“Isang Tanglaw ng Pag-asa,” Liahona, Okt. 2024.
Pag-alaala ng Para sa Lakas ng mga Kabataan
Isang Tanglaw ng Pag-asa
Pag-alaala kay Pangulong Jeffrey R. Holland
Si Pangulong Jeffrey R. Holland sa isang kumperensiya sa Helsinki, Finland, noong Nobyembre 13, 2022.
Nalimutan ng tinedyer na si Jeffrey R. Holland ang tungkol sa oras at ginabi na at muntik nang ma-curfew. Pero may pagkakataon pa ring makauwi sa tamang oras!
Para kay Jeffrey, isa lang ang dapat gawin: tumakbo siya nang mabilis mula sa isang dulo ng St. George, Utah, papunta sa kabilang dulo at nakauwi siya sa tamang oras.
Si Pangulong Jeffrey R. Holland, Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, ay tumakbo papunta sa mga tamang bagay sa buong buhay niya. At walang mas mahalaga sa kanya kaysa sa pagtakbo papunta sa liwanag ng ebanghelyo ni Jesucristo.
Sa kanyang unang mensahe sa pangkalahatang kumperensiya bilang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol, sinabi ni Pangulong Holland: “Walang alinlangan na ang pinakadakila at pinakamasayang bagay para sa akin ay ang matanto na may pagkakataon ako, tulad ng sinabi ni Nephi, na ‘[mangusap] tungkol kay Cristo, [magalak] kay Cristo, [mangaral] tungkol kay Cristo, [at magpropesiya] tungkol kay Cristo’ (2 Ne. 25:26) saanman ako naroon at sinuman ang kasama ko hanggang sa huling sandali ng aking buhay. Tiyak na walang mas mataas na layunin o mas malaking pribilehiyo kaysa rito.”
Mabubuting Bagay na Darating
Ang isang temang patuloy na binabalikan ni Pangulong Holland ay ang ibahagi ang pag-asa at paghihikayat na ibinibigay ng ebanghelyo sa mundo na madalas mangailangan nito.
“Sa sinumang nahihirapang masumpungan ang liwanag at pag-asang iyon,” pagtuturo niya, “sinasabi ko: Magtiis. Patuloy na magsikap. Mahal kayo ng Diyos. Bubuti ang mga bagay-bagay. Pumarito si Cristo sa inyo sa Kanyang ‘ministeryo’ na mayroong ‘lalong higit na mabubuting pangako.’ Siya ang inyong ‘dakilang saserdote ng mabubuting bagay na darating.’”
Hindi natakot si Pangulong Holland na magbahagi ng mga kuwento ng panghihina ng loob, pero may pag-asa at pananampalataya, lagi siyang naniniwala na darating pa ang pinakamabuti.
“May mga pagpapalang dumarating kaagad,” pagtuturo niya, “ang ilan ay huli na, at ang ilan ay hindi dumarating hangga’t wala pa tayo sa kabilang-buhay; ngunit para sa mga tumatangap sa ebanghelyo ni Jesucristo, dumarating ang mga ito. Iyan ay personal kong pinatototohanan.”
Ang Pag-asa ay Hindi Kailanman Nawawala
Sa pangkalahatang kumperensiya ng Oktubre 2013, kinilala ni Pangulong Holland ang maraming paghihirap na naranasan ng mga taong may problema sa kalusugan ng isipan o mga sakit sa emosyon o damdamin. Ibinahagi niya ang isang pagkakataon sa kanyang sariling buhay na nakaranas siya ng depresyon habang nag-aalok pa rin ng pag asa.
“Maniwala sa mga himala,” sabi niya. “Nakita ko nang dumating ang napakarami sa mga ito nang lahat ay nagpapahiwatig na wala nang pag-asa. Ang pag-asa ay hindi kailanman mawawala.”
Pangulong Holland kasama ang ilang mga bata mula sa Kenya (sa Edinburgh, Scotland, noong Hunyo 2015).
Bigyan ng Puwang ang Bawat Isa
Gustung-gusto ng mga tao sa buong mundo na matuto mula kay Pangulong Holland. Siya ay isang napakahusay na guro na nagparamdam sa lahat na sila ay tinatanggap at pinahahalagahan. Talagang gusto niyang malaman ng lahat na may lugar sila sa Simbahan ni Jesucristo.
“May puwang [sa Simbahan] para sa kanila na nagsasalita ng ibang wika, nagdiriwang ng iba’t ibang kultura, at namumuhay sa maraming lugar,” sabi niya. “May puwang para sa walang-asawa, sa may-asawa, sa malalaking pamilya, at sa walang anak. May puwang para sa kanila na dating may mga pag-aalinlangan hinggil sa kanilang pananampalataya at may puwang para sa kanila na nag-aalinlangan pa rin. May puwang para sa mga taong naaakit sa kapareho nila ng kasarian. Sa madaling salita, may puwang para sa lahat ng nagmamahal sa Diyos at gumagalang sa Kanyang mga utos.”
Buong buhay niya, tumakbo si Pangulong Holland sa sinumang nangangailangan ng tulong, at hindi siya tumigil sa pagtakbo papunta sa Kanyang Tagapagligtas na si Jesucristo.