Seminary
Moises 1:27–42: “Ito Ang Aking Gawain at Aking Kaluwalhatian ”


“Moises 1:27–42: ‘Ito Ang Aking Gawain at Aking Kaluwalhatian,’” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)

“Moises 1:27–42: ‘Ito Ang Aking Gawain at Aking Kaluwalhatian,’” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan

Moises 1; Abraham 3: Lesson 6

Moises 1:27–42

“Ito Ang Aking Gawain at Aking Kaluwalhatian”

mga batang nakangiti

Sa ilalim ng pamamahala ng Ama sa Langit, nilikha ni Jesucristo ang mga daigdig na di mabilang. Ang mga pinakadakilang nilikha ng Ama sa Langit ay ang Kanyang mga espiritung anak na lalaki at babae. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na makadama ng pasasalamat para sa Ama sa Langit at sa Kanyang gawain na isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan sa lahat ng Kanyang anak.

Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na pagnilayan ang kalakhan ng mga nilikha ng Ama sa Langit at ang pagmamahal ng Ama sa Langit para sa bawat isa sa kanila. Ang isang paraan na magagawa nila ito ay tingnan ang kalangitan sa isang maaliwalas na gabi at isipin kung ano ang nadarama ng Ama sa Langit tungkol sa kanila sa gitna ng maraming bituin, planeta, at galaxy na Kanyang nilikha.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Literal na mga anak na lalaki at babae ng Diyos

Isiping magdala ng isang maliit na lalagyan na may buhangin at ng isang maliit na lalagyan na may tubig. Sabihin sa isang estudyante na pumunta sa harap ng klase at ilubog ang kanyang daliri sa lalagyan na may tubig at pagkatapos ay ilubog ang basang daliri sa lalagyan na may buhangin. Bilang alternatibo, maaari mong ipakita sa mga estudyante ang sumusunod na larawan. Pagkatapos ay sabihin sa estudyante na tantiyahin kung ilang butil ng buhangin ang nasa kamay ng taong ito.

mga kamay na may hawak na buhangin

Basahin ang Moises 1:27–29, at alamin kung ano ang inihalintulad ni Moises sa buhangin sa dalampasigan at bakit.

  • Ano ang pinakanapansin ninyo mula sa pangitaing ito?

Upang matulungan ang mga estudyante na pahalagahan ang kalakhan ng mga likha ng Diyos, maaari mong ipanood ang “Ito Ang Aking Gawain at Aking Kaluwalhatian” na makikita sa ChurchofJesusChrist.org, mula sa time code na 0:53 hanggang 1:31.

17:11

Upang matulungan ang mga estudyante na isipin ang kanilang sarili bilang mga likha ng Diyos at maihanda ang kanilang isipan na maturuan ng Espiritu Santo, sabihin sa kanila na kumpletuhin ang sumusunod na pagsusuri sa sarili o self-assessment.

Sagutin ang mga sumusunod na tanong sa inyong study journal:

  • Bakit nilikha ng Diyos ang sansinukob?

  • Bakit tayo nilikha ng Diyos?

  • Ano ang nadarama ko tungkol sa Diyos at sa kung ano ang ginagawa Niya para sa akin?

Sabihin sa mga estudyante na magdagdag sa kanilang mga sagot sa buong lesson. Ipaalala sa kanila na ang pagsusulat ng kanilang mga ideya sa study journal ay makatutulong na maanyayahan ang impluwensya ng Espiritu Santo sa kanilang pagkatuto.

Ang gawain at kaluwalhatian ng Ama sa Langit

Basahin ang Moises 1:30, at alamin at markahan ang dalawang tanong ni Moises nang mamasdan niya ang mundo at ang literal na mga anak na lalaki at babae ng Diyos.

icon ng doctrinal mastery Ang Moises 1:39 ay isang doctrinal mastery passage. Maaari mong sabihin sa mga estudyante na markahan ang mga doctrinal mastery passage sa natatanging paraan para madali nilang mahanap ang mga ito.

Basahin ang Moises 1:31–33, 39, at alamin kung paano sinagot ng Panginoon ang mga tanong ni Moises.

  • Anong katotohanan ang matututuhan natin sa mga sagot ng Diyos sa mga talatang ito?

Sa mga katotohanang matatagpuan ng mga estudyante, tulungan silang matukoy na ang gawain at kaluwalhatian ng Diyos ay ang isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng Kanyang mga anak.

Para malaman kung ano ang nauunawaan ng mga estudyante tungkol sa kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan, maaari mong sabihin sa kanila na ibahagi kung paano nila bibigyang-kahulugan ang mga ito. Kung makatutulong, maaaring hanapin ng mga estudyante ang “Kawalang-kamatayan, Walang Kamatayan” at “Buhay na Walang Hanggan” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan o Mga Paksa at Mga Tanong sa ChurchofJesusChrist.org. Bilang alternatibo, maaari mong ibahagi ang sumusunod na kahulugan:

Ang ibig sabihin ng kawalang-kamatayan ay ang mabuhay magpakailanman bilang nabuhay na mag-uling nilalang. “Ang buhay na walang hanggan, o kadakilaan, ay ang maging katulad ng Diyos at mamuhay sa piling Niya nang walang hanggan bilang mga pamilya” (Pangkalahatang Hanbuk: Paglilingkod sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, 1.1, Gospel Library).

  • Paano makatutulong sa inyo ang katotohanang matatagpuan sa Moises 1:39 para maunawaan kung bakit nilikha ng Diyos ang mundo?

Ipinaliwanag ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf, na noon ay kabilang sa Unang Panguluhan, ang layunin ng mga nilikha ng Diyos.

19:30
Pangulong Dieter F. Uchtdorf

Habang minamasdan natin ang lawak ng sansinukob at sinasabing, “Ano ang halaga ng tao kung ihahambing sa kaluwalhatian ng paglikha?” Sinabi mismo ng Diyos na tayo ang dahilan kaya Niya nilikha ang sansinukob! Ang Kanyang gawain at kaluwalhatian—ang layunin para sa napakagandang sansinukob na ito—ay iligtas at dakilain ang sangkatauhan. Sa madaling salita, ang lawak ng kawalang-hanggan, ang mga kaluwalhatian at hiwaga ng walang-katapusang kalawakan at panahon ay nilikha para sa kapakinabangan ng mga pangkaraniwang taong tulad natin. Nilikha ng Ama sa Langit ang sansinukob upang maabot natin ang ating potensiyal bilang Kanyang mga anak na lalaki at babae. (“Mahalaga Kayo sa Kanya,” Liahona, Nob. 2011, 20)

  • Ano ang ipinauunawa sa inyo ng pahayag na ito tungkol sa Ama sa Langit?

  • Ano ang ipinauunawa sa inyo ng pahayag na ito tungkol sa inyong sarili?

Tinutulungan tayo ng Ama sa Langit na matanggap ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan

Maaari mong hatiin ang mga estudyante sa maliliit na grupo para sa sumusunod na aktibidad. Maaari mong bigyan ang bawat grupo ng isang pirasong papel at sabihin sa mga estudyante na isulat ang mga sumusunod na tanong sa itaas na bahagi ng kanilang papel. Pagkatapos ay maaaring isulat ng mga estudyante ang kanilang mga sagot sa ilalim ng mga tanong. Kung posible, maaari mong sabihin sa mga estudyante na maghanap ng banal na kasulatan na nagpapatotoo sa ilan o sa lahat ng kanilang mga sagot.

  • Ano ang ginawa ng Ama sa Langit at ni Jesucristo upang maisakatuparan ang ating kawalang-kamatayan?

  • Ano ang ginawa Nila at patuloy Nilang ginagawa para tulungan tayong matamo ang buhay na walang hanggan?

Upang matulungan ang mga estudyante na matuto para sa kanilang sarili, bigyan sila ng sapat na oras para sagutin ang mga naunang tanong. Pagkatapos ay sabihin sa kanila na magdagdag sa kanilang listahan sa pamamagitan ng pagbabasa ng Juan 3:16 at ng sumusunod na pahayag ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf.

Nagbahagi si Pangulong Dieter F. Uchtdorf, na noon ay kabilang sa Unang Panguluhan, ng mga karagdagang paraan kung paano isinasakatuparan ng Ama sa Langit ang ating kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan.

Pangulong Dieter F. Uchtdorf

Ibinigay sa atin [ng Ama sa Langit] ang ebanghelyo at ang Simbahan ni Jesucristo. Ibinigay Niya sa atin ang plano ng pagtubos, ang plano ng kaligtasan, maging ang plano ng kaligayahan. …

  • Ibinigay Niya sa atin ang walang-katumbas na kaloob na Espiritu Santo. …

  • Binigyan Niya tayo ng 24/7 access sa Kanya sa pamamagitan ng pagdarasal nang may pananampalataya at pagsamo na may tunay na layunin.

  • Binigyan Niya tayo ng mga apostol at propeta sa panahong ito, na naghahayag ng salita ng Diyos sa ating panahon. …

  • Ipinanumbalik Niya ang Kanyang Simbahan. …

  • Ibinigay Niya sa atin ang mga banal na kasulatan—ang Kanyang nakasulat na salita sa atin.

  • Nagbigay Siya ng napakaraming kasangkapan ng makabagong teknolohiya upang tulungan tayo sa pagtahak natin sa landas ng pagkadisipulo. …

Bakit tayo binigyan ng ating Ama sa Langit ng napakaraming tulong? Dahil mahal Niya tayo. At dahil, tulad ng sinabi Niya mismo, “Ito ang aking gawain at aking kaluwalhatian—ang isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao” (Moses 1:39). (“Ating Ama, Ating Guro,” Liahona, Hunyo 2016, 5)

Sabihin sa mga estudyante na pumili ng ilan sa mga paraan na pinakamakabuluhan sa kanila habang sinasagutan nila ang mga sumusunod na tanong.

  • Paano tayo matutulungan ng mga ito na sumulong tungo sa buhay na walang hanggan?

  • Paano nakatulong sa inyo ang ilan sa mga paraang ito para maging higit na katulad ng Ama sa Langit?

Anyayahan ang iba’t ibang estudyante na magbahagi ng isang paraan na pinili nila at ng kanilang mga sagot sa mga tanong sa itaas. Maghanap ng mga paraan para pasalamatan at mapatatag sila sa kanilang mga sagot. Kung hindi napagtuunan ng mga estudyante ang Tagapagligtas, ipabasa ang Juan 3:16 at Mosias 4:2, at sabihin sa mga estudyante na ibahagi kung paano sila tinutulungan ng Tagapagligtas na umunlad at maging higit na katulad ng Ama sa Langit.

Pasasalamat sa Ama sa Langit

Upang matulungan ang mga estudyante na makadama ng higit na pasasalamat sa Ama sa Langit at sa Kanyang gawain na isakatuparan ang kanilang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan, sabihin sa kanila na hingin ang tulong ng Panginoon habang sinasagutan nila ang mga sumusunod na tanong sa kanilang study journal. Bilang alternatibo, maaaring magsulat ang mga estudyante sa journal na nagpapahayag ng kanilang pasasalamat sa Ama sa Langit para sa ginagawa Niya para sa kanila.

  • Ano ang natutuhan o nadama mo ngayon na gusto mong matandaan?

  • Ano ang nadarama mo tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo at sa ginagawa Nila para matulungan kang makabalik sa Kanila?

Isaulo

Maaari mong tulungan ang mga estudyante na isaulo ang doctrinal mastery reference at mahalagang parirala ng banal na kasulatan sa lesson na ito at balikan ang mga ito sa mga susunod na lesson. Ang mahalagang parirala ng banal na kasulatan ay “Ito ang aking gawain at aking kaluwalhatian—ang isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao.” Ang mga ideya para sa mga aktibidad sa pagsasaulo ay nasa mga materyal sa appendix sa ilalim ng “Mga Aktibidad sa Pagrerebyu ng Doctrinal Mastery.”