Seminary
Pagsali sa Panginoon sa Inyong Pagkatuto: Pag-iibayuhin at Palalakasin ng Panginoon ang Inyong mga Pagsisikap


“Pagsali sa Panginoon sa Inyong Pagkatuto: Pag-iibayuhin at Palalakasin ng Panginoon ang Inyong mga Pagsisikap,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)

“Pagsali sa Panginoon sa Inyong Pagkatuto: Pag-iibayuhin at Palalakasin ng Panginoon ang Inyong mga Pagsisikap,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan

Magtagumpay sa Paaralan: Lesson 192

Pagsali sa Panginoon sa Inyong Pagkatuto

Pag-iibayuhin at Palalakasin ng Panginoon ang Inyong mga Pagsisikap

teen doing homework

Sa ating pag-aaral, haharap tayo sa mga balakid habang nagsisikap tayong madagdagan ang ating kaalaman at pang-unawa sa katotohanan. Hindi natin kailangang harapin ang mga hamong ito nang mag-isa. Pinapahalagahan tayo at ang ating pag-unlad ng Ama sa Langit at ni Jesucristo, at nais Nila tayong tulungan sa ating mga pagsisikap sa paaralan. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na isali ang Panginoon sa kanilang pagkatuto.

Paghahanda ng estudyante: Anyayahan ang mga estudyante na pagnilayan kung paano nila nakitang tinulungan sila ng Panginoon o ng isang kakilala nila na matuto sa paaralan. Maaari silang maghandang ibahagi sa klase ang karanasang ito.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Mga hamon sa paaralan

Maaaring simulan ang klase sa pamamagitan ng pag-anyaya sa isang estudyante na pumunta sa harapan ng silid-aralan para tapusin ang isang gawain na nangangailangan ng tulong ng iba. Halimbawa, lagyan ng piring ang estudyante at hilingin sa kanya na pagbukud-bukurin ang mga kendi o bead ayon sa kulay. Kung nahihirapan ang estudyante sa simula, maaari kang magtanong tulad ng, “paano ka matutulungan ng ibang tao na nasa loob ng silid na ito?”

  • Paano maiuugnay ang demonstrasyong ito sa ating mga pagsisikap na matuto sa paaralan?

  • Ano ang ilang sitwasyon sa paaralan o sa pagkatuto na maaaring maging mahirap para sa mga tinedyer?

Maaaring kabilang sa mga sagot ng mga estudyante ang mga bagay na tulad ng pagkakaroon ng problema sa isang partikular na assignment sa paaralan, isang hamon sa pagkatuto, o mga problema sa pamamahala ng oras. Maaari mong ilista ang mga sagot na ito sa pisara. Maaari mong hikayatin ang mga estudyante na isulat ang isang hamon na kasalukuyan nilang kinakaharap sa kanilang pagkatuto. Magiging kapaki-pakinabang na balikan ang listahang ito sa buong lesson.

Pinagpapala ng Panginoon ang ating matwid na pagsisikap

Basahin ang sumusunod na pahayag mula kay Elder Clark G. Gilbert ng Pitumpu, at alamin kung saan tayo maaaring humingi ng tulong sa mga hamon sa ating pagsisikap na matuto sa paaralan.

Official VIO portrait of Clark G. Gilbert.

Alam kong maaaring maging mahirap at nangangailangan ng sakripisyo ang pagtatamo ng edukasyon. Alam ko kung gaano kayo nagsisikap at na maraming mahihirap na gabi dahil nagpupuyat kayo para kumpletuhin ang mga assignment, matutuhan ang mga bagong konsepto, at maisagawa ang iba pang maraming kailangang gawin sa inyong buhay. Ngunit magpatuloy lang kayo sa pagsisikap. Patuloy na ipakita ang katatagan ng pag-iisip. Ngunit maging handa ring umasa sa biyaya (ni Jesucristo) mula sa pagkakaroon ng katatagan ng pag-iisip. Isali ang Panginoon. Manalangin na tulungan Niya kayo, at dadagdagan Niya ang inyong mga pagsisikap. Nawa’y malaman ninyo kung gaano namin kayo kamahal. Higit sa lahat, dapat ninyong malaman kung gaano kayo kamahal ng Panginoon at palalakasin Niya kayo sa lahat ng inyong matwid na pagsisikap na matuto at lumago at maging higit na katulad Niya. (“From Grit to Grace” [Debosyonal sa BYU-Pathway Worldwide, Set. 25, 2018], 2, byupathway.edu)

  • Ano ang nalaman ninyo na naghahatid sa inyo ng pag-asa o makahihikayat sa isang tinedyer sa kanyang pag-aaral?

    Habang nagbabahagi ang mga estudyante, tulungan silang makatukoy ng alituntunin na tulad ng kapag isinali natin ang Panginoon sa ating pagkatuto, pag-iibayuhin at palalakasin Niya ang ating mga pagsisikap.

  • Paano maaaring pagpalain, pag-ibayuhin, o palakasin ng Panginoon ang ating mga pagsisikap kapag isinasali natin Siya sa ating pagkatuto?

Maaaring banggitin ng mga estudyante ang mga bagay na tulad ng kung paano sila matutulungan ng Panginoon na matandaan ang kanilang napag-aralan, pagkakaroon ng pasensya sa mga guro at kaklase, o makadama ng kapayapaan sa panahon ng pagsusulit. Maaari mong ipaliwanag na madalas tayong tutulungan ng Panginoon na matuto sa pamamagitan ng Espiritu Santo, na siyang maaaring pumuspos sa atin ng kapayapaan, makatutulong sa atin na malaman ang katotohanan, at makapagpapalawak ng ating pang-unawa (tingnan sa Roma 15:13; Moroni 10:5; Doktrina at mga Tipan 6:15).

Paano isasali ang Panginoon sa inyong pagkatuto

icon ng seminary Para tulungan ang mga estudyante na mag-isip ng iba’t ibang paraan na maisasali natin ang Panginoon sa ating pagkatuto sa paaralan, maaari mo silang bigyan ng mga halimbawa mula sa mga banal na kasulatan. Isang paraan para magawa ito ay gamit ang handout na “Pagsali sa Panginoon sa Ating Pagkatuto.” Maaari mong hatiin ang mga estudyante sa mas maliliit na grupo at magtalaga sa bawat grupo ng bahagi ng handout. Bilang alternatibo, maaaring pumili ang mga estudyante ng isang bahagi ng handout na pag-aaralan at gumawang kasama ng iba pang mga estudyante na pumili ng parehong bahagi.

Pagkatapos kumpletuhin ng mga estudyante ang handout, maaari mo silang anyayahan na pumili ng tagapagsalita na magbabahagi ng napag-usapan ng grupo.

  • Batay sa inyong napag-aralan, ano ang ilang partikular na bagay na maaari nating gawin upang maisali ang Panginoon sa ating pagkatuto?

Kung kailangan ng mga estudyante ng karagdagang patnubay, maaari mong ibahagi ang ilan o ang lahat ng sumusunod bilang mga paraan upang maisali ang Panginoon sa ating pagkatuto:

  1. Bigyang-pansin at ipagpasalamat ang maliliit o tuluy-tuloy na pagpapabuti (2 Nephi 28:30).

  2. Sa panalangin, hilingin sa Ama sa Langit ang mga partikular na pagpapala tulad ng pagkakaroon ng lakas-ng-loob na magtaas ng inyong kamay, magtanong, at humingi ng karagdagang tulong (Eter 2:18–23).

  3. Kilalanin ang inyong mga kahinaan at manampalataya sa Panginoon na tutulungan Niya kayo sa mga ito (Moises 6:31–34; Moises 7:13).

  4. Pag-aralan ang mga tala sa klase araw-araw at humingi ng basbas ng priesthood bago ang isang mahalagang pagsusulit o assignment (Doktrina at mga Tipan 88:118).

Maaaring anyayahan ang mga estudyante na magbahagi ng karanasan kung paano sila pinalawak at pinalakas ng Panginoon o ang isang kakilala nila nang isinali nila ang Panginoon sa kanilang pagkatuto.

Pagsali sa Panginoon sa ating pagkatuto

Bigyan ng oras ang mga estudyante na gumawa ng plano na isali ang Panginoon sa kanilang pagkatuto. Maaari mong ipakita ang mga sumusunod na tagubilin at hikayatin ang mga estudyante na isulat ang kanilang plano sa kanilang study journal.

Isipin ang isang hamon sa pagkatuto na kinakaharap ninyo ngayon. Gawin ang sumusunod sa inyong study journal.

  • Sa anong gawain ninyo sa paaralan ang handa kayong subukang isali ang Ama sa Langit at si Jesucristo? Maging partikular sa inyong gagawin.

Maaari mong hilingin sa mga handang estudyante na ibahagi ang nadama nila na dapat nilang gawin. Maaaring ibahagi ang iyong patotoo tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo at kung paano Nila tayo pagpapalain kapag isinasali natin Sila sa ating pagkatuto.