Ang Historic Nauvoo at Carthage Jail ay mahalaga sa kasaysayan ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.
“Ang mga darating na henerasyon ay malulugod sa mga karanasang pinagdaanan natin, ang mga kasalatang tiniis natin, ang walang sawang pagsusumigasig na ipinakita natin, ang lahat ng hirap na di kayang pasanin na ating nadaig sa paglalatag ng pundasyon ng gawaing nagdulot ng kaluwalhatian at pagpapalang kanilang kakamtin.”
Ang Historic Nauvoo, na matatagpuan sa kanlurang gitnang Illinois sa Estados Unidos ng Amerika, ay isang makasaysayang lugar na mahalaga sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Noong taglamig ng 1838–1839, pinalayas ang mga Banal sa mga Huling Araw mula sa kanilang mga tahanan sa Missouri, at marami ang nagpunta sa loob at paligid ng lugar na papangalanang lungsod ng Nauvoo. Sa pamamagitan ng paghahayag, inatasan ni Jesucristo ang mga tao sa Nauvoo na maging “batong panulok ng Sion,” na nagbibigay ng matibay na pundasyon kung saan maaaring umunlad ang Simbahan. Ang sentro ng tanawin ng lungsod at ng buhay ng mga Banal sa mga Huling Araw ay ang Nauvoo Temple. Sa ilalim ng pamumuno nina Joseph Smith at Brigham Young bilang mga propeta, ang komunidad na ito ng mga Banal sa mga Huling Araw ay nagtipon hindi lamang upang itayo ang lungsod ng templong ito kundi upang gumawa rin ng mga sagradong tipan sa Diyos at sa isa’t isa sa pamamagitan ng mga ordenansa sa templo.
Carthage Jail
Ang Carthage Jail, na matatagpuan mga 20 milya sa timog-silangan ng Nauvoo, ay ang ipinanumbalik na makasaysayang lugar kung saan pinaslang si Propetang Joseph Smith at ang kanyang kapatid na si Hyrum ng mga mandurumog noong Hunyo 27, 1844. Ang pagpaslang sa Propeta at Patriyarka ay nakapanlulumo sa mga Banal sa mga Huling Araw. Gayunpaman, kahit nagdadalamhati ang mga Banal sa malaking kawalang ito, sinunod din nila ang paghihikayat ng mga nakaligtas na apostol na ipagpatuloy ang gawain ng pagpapanumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo sa mga huling araw.
Dalawang taon makalipas ang pagpaslang, natapos ng mga Banal ang pagtatayo ng Nauvoo Temple at isinagawa ang mga sagradong ordenansa na nagbubuklod sa kanila sa Diyos at sa isa’t isa. Ngunit alam nila na malapit nang matapos ang kanilang panahon sa kanilang pinakamamahal na lungsod na may templo. Sa pagtatapos ng 1846, libu-libong Banal ang lumisan sa Nauvoo na may pag-asang makakapagtayo sila ng mas mapayapang tahanan ng Sion sa kanluran.
Ang Nauvoo Temple
Ang Historic Nauvoo at Carthage Jail ay nagbabahagi ng mahahalagang sandali sa ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo na patuloy na nakakaapekto sa Simbahan ngayon. Sa Nauvoo, tumanggap si Joseph Smith ng mahahalagang paghahayag mula sa Panginoon—kabilang ang mga ordenansa sa templo na binyag para sa mga patay, ang endowment, at mga pagbubuklod ng pamilya sa kawalang-hanggan; umalis ang mga apostol para magmisyon sa ibang bansa; nagpunyagi ang mga mangangalakal na magkaroon ng maunlad na ekonomiya na sumusuporta sa pagtatayo ng templo; at itinatag ang Female Relief Society para pangalagaan ang mga nangangailangan. Sa Carthage Jail, tinapos ni Joseph Smith ang kanyang ministeryo sa lupa, na nag-iwan ng matibay na patotoo tungkol sa buhay na Tagapagligtas na si Jesucristo.
Ngayon, ang mga bisita sa Historic Nauvoo at Carthage Jail, personal man o online, ay maaaring makatuklas ng mga kuwento ng pananampalataya, paglilingkod, pagtatrabaho, debosyon, trahedya, pag-asa, at kapayapaan. Ang mga lugar at kuwentong ito ay maaaring magbigay-inspirasyon sa mga tao na palakasin ang kanilang sariling pananampalataya kay Jesucristo, gumawa at tumupad ng mga tipan sa Diyos, ibahagi ang ebanghelyo ni Jesucristo sa iba, at paunlarin ang mga komunidad na kanilang tinitirhan.