maging sentro ng ating pagsamba, pagtitibayin natin ang dakilang katotohanang minsa’y itinuro ni Alma: ‘Maraming bagay ang darating; [ngunit] masdan, may isang bagay na higit na mahalaga kaysa sa lahat ng ito— … ang Manunubos [na buhay at pumaparoon] sa kanyang mga tao’ [Alma 7:7].”

Si Pangulong Holland na naglalakad kasama ang isang binata

Ang kanyang patotoo kay Jesucristo ay talagang nakaugnay sa kanyang patotoo kay Propetang Joseph Smith at sa Aklat ni Mormon. Ang kapangyarihan ng aklat na iyon ay tumulong na hubugin ang kanyang mga turo at kanyang buhay:

“Sa [aking] papel bilang saksi nais kong ipahayag na ang mga espirituwal na karanasan at banal na pagpapatibay na nasa akin tungkol sa Tagapagligtas at sa kanyang ipinanumbalik na simbahan ay unang dumating sa akin noong binatilyo pa ako nang basahin ko ang Aklat ni Mormon. …

“… Ang katotohanan ng Aklat ni Mormon—ang mga pinagmulan nito, ang mga doktrina nito, at ang mga pangyayari sa paglabas nito—ay napakahalaga sa katotohanan ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. …

“… Pinagtitibay ng Aklat ni Mormon ang ating mas mataas at mas dakilang paniniwala na si Jesus ang Cristo, ang Anak ng Buhay na Diyos, ang Tagapagligtas at Manunubos ng sanlibutan.”

Bagama’t napatahimik na ang kanyang tinig, ang sinumang nakarinig o nakabasa sa patotoo ni Pangulong Jeffrey R. Holland tungkol sa Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo, ay hindi ito malilimutan kailanman—gaya ng hindi nila kailanman malilimutan ang kanyang makapangyarihang mga mensahe.

Mga Tala

  1. Jeffrey R. Holland, “Kapag ang Katarungan, Pag-ibig, at Awa ay Nagtugma,Ensign o Liahona, Mayo 2015, 106.

  2. Jeffrey R. Holland, “Bukas ang Panginoon ay Gagawa ng mga Kababalaghan sa Inyo,Liahona, Mayo 2016, 126, 127.

  3. Sa Don L. Searle, “Elder Jeffrey R. Holland of the Quorum of the Twelve Apostles,Ensign, Dis. 1994, 10.

  4. Elder Jeffrey R. Holland of the Quorum of the Twelve Apostles,” News of the Church, Ensign, Ago. 1994, 74.

  5. Sa Searle, “Elder Jeffrey R. Holland of the Quorum of the Twelve Apostles,” 10.

  6. Sa Searle, “Elder Jeffrey R. Holland of the Quorum of the Twelve Apostles,” 10.

  7. Tingnan sa Searle, “Elder Jeffrey R. Holland of the Quorum of the Twelve Apostles,” 10.

  8. Sa Searle, “Elder Jeffrey R. Holland of the Quorum of the Twelve Apostles,” 11.

  9. Sa Searle, “Elder Jeffrey R. Holland of the Quorum of the Twelve Apostles,” 12.

  10. Sa Searle, “Elder Jeffrey R. Holland of the Quorum of the Twelve Apostles,” 12.

  11. Sa Searle, “Elder Jeffrey R. Holland of the Quorum of the Twelve Apostles,” 15.

  12. Sa Searle, “Elder Jeffrey R. Holland of the Quorum of the Twelve Apostles,” 12.

  13. Sa Searle, “Elder Jeffrey R. Holland of the Quorum of the Twelve Apostles,” 10.

  14. Jeffrey R. Holland, “An High Priest of Good Things to Come,” Ensign, Nob. 1999, 38.

  15. Sa Searle, “Elder Jeffrey R. Holland of the Quorum of the Twelve Apostles,” 12.

  16. Sa Searle, “Elder Jeffrey R. Holland of the Quorum of the Twelve Apostles,” 14.

  17. Tingnan sa Searle, “Elder Jeffrey R. Holland of the Quorum of the Twelve Apostles,” 14. Dalawa sa 15 mga aklat ni Pangulong Holland ay isinulat na kasama ang kanyang asawa.

  18. Sa “Holland Looks Ahead, Steers BYU of ’80s by Star of Excellence,” Y News (faculty at staff newsletter), Brigham Young University, Set. 8, 1981.

  19. Sa Searle, “Elder Jeffrey R. Holland of the Quorum of the Twelve Apostles,” 15.

  20. Jeffrey R. Holland, “Miracles of the Restoration,Ensign, Nob. 1994, 31.

  21. Néstor Curbelo, “Conversion and Change in Chile,Ensign, Okt. 2014, 54.

  22. “Conferencia Regional Area Chile: Elder Jeffrey R. Holland Se Despide de Chile,” Hulyo 10–11, 2004, audio recording, Church History Library, Salt Lake City.

  23. Tingnan sa Searle, “Elder Jeffrey R. Holland of the Quorum of the Twelve Apostles,” 13.

  24. Sa Searle, “Elder Jeffrey R. Holland of the Quorum of the Twelve Apostles,” 15.

  25. Jeffrey R. Holland, sa “Sister Patricia T. Holland Remembered as ‘an Elect Lady’ during Funeral Services,” Hulyo 28, 2023, newsroom.ChurchofJesusChrist.org.

  26. Jeffrey R. Holland, “Mga Sirang Bagay na Aayusin,Liahona, Mayo 2006, 70–71.

  27. Jeffrey R. Holland, “Walang Sinuman ang Kasama Niya,” Liahona, Mayo 2009, 88.

  28. Jeffrey R. Holland, “Kayo Nga’y Mangagpakasakdal—Sa Wakas,” Liahona, Nob. 2017, 41.

  29. Jeffrey R. Holland, “Ang Mensahe, ang Kahulugan, at ang Maraming Tao,” Liahona, Nob. 2019, 7.

  30. Jeffrey R. Holland, Christ and the New Covenant (1997), 343, 345, 346.