Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Mayo 4–10. “Huwag Lamang Kayong Maghimagsik Laban sa Panginoon ni Matakot”: Mga Bilang 11–14; 20–24; 27


“Mayo 4–10. ‘Huwag Lamang Kayong Maghimagsik Laban sa Panginoon ni Matakot: Mga Bilang 11–14; 20–24; 27,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at sa Simbahan: Lumang Tipan 2026 (2026)

“Mayo 4–10. ‘Huwag Lamang Kayong Maghimagsik Laban sa Panginoon ni Matakot,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin: Lumang Tipan 2026

larawan ni Wadi Rum

Disyerto malapit sa Sinai Peninsula

Mayo 4–10: “Huwag Lamang Kayong Maghimagsik Laban sa Panginoon ni Matakot”

Mga Bilang 11–14; 20–2427

Kahit maglakad, aabutin ng 40 taon ang paglalakbay mula sa ilang ng Sinai patungo sa lupang pangako sa Canaan. Ngunit ganoon katagal ang panahong kinailangan ng mga anak ni Israel—hindi para lakbayin ang pisikal na distansya ng lugar kundi para lakbayin ang espirituwal na distansya: ang distansya sa pagitan ng kung sino sila noon at kung sino ang nais ng Panginoon na kahinatnan nila bilang mga pinagtipanang tao ng Diyos.

Inilarawan sa aklat ng Mga Bilang ang ilan sa mga nangyari sa loob ng 40 taon na iyon, kabilang na ang mga aral na kinailangang matutuhan ng mga anak ni Israel bago makapasok sa lupang pangako. Natutuhan nilang maging tapat sa mga lingkod ng Panginoon (tingnan sa Mga Bilang 12). Natutuhan nila ang tungkol sa pagtitiwala sa kapangyarihan ng Panginoon, kahit tila walang pag-asa ang hinaharap (tingnan sa Mga Bilang 13–14). At natutuhan nila na ang kawalan ng pananampalataya ay naghahatid ng espirituwal na kapahamakan, ngunit maaari silang magsisi at umasa sa Tagapagligtas para mapagaling (tingnan sa Mga Bilang 21:4–9).

Tayong lahat ay katulad ng mga Israelita sa ilang paraan. Alam natin kung ano ang pakiramdam ng nasa espirituwal na ilang, at ang mga aral na natutuhan nila ay makakatulong sa atin na maghanda sa pagpasok sa ating sariling lupang pangako: ang buhay na walang-hanggan sa piling ng ating Ama sa Langit.

Para sa buod ng aklat ng Mga Bilang, tingnan sa “Mga Bilang” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan.

icon ng pag-aaral

Mga Ideya para sa Pag-aaral sa Tahanan at sa Simbahan

Mga Bilang 11:11–17, 24–2912

Ang paghahayag ay para sa lahat, ngunit ginagabayan ng Diyos ang Kanyang Simbahan sa pamamagitan ng Kanyang propeta.

Sa Mga Bilang 11:11–17, 24–29, pansinin ang problemang kinaharap ni Moises at ang solusyon na iminungkahi ng Diyos. Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ni Moises nang sabihin niyang gusto niyang “mangyari nawa na ang buong bayan ng Panginoon ay maging propeta”? (talata 29). Habang pinag-iisipan mo ang tanong na ito, maghanap ng posibleng mga sagot sa mensahe ni Pangulong Russell M. Nelson na “Paghahayag para sa Simbahan, Paghahayag para sa Ating Buhay” (Liahona, Mayo 2018, 93–96).

Gayunman, ang pagsasabing lahat tayo ay maaaring tumanggap ng paghahayag, ay hindi nangangahulugan na lahat tayo ay maaaring mamuno sa mga tao ng Diyos tulad ni Moises noon. Ang kaganapan sa Mga Bilang 12 ay nagbibigay-linaw rito. Anong mga babala ang nakikita mo sa kabanatang ito? Ano sa palagay mo ang nais ng Panginoon na maunawaan mo tungkol sa personal na paghahayag at pagsunod sa Kanyang propeta?

Tingnan din sa 1 Nephi 10:17; Doktrina at mga Tipan 28:1–7; Dallin H. Oaks, “Dalawang Linya ng Pakikipag-ugnayan,” Liahona, Nob. 2010, 83–86.

Magtuon sa kung ano ang pinakamahalaga. May mga taong napapagod sa lingguhang mga mungkahing babasahin sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin. Habang nirerebyu mo ang mga outline, sundin ang Espiritu. Isipin ang sarili mong mga pangangailangan at ang mga pangangailangan ng mga taong maaaring tinuturuan mo. Ang pag-unawa at lubos na pagsasabuhay ng isang alituntunin sa loob ng isang linggo ay maaaring mas makatutulong kaysa sa mababaw na pagbabasa ng ilang kabanata lamang.

Mga Bilang 12:3

“Si Moises ay napakaamo.”

Nagulat ang ilang tao na malaman na si Moises, ang makapangyarihang pinunong tumayo sa harap ng Faraon at gumawa ng kamangha-manghang mga himala gamit ang kapangyarihan ng Panginoon, ay “napakaamo” rin (Mga Bilang 12:3). Ano ang ibig sabihin ng maging maamo? Isiping pag-aralan ang paliwanag ni Elder David A. Bednar sa “Maamo at Mapagpakumbabang Puso” (Liahona, Mayo 2018, 30–33) o “Maamo, Kaamuan” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan (Gospel Library).

Ano ang natututuhan mo mula sa mga halimbawa ng kaamuan ni Moises sa Exodo 18:13–25; Mga Bilang 11:26–29; Mga Bilang 12; Mga Hebreo 11:24–27; at Moises 1:10–11? Maaari mo ring pagnilayan kung paano nagpamalas ng kaamuan ang Tagapagligtas (tingnan sa Mateo 11:29; 27:11–14; Lucas 22:41–42; Juan 13:4–5). Ano ang itinuturo sa iyo ng mga halimbawang ito?

Mga Bilang 13–14

Taglay ang pananampalataya sa Panginoon, maaari akong umasa sa hinaharap.

Habang binabasa mo ang Mga Bilang 13–14, sikaping ilagay ang iyong sarili sa lugar ng mga Israelita. Sa palagay mo, bakit nila gustong “magbalik sa Ehipto”? (Mga Bilang 14:3). Paano mo ilalarawan ang ibang “espiritu” na taglay ni Caleb noon? (Mga Bilang 14:24). Ano ang tumatak sa isipan mo sa pananampalataya nina Caleb at Josue, at paano mo maaaring iangkop ang kanilang mga halimbawa sa mga sitwasyong kinakaharap mo?

si Moises at ang ilan sa mga espiyang Israelita

Sampu sa mga espiyang Israelita ang natakot; nanampalataya sina Josue at Caleb. Josue at Caleb: Masunuring mga Espiya, ni Douglas Klauba. © Lifeway Collection/lisensyado ng goodsalt.com

Mga Bilang 21:4–9

icon ng seminary
Kung aasa ako kay Jesucristo nang may pananampalataya, maaari Niya akong espirituwal na pagalingin.

Alam ng mga propeta sa Aklat ni Mormon ang kuwentong matatagpuan sa Mga Bilang 21:4–9 at naunawaan ang espirituwal na kahalagahan nito. Basahin ang kanilang mga turo tungkol sa kuwentong ito sa 1 Nephi 17:40–41; Alma 33:18–22; at Helaman 8:13–15. Narito ang ilang tanong na pag-iisipan habang nagbabasa ka:

  • Ano ang maaaring katawanin ng ahas na tanso?

  • Ano kaya ang kinakatawan ng mga kagat ng ahas?

  • Kinailangan ng mga Israelita na “tumingin … sa ahas na tanso” (Mga Bilang 21:9) para mapagaling. Sa palagay mo, bakit tumangging tumingin ang ilang tao? May nangyayari bang katulad nito sa iyo?

  • Ano ang nahihikayat kang gawin nang mas lubusan para “tumingin sa anak ng Diyos nang may pananampalataya” at mapagaling? (Helaman 8:15).

Ang pagbasa sa mga talatang ito ay maaaring magpaalala sa iyo ng iba pang mga pagkakataon sa mga banal na kasulatan kung kailan kinailangan ng mga tao na manatiling nakatuon kay Cristo. Halimbawa, ikumpara ang mensahe ng Mga Bilang 21:4–9 sa Mateo 14:25–31 at 1 Nephi 8:24–28 (tingnan din sa mga larawan sa dulo ng outline sa linggong ito). Ano ang posibleng naglalayo sa atin kay Cristo? Paano Niya pinagpapala ang mga taong nananatiling nakatuon sa Kanya?

Tingnan din sa “Jesus, ang Inyong AlaalaMga Himno, blg. 83.

Mga Bilang 22–24

Maaari kong sundin ang kalooban ng Diyos, kahit sinisikap ng iba na hikayatin akong huwag gawin iyon.

Nang malaman ni Balak, ang hari ng Moab, na parating na ang mga Israelita, ipinatawag niya si Balaam, isang lalaking kilala sa pagbibigay ng mga basbas at sumpa. Gusto ni Balak na isumpa ni Balaam ang mga Israelita. Pansinin kung paano sinikap ni Balak na hikayatin si Balaam (tingnan sa Mga Bilang 22:5–7, 15–17), at isipin ang mga tuksong maaari mong kaharapin para kalabanin ang kalooban ng Diyos. Ano ang tumatak sa isipan mo tungkol sa mga tugon ni Balaam sa Mga Bilang 22:18, 38; 23:8, 12, 26; 24:13? Ang malungkot, kalaunan ay nagpatangay si Balaam sa pamimilit at nagtaksil sa Israel (tingnan sa Mga Bilang 31:16; Judas 1:11). Pagnilayan kung paano ka mananatiling tapat sa Panginoon sa kabila ng pamimilit ng iba.

Mga Tulong sa Banal na Kasulatan

Iklik para makita ang iba pa.

icon ng bahaging pambata

Mga Ideya para sa Pagtuturo sa mga Bata

Mga Bilang 11:4–10

Maaari akong magpasalamat sa naibigay sa akin ng Diyos.

  • Tanungin ang iyong mga anak kung naaalala nila ang ilan sa mga himalang isinagawa ng Panginoon para tulungan ang mga Israelita (tingnan sa “Ang mga Salot ng Egipto” at “Ang Paskua” sa Mga Kuwento sa Lumang Tipan, 67–74). Pagkatapos ay maaari mong ibuod para sa kanila ang Mga Bilang 11:4–10, na binibigyang-diin na nakalimutan ng mga Israelita ang kanilang mga pagpapala at nagreklamo. Anong mga pagpapala ang nalilimutan natin kung minsan?

  • Habang kumakanta ka o nakikinig sa isang awitin tungkol sa pasasalamat, tulad ng “Mga Pagpapala ay Bilangin” (Mga Himno, blg. 147), maaaring magdrowing ang iyong mga anak ng mga pagpapalang naibigay sa kanila ng Panginoon.

Mga Bilang 12

Nais ng Panginoon na sundin ko ang Kanyang propeta.

  • Para mapasimulan ang Mga Bilang 12, maaari mong sabihin sa iyong mga anak na hindi naging masaya ang Panginoon kina Aaron at Miriam, na mga kapatid ni Moises. Anyayahan silang basahin ang Mga Bilang 12:1–8 para alamin kung bakit. Isiping gamitin ang Aklat ng Sining ng Ebanghelyo para tulungan ang iyong mga anak na makahanap ng mga halimbawa ng mga tao sa mga banal na kasulatan na gumalang sa propeta ng Panginoon at pinagpala. Paano tayo pinagpapala kapag sinusunod natin ang propeta ng Panginoon?

Mga Bilang 21:6–9

Maaari akong umasa kay Jesucristo.

  • Maaari mong gamitin ang “Si Moises at ang Ahas na Tanso” sa Mga Kuwento sa Lumang Tipan, 83–84, para tulungan ang iyong mga anak na malaman ang nangyari sa Mga Bilang 21:6–9. Paano katulad ni Jesucristo ang ahas na tanso? (tingnan sa Juan 3:14–15). Maaaring masiyahan ang iyong mga anak na gumawa ng ahas na papel at isulat doon ang ilang simpleng bagay na magagawa nila para “[tumingin] sa Anak ng Diyos na may pananampalataya” (Helaman 8:15).

    1:2

    Moses and the Brass Serpent

  • Maaaring pumili ang nakatatandang mga bata ng isa sa sumusunod na mga talata at magbahagi kung ano ang idinaragdag nito sa pag-unawa nila sa kuwento: 1 Nephi 17:41; Alma 33:18–20; Helaman 8:13–15; Doktrina at mga Tipan 6:36.

ang ahas na tanso

Ahas na Tanso, ni Brent Evans

Mga Bilang 22–24

Maaari kong sundin ang kalooban ng Diyos, kahit sinisikap ng iba na hikayatin akong huwag gawin iyon.

  • Ibuod ang Mga Bilang 22:1–18 para sa iyong mga anak, na binibigyang-diin kung paano tumanggi si Balaam na isumpa ang mga tao ng Diyos, kahit inalok siya ni Balak, ang hari ng Moab, ng karangalan at mga kayamanan. Pagkatapos ay maaari mong tulungan ang iyong mga anak na saliksikin ang sumusunod na mga talata para sa mga parirala na sa pakiramdam nila ay nagpapakita ng determinasyon ni Balaam na sundin ang Diyos: Mga Bilang 22:18; 23:26; 24:13. Marahil ay maaaring pumili ang iyong mga anak ng isang pariralang gusto nila at isulat nila iyon sa isang card para maalala nilang sundin ang Panginoon.

Para sa iba pa, tingnan ang isyu ng magasing Kaibigan sa buwang ito.

pinagsamang larawan na ipinapakita si Jesus sa krus, ang ahas na tanso, si Jesus na tinutulungan si Pedro na lumakad sa tubig, at ang pangitain ni Lehi

Kaliwang itaas: Ang Pagpapako sa Krus kay Cristo. Kanang itaas: Si Moises at ang Ahas na Tanso, ni Judith Mehr Kaliwang ibaba: Finisher of Faith [Nagpasakdal ng Pananampalataya], nina Kelsy at Jesse Lightweave. Kanang ibaba: Ang Panaginip ni Lehi, ni Jerry Thompson

Pahina ng aktibidad sa Primary: Maaari akong umasa kay Jesucristo