Itinalaga ng Panginoon ang Nauvoo bilang ang “batong panulok ng Sion.” Ang nakipagtipang komunidad ng Nauvoo ay sumunod sa tagubilin ng propeta na itayo ang bahay ng Panginoon, na nagtatag ng huwaran na patuloy na sinusunod.
Sa bahagi 124 ng Doktrina at mga Tipan, tinukoy ni Jesucristo ang Nauvoo bilang “batong panulok ng Sion” (tingnan sa mga talata 2, 23, 60, at 131). Ang batong panulok ay isang malaking bato na nakalagay sa sulok ng pundasyon ng isang gusali. Nagbibigay ito ng kaayusan, lakas, at katatagan sa buong istruktura. Ang Sion ay maaaring mangahulugang “mga tao ng Panginoon,” “ang may dalisay na puso,” o isang partikular na lugar na nakasentro sa templo tulad ng Jerusalem.2 Tinawag ng Panginoon ang stake ng Nauvoo na “isang batong panulok ng Sion” dahil ang mga paghahayag ng propeta at ang mga tipan sa templo na inihayag Niya roon gayon din ang komunidad ng mga mananampalataya ay magbibigay ng kaayusan, lakas, at katatagan sa buong Simbahan para sa susunod na mga henerasyon.
Nauvoo: Mula sa Paninirahan sa Madamong Kaparangan hanggang sa Batong Panulok ng Sion
Bago ang paninirahan ng mga taga-Europa noong ika-19 na siglo, ang mga Katutubo ay naninirahan sa kahabaan ng horseshoe bend ng Nauvoo sa Mississippi River sa loob ng maraming henerasyon.4 Tinawag ito ng ilan na Quashquema, isang salitang Meskwaki na nangangahulugang “mapayapang lugar.”5 Ngunit noong 1832, pagkatapos ng isang kasunduan sa pederal na pamahalaan, ang mga Katutubong Amerikano ay napilitang umalis.6 Hindi nagtagal ay nagsimula ang mga namumuhunan sa pagpaplano ng isang hangganan ng lungsod na pinangalanan nila na Venus at kalaunan ay Commerce, ngunit ang isang malawakang banking panic noong 1837 ang nagpabago sa kanilang mga plano. Ang mga promoter ng lungsod ay nagsimulang maghanap ng taong bibili ng lupa.
Noong taglamig ng 1838–1839, ang mga Banal sa mga Huling Araw ay pinalayas mula sa kanilang mga tahanan sa Missouri. Marami ang nakahanap ng kanlungan sa Iowa Territory o sa paligid ng bayan ng Quincy, Illinois. Maraming beses nang sinikap ng mga Banal sa mga Huling Araw na sundin ang tagubilin ni Jesucristo na magtayo ng isang lungsod, ngunit sa tuwina ay napipilitan silang iwanan ang kanilang mga nagawa. Ngayon, noong tagsibol ng 1839, naninirahan sa pansamantalang tirahan at dahil nakapiit si Propetang Joseph Smith sa Liberty, Missouri, kailangan nilang magpasiya: dapat ba silang magtipon upang muling magtayo ng lungsod at manganib na mausig, o dapat ba silang makisalamuha sa mas malaking populasyon sa halip na magsama-sama?7 Batid ang mga panganib ngunit nagtitiwala sa Diyos, pinayagan ni Joseph Smith ang mga lider ng Simbahan na bumili ng lupa para sa pagtitipon. Pinangalanan ni Joseph ang lungsod na Nauvoo, isang salitang Hebreo na kung minsan ang salin ay “maganda.”8
Ang mga Banal sa mga Huling Araw ay nagsimulang magtrabaho. Pinatuyo nila ang mga latian, nagsaka at nagtanim, nagtayo ng mga bahay at kalsada, at nagsimula ng mga negosyo. Kasabay nito, tinanggap nila ang pagdagsa ng mga convert mula sa North America at Europa. Sa rurok ng tagumpay nito, ang populasyon ay umabot ng halos 10,000, kaya naging isa ito sa mga pinakamalaking lungsod sa estado ng Illinois. Sa gitna ng lungsod ay nakatayo ang Nauvoo Temple, na inilaan noong 1846 bilang bahay ng Panginoon, ang pinakamataas na tagumpay ng “batong panulok ng Sion.”
Joseph Smith: Pamumuno Bilang Propeta sa Pagpapanumbalik ng mga Ordenansa ng Templo sa Nauvoo
Ang Nauvoo ang kumakatawan sa pinakamahalagang bahagi ng misyon ni Joseph Smith na ipanumbalik ang ebanghelyo ni Jesucristo? Dito inihayag ng Panginoon ang mas malinaw na pag-unawa sa plano ng kaligtasan at ipinanumbalik ang mga ordenansa at pagpapala ng templo. Itinuro ni Joseph sa mga Banal na maaari silang mabuklod nang magkakasama bilang paghahanda sa kadakilaan at buhay na walang hanggan. Itinuro din niya sa kanila na maaari silang tumayong proxy para sa kanilang mga yumaong ninuno at tumanggap ng mga ordenansa na magbibigay-daan para magkasama-sama sila sa kabilang-buhay.
Binyag para sa Patay
Itinuro ni Joseph Smith ang tungkol sa doktrina ng binyag para sa patay sa isang libing noong Agosto 1840. Kasunod ng bagong inihayag na turong ito, nagsimulang magsagawa ng mga proxy baptism ang mga Banal sa Mississippi River. Sa isang paghahayag kalaunan, itinuro ng Panginoon na ang mga ordenansa ay dapat isagawa sa mga templo (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 124:29–36).
Pagkakaloob ng Banal na Kapangyarihan
Bago itinayo ang templo, nilagyan ni Joseph ng mga kasangkapan ang silid sa itaas ng kanyang Red Brick Store para ituro ang endowment noong Mayo 1842. Inanyayahan muna ni Joseph ang siyam na lalaki na tanggapin ang kanilang endowment. Bago siya namatay, ipinagkaloob ni Joseph ang endowment sa 60 katao, kabilang ang 28 kababaihan.9
Pagbubuklod para sa Kawalang-Hanggan
Tulad ng iba pang mga ordenansa, ang mga pagbubuklod sa kasal ay unang isinagawa sa labas ng templo. Dalawang buwan pagkatapos maibuklod sina Joseph at Emma noong Mayo 1843, isinulat ni Joseph ang isang paghahayag tungkol sa bago at walang hanggang tipan ng kasal. Ang tipang ito ay nangangako na mapapanatiling magkakasama ang mga pamilya hindi lamang sa buhay na ito kundi sa kabilang-buhay rin (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 132).
Ipinahayag ng Panginoon ang mga ordenansang ito habang idinidisenyo at itinatayo ng mga Banal ang templo. Kapag natapos na ang ilang bahagi ng templo, ang mga lider ng priesthood ay maglalaan ng mga lugar para sa pagsasagawa ng mga ordenansa ng templo habang patuloy ang pagtatayo sa natitirang bahagi ng gusali. Kalaunan, ang mga binyag para sa mga patay, mga ordenansa ng endowment, at mga pagbubuklod ay isinagawa sa loob ng Nauvoo Temple.
Covenant Community: Pagtatayo ng Templo, Pagpapalakas ng mga Tao
Ang pinakamahalaga sa pagtatayo ng Nauvoo bilang batong panulok ng Sion ay ang pagtatayo ng templo. Halos lahat ng miyembro ng komunidad ng Nauvoo ay inanyayahan na tumulong sa pagtatayo ng templo. Ang ilan ay binayaran para sa kanilang trabaho habang ang iba ay nagbigay ng kanilang oras, pera, talento, at paggawa sa loob ng mahigit limang taon ng pagtatayo. Ang ilan sa mga bihasang manggagawa ay ang mga kantero, na nag-uukit ng mga dekorasyon sa ilang bato at inilalagay ang lahat ng bato habang tumataas ang mga pader ng templo.
Nauvoo 1842, Consecrated Labor [Nauvoo 1842, Inilaang Paggawa], ni Walter Rane, oil on canvas, 2020.
Noong Hunyo 11, 1842, pinangasiwaan ng British convert at kantero na si William Player ang paglalagay ng unang moonstone ng Nauvoo Temple.
Bukod pa sa pagtatayo ng templo, ang mga Banal sa mga Huling Araw ay nagkalapit din sa isa’t isa sa pamamagitan ng pagsamba sa loob ng templo. Kahit naghahanda silang umalis sa kanilang pinakamamahal na lungsod na may templo noong taglamig ng 1845–1846, patuloy na tumanggap ng mga ordenansa ang mga Banal at nakipagtipan sa Diyos at sa isa’t isa sa templo araw at gabi. Sa loob ng tatlong maikling buwan, mahigit 5,000 Banal ang tumanggap ng endowment at mahigit 2,000 ang nabuklod. Ang mga pakikipagtipang ito na isinagawa sa Nauvoo Temple ay nagbigkis sa lumalaking komunidad ng mga Banal. Nang hangarin nilang maisakatuparan ang mga mithiin at adhikain ng Sion sa iba’t ibang panig ng mundo sa sumunod na mga dekada, nagtatag sila sa pundasyon ng batong panulok ng mga pagpapala ng templo na inihayag sa Nauvoo.
Nauvoo 1846, Before the Exodus [Nauvoo 1846, Bago ang Paglalakbay], ni Walter Rane, oil on canvas, 2020.
Noong Pebrero 3, 1846, patuloy na pinangangasiwaan ng mga Banal sa Nauvoo ang mga ordenansa at nakipagtipan sa Diyos at sa isa’t isa bagama’t naghahanda na ang unang grupo na simulan ang kanilang paglalakbay mula sa lungsod sa umaga.
Pamana ng Nauvoo: Pagtatatag sa Batong Panulok
“Ang Pagpapanumbalik ay isang proseso, hindi isang pangyayari, at magpapatuloy ito hanggang sa muling pagparito ng Panginoon. Ang pinakamithiin ng pagtitipon ng Israel ay dalhin ang mga pagpapala ng templo sa matatapat na anak ng Diyos. Habang sinisikap natin na maisakatuparan nang mas epektibo ang mithiing iyan, ang Panginoon ay naghahayag ng iba pang mga kaalaman. Ang patuloy na Pagpapanumbalik ay nangangailangan ng patuloy na paghahayag.”—Pangulong Russell M. Nelson10
Ang gawain ng kaligtasan at kadakilaan na isinagawa sa mga templo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa iba’t ibang panig ng mundo ngayon ay nagsimula sa Nauvoo. Sa ilalim ng banal na tagubilin, ipinabatid ni Joseph Smith ang mga tipan sa templo at ang kaugnay na mga ordenansa ng priesthood sa mga Banal sa Nauvoo. Naunawaan ni Joseph na ang mga ordenansang ito ay maisasaayos pa sa pamamagitan ng patuloy na paghahayag.
Upang makapaghanda para sa pagpapatuloy ng paghahayag ng propeta, ipinagkaloob ni Joseph ang mahahalagang susi ng priesthood sa Korum ng Labindalawang Apostol bago siya namatay sa Carthage Jail. Gamit ang mga susing ito, iniutos ng mga Apostol na tapusin ang Nauvoo Temple at pangasiwaan ang mga ordenansa sa templo sa napakaraming Banal sa mga Huling Araw bago sila maglakbay patungo sa American West.
Kasunod ng pag-alis ng mga Banal sa kanilang lungsod, ang orihinal na Nauvoo Temple ay nawasak ng apoy at buhawi. Mahigit 150 taon matapos lisanin ng mga Banal ang Nauvoo, inilaan ni Pangulong Gordon B. Hinckley ang muling itinayo na Nauvoo Illinois Temple. Ang patuloy na paghahayag na nakasalig sa mahahalagang paghahayag tungkol sa templo ang dahilan kung bakit ang Nauvoo at ang templo nito ay isa sa pinakasagradong lugar sa mundo, na tunay na “isang batong panulok ng Sion.”
Ang Nauvoo Illinois Temple model na matatagpuan sa Historic Nauvoo Visitors’ Center. Ang paglalaan ng templong ito noong 2002 sa parehong lugar ng gusali noong 1846 ay nagpanumbalik sa mga ordenansa ng templo sa sagradong lugar na ito, o batong panulok ng Sion.
Mga Tala
1. Paghahayag na ibinigay kay Joseph Smith sa Nauvoo, Illinois, Enero 19, 1841.
2. Tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Sion,” ChurchofJesusChrist.org.
3. “Discourse, 11 June 1843–A, as Reported by Wilford Woodruff,” 42–43, josephsmithpapers.org.
4. Tingnan sa “Nauvoo, Illinois,” Places, josephsmithpapers.org.
5. Tingnan sa “Nauvoo State Park,” www2.illinois.gov/dnr/Parks/Pages/Nauvoo.aspx.
6. Ang Black Hawk War ay nagsimula at natapos noong 1832 at ito ay isang magkasanib na pagtatangka mula sa mga tribong Sauk at Meskwaki upang mabawi ang lupain sa silangan ng Mississippi River. Kaugnay nito, ang mga tribong ito kalaunan ay bumisita kay Joseph Smith noong Agosto 12, 1841, at tinalakay ang kanyang tungkulin bilang propeta at ang kanilang mga pagkakataon na mabawi ang lupain na dating pag-aari nila. Sinabi sa kanila ni Joseph Smith na hindi niya nakikita na magtatagumpay sila sa digmaan, ngunit pinayuhan niya sila na bumili ng lupa at makipagkasundo sa isa’t isa at sa mga puting naninirahan. Pansinin ang katuparan ng payo na ito ng propeta mula sa opisyal na website ng Meskwaki: “Dahil ang kanilang mga ninuno ay may pagtitiyaga at pang-unawa na bilhin ang kanilang lupain, ang Meskwaki Settlement ay hindi isang Indian Reservation. Ito ay hindi inihiwalay sa publiko at nireserba para sa mga Indian. Ito ay pribadong binili na ari-arian—isang soberanong bansa” (“The Meskwaki Nation’s History,” meskwaki.org/history).
7. Tingnan sa Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan, “Nauvoo (Commerce), Illinois,” ChurchofJesusChrist.org/study/history/topics.
8. Ang salitang Hebreo na Nauvoo ay isinalin bilang “beautiful” sa King James Version ng Isaiah 52:7: “How beautiful upon the mountains are the feet of him that bringeth good tidings, that publisheth peace; that bringeth good tidings of good, that publisheth salvation; that saith unto Zion, Thy God reigneth!”
9. Tingnan sa Matthew McBride, A House for the Most High: The Story of the Original Nauvoo Temple (Salt Lake City: Greg Kofford Books, 2007), 103, 140.