2024
Pagtuklas sa Isa Pang Pioneer na Banal sa mga Huling Araw
Setyembre 2024


Local Pages

Pagtuklas sa Isa Pang Pioneer na Banal sa mga Huling Araw

Sa simula ng taong ito, kinontak ni President Bryan Willets ng Philippines Quezon City Mission ang Philippines Area Presidency para ipaalam sa kanila ang tungkol sa isang babae na nagsasabing isa siya sa mga unang Pilipinong miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, matapos magsimula ang gawaing misyonero noong Hunyo 1961. Ipinaabot naman ng Area presidency ang impormasyon sa Church History Department.

Ang babae, si Mildred Rivera Wilcken, ay nakabase noon sa United States pero bumibisita lamang noon sa Pilipinas kasama ang kanyang mga kapamilya.

Si Sister Melanie Gapiz, ang local manager ng Church History, ay naintriga dahil hindi nabanggit sa available na impormasyon ng kasaysayan ang babaing ito. Pero matapos tingnan ang mga membership record ng Simbahan, natuklasan niya na si Sister Wilcken ay bininyagan noong Agosto 5, 1961—eksaktong dalawang buwan matapos dumating ang unang apat na mga Latter-day Saint missionary sa Manila para simulan ang gawain ng proselyting o pagtuturo.

Nagtakda ng appointment kay Sister Wilcken sa hotel kung saan siya nakalagi noon, para alamin pa ang tungkol sa kanya. Nang magkita, si Sister Wilcken, na 83 anyos na, ay nagbahagi ng napakaganda at nagbibigay inspirasyon na kuwento, sa tulong ng kanyang anak na si Cathy Ford, na miyembro rin ng Simbahan.

Si Mildred Coloma Rivera ay ipinanganak noong Abril 17, 1941, at lumaki sa kanayunan ng San Manuel, Tarlac. Nagmula siya sa isang malaking pamilya, at ang mga magulang niya ay nagtatrabaho noon sa bukid. “Kami ay mahirap na pamilya noon,” paggunita niya, “at hirap kami sa kabuhayan, kaya naghanap ako ng mga pagkakataon para kumita ng pera.”

Noong 1961, nagsimulang magtrabaho si Mildred sa isang pamilyang Amerikano sa Clark Air Base sa Pampanga. Ang pamilya Apel ay mga Banal sa mga Huling Araw at si Mildred ay naintriga sa pananampalataya ng pamilya. Sinabi niya sa padre-de-pamilya na si Charles Apel, na gusto niyang sumama sa kanila sa pagpunta sa Simbahan sa Linggo, kung saan ay pumayag naman si Brother Apel.

Nagustuhan ni Mildred ang nakita at nadama niya. “Nalaman ko kaagad na totoo ang Simbahan,” pagpapatunay niya, “at naging interesado ako sa Simbahan dahil sa pagiging palakaibigan ng pamilya Apel at gayundin ang mga miyembro.” Itinuro sa kanya ang mga alituntunin ng ebanghelyo ng mga miyembro ng munting unit ng Simbahan sa Clark, dahil wala pang mga missionary noon sa lugar na iyon.

Hindi nagtagal ay nagkaroon ng patotoo si Mildred. “Gusto ko pong magpabinyag,” ang may pananabik na sabi niya sa mga Apel. Ang Simbahan ay bagong-bago noon sa Pilipinas kung kaya’t ang mga unang missionary—na binigyan ng awtoridad na magbinyag ng mga convert—ay nasa malayo, sa Manila pa, para malaman ang tungkol kay Mildred at sa kanyang kahilingan. Dahil dito, ang mga lider ng unit sa Clark ay kinailangang humingi ng pahintulot mula sa headquarters ng Simbahan sa Salt Lake City para binyagan siya.

Matiyagang naghintay si Mildred at nagdasal na positibo sana ang sagot. Sinagot ang kanyang mga panalangin nang pumayag na magdaos ng serbisyo sa binyag, na naganap noong Agosto 5, 1961. Noong araw na iyon, si Mildred Coloma Rivera ay bininyagan ni Brother Paul Sharp, at naging isa sa mga pinakaunang miyembro ng Simbahan sa Pilipinas.

“Tuwang-tuwa ako kaya patuloy kong pinasalamatan ang Diyos na nabinyagan ako,” ang masayang paggunita ni Mildred. Si Sister Rivera ay naging isa sa mga miyembrong pioneer ng Angeles Branch at lumago ang kanyang patotoo sa ipinanumbalik na ebanghelyo sa pamamagitan ng kanyang pagdarasal, pagbabasa ng mga banal na kasulatan, at pagdalo sa mga serbisyo sa Simbahan.

Noong 1968, may isa pa siyang trabaho sa Clark Air Base nang makilala niya ang isa pang Amerikanong opisyal ng military at Banal sa mga Huling Araw na si Willis Lane Wilcken. “Nang makipagkamay siya sa akin, ayaw na niyang bitawan ang kamay ko,” ang nakakatuwang paggunita ni Mildred. Inalok siya ng kasal ni Brother Wilcken at silang dalawa ay ikinasal sa isang seremonya sa Simbahan sa Clark sa buwan ng Nobyembre sa taon ding iyon.

Ilang buwan makalipas ang kanilang kasal, sina Brother at Sister Wilcken ay umalis na papuntang United States. Ang mag-asawa ay nabuklod kalaunan sa Idaho Falls Temple at nagkaroon ng pitong anak. Si Brother Wilcken ay namahala sa isang negosyo ng luxury vehicle service hanggang sa pagpanaw niya noong 2012.

Pinalaki ni Sister Wilcken ang lahat ng kanyang mga anak sa Simbahan, na minsan ay umaasa na ang mga magmimisyon ay madestino sana sa kanyang bansang sinilangan. Bagamat ang kanyang pangarap ay hindi kaagad natupad, masaya siya na isa sa kanyang mga anak na lalaki ay tinawag na maglingkod sa Hawaii, na may malaking populasyon ng lahing Pilipino, at mas naging maligaya nang ang kanyang bunsong anak na lalaki at dalawa sa kanyang mga apo ay nadestino sa Pilipinas. At, isa pang apong lalaki kamakailan ang nakatapos sa isang Tagalog-speaking na mission sa Alberta, Canada.

Mula sa mga unang araw ng kanyang pagiging miyembro, si Sister Mildred Rivera Wilcken ay patuloy na lumalakas sa kanyang patotoo sa ebanghelyo ni Jesucristo. “Ang tanging bagay na maibibigay ko sa inyo ay ang aking patotoo,” pagpapatibay niya habang naluluha siya. “Ang Simbahan ay totoo, at habampanahon kong pahahalagahan ang mga araw na iyon nang malaman ko ang tungkol sa Simbahan at nagkaroon ako ng patotoo.”