Panghabambuhay na mga Disipulo ni Jesucristo
Debosyonal sa Kumperensya ng mga Guro ng Relihiyon, Hunyo 12, 2025
Pambungad: Ang Pagbibigay-diin ng Simbahan sa Paglilinang ng Panghabambuhay na Pagkadisipulo
Masayang-masaya ako na makasama kayo ngayon. Gusto kong pasalamatan si Gaye (Strathearn) sa pambungad na panalangin; si Sister Ellen Amatangelo, na palaging mahusay sa pagtugtog ng piano; at si Brother Kevin Oviatt sa pagtulong sa atin sa musika at sa kagila-gilalas na korong ito. Salamat sa lahat sa inyong partisipasyon.
Narinig ko na may mga interpreter at isinasalin ito sa iba’t ibang mga wika, kaya lang may nakakatawa akong kuwento na pwede ninyong hindi isama sa mga rebroadcast dahil mahirap itong isalin. Nasa Tempe, Arizona ako noon, at ang kaganapan nitong conference, stake conference, ay isinasalin sa Spanish ng isang interpreter na nasa kabilang kuwarto na may gamit na headset, parang ganun. Pero nag-iwan siya ng note para sa akin sa podium. Nakita ko iyon, nang tumayo ako, ang nakasulat doon: “Bagalan po ninyo ang pagsasalita. Isinasalin po namin ang sinasabi ninyo.” [Tawanan] Hindi iyon umubra. Kaya kailangan kayong makinig sa akin ngayong gabi.
Hayaang simulan ko sa pasasalamat ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol—at ng buong Simbahan—sa ginagawa ninyo sa ating mga estudyante sa buong mundo. Kayo ang nangunguna sa paglalatag at pagtatanggol sa pundasyon ng Simbahang ito, ang kaharian ng Diyos sa lupa, sa hinaharap. Salamat sa paglalaan ninyo. Talagang naniniwala ako na malaki ang kaibhang nagagawa ng inyong mga pagsisikap para sa kabutihan.
Matagal nang binibigyang-diin ng pamunuan ng Simbahan ang kahalagahan ng paglilinang ng panghabambuhay na mga disipulo ni Jesucristo. Binibigyang-diin namin ito, halimbawa, sa kung paano namin tinuturuan ang mga mission leader at local leader ng ating mga kabataang lalaki at babae sa buong Simbahan. Binibigyang-diin namin ito sa mga temang hinihiling namin sa mga General Authority na talakayin sa paglalakbay nila sa iba’t ibang lugar, at gayundin sa mga Pangkalahatang Opisyal.
Kitang-kita na ang habambuhay na pagkadisipulo ng Tagapagligtas ang nasa sentro rin sa edukasyon sa Simbahan. Sa CES resource na “Strengthening Religious Education,” itinuturo sa atin na:
“Ang layunin ng pagtuturo ng relihiyon ay upang ituro ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo mula sa mga banal na kasulatan at makabagong propeta sa paraan na tumutulong sa ating sa mga estudyante:
-
Magkaroon ng pananampalataya at patotoo sa Ama sa Langit at sa Kanyang ‘dakilang plano,’ …
-
Maging panghabambuhay na mga disipulo ni Jesucristo, na gumagawa at tumutupad ng mga tipan, … [at]
-
Patatagin ang kakayahan nilang makahanap ng mga sagot, malutas ang mga pag-aalinlangan, tumugon nang may pananampalataya, at magbigay ng dahilan sa pag-asang taglay nila sa anumang mga hamon na maaari nilang kaharapin.”1
Gayundin, nakasaad sa Layunin ng Seminaries and Institute of Religion na: “Ang ating layon ay tulungan ang mga kabataan at young adult na mapalalim ang kanilang pagbabalik-loob kay Jesucristo at sa Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo, maging karapat-dapat sa mga pagpapala ng templo, at ihanda ang kanilang sarili, ang kanilang pamilya, at ang iba pang mga tao para sa buhay na walang hanggan sa piling ng kanilang Ama sa Langit.”
Ang habambuhay na pagkadisipulo ay mahalagang aspekto ng doktrina ni Cristo. Nakasaad sa doktrina ni Cristo kung paano tayo lumalapit kay Cristo at natatanggap ang Kanyang nagbabayad-salang biyaya. Ginagamit natin ang ating kalayaan para manampalataya sa Kanya, magsisi, magpabinyag, at matanggap ang Espiritu Santo. Ngunit para lubusang magkaroon ng epekto sa atin ang Pagbabayad-sala ni Cristo kailangan tayong magpatuloy sa landas ng tipan—sa landas ng pagkadisipulo—hanggang sa wakas ng ating buhay sa mundo. Sa mga salita ni Nephi: “At narinig ko ang isang tinig mula sa Ama, nagsasabing: Oo, ang mga salita ng aking Sinisinta ay tunay at tapat. Siya na [magiging tapat] hanggang wakas, siya rin ay maliligtas. At ngayon, mga minamahal kong kapatid, nalalaman ko sa pamamagitan nito na maliban sa ang tao ay [maging tapat] hanggang wakas, sa pagsunod sa halimbawa ng Anak ng Diyos na buhay, siya ay hindi maaaring maligtas.”2
Itinuro ni Pangulong Nelson: “Ang tunay na mga disipulo ni Jesucristo ay handang lumantad, magsalita, at maiba sa mga tao sa mundo. Sila ay walang takot, tapat, at matapang.”3 Paano nakakamtan ang ganitong uri ng pagkadisipulo? Ano ang kahulugan niyan sa atin bilang mga guro ng relihiyon? At paano tayo mas epektibong makapagtuturo upang ang ating mga kabataan at young adult ay maging habambuhay na mga disipulo ni Jesucristo?
Ngayong gabi, magsisimula ako sa pag-iisip kung paano pinalalalim ng personal na kalayaan ang pagbabalik-loob at humahantong sa habambuhay na pagkadisipulo. Susunod ay inaanyayahan ko na ikonsidera natin kung paano dapat makaapekto ang mga ideyang ito sa paraan ng ating pagtuturo bilang mga guro ng relihiyon, na nakatuon sa kung paano tinuruan ng Tagapagligtas mismo ang Kanyang mga disipulo. At magtatapos ako sa mga komento kung paanong ang pagbibigay sa mga estudyante ng dagdag na mga oportunidad na maging responsable sa kanilang pagkatuto ay makakatulong sa kanila na tumugon sa pakiusap ni Pangulong Nelson na palakasin ang kanilang patotoo.
Tungkulin ng Kalayaan sa Pagkadisipulo
Una, ang tungkulin ng kalayaan sa pagkadisipulo. Ang isa sa mga pinakamahalagang kaloob ng Diyos sa Kanyang mga anak ay ang kalayaang moral. Ang kapangyarihan at pribilehiyong ito—at responsibilidad—na kumilos para sa ating sarili ay mahalaga sa pagkakamit sa ating buong potensyal bilang mga anak ng Diyos. Mahalaga ito sa ating pag-usad sa landas ng tipan. Ang plano ng Diyos, gaya ng alam ninyo, ay hindi upang gawin ang lahat para sa atin kundi para maglaan ng istrukturang nagtutulot sa atin na magpasiya upang lumago bilang indibiduwal. Kalayaan ang susi sa ating pag-unlad bilang mga espiritu noon, at ito ang susi sa maaari nating kahinatnan sa ilalim ng plano ng kaligayahan ng Diyos, ngayon at sa walang-hanggan.
Batid ito ng kaaway at hangad nitong makompromiso ang ating kalayaan. Sa Moises, mababasa natin:
“Sapagkat yaong si Satanas ay naghimagsik laban sa akin, at naghangad na wasakin ang kalayaan ng tao, na ako, ang Panginoon …, ang nagbigay sa kanya, at gayon din, na aking dapat ibigay sa kanya ang aking sariling kapangyarihan; sa pamamagitan ng kapangyarihan ng aking Bugtong na Anak, aking pinapangyaring siya ay mapalayas;
At siya ay naging si Satanas, oo, maging ang diyablo, ang ama ng lahat ng kasinungalingan, upang linlangin at bulagin ang mga tao, at akayin silang bihag sa kanyang kagustuhan, maging kasindami ng hindi makikinig sa aking tinig.”4
Ang Digmaan sa Langit ay maaaring ituring na isang labanan upang mapreserba ang kalayaan ng tao. At patuloy ang labanan sa mortal na buhay na ito. Sinasalakay ni Satanas ang kalayaan halos mula sa magkabilang panig. Sa isang banda, naghihikayat siya ng mga pulitikal na doktrina at kilusan na nagbabawas sa personal na responsibilidad o gumagamit ng pamimilit. Sinabi ng Panginoon, halimbawa, na ang pangunahing dahilan kaya niya hinayaan na maitatag at mapanatili ang Konstitusyon ng Estados Unidos ay, “para sa mga karapatan at kaligtasan ng laman … Nang ang bawat tao ay makakilos sa doktrina at alituntunin … alinsunod sa moral na kalayaan sa pagpili na aking ibinigay sa kanya, upang ang bawat tao ay managot sa kanyang sariling mga kasalanan sa araw ng paghuhukom.”5 Pagkatapos ay binanggit Niya ang isang napakasamang halimbawa ng paglabag sa kalayaan, na nagsasabing, “Samakatwid, hindi tama na ang sinuman ay nasa gapos ng isa’t isa.”6 Ang plano ni Lucifer noon pa man ay isang klase ng pang-aalipin.
Ang isa pang pokus ng paglusob ng kaaway laban sa kalayaan ay may partkular na kabuluhan para sa atin bilang mga guro. Tulad ng tinukoy sa nabanggit na banal na kasulatan, si Satanas, “ang ama ng lahat ng kasinungalingan,” ay kumilos “upang linlangin at bulagin ang mga tao.”7 Nawawalan ng kahulugan ang kalayaan kung hindi natin alam kung ano ang totoo at hindi, at samakatwid ay hindi tayo makagawa ng maalam, at matalinong mga pasiya. Ang panlaban sa panlilinlang ay katotohanan. Tulad ng sabi ng Tagapagligtas, “Kung kayo’y mananatili sa aking salita, tunay ngang kayo’y mga alagad ko. At inyong malalaman ang katotohanan, at ang katotohanan ang magpapalaya sa inyo.”8 Palagay ko ang ibig Niyang sabilihin ay malaya sa pagkaalipin sa kasalanan at pagkakamali, ngunit malaya ring gamitin ang ating kalayaan nang may pag-unawa—malaya at nakakagawa ng matatalinong pasiya. At diyan tayo pumapasok bilang mga guro ng salita ng Diyos. Si Satanas ay may kapangyarihan lamang sa tao na hindi “makikinig sa salita [ng Panginoon].” Isinugo ng Diyos ang Kanyang Anak bilang “ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay.”9 Binibigyan Niya tayo ng mga propeta para turuan at gabayan tayo tungo sa katotohanan. Ibinigay Niya ang kaloob na Espiritu Santo para pagtibayin ang katotohanan, at ang papel natin ay tulungan ang mga estudyante na marinig at piliing yakapin ang katotohanan.
Ngunit ang kalayaan sa konteksto ng pagtuturo ng relihiyon ay kailangan ng hakbang na higit pa sa paghahatid ng mga katotohanan ng ebanghelyo. Mahalagang magturo tayo sa paraan na naghihikayat sa mga estudyante na gamitin ang kanilang kalayaan sa proseso ng pagkatuto. Nais nating tulungan sila na maging aktibong kalahok sa proseso at maging responsable sa kanilang pagkatuto. Ang pagpapaaktibo sa kalayaan ng mga estudyante na personal na akuin ang pagkatuto ay may implikasyon sa pagkakaroon ng pangmatagalang paniniwala at patotoo. Sa paggawa nito sila maaaring maging aktibo at habambuhay na mga disipulo ni Jesucristo. May sasabihin pa ako tungkol dito, ngunit idaragdag ko ang isa pang komentong may kaugnayan sa mga tipan.
Ang pagpapasiya para sa ating sarili ay isa sa mga dahilan kaya lubhang nakatuon si Pangulong Nelson sa mga tipan. Kapag nagpasiya tayong makipagtipan at tuparin ang mga ito, gumagawa tayo ng kakaibang personal na mga pasiyang sundan ang ating Tagapagligtas. Ipinaliwanag ni Pangulong Nelson:
“Sa buhay na ito maaari nating piliin kung aling mga utos ang susundin natin—ang sa kahariang selestiyal, o sa terestriyal, o sa telestiyal—at, samakatuwid, kung saang kaharian ng kaluwalhatian tayo mamumuhay magpakailanman. “Malaki ang mga pakinabang ng bawat matwid na pagpiling ginagawa ninyo sa buhay na ito. Ngunit mas malaki pa ang mga walang-hanggang pakinabang kaysa sa natanggap ninyo sa buhay na ito. Kung pipiliin ninyong makipagtipan sa Diyos at tapat kayo sa mga tipang iyon, may pangako na kayo ay ‘magtatamo ng kaluwalhatiang idaragdag sa [inyong ulo] magpakailanman at walang katapusan.’”10
Kaya, ang pagiging responsable sa mga pagpapasiya ay nagpapalalim sa personal na paniniwala. Kapag hindi tayo kumikilos para sa ating sarili, maaari nating makita na ang ating pananampalataya ay hindi kasinglalim na gaya ng nararapat upang madaig ang mga tanong at hamon sa buhay at maging habambuhay na mga disipulo ni Jesucristo. Sa sariling mga salita ng Panginoon:
“Sapagkat sila na matatalino at nakatamo ng katotohanan, at tinanggap ang Banal na Espiritu bilang kanilang patnubay, at hindi mga nalinlang—katotohanang sinasabi ko sa inyo, sila ay hindi puputulin at itatapon sa apoy, kundi mananatili sa araw na yaon.”11
Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas
Ngayon, itong mahalagang tungkuling ginagampanan ng kalayaan sa sarili nating pag-unlad ay may mga implikasyon sa paraan ng ating pagtuturo bilang mga guro ng relihiyon. Hinihiling namin sa mga mission leader na tandaan ito habang binibigyan nila ang kanilang mga missionary ng mga oportunidad na manguna at mamuno sa gawaing misyonero. Hinihiling namin sa mga youth leader na bigyan ang mga kabataan ng mga oportunidad na “pasanin ang pamatok” ng pamumuno na kasama ang kanilang mga adult mentor. At hinihiling namin sa inyo, na ating mga guro ng relihiyon, na magturo sa mga paraan na naghihikayat ng personal na pakikibahagi at pagiging responsable sa pagkatuto. Sa bawat setting na ito, nangyayari ang tunay na paglago sa epektibong paraan kapag ang kabataan ay may mga oportunidad na kumilos at hindi lamang pinakikilos.
Masaya kong ginugunita ang aking panahon bilang early-morning seminary teacher. Natutuhan ko sa karanasan na ito ay calling na dapat kasabikang matanggap ng isang tao. Dumating ang dalawa sa mga taon na iyon bilang seminary teacher noong nasa law school ako. Nais magkaroon ng karanasan ang aking mga estudyante na makita kung ano ang magkaroon ng tapang na mamuhay sa pananampalataya, pinapunta ko ang isa sa mga kaklase ko, na hindi miyembro ng Simbahan pero may pananampalataya, para magsalita sa klase ko isang umaga. May mga problema sa paningin ang kaibigan kong si Richard kaya kailangan noon ng maya’t-mayang masasakit na panggagamot, at para na ninyong nakita, inilalabas ang kanyang mga mata mula sa mga socket nito para maisagawa iyon. Kinailangan ng palaging pagbabasa sa law school, pero hindi siya gaanong makakita para makabasa. Kaya, umupa siya ng ilang estudyanteng undergraduate para magbasa para sa kanya sa labas ng klase araw-araw. Sa kabila ng mabibigat na hamong ito, naging masayahin at gustung-gusto siya ng mga kapwa niya estudyante. Nagkainspirasyon kaming lahat sa kanyang halimbawa.
Ikinuwento ito ni Richard sa seminary class ko, pati na ang pananalig niya sa Diyos at kung paano niya nadama na sinagot ng Diyos ang kanyang mga dasal. At nagkaroon ng pagkakataon ang mga estudyante na makita at marinig siya nang malapitan, at magtanong sa kanya. Binuksan nito ang kanilang mga mata sa kapangyarihan ng tunay na pananampalataya at kung ano ang kahulugan niyan sa kanilang buhay. Kasabay niyon, sa karanasang ito ay nabuksan ang mga mata ni Richard at nakita ang kabutihan ng mga mahal kong estudyante sa seminary. (Humanga siya na makita ang mga tinedyer sa klase nang alas-6:00 n.u.)
Ngayon, isipin kung paano nagturo ang Tagapagligtas. Hindi sinabi ni Jesus sa Kanyang mga disipulo ang dapat nilang gawin, ni hindi Niya ginawa ang lahat para sa kanila. Nagturo siya sa mga paraan na kinailangan nilang mag-isip, makilahok, magtalakayan, at isabuhay ang Kanyang mga turo. Dahil dito, nang hindi na kasama ng Kanyang mga disipulo ang Tagapagligtas, naging mas handa silang matanggap at magabayan ng Espiritu Santo sa pagkilos para sa kanilang sarili.12 Sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, mababasa natin: “Talagang nakakamanghang makita na naglalakad sa ibabaw ng tubig ang Tagapagligtas. Ngunit hindi iyon sapat para kay Pedro. Gusto niyang gawin ang ginawa ng Tagapagligtas, pumunta sa kinaroroonan Niya, at maranasan din iyon.”13 Siyempre pa, nangahulugan din ito na magkakamali si Pedro, pero paulit-ulit na binigyan ng Tagapagligtas ng oportunidad si Pedro—at tayong lahat—na kumilos at mapalakas sa pamamagitan ng Kanyang mga pagsisikap, pati na ng kanyang mga kamalian.14
Para malikha ang ganitong mga uri ng karanasan sa pagkatuto para sa Kanyang mga disipulo, naghanap ng mga paraan ang Tagapagligtas para tulungan silang maging responsable sa kanilang pagkatuto. Mag-isip ng tatlong paraan lamang na pinagbahagi ng Tagapagligtas ang Kanyang mga disipulo: (1) paggamit ng mga talinghaga, (2) pagbibigay ng mga inspiradong tanong, at (3) pagbibigay ng mga personal na paanyaya.
Paggamit ng mga Talinghaga. Isang komento sa bawat isa sa mga ito. Una, mga talinghaga. Isipin ang paggamit ni Cristo ng mga talinghaga. Sa halip na magpaliwanag o tuwirang magpahayag, madalas anyayahan noon ng Tagapagligtas ang Kanyang mga alagad na isipin ang mas malalim na kahulugan ng Kanyang itinuturo. Nangailangan iyon ng pagsisikap nila. Makakaisip ako ng mga paraan na napalakas ang pag-unawa ko sa pagsunod sa pamamagitan ng talinghaga ng Manghahasik.15 Mas naunawaan ko ang pagpapatawad sa pag-aaral tungkol sa alibughang anak.16 Ang pagnanais kong madama at magpakita ng pagmamahal sa lahat ay lumawak dahil sa talinghaga ng mabuting Samaritano.17
Gayundin, naging mas mabuti akong disipulo at pinuno dahil nagmuni-muni ako tungkol sa pagiging katiwala ayon sa tinalakay sa talinghaga ng mga talento.18 Ang isa sa mga bagay na naisip ko nang pagnilayan ko ang talinghagang ito ay na ang unang dalawang alipin—ang isang nakatanggap ng limang talento at ang isa pang nakatanggap ng dalawa, at bawat isa ay pinarami ang kanilang mga talento—ay tumanggap ng magkaparehong papuri at gantimpala kahit magkaiba ang dami ng kanilang mga talento. Ang una, ang may limang talento, ay dinoble sa sampu ang sa kanya, at ang pangalawa, na nagsimula sa dalawa ay nagbalik ng apat. Ngunit pareho silang tinugon ng kanilang panginoon: “Magaling! Mabuti at tapat na alipin. Naging tapat ka sa kaunting bagay, pamamahalain kita sa maraming bagay. Pumasok ka sa kagalakan ng iyong panginoon.”19 Palagay ko ang kahulugan nito ay na hindi natin kailangang makamit ang lahat sa parehong antas at umunlad sa parehong panahon upang anihin ang pagpapala ng Panginoon at sa huli ay ang kaloob na buhay na walang hanggan. Kailangan lamang nating maging masigasig sa mga kaloob at kakayahan at oportunidad na mayroon tayo. Naniniwala ako na maging ang aliping may isang talento, kung nagtrabaho siya at nagsilbi upang magtamo ng pangalawang talento sa halip na itago ang kanyang talento, ay natanggap din sana ang gantimpalang tulad ng ibinigay sa dalawa niyang kapatid. Itinuturo ko sa mga lider at sa iba pa na kung gagawin lamang nila ang makakaya nila, palalakihin at gagantimpalaan ng Panginoon ang kanilang mga pagsisikap at darating ang panahon na matatanggap nila ang kabuuan ng Kanyang mga pagpapala.
Pagbibigay ng mga Inspiradong Tanong. Tungkol sa inspiradong pagtatanong, nagturo rin ang Tagapagligtas sa gayong paraan. Halimbawa, nang itanong Niya sa Kanyang mga disipulo, “Ano ang sinasabi ninyo kung sino ako?” Malinaw na alam Niya ang sagot nang mas malinaw at malalim kaysa Kanyang mga disipulo, pero binigyan Niya si Pedro ng oportunidad na magmuni-muni at sagutin mismo ang tanong. Naniniwala ako na ang sinabi ni Pedro ay nagpalalim sa sarili niyang patotoo nang sabihin niyang, “Ikaw ang Cristo, ang Anak ng Diyos na buhay.”20 Pagkatapos ng Kanyang Pagkabuhay na Muli, may ibang itinanong ang Tagapagligtas kay Pedro nang tatlong magkakahiwalay na beses: “Simon, anak ni Juan, minamahal mo ba ako?” Ang laging sagot ni Pedro, “Opo, Panginoon, nalalaman mo na minamahal kita.” Sa pagkakataong ito tinulutan ng tanong ang Tagapagligtas na maturuan si Pedro sa pagsagot palagi ng, “Pakainin mo ang aking mga tupa.”21
Pagbibigay ng mga Paanyaya. Sa huli, pagbibigay ng mga paanyaya. May mga pagkakataon na sinagot nga ng Tagapagligtas ang itinanong Niya, pero sa mga paraan na nagsilbi itong paanyaya. Habang kausap ang Kanyang mga disipulo sa Western hemisphere, itinanong ng Tagapagligtas, “Maging anong uri ng mga tao ba nararapat kayo?” Pagkatapos ay sinagot Niya ang Kanyang sarili, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, maging katulad ko.”22 Makakaisip tayo ng iba pang mahahalagang paanyayang nagmula sa Tagapagligtas. Isipin, halimbawa, ang Kanyang paanyaya na, “Pumarito ka, sumunod ka sa akin.” At kung minsan may kasamang mga pangako ang Kanyang mga paanyaya—at mayroon pa rin ngayon. Halimbawa, sa Doktrina at mga Tipan, inaanyayahan tayo ng Panginoon: “Magsilapit sa akin at ako ay lalapit sa inyo; masigasig akong hanapin at inyo akong matatagpuan; humingi, at kayo ay makatatanggap; kumatok, at kayo ay pagbubuksan.”23 Sa lahat ng mga paanyaya ng Tagapagligtas, nagbibigay Siya sa Kanyang mga disipulo ng mga oportunidad na kumilos, mag-isip, at maging responsable sa kanilang pagkatuto at paglago.
Mga Implikasyon para sa Pagtuturo ng Relihiyon
Noong mga unang buwan ng taon na ito, hinikayat ni Elder Clark Gilbert ang ating mga guro sa seminary at institute na maghanap ng mga paraan na mabigyan ang mga estudyante ng oportunidad na kumilos at maging responsable sa kanilang pagkatuto. Tuwiran siyang nagbanggit sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas na pinamagatang “Maghikayat ng Masigasig na Pag-aaral.”24 Mahalaga para sa akin na ang pamagat ng bahaging ito ay nakatuon sa pagkatuto sa halip na sa pagtuturo. Para sa akin, isang paalala ito na inaanyayahan ng mga epektibong guro ang mga estudyante na maging responsable sa kanilang pagkatuto. At kapag nagtuturo tayo sa paraan na nag-aanyaya lamang ng pakikinig at nagbabalewala sa aktibong pakikibahagi ng mag-aaral, malamang na ipinapakita natin sa mga estudyante na mas mahalaga sa atin ang ating pagtuturo kaysa pagkatuto nila.
Sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, ipinapaalala sa atin na sa pag-anyaya ng masigasig na pagkatuto ay kailangan nating tulungan ang mga estudyante na maging malaya sa sarili nilang proseso ng pagkatuto. May ilang paraan para mangyari ito, pero bibigyang-diin ko ang kahit tatlo lamang mula sa resource na iyon sa pagtuturo.
-
Una, maaari tayong lumikha ng mga karanasan sa pagkatuto kung saan ating “[a]anyayahan ang mga mag-aaral na maghandang matuto.” Maaaring mangyari ito sa pagbasa nang maaga sa mga assignment, mga tanong sa pag-aaral, at personal na mga paanyaya.
-
Pangalawa, dapat nating “hikayatin ang mga mag-aaral na ibahagi ang mga katotohanang natututuhan nila.” Napakaraming paraan para magawa ito, at bawat isa ay makakakita ng personal na diskarte na ayos para sa inyo at sa mga estudyante. Noong nasa law school ako, madalas akong matuto sa tinatawag na pamamaraan ni Socrates, kung saan tinulungan ng mga guro ang mga estudyante na pag-aralan ang isang kasong legal sa paghiling sa klase na pag-aralan ang materyal sa pamamagitan ng sunud-sunod na pinag-isipang mga tanong. Kinailangan naming dumating sa klase na handang iparating ang sarili naming mga kabatiran at makinig sa iba. May nakita akong mga guro ng institute na nagbibigay ng mga oportunidad sa mga estudyante na ibahagi ang natututuhan nila sa mga talakayan sa klase na pinaghandaan nang husto, at kailangan dito ang mga handang tagapagturo na isali ang mga handang estudyante sa diwa ng pagtatanong at pag-uusap. Alam ko na palaging ganyan sa mga klase ninyo. Lahat ng mga estudyante ay talagang handa. Lahat ng mga guro ay talagang handa. Pero iyan ang paanyaya.
-
At pangatlo, dapat nating “anyayahan ang mga estudyante na ipamuhay ang na[tu]tutuhan nila” (idinagdag ang italics).25 Dapat tayong maghanap palagi ng mga paraan para anyayahan ang mga estudyante na ipamuhay ang natututuhan nila. Maaari itong dumating sa mga personal na paanyaya, pagmumuni, at iba pang mga pagsisikap para tulungan ang mga estudyante na magbago at maging mas katulad ni Cristo.
Ang mga pagsisikap na ito na maghanda at magbahagi at magsabuhay ay kailangan ng pag-iisip at kung minsa’y maaaring mangailangan ng mas maraming trabaho sa parte ng guro. Maaaring totoo ito lalo na sa inyong mga pagsisikap na tulungan ang mga estudyante na magbahagi at magturo sa isa’t isa. Hindi iyan nangangahulugan na walang mga partikular na sitwasyon kung saan nagsasalita tayo nang tuwiran o nang sarilinan, lalo na kapag binibigyang-diin natin ang isang mahalagang mensahe o naglalatag tayo ng mahalagang prinsipyo. Ang miting ngayong gabi ay halimbawa ng pagbuo ng mahalagang mensahe. Pero pagkatapos ay kailangang sundan ang mensaheng ito ng mas regular na mga oportunidad para makibahagi tayong lahat sa proseso ng pagkatuto. Ibahagi ang natututuhan natin at iangkop ang natutuhan sa ating pagtuturo.
Sana’y naunawaan ninyo ang paghahanda na hiniling kong gawin ninyo nang maaga sa mga tanong sa pag-aaral at mga babasahing materyal na ibinahagi namin nang maaga. Bukas at sa darating na mga linggo, aanyayahan namin kayong talakayin kung ano ang natututuhan ninyo tungkol sa pagtuturo sa paraan ng Tagapagligtas sa inyong mga kasamahan at kaibigan. Hihilingin din namin sa inyo na tukuyin ang mga aspeto kung saan maaari ninyong palakasin ang inyong pagtuturo batay sa mensahe ngayong gabi at sa iba pang resources sa pagtuturo na ibabahagi bukas.
Titigil muna ako sandali at hihikayatin ko kayong basahin ang isa pang resource sa pagtuturo na sulit na pag-aralan, bagama’t isinulat ito para sa ibang mga mambabasa. Ang tinutukoy ko ay ang Kabanata 10 sa manwal ng missionary na Mangaral ng Aking Ebanghelyo. Ang kabanatang ito ay pinamagatang “Magturo upang Magpatibay ng Pananampalataya kay Jesucristo.” Ang pagtuturo ng missionary, siyempre pa, ang napakahalaga sa pagtulong sa mga tao na makibahagi at baguhin ang kanilang buhay, sa paggamit ng kanilang kalayaang moral. Ang mithiin ay pagbabalik-loob ayon sa impluwensya ng Espiritu Santo at sa biyaya ni Cristo na humahantong sa habambuhay na pagkadisipulo. Siyempre, ito rin ang pakay natin sa Church Education System. Kaya sinasabi ko na magkakaroon kayo ng dagdag na kabatiran mula sa source na ito gayundin sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas. Mangyari pa, may malaking pagkakatulad sa pagitan ng dalawang manwal, pero ang pagbabasa sa isang bagay na maaaring magpahayag ng isang alituntunin o ideya sa medyo ibang paraan ay makapaghahatid kung minsan ng bagong pananaw o mas malalim na pang-unawa. Ang ilan sa mga tanong na tinalakay sa Kabanata 10 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo ay “Paano ako makapagtuturo sa pamamagitan ng Espiritu?” “Paano ako magtuturo mula sa mga banal na kasulatan?” “Paano ko dapat ibahagi ang aking patotoo kapag nagtuturo?” “Paano ko paplanuhin at iaakma ang aking pagtuturo para matugunan ang kailangan ng mga tao?” at “Paano ako magbibigay ng mas magagandang tanong at magiging mas mabuting tagapakinig?” Nais kong malaman ninyo na hindi ako binabayaran para sa pag-endorsong ito.
Pagtulong sa mga Estudyante na Maging Responsable sa Kanilang Sariling Patotoo
Sa huli, sa pagtulong sa mga estudyante na maging responsable sa kanilang sariling patotoo. Ang pag-anyaya sa magsigasig na pagkatuto ay mahalaga sa paglilinang ng habambuhay na mga disipulo ni Jesucristo dahil tinutulungan nito ang mga mag-aaral na maging responsable sa kanilang pagkatuto, gaya ng sinasabi natin. Ang isa sa mga paraan na hinikayat ni Pangulong Nelson ang pagiging responsableng ito sa ating personal na paglago ay sa kanyang paanyaya sa mga young adult na maging responsable sa kanilang patotoo. Sa kanyang pandaigdigang debosyonal sa mga young adult noong 2022, sinabi ni Pangulong Nelson:
“Nakikiusap ako na alagaan ninyo ang inyong patotoo. Pagsikapan ito. Angkinin ito. Pangalagaan ito. Pagyamanin ito para lumago ito. Busugin ito ng katotohanan. Huwag itong dungisan ng mga maling pilosopiya ng mga lalaki at babaeng walang pananalig at pagkatapos ay magtaka kung bakit humihina ang inyong patotoo. “Magdasal nang taimtim at mapagpakumbaba araw-araw. Busugin ang inyong sarili sa mga salita ng mga sinauna at makabagong propeta. Hilingin sa Panginoon na ituro sa inyo kung paano Siya higit na maririnig. Gumugol ng mas maraming panahon sa templo at sa paggawa ng family history. Kapag inuna ninyo sa lahat ang inyong patotoo, hintaying mangyari ang mga [himala] sa inyong buhay.26
Inulit ni Pangulong Nelson ang pakiusap na ito sa buong Simbahan sa kanyang mensahe sa pangkalahatang kumperensya noong Oktubre 2022 na “Daigin ang Mundo at Makasumpong ng Kapahingahan.”27
Nang magsalita siya sa mga young adult, sunud-sunod ang mga tanong ni Pangulong Nelson: “Gusto ba ninyong makadama ng kapayapaan tungkol sa mga alalahaning kasalukuyang bumabagabag sa inyo? Gusto ba ninyong higit na makilala si Jesucristo? Gusto ba ninyong malaman kung paano mapaghihilom ng Kanyang banal na kapangyarihan ang inyong mga sugat at kahinaan? Gusto ba ninyong madama ang matamis at nakagiginhawang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo sa inyong buhay? Para masagot ang mga tanong na ito, kailangan ang pagsisikap—malaking pagsisikap.28 Pinagtibay niya ang mga alalahanin ng mga estudyante sa pagsasabing: “Kung mayroon kayong mga tanong—at sana’y mayroon nga—hanapin ang mga sagot nang may taimtim na hangarin na maniwala. Alamin ang lahat ng kaya ninyo tungkol sa ebanghelyo at tiyaking bumaling sa mga source na puno ng katotohanan para sa patnubay.”
Sa akin, ito ang kahulugan ng mag-anyaya ng masigasig na pagkatuto, at ito ang mangangailangan ng pag-anyaya natin sa ating mga estudyante na maging responsable sa kanilang patotoo. Ang pag-angkin na iyan sa pagkatuto ay kailangang suportahan sa mga paraan na ipinaplano natin ang ating pagtuturo, kaya may mga oportunidad ang mga estudyante na makibahagi nang may kalaliman at kahigpitang kailangan sa tunay na pagkadisipulo. Pakaisipin muli ang paanyaya ng propeta na “Pagsikapan ito. Angkinin ito. Pangalagaan ito. Pagyamanin ito para lumago ito.” Nag-aanyaya ba ang mga klase natin ng ganitong uri ng pakikibahagi upang magkaroon ng mas matibay na patotoo at tunay na pagkadisipulo? May mga paraan ba na magagawa natin—o mapagbubuti natin ang sarili nating mga pagsisikap na mag-anyaya ng masigasig na pagkatuto?
Katapusan
Ngayong gabi, sinimulan kong rebyuhin ang mga layunin ng pagtuturo ng relihiyon sa Simbahan, at na kailangang tulungan ang ating mga estudyante na:
-
“Magkaroon ng pananampalataya at patotoo sa Ama sa Langit at sa Kanyang ‘dakilang plano,’ …
-
Maging habambuhay na mga disipulo ni Jesucristo, na gumagawa at tumutupad ng mga tipan, … [at]
-
Patatagin ang kakayahan nilang makahanap ng mga sagot, malutas ang mga pag-aalinlangan, tumugon nang may pananampalataya, at magbigay ng dahilan sa pag-asang taglay nila sa anumang mga hamon na maaari nilang kaharapin.”29
Kapag tinulungan natin ang mga estudyante na gamitin ang kanilang personal na kalayaan, lalalim ang kanilang pagbabalik-loob at sila ay magiging habambuhay na mga disipulo. Noong Oktubre, sinabi ni Pangulong Nelson na, “Ngayon ang panahon para unahin natin higit sa lahat ang ating pagiging disipulo.”30 Idinagdag niya na, “Hindi napakaaga o napakahuli para maging tapat kayong disipulo ni Jesucristo.”31 Masigasig tayong kumilos bago mahuli ang lahat. Ngayon ang oras, gaya ng sabi niya. Mas lalo pa akong naaantig sa babala ng aking kapatid na si Pablo, ang kanyang pakiusap sa mga elder sa Efeso:
“Ingatan ninyo ang inyong sarili at ang buong kawan. Sa kanila’y inilagay kayo ng Espiritu Santo na mga tagapangasiwa upang pangalagaan ninyo ang iglesya ng Diyos na binili niya ng kanyang sariling dugo.
“[Sapagkat] alam ko na pag-alis ko ay papasok sa kalagitnaan ninyo ang mababangis na asong-gubat na walang patawad sa kawan.
“[At] lilitaw mula sa inyo na ring kasamahan ang mga taong magsasalita ng mga bagay na lihis, upang akitin ang mga alagad na sumunod sa kanila.”32
Tayo ang mga estudyante na sa salita ni Pablo, ay “mga tagapangasiwa” na walang katapusan ang halaga, na binili ng sariling dugo ng Tagapagligtas. Inuutusan tayong maglaan ng tapat na halimbawa at pakainin at palakasin sila laban sa “mababangis na asong-gubat” na makakaharap nila sa labas ng Simbahan at maging sa loob ng Simbahan—sabi nga ni Pablo, sa ating “sarili”—na nagsasalita ng kasinungalingan at naghahangad na gawin sila na sarili nilang mga disipulo sa halip na mga disipulo ng Panginoon. Kailangan natin silang tulungan na malaman ang katotohanan, ang matalinong paggamit ng kalayaan, at, ang malalim at matibay na pagmamahal ng Ama at ng Anak.
Pinatototohanan ko ang ating mapagmahal at pinakamamahal na Ama sa Langit at ang Kanyang plano ng Pagtubos. Pinatototohanan ko ang buhay na katotohanan ng Kanyang Bugtong na Anak na si Jesus, ang nabuhay na muling Manunubos, na nakaupo sa kanang kamay ng Ama, kung saan inangkin Niya ang Kanyang mga karapatang maawa sa mga anak ng tao.33 Kasama ni Mormon, ipinapahayag ko na ako ay disipulo ni Jesucristo34 at hangad kong maging disipulo ni Cristo habambuhay. Nawa’y maging matatag ang bawat isa sa atin sa ating pagkadisipulo at sa pagsisikap nating tulungan ang marami hangga’t kaya natin na maging tapat at habambuhay na mga disipulo ni Jesucristo.
Pagpalain kayo ng Diyos. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.