Noong gabi ng Setyembre 21, 1823, nakausap ni Joseph Smith sa unang pagkakataon ang anghel na nagpakilalang si Moroni. Noong gabing iyon, nakatanggap din si Joseph ng isang pangitain tungkol sa kahon na yari sa bato sa kalapit na burol kung saan nakatago ang sinaunang talaan ng mga tao ni Moroni. Inilarawan kalaunan ni Joseph ang burol na “may kalakihan at siyang pinakamataas sa buong kapaligiran.”
Kilala ngayon bilang Burol ng Cumorah, ang glacial drumlin na ito ang pinakamalaking burol sa rehiyon. Sa loob ng dalawampung taon o mahigit pa bago dumating si Joseph, inayos ng mga lokal na magsasaka ang lupain sa pamamagitan ng pag-alis ng mga puno upang magkaroon ng lugar na mapagpapastulan at mapagtataniman ng mga halaman sa paanan nito. Matapos makumpleto ni Joseph Smith ang kanyang taunang pagbisita sa burol sa pagitan ng 1823 at 1827 at matanggap ang mga lamina, patuloy na ginamit ang burol para sa agrikultura. Halos isang siglo matapos ang mga sagradong pangyayari ng 1820s nang unang kunan ng mga litratista ng mga litrato ang burol, ang tuktok nito ay halos kalbo na. Nang bilhin ng Simbahan ang lupain noong 1928, ang mga kakahuyan na naroon noon ay kumunti at nasa isang bahagi na lamang.
Noong 1930s, sina Willard at Rebecca Bean, mga tagapangalaga ng mga ari-arian ng Simbahan sa lugar, ay nagtanim ng 65,000 evergreen na natanggap nila mula sa New York State Conservation Department. Sa tulong ng kanilang pamilya, mga lokal na miyembro at missionary, at ilang tauhan, itinanim nila ang mga evergreen at 3,000 seedling na inilipat mula sa labas ng Sagradong Kakahuyan.
Sa paglaki ng mga puno na iyon, bumuo ang mga ito ng isang natural na backdrop para sa isang malaking pageant na nagsimula noong 1935. Sa pagitan ng 1935 at 2019, isang malaking entablado ang itinayo sa kanlurang dalisdis ng burol at idinagdag ang maraming gusali na kinakailangan upang suportahan ang lumalawak na produksyon. Isang malaking seating area din ang ipinatayo at pinanatiling walang puno sa paanan ng entablado.
Sa pagsasara ng pageant noong 2020, nagkaroon ng pangalawang pagkakataon para maipanumbalik ang tanawin o landscape. Mahigit 20 gusali, entablado, at iba pang istruktura na may kinalaman sa pageant ang inalis. Ipinalit sa mga ito ang mga bagong daan patungo sa bagong tanim na kaparangan ng mga damo na likas sa lugar, kung saan ang mga puno ay nagsisimula nang mag-ugat. Ang mga bisita na naglalakad sa mga daan o trail sa panahong ito, at sa hinaharap, ay matutuklasan ang isang tahimik na kakahuyan.
Ano ang Aasahan
Maraming iba’t ibang trail patungo sa Hill Cumorah mula sa visitors’ center. May mas maiikling trail na mga 160 metro papunta at pabalik na mas matarik at may ilang mga baitang. Mayroon ding mas mahabang trail papasok sa kakahuyan na mga 320 metro ang layo papunta at pabalik. Ang mga bisita ay maaaring humiling na makapunta sa burol sakay ng isang golf cart.
360° Walkthrough
Parking
- May paradahan sa hilaga at kanlurang bahagi ng State Rte. 21
Terrain at Flooring
Labas
- Kalsada: aspalto (maayos ang kundisyon); patag
- Bangketa: konkreto (napakaayos ng kundisyon); nakadahilig
- Daan: compacted granite, lupa (maayos ang kundisyon); nakadahilig
Mga upuan
- May mga bangko sa kahabaan ng mga trail.