Habambuhay na Pagkadisipulo ang Ating Mithiin
Ang Epekto ng Mabuting Pagtuturo ng Ebanghelyo
Debosyonal sa Kumperensya ng mga Guro ng Relihiyon, Hunyo 12, 2025
Taga-Tennessee ako, ang sentro ng Bible Belt, at noon sa hayskul, kabilang ako sa Fellowship of Christian Athletes. Hindi ninyo aakalain iyan sa itsura ko ngayon, pero noon, isa akong matikas na atleta. Ilang taon na ang nakalipas, nagpadala ang nanay ko sa asawa ko ng retrato ko noong high school pa ako at makapal pa ang buhok ko at maskulado. Kalakip ng retrato ang mensahe ni inay sa asawa ko at sabi niya, “Ito ang hahanapin mo sa Pagkabuhay na Muli.”
Ang Fellowship of Christian Athletes ay organisasyon na may magandang misyon. Ito ay komunidad ng mga atleta mula sa iba’t ibang relihiyon, na mga nananalig kay Cristo. Pagkatapos ng junior year ko, nahalal akong pangulo ng isang grupo sa high school para sa susunod na taon, noong senior year ko.
Ang pangalan ko at kaugnayan ko sa simbahan, ay isinumite sa state headquarters bilang bagong chapter president. Hindi nagtagal, may mensaheng bumalik sa aming faculty sponsor at kailangan daw magsumite ng bagong pangalan. Sinabihan daw ang sponsor namin na hindi ako magiging president dahil hindi nila kinikilala ang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw bilang mga Kristiyano. Noon lang nasubukan nang matindi ang pananampalataya ko.
Pumili ng bagong pangulo, pero pagkaraan ng ilang buwan, nabalitaan ko na may mga kinatawan ng Simbahan na kumausap sa The Fellowship of Christian Athletes, at okey na ang isyu. Patuloy akong naging aktibo sa grupo dahil sa mabubuting tao na kabilang dito.
Sa pagtatapos ng bawat taon, bawat high school chapter ay may ibinubotong atleta ng taon, at sa senior year ko, ibinoto ako ng mga kaibigan ko bilang “The Fellowship of Christian Athletes Athlete of the Year.” Pakiramdam ko noon ay parang nabigyan ako ng katarungan. Isang taon bago iyon, ni hindi ako kinilala bilang Kristiyano, pero ngayon ay pinarangalan pa ako.*
Ang pangalan ko, pati na ang kaugnayan ko sa simbahan, ay isinumite sa state headquarters bilang atleta ng aking high school sa taong iyon. Pero muli, may mensaheng bumalik sa aming faculty sponsor at kailangan daw naming magsumite ng bagong pangalan. Malinaw na hindi nalutas ang problema.
Ang sponsor namin, na football at wrestling coach ko, ay nagsabi na hiniling niya na magpadala ng isang tao sa aming paaralan mula sa kanilang mga tanggapan para ipaliwanag sa akin ang desisyong hindi niya sinuportahan.
Isang napakabait at masigasig na lalaki ang nakipagkita sa akin. Nag-usap kami sa silid-aralan ng coach ko sa oras na libre ito. Ipinaliwanag ng lalaki na nais niyang maunawaan ko kung bakit ang mga miyembro ng ating Simbahan ay hindi itinuturing na mga Kristiyano.
Kinuha niya ang isang papel mula sa kanyang bag. Sa papel, sampung punto ng ating doktrina ang sinabi niyang hindi tugma sa kanilang pakahulugan sa Kristiyanismo. Pamilyar kayo sa mga puntong iyon: ang paniniwala natin na ang Panguluhang Diyos ay magkakahiwalay na nilalang, na may iba pang mga banal na kasulatan bukod sa Biblia, at iba pa.
Inisa-isa niya ang mga puntong iyon, at ang bait niya— at masasabi ko na Kristiyano siya. Isa siyang mabuting tao, na mali lang ang pagkaunawa. Binuksan niya ang kanyang bag at itinago ang kanyang papel at taos-pusong nagtanong kung may mga tanong ako.
Sabi ko: “Mayroon po.” “Biblia po ba ‘yang nakita ko sa bag n’yo?”
Sumagot siya, “Oo.”
Itinanong ko, “Puwede ba nating tingnan diyan ang ilang talata?”
Sasabihin ko sa inyo, ang galing ng mga guro ko noon sa seminary. At mahusay kami sa scripture chase. Noon, apatnapu ang kinakabisa naming talata bawat tao, at tuwing Biyernes may mga doughnut kami sa seminary, at may scripture chase kami, at talagang nakikipagkumpetensya ako. Hindi ko lamang minarkahan ng pula ang mga scripture mastery verse, natutuhan ko rin, nakakahiya mang sabihin, na kung lulukutin ko ang mga pahina niyon, mas madaling buklatin ito. At bago maganap ang stake scripture chase tournament, nilalagyan ko ng polbo ang mga pahina. Kung nasa tabi ko ang scriptures ko, isang pitik lang daliri ko, bubukas na ito sa scripture mastery verse.
Mabait naman ang taong iyon, ipinahiram niya sa akin ang kanyang Biblia, na walang marka para sa scripture chase. Binasa namin ang Mateo 3, Mga Gawa 7, 1 Cronica 29, at iba pa. Nakakatuwa na matiyaga siyang nakinig. Hindi nagbago ang desisyon, pero nagbago ako.
Kahit paano, sa pagrepaso ko sa mga talatang iyon, mas lalo kong nadama ang katotohanan ng mga ito. Kung minsan dumarating ang patotoo pagkatapos ng pagsubok.1 Ang aking patotoo, ang aking pagbabalik-loob, ay hindi dumating dahil sa karanasang iyon; bihirang magdulot ng matibay na pananampalataya ang mga kaganapang minsan lang nangyayari. Pero iyon ay isang karanasan mula sa mga nangyari sa akin na nagpatatag sa patotoo ko sa paglipas ng panahon.
Nagpapasalamat ako nang lubos sa aking mga guro sa early-morning seminary na tumulong sa akin na maglatag ng pundasyong masasaligan. Bagama’t gusto nilang manalo ang aming ward sa stake scripture chase tournament, mas iniisip nila kung paano kami matutulungang maging mga disipulo ni Cristo habambuhay. Nakagawa sila ng kaibhan sa buhay ko. Umaasa ako na sa mga sandaling pinagnilayan ninyo ang inyong pagtuturo, matatanto ninyo ang makabuluhang epekto ninyo sa buhay ng mga tinuturuan ninyo.
Kahanga-hanga ang bagong henerasyong ito. Sa pinakahuling pangkalahatang kumperensya, sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson, “Ang bagong henerasyon ay nagiging magigiting na tagasunod ni Jesucristo.”2 Sa isang pagkakataon, sinabi niya sa kanila, “Mayroon kayong kapasidad na maging mas matalino at mahusay at mas magkaroon ng epekto sa mundo kaysa sa naunang mga henerasyon.” 3 Para maabot ang kakayahang iyan, kailangan nila, bukod sa iba pang mga bagay, ng mabubuting guro ng ebanghelyo.
Puspos sila ng pananampalataya, ngunit “ang pananampalataya ay nanggagaling sa pakikinig, at ang pakikinig ay sa pamamagitan ng salita ni Cristo.” 4 “At paano sila makikinig kung walang mangangaral?” 5 Nauunawaan nila ang ebanghelyo nang higit kaysa sa mga henerasyong nauna sa kanila, ngunit paano nila “[mas mauunawaan] … ang binabasa [nila] … malibang may [guro] na [tutulong sa kanila].”6
Sa mga taga-Corinto, isinulat ni Pablo: “At ang Diyos ay naglagay sa iglesya, una’y mga apostol, ikalawa’y mga propeta, ikatlo’y mga guro, saka mga gumagawa ng himala.”7 Kaya, matatagpuan ninyo ang inyong sarili na palaging napapalibutan ng mga apostol at propeta at mga himala na may mahalagang papel na ginagampanan sa karingalan ng sandaling ito at sa pagpapabilis sa gawain ng Panginoon.8
Habambuhay na Pagkadisipulo ang Mithiin
Sa mensahe ni Elder D. Todd Christofferson noong nakaraang gabi, kapwa niya sinimulan at tinapos ang kanyang mensahe sa paglalahad muli ng mga layunin ng edukasyong pangrelihiyon sa Simbahan. Namangha ako sa kanyang pag-uulit at pagbibigay-diin sa pagtulong sa mga estudyante na maging mga disipulo ni Jesucristo habambuhay. Tila layunin niyang ipaalala sa atin ang inaasam nating maisakatuparan sa ating pagtuturo.
Anim na buwan lamang matapos siyang tawagin sa Korum ng Labindalawang Apostol, ang noo’y si Elder Russell M. Nelson ay nagsalita sa kampus na ito sa isang debosyonal sa araw ng Linggo. Ang kanyang mensahe ay nagbibigay-inspirasyon at kabatiran, ngunit ang pamagat ng kanyang mensahe ang gusto kong bigyang-diin. Ipinakilala niya ito sa ganitong paraan: “Pinamagatan ko ang aking mensahe na, ‘Magsimula na Iniisip ang Mithiin at Katapusan.” Pagkatapos ay ipinaliwanag niya: “Sa palagay ko ang ilan sa mga ito ay nagmumula sa aking pagiging siruhano. Ang elective incision ay hindi kailanman ginagawa na walang planong isara ito. Gayunman, ang parehong alituntunin ay karaniwang angkop sa lahat ng larangan. An mga manlalaro ay hindi nagsisimula ng karera nang hindi nalalaman ang lokasyon ng finish line.”9
Ang pag-iisip ng magiging katapusan—nababatid kung saan natatapos ang linya at nauunawaan ang pinakamimithi—ay palaging mahalaga, pero higit na kailangan ito sa pagtuturo ng ebanghelyo. Kapag nananatili tayong nakatuon sa banal na layuning iyon, mas malamang na maabot natin ito.
Binigyang-diin ni Pangulong Thomas S. Monson: “Ang mithiin ng pagtuturo ng ebanghelyo … ay hindi para ‘magbuhos ng impormasyon’ sa isipan ng mga miyembro ng klase. … Ang layunin ay pasiglahin ang tao na pag-isipan, damhin, at saka gumawa ng paraan para maipamuhay ang mga alituntunin ng ebanghelyo.” 10
Tulad ng sabi sa Pangkalahatang Hanbuk, “Itinuturo natin ang ebanghelyo upang tulungan ang mga tao na palakasin ang kanilang pananampalataya sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Hangad natin na tulungan ang mga tao na maging higit na katulad ng Tagapagligtas, tanggapin ang Kanyang kapangyarihan sa kanilang buhay, at sa huli ay magtamo ng buhay na walang hanggan.”11
Ginagawa na ninyo ito sa kahanga-hangang paraan. Nakikita namin ang iyong epekto sa buhay ng bagong henerasyon. Mas marami ang nakikibahagi sa seminary at institute, mas maraming nagmimisyon, mas marami ang naglilingkod sa templo, mas marami ang nagiging habambuhay na mga disipulo ni Jesucristo.
Simple lang ang paanyaya ko ngayon: patuloy na magturo nang may mithiin na maging disipulo habambuhay. Tingnan ang lahat ng ginagawa ninyo sa pananaw na iyon. Suriing muli paminsan-minsan ang itinuturo ninyo, kung paano kayo nagtuturo, at maging ang inyong mga itinatanong. Suriing muli hindi lamang kung ano ang itinutulong ninyo na malaman nila kundi kung ano ang hinihikayat ninyong gawin at kahinatnan nila. Magturo nang may layunin na tulungan silang maging [mga] bagong nilalang”12 kay Cristo.
Ilang tanong na pag-iisipan: Paano nakakaapekto ang itinuturo ko at paraan ng pagtuturo ko sa mararamdaman ng mga estudyante sa mga tanong sa interbyu para sa temple recommend? Ang pagtuturo ko ba ay nagpapalakas ng pananampalataya sa Ama sa Langit, kay Jesucristo, at sa Espiritu Santo? Pinalalakas ba nito ang mga patotoo tungkol sa Panunumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo at ng mga buhay na propeta at apostol? Pinalalakas ba nito ang determinasyon ng mga estudyante na sundin ang mga kautusan at magsisi araw-araw?
Maghikayat ng Masigasig na Pag-aaral
Kung ang ating mithiin ay habambuhay na pagkadisipulo, tulad ng ipinapagawa sa atin ni Elder Christofferson, “isipin kung paano nagturo ang Tagapagligtas.” Ang paraan ng pagtuturo natin ay mahalaga.
Maaaring naaalala ninyo ang turo ni Pangulong Boyd K. Packer tungkol sa “kung paano magturo” sa mga zone conference noong siya ay mission president. Nag-bake si Sister Packer ng cake na may tatlong tier, maganda ang ipinalamuti na makukulay na layer ng frosting. Isinulat niya sa itaas nito ang mga salitang: “Ang Ebanghelyo.”
Nang magtipon ang mga missionary, dinala ang cake na may kasamang kaunting seremonya. Itinuro ni Pangulong Packer na ang cake ay kumakatawan sa ebanghelyo. Pagkatapos ay itinanong niya, “Sino’ng may gusto ng cake?”
Hindi mahirap makahanap ng missionary na gusto ng cake. Isang di-paghihinalang boluntaryo ang tinawag na lumapit. Pagkatapos ay inilagay ni Pangulong Packer ang kanyang kamay sa itaas ng cake at kumuha ng malaking piraso ng cake. Ikinuyom niya ang kanyang kamao para humulas ang frosting sa kanyang mga daliri. Pagkatapos ay itinapon niya ang kapirasong cake sa nagulantang na elder, at iwinisik ang frosting sa harapan ng amerikana nito.
Matapos huminto sandali, bumaling siya sa iba pang mga missionary at itinanong kung may iba pang may gusto ng cake. Sinabi niya, “Sa anupamang dahilan, walang may gusto”
Pagkatapos ay kinuha niya ang isang kristal na pinggan, pilak na tinidor, isang linong napkin, at isang magandang pilak na kutsilyong panghiwa. Ipinihit niya ang cake. Pagkatapos, may dignidad at pag-iingat siyang humiwa ng cake sa kabilang panig, dahan-dahang inilagay ito sa kristal na pinggan, at nagtanong, “Mayroon bang may gusto ng cake?”
Ipinaliwanag ni Pangulong Packer, “Kitang-kita ang itinuturo dito. Iyon pa rin ang cake na inalok, parehong lasa, parehong pagkain. Ang pamamaraan ng paghahain nito ay maaaring katakam-takam at kaaya-aya, o nakakawalang-gana at nakakainis pa nga.” Ipinaalala niya sa mga missionary na ang cake ay kumakatawan sa ebanghelyo at itinanong kung paano nila inihahain ito. 13
Ang paraan natin ng paghahain ng ebanghelyo ay makagagawa ng kaibhan sa pagitan ng pagbubuhos ng impormasyon sa isipan ng ating mga estudyante at pagbibigay-inspirasyon sa kanila na maging masigasig na mga mag-aaral na binabago ang kanilang saloobin, pananaw, kilos, at likas na pagkatao upang maging mga disipulo ni Jesucristo habambuhay.14
Upang makapagturo nang tulad ng Tagapagligtas, minamahal natin ang ating mga tinuturuan, nagtuturo tayo sa pamamagitan ng Espiritu, at itinuturo natin ang doktrina.15 Iyon ang mga bagay na ginagawa natin bilang mga guro.
Pero ano naman ang ginagawa ng estudyante? Ano ang kanilang tungkulin? Ang tungkulin nila ay matuto nang masigasig, maging responsable sa kanilang pagkatuto, kumilos, at ipamuhay araw-araw ang mga alituntunin ng ebanghelyo.
Hiniling sa atin ni Elder Christofferson noong nakaraang gabi na mag-anyaya ng masigasig na pag-aaral. Itinuro Niya sa atin kung paano nag-anyaya ang Tagapagligtas ng masigasig na pag-aaral. Sinabi niya, “Nagturo Siya sa mga paraan na kinailangan [ng Kanyang mga disipulo] na mag-isip, makilahok, magtalakayan, at isabuhay ang Kanyang mga turo.” Nawa’y gayon din ang gawin natin.
Katapusan
Bilang pagtatapos, salamat sa ginagawa ninyo para sa mga tinuturuan ninyo at sa ginagawa ninyo para sa kaharian. Ang mithiin ng ating pagtuturo ay makahubog ng mga habambuhay na disipulo ni Jesucristo. Nawa’y magabayan kayo habang kayo ay “naghahain ng ebanghelyo” at ginagawa ito sa paraang nag-aanyaya ng masigasig na pag-aaral.
Ibinabahagi ko ang aking patotoo tungkol sa Dalubhasang Guro, maging si Jesucristo, ang ating Tagapamagitan, “siyang nagtatag at nagpasakdal ng ating pananampalataya,”16 at ang “pinakapunong pari ng mabubuting bagay na darating.”17
Sa pangalan ni Jesucristo, amen.