“Mayo 11–17. ‘Ingatan Mo na Baka Iyong Malimutan ang Panginoon”: Deuteronomio 6–8; 15; 18; 29–30; 34,” Pumarito Ka, Sumunod K sa Akin—Para sa Tahanan at sa Simbahan: Lumang Tipan 2026 (2026)
“Mayo 11–17. ‘Ingatan Mo na Baka Iyong Malimutan ang Panginoon,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin: Lumang Tipan 2026
Si Moises sa Bundok ng Nebo, ni John Steel, © Providence Collection/lisensyado ng goodsalt.com
Mayo 11–17: “Ingatan Mo na Baka Iyong Malimutan ang Panginoon”
Deuteronomio 6–8; 15; 18; 29–30; 34
Ang ministeryo ni Moises sa lupa ay nagsimula sa isang bundok, nang kausapin siya ng Diyos mula sa isang nagliliyab na palumpong (tingnan sa Exodo 3:1–10). Nagtapos din ito sa isang bundok, makalipas ang mahigit 40 taon, nang pasulyapan sa kanya ng Diyos ang lupang pangako mula sa tuktok ng Bundok ng Nebo (tingnan sa Deuteronomio 34:1–4). Ginugol ni Moises ang kanyang buhay sa paghahanda sa mga anak ni Israel na makapasok sa lupang pangakong iyon, at nakatala sa aklat ng Deuteronomio ang kanyang mga huling tagubilin, paalala, pangaral, at pagsusumamo sa mga Israelita. Ang pagbasa sa kanyang mga salita ay nililinaw na ang tunay na layunin ng ministeryo ni Moises—ang paghahandang kailangan ng mga tao—ay hindi tungkol sa pananatiling ligtas sa ilang, paglupig sa mga kaaway, o pagtatayo ng isang bansa. Tungkol ito sa pagkatutong mahalin ang Diyos, pagsunod sa Kanya, at pananatiling tapat sa Kanya. Iyan ang paghahandang kailangan nating lahat para makapasok sa lupang pangako ng buhay na walang hanggan. Kaya bagama’t hindi tumuntong si Moses kailanman sa “lupaing dinadaluyan ng gatas at pulot” (Exodo 3:8), dahil sa kanyang pananampalataya at katapatan, pumasok siya sa lupang pangakong naihanda ng Diyos para sa lahat ng sumusunod sa Kanya.
Para sa buod ng Deuteronomio, tingnan sa “Deuteronomio” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan.
Mga Ideya para sa Pag-aaral sa Tahanan at sa Simbahan
Deuteronomio 6:4–7; 8:2–5, 11–17; 29:18–20; 30:6–10, 14–20
“Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos [na]ng iyong buong puso.”
Kasama sa batas ni Moises ang maraming panlabas na seremonya at ritwal. Tulad ng makikita mo sa payo ni Moises sa Deuteronomio, nag-alala rin ang Panginoon sa kalagayan ng kalooban ng Kanyang mga tao—ang espirituwal na kalagayan ng kanilang puso.
Sa mga sipi sa ibaba, hanapin ang salitang puso, at pagnilayan kung ano ang maaaring isinagisag nito. Maaari mong isipin ang mga talatang ito bilang isang uri ng espirituwal na pagsusuri sa iyong puso. Ano ang diagnosis na ibibigay mo sa iyong sarili? Anong mga gamot ang irereseta mo para mapahusay ang espirituwal na kalusugan ng iyong puso? Isulat ang iyong mga impresyon:
-
Deuteronomio 6:4–7.
-
Deuteronomio 8:2–5.
-
Deuteronomio 18:11–17.
-
Deuteronomio 29:18–20.
-
Deuteronomio 30:6–10.
-
Deuteronomio 30:14–20.
Ang isang paraan para maisaayos ang iyong mga iniisip ay ang gumuhit ng puso at isulat sa loob nito ang mga bagay na sinasabi ng Panginoon na dapat mong taglayin sa puso mo. Pagkatapos ay maaari mong isulat sa labas nito ang mga bagay na hindi mo dapat taglayin sa puso mo.
Paano mo maipapakita na mahal mo ang Diyos nang buong puso mo? Para sa mga ideya, tingnan sa “Mahalin ang Diyos, mahalin ang inyong kapwa” sa Para sa Lakas ng mga Kabataan: Isang Gabay sa Pagpili, 10–12.
Tingnan din sa M. Russell Ballard, “Minamahal Mo ba Ako Nang Higit Kaysa mga Ito?,” Liahona, Nob. 2021, 51–53.
Maghangad ng sarili mong espirituwal na mga kabatiran. Ang Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin ay nagmumungkahi ng mga sipi at alituntuning pagtutuunan sa mga banal na kasulatan, ngunit huwag hayaang limitahan nito ang iyong pag-aaral. Habang binabasa mo ang Deuteronomio, maaari kang makatuklas ng isang alituntunin na hindi naka-highlight dito. Hayaang gabayan ka ng Espiritu sa kailangan mong matutuhan.
Deuteronomio 6:4–12, 20–25
“Ingatan mo na baka iyong malimutan ang Panginoon.”
Karamihan sa mga Israelitang papasok sa lupang pangako ay hindi nasaksihan ang mga salot sa Ehipto o nakatawid sa Dagat na Pula. Alam ni Moises na sila—at ang susunod na mga henerasyon—ay kakailanganing alalahanin ang mga himala ng Diyos at ang mga batas ng Diyos para manatili silang mga tao ng Diyos.
Anong payo ang matatagpuan mo sa Deuteronomio 6:4–12, 20–25 na maaaring makatulong sa iyo na maalala ang mga dakilang bagay na nagawa ng Diyos para sa iyo? Ano ang nahihikayat kang gawin upang ang salita ng Panginoon ay araw-araw na “[nasa] iyong puso”? (talata 6).
Maaari mo ring pag-aralan ang mensahe ni Brother Jan E. Newman na “Pagpreserba ng Tinig ng mga Pinagtipanang Tao sa Bagong Salinlahi” (Liahona, Nob. 2023, 36–38) at isipin kung paano mo ipapasa ang iyong pananampalataya kay Cristo sa susunod na mga henerasyon.
Tingnan din sa Deuteronomio 11:18–21; Dale G. Renlund, “Pagnilayan ang Kabutihan at Kadakilaan ng Diyos,” Liahona, Mayo 2020, 41–44; Bible Dictionary, “Frontlets or phylacteries.”
Deuteronomio 15:1–15
Kaakibat ng pagtulong sa mga taong nangangailangan ang mga kamay na mapagbigay at mga pusong handang tumulong.
Hindi pa tayo sumasapit sa panahon na “hindi magkakaroon ng dukha sa inyo” (Deuteronomio 15:4), kaya ang mga alituntunin tungkol sa pagtulong sa mga dukha sa Deuteronomio 15 ay mahalaga pa rin, kahit nagbago na ang partikular na mga gawi. Pansinin ang itinuturo sa mga talata 1–15 kung bakit tayo tumutulong sa mga taong nangangailangan at kung ano ang dapat nating maging saloobin tungkol dito.
Ano ang ibig sabihin ng “[buksan] ang iyong kamay” sa mga taong nangangailangan? (mga talata 8, 11). Ano ang natututuhan mo mula sa halimbawa ng Panginoon tungkol sa pagtulong sa mga taong nangangailangan? (tingnan sa talata 15).
Tingnan din sa “Ako Ba’y May Kabutihang Nagawa?,” Mga Himno, blg. 135.
Deuteronomio 18:15–19
Si Moises noon ay “gaya” ni Jesucristo.
Nagkomentong lahat sina Pedro, Nephi, Moroni, at ang Tagapagligtas mismo tungkol sa propesiya sa Deuteronomio 18:15–19 (tingnan sa Mga Gawa 3:20–23; 1 Nephi 22:20–21; Joseph Smith—Kasaysayan 1:40; 3 Nephi 20:23). Ano ang natututuhan mo tungkol sa Tagapagligtas mula sa mga talatang ito? Pag-isipan ang nabasa mo tungkol kay Moises sa nakalipas na ilang linggo. Paanong “gaya” ni Jesucristo si Moises?
Sinabi ni Jesucristo sa Kanyang mga tao sa sinaunang Amerika, “Ako ang siyang sinabi ni Moises” (3 Nephi 20:23).
Deuteronomio 29:9; 30:15–20
Inaanyayahan ako ng Panginoon na pumili sa pagitan ng mabuti at masama.
Maaaring nakatutuwang ikumpara ang mga salita ni Moises sa Deuteronomio 29:9; 30:15–20 sa ilan sa mga huling turo ni Lehi sa kanyang pamilya sa 2 Nephi 2:26–29; 4:4. Paano pinalawak ni Lehi ang itinuro ni Moises? Ano ang nakikita mo sa mga siping ito na naghihikayat na “piliin mo … ang buhay”? (Deuteronomio 30:19).
Mga Tulong sa Banal na Kasulatan
Mga Ideya para sa Pagtuturo sa mga Bata
Deuteronomio 6:5
Maaari kong mahalin ang Diyos nang buong puso ko.
-
Para maipaunawa sa iyong mga anak ang Deuteronomio 6:5, maaari kang magdrowing ng isang puso, isang krokis ng katawan, at isang maskuladong bisig. Maaaring ituro ng iyong mga anak ang mga larawan kapag binasa mo ang mga salitang “puso,” “kaluluwa,” at “lakas” sa talata. Paano natin ipinapakita sa Panginoon na mahal natin Siya nang buong puso, kaluluwa, at lakas natin?
Deuteronomio 6:6–15
Maaari kong panatilihin ang salita ng Diyos sa puso ko.
-
Basahin ninyo ng iyong mga anak ang payo ng Panginoon sa mga Israelita na ilagay ang mga sipi ng banal na kasulatan kung saan nila ito makikita araw-araw (tingnan sa Deuteronomio 6:6–9). Maaari itong maghikayat sa iyo at sa iyong mga anak na mag-isip ng mga paraan para matiyak na hindi ninyo “malimutan ang Panginoon” (talata 12) at maalala ang nagawa Niya para sa inyo.
-
Maaari mong ituro na nakatulong ang Deuteronomio 6:13, 16 at 8:3 sa Tagapagligtas sa isang mahalagang sandali sa Kanyang buhay. Para malaman kung paano, sama-samang basahin ang Mateo 4:1–10. Pagkatapos ay maaari ninyong ibahagi sa isa’t isa ang ilang sipi sa banal na kasulatan na nakatulong sa inyo sa mga oras ng pangangailangan.
Deuteronomio 18:15–18
Ang mga propeta ay nagtuturo sa atin tungkol kay Jesucristo.
-
Habang binabasa ninyo ang Deuteronomio 18:18 nang sama-sama, tulungan ang iyong mga anak na maunawaan na ang Propetang gaya ni Moises sa talatang ito ay si Jesucristo. Maaari mo sigurong tingnan ang mga larawan ng mga bagay na ginawa ni Moises at ang mga bagay na ginawa ni Jesucristo, at hayaang pagtugmain ng iyong mga anak ang mga ito (tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 15, 16, 38, 39). Ano ang naituro ng ating propeta ngayon tungkol sa Tagapagligtas?
Deuteronomio 29:12–13; 30:8–10
Dahil sa aking mga tipan, bahagi ako ng bayan ng Diyos.
-
Ang pag-uusap tungkol sa Deuteronomio 29:12–13 ay nagbibigay ng oportunidad sa inyo ng iyong mga anak na pag-usapan ang mga tipang gagawin o nagawa nila sa Ama sa Langit. Ano ang ibig sabihin ng maging bayan ng Diyos? Paano tayo nagiging bayan ng Diyos dahil sa ating mga pangako? (tingnan sa talata 13; tingnan din sa Mosias 18:8–10).
-
Kung kailangan ng tulong ng iyong mga anak na maunawaan kung ano ang tipan, imungkahi na maghanap sila ng kahulugan sa “Tipan” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan (Gospel Library). Anong mga pangako ang ginawa ng Diyos at ng mga Israelita sa isa’t isa sa Deuteronomio 30:8–10? Anong mga pangako ang nagawa natin sa Diyos? (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 20:37, 77). Paano tayo inuugnay ng mga pangakong ito sa Kanya? Isiping sama-samang kantahin ang isang awitin tungkol sa mga tipan, tulad ng “Standing on the Promises [Umaasa sa mga Pangako” (Gospel Library).
Para sa iba pa, tingnan ang isyu ng magasing Kaibigan sa buwang ito.