2024
Inspiradong mga Desisyon Nagpapala sa mga Inapo
Setyembre 2024


Mensahe ng Area

Inspiradong mga Desisyon Nagpapala sa mga Inapo

Ang inspiradong desisyon ay nagaganap kapag hinahayaan ng mga tao at pamilya na manaig ang Diyos sa kanilang buhay. Ako ay 10 anyos nang gawin ko ang inspiradong desisyon na tanggapin ang imbitasyon ng Panginoon na sumapi sa Kanyang totoong Simbahan. Kasama ang mga kapatid ko na sina Tomas, Nodel, at Victor, sumunod kami sa mga magulang namin na sina Francisco at Agripina sa mga tubig ng binyag sa umaga ng Marso 8, 1981.

Ang aking tiyo Jacinto, na kapatid ng nanay ko, ang una sa pamilya namin na nakausap ng mga missionary at tumanggap sa kanilang mensahe. Pagkatapos ng kanyang binyag, ipinakilala niya kami sa mga missionary. Ang mga magulang ko ay mga miyembro ng kilalang relihiyon, at ang pagsisimba ay gawain ng pamilya at priyoridad nila. Habang lumalaki ako, nakita ko kung paano nila ipinamuhay ang kanilang pananampalataya sa pamamagitan ng pagtuturo sa amin na magdasal araw-araw bilang isang pamilya at regular na magsimba. Kahit may mga bisyo siya, tinuruan kami ng Itay ko na maniwala sa Diyos.

Isang Imbitasyon na Sundin ang mga Kautusan

Dahil napakabata ko pa noon, hindi ko lubusang naunawaan ang mga itinuturo sa amin ng mga missionary. Kami ng mga kapatid ko ay sabik na samahan ang mga magulang namin sa tuwing bumibisita ang mga missionary. Malakas manigarilyo noon ang Tatay ko at nahirapan siyang talikuran ang pag-uugaling iyo pero nagbago iyon nang ituro sa kanila nina Elder Richard Irving at Elder Kurt Trotter ang Word of Wisdom.

“Seryosong nakinig noon sa mensahe ang mga magulang ninyo, at nang ipaabot namin ang imbitasyon na sundin ang Word of Wisdom, pumayag ang Tatay ninyo at nangakong susundin ang batas ng Diyos ukol sa Kalusugan at itigil na ang paninigarilyo,” pagkukuwento ni Brother Irving nang magkita kami kalaunan makalipas ang 43 taon. “Bilang pagpapamalas ng kanyang pananampalataya sa Tagapagligtas na si Jesucristo at ng hangarin niyang sumunod sa Kanya, iniabot at isinuko ng iyong ama sa amin ang isang kaha ng sigarilyo na hawak niya,” dagdag pa ni Brother Irving.

Talagang nagpapalakas ng pananampalataya ang karanasang ito na malaman na handa ang aking Itay na sundin ang mga kautusan at magbago mula sa pagiging likas na tao tungo sa pagiging tao ng Diyos. Naalala ko kung gaano ang pasasalamat ni Nephi kay Lehi sa kanyang pagiging dakilang halimbawa sa kanyang pamilya, at kung paanong sa halimbawang ito ay nasundan niya ang kanyang mga yapak at naging isang tao ng Diyos.

Ang Kahandaang Sumulong nang May Katatagan Kay Cristo

Tatlong taon makalipas ang aming binyag, ako na lang ang nag-iisang miyembro ng aming pamilya na nagsisimba pa rin. Tumigil na sa pagsisimba ang mga magulang at kapatid ko. Tuwing Linggo ay responsibilidad kong anyayahan silang magsimba na kasama ko, pero iyon pa rin ang sagot na natatanggap ko: “Ipagdasal mo na lang kami.”

Minithi ko na ibalik silang lahat sa simbahan, kaya ginawa ko ang lahat para maging mabuting halimbawa ako sa kanila at hindi kailanman mapagod sa pagpapaalala sa kanila at sa pag-imbita sa kanila na magbalik. Ang mga dasal ko bilang isang 13-anyos ay sinagot ng Panginoon at sa huli ay naging aktibo muli ang lahat sa Simbahan. Ibinuklod ang aming pamilya sa Manila Temple noong 1992, pero nakakalungkot na namatay ang tatay ko bago siya nabuklod sa amin.

Ang Paglilingkod ay Isang Pagpapala

Huling taon ko na sa kolehiyo nang pumanaw ang Tatay ko noong Marso 1992. Nang maka- graduate ako, nagkaroon ako ng hangarin na maglingkod sa Panginoon sa full-tume mission. Naglingkod ako sa Philippines Quezon City Mission mula 1993–1995. Kumuha ako ng board exam bago ako nagmisyon, at habang nasa mission field, nabalitaan ko na nakapasa ako!

Habang nasa unang area ko, handa na ang nanay ko at iba ko pang mga kapatid na tanggapin ang kanilang mga ordenansa sa templo. Mapalad ako na pinayagan akong makibahagi. Nabuklod ako sa mga magulang ko sa Manila Philippines Temple. Ang pangatlong missionary companion ko ay nabigyan ng pagkakataong mag-proxy para sa Tatay ko noong ibinuklod kami. Nakapagandang espirituwal na karanasan iyon para sa aming pamilya, na matanggap ang walang kapantay na pagpapala mula sa Panginoon.

Naniniwala ako na natanggap namin ang mga pagpapalang iyon dahil sa matapat kong paglilingkod bilang bata pang missionary. Talagang tinupad ng Panginoon ang Kanyang pangako: “Hanapin muna ninyo ang kaharian ng Diyos, at ang kanyang katuwiran, at ang lahat ng mga bagay na ito ay pawang idaragdag sa inyo” (Mateo 6:33). Palaging totoo ang Panginoon sa Kanyang mga pangako basta inuuna natin Siya sa lahat ng ating ginagawa. Walang mga temporal na pagpapala na makapapantay sa kahalagahan ng mga espirituwal na pagpapala na hatid ng pagkabuklod ng mga pamilya para sa panahong ito at sa kawalang-hanggan.

Ang mga biyayang hatid ng inspiradong mga desisyon ay nagpapala sa kasunod na mga henerasyon. Matapos kaming magmisyon na magkakapatid, maraming iba pang mga miyembro ng aming pamilya ang nangaglingkod din, kabilang ang mga anak ko. Naranasan nila ang tunay na kagalakan na hatid ng paglilingkod sa Diyos at sa ating mga kapwa-tao. Hindi sana ito nangyari kung hindi dahil sa mabuting halimbawa nina Elder Irving at Elder Trotter, ang dalawang bata pang mga misyonerong Amerikano na ang inspiradong desisyon ay humantong sa conversion ng aming pamilya.

Matamis na Pagkikita

Bilang tanda ng pasasalamat sa mga missionary na naghatid ng Ebanghelyo ni Jesucristo sa aming pamilya, ginawa ko ang lahat para muling makipag-ugnayan sa kanila. Nahirapan ako dahil ang mga retrato at sulat na iniwan nila sa amin ay walang contact information nila.

Noong 2019, habang naglilingkod ako bilang stake president, nadama ko na dapat kong hanapin sa Church Directory of Leaders (CDOL) ang mga pangalan nila. Nakita ko ang 10 Richard Irving sa Utah na naglilingkod bilang mga bishop. Nagpasiya ako na kontakin ang kanilang mga clerk. Ang pinakaunang clerk na pinadalhan ko ng email ay sumagot nang itanong ko kung ang kanyang bishop ay naging missionary sa Pilipinas noong 1980s.

Ayon sa naaalala ko, noong araw na natanggap niya ang impormasyon mula sa kanyang clerk, si Bishop Irving ay nasa isang mutual activity kasama ang mga kabataan ng kanyang ward at nagkukuwento siya sa kanila tungkol sa kanyang misyon, tungkol sa mga pamilya na tinuruan niya at ng kanyang kompanyon noong 1981.

Sa madaling salita, nagbalik si Bishop Irving sa Pilipinas noong Nobyembre 2022 makalipas ang halos 41 mula noong kanyang misyon. Nang dumating siya, dinala niya ang isang sulat na ipinadala sa kanya ng Tatay ko nang malipat siya sa ibang lugar mula sa Tuguegarao. Sa sulat, ipinahayag ni Itay ang kanyang kagalakan, at ang kanyang mga espirituwal na karanasan bilang bagong miyembro, pati na ang kagalakan ng pagtanggap ng priesthood sa isang district conference na dinaluhan niya. Ipinahayag niya ang malaking kagalakan niya sa pagsapi sa Simbahan kasama ang kanyang pamilya na hindi matutumbasan ng anumang yaman sa lupa.

Pagpapala sa Iba at Pagtanggap ng Labis-Labis na Pagpapala

Bilang Area Seventy, napakarami kong pagkakataon na mag-minister at pagpalain ang buhay ng mga taong nakikilala ko. Nabiyayaan din ako ng mga karanasan na hindi ko inakalang makakamit ko, tulad ng pagdalo sa Pangkalahatang Kumperensya at paggawang kasama ng mga propeta, apostol, at iba pang mga piling lingkod ng Diyos. Habang nasa Utah, mapalad din ako na magkaroon ulit ng kaugnayan sa mga kompanyon ko noon sa misyon at sa pamilya ni Bishop Irving. Nagpunta kami sa Jordan River Temple at sa Provo City Temple kasama ang aming mga asawa, at sa unang pagpunta namin ay ibinulong niya “Hindi ko inakala na mangyayari ito, kasama ako sa binyag mo noong 1981, at makalipas ang 42 taon, narito at magkasama tayong sumasamba sa loob ng Templo.”

Nagpapatotoo ako na buhay ang Diyos. Pagpapalain Niya tayo nang lampas sa inaasahan natin kung pipiliin nating unahin Siya sa lahat ng ating ginagawa. Gaya ng itinuro ni Pangulong Thomas S. Monson sa Kumperensya noong Abril 2002, “Responsibilidad ng bawat isa sa atin na pumili. Maaaring itinatanong ninyo, “Talaga bang mahalaga ang mga desisyon?” Sinasabi ko sa inyo, ang mga desisyon ang nagtatakda ng tadhana. Hindi kayo maaaring gumawa ng mga walang- hanggang desisyon nang wala itong mga ibubunga sa walang-hanggan.”

Habampanahon akong magpapasalamat sa inspiradong desisyon na ginawa ng Nanay at Tatay ko nang ipaabot ng mga missionary ang imbitasyon na sumunod sa Tagapagligtas na si Jesucristo. Talagang nabiyayaan ako nito, ang aking pamilya, at ang aking mga inapo. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.