2024
Pagmamahal ang Motibo
Setyembre 2024


Local Pages

Pagmamahal ang Motibo

Opisyal ko nang nasimulan ang huling transfer o paglipat ko sa bagong-tatag na Philippines Dumaguete Mission, at halos patapos na ang oras ko sa mission field. Kailan lang ay personal akong hinikayat ng aking mission president na huwag maging ‘trunky’, kaya gagawin ko ang lahat para masunod ito!

Kapag tayo ay “trunky” o wala nang sigla sa anumang ginagawa natin sa buhay, ibig sabihin nito ay wala na tayong interes at wala na tayong pakialam sa partikular na mithiin o hangarin sa ilang kadahilanan. Sa totoo lang, nadarama ko iyan sa misyon, kapag parang walang progreso ang gawain sa loob ng ilang araw o mga linggo at parang walang-saysay ang mga pagsisikap namin.

Mayroong lunas para dito. Sa unang araw niya bilang bagong mission president namin, nagbigay si President Reyes ng limang pahahalagahan namin sa mission na inaasahan niyang maipamuhay namin. Isa sa mga ito ang: Pagmamahal ang Motibo.

Pagmamahal ang “diwa ng Ebanghelyo,” ang minsang ipinaliwanag noon ni Pangulong Monson. “Hindi natin tunay na mamahalin ang Diyos kung hindi natin mahal ang ating mga kapwa manlalakbay sa mortal na paglalakbay na ito. Gayundin naman, hindi natin lubos na mamahalin ang ating kapwa kung hindi natin mahal ang Diyos, ang Ama nating lahat . . . at si Jesucristo na ating Huwaran. Ang Kanyang buhay ay pamana ng pag-ibig.”

Napagtanto ko na ang tunay na pagmamahal na tulad ng kay Cristo ay hindi makasarili, samantalang ang pagmamahal ng mundo ay makasarili. Sa harangin nating sundan ang halimbawa ni Cristo ay magsisimula nating makita ang iba na gaya ng pagkakita Niya sa kanila at mapapalitan ang ating galit ng kabaitan, ang pagkainggit ng pasasalamat, at ang ating takot ng kumpiyansa. Si Pangulong Eyring ay nagpayo minsan, “ang Panginoon ay may mga oportunidad na malapit sa inyo para madama at maibahagi ang Kanyang pagmamahal... Sa pagtulong ninyo sa mga anak ng Diyos sa kanilang mga problema, ang sarili ninyong mga problema ay magiging tila mas magaan. Ang inyong pananampalataya at pag-asa ay mapalalakas.”

Hindi lamang natin dapat na madama ang pagmamahal na ito, dapat natin itong ibahagi! Kahit na ito ay simpleng “salamat” sa isang estranghero o pagbabahagi ng ebanghelyo sa isang mahal sa buhay, maaari nating mapuno ng pagmamahal ang buong mundo. Maghanap tayo ng mga oportunidad sa paligid para maipahayag ang puro at tunay na pagmamahal na ito sa mga tao sa ating paligid. Kapag nadarama ninyong wala kayong gana para gawin ito, hayaang ang pagmamahal ang maging motibo.