Local Pages
Ipinagdiriwang ng Simbahan ang 2024 National Family Week Kasabay ng #BFF
Ang mga stake at district sa buong Pilipinas ay minsan pang nakatakdang makiisa sa bansa sa pagdiriwang ng ika-32 National Family Week. Para sa ikaanim na sunud-sunod na taon, ang tema ng Simbahan para sa pagdiriwang ay #BFF o Building Forever Families.
Inaasahan na bibigyang-diin ng mga unit ng Simbahan ang mga prinsipyong matatagpuan sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo” sa masasayang aktibidad na kung saan ay makakasama rin ang mga partner sa komunidad na hindi natin kapanalig o kamiyembro. Isang linggong content na nakapokus sa pamilya ang ilalathala online sa “#BFF FamCon (Family Conversations)” na nagtatampok sa sikat na mag-asawang sina Erick “Eruption” at Rhona Tai kasama ang aktres na si Xia Vigor.
“Sabik nang inaabangan ng Area Presidency ang pagdiriwang sa taong ito ng Family Week,” sabi ni Elder Carlos G. Revillo, Philippines Area President. “Nawa’y gamitin natin ang okasyong ito para bumuo ng mga pamilyang walang-hanggan sa pamamagitan ng pagsunod sa imbitasyon ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo na maging mga tagapamayapa. Sinabi Niya sa Kanyang mga alagad, “Mapapalad ang mga tagapamayapa.” Ang mahal nating propeta, si Pangulong Russell M. Nelson, ay humiling sa atin na isantabi ang mga pagtatalo, galit, poot, karahasan, at wakasan ang mga pag-aaway na namamayani sa ating mga puso, ating tahanan, at sa ating buhay. Piliin nating maging mga tagapamayapa. Ibahagi ang kagalakan at kapayapaan na nararanasan ng inyong pamilya sa pagsunod kay Jesus sa pamamagitan ng pagiging tagapamayapa.”