“Abril 27–Mayo 3. ‘Kabanalan sa Panginoon: Exodo 35–40; Levitico 1; 4; 16; 19,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at sa Simbahan: Lumang Tipan 2026 (2026)
“Abril 27–Mayo 3. ‘Kabanalan sa Panginoon,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin: Lumang Tipan 2026
Rio de Janeiro Brazil Temple
Abril 27–Mayo 3: “Kabanalan sa Panginoon”
Exodo 35–40; Levitico 1; 4; 16; 19
Ang paglisan sa Egipto—mahalaga man noon—ay hindi lubos na naisakatuparan ang mga layunin ng Diyos para sa mga anak ni Israel. Maging ang saganang buhay sa lupang pangako ay hindi ang huling layunin ng Diyos para sa kanila. Mga hakbang lamang ang mga ito tungo sa talagang nais ng Diyos para sa Kanyang mga tao: “Kayo’y magpakabanal, sapagkat akong Panginoon ninyong Diyos ay banal” (Levitico 19:2). Paano ipinlano ng Diyos na gawing banal ang Kanyang mga tao matapos silang mamuhay sa pagkabihag sa loob ng maraming henerasyon? Inutusan Niya silang lumikha ng isang lugar ng kabanalan sa ilang—isang tabernakulo. Binigyan Niya sila ng mga tipan at batas para gabayan ang kanilang mga kilos at baguhin ang kanilang puso. At inutusan Niya silang mag-alay ng mga hayop para turuan sila tungkol sa pagbabayad-sala para sa kanilang mga kasalanan. Lahat ng ito ay nilayon upang ituon ang kanilang isipan, puso, at buhay sa Tagapagligtas. Siya ang tunay na landas tungo sa kabanalan, para sa mga Israelita at sa atin. Lahat tayo ay gumugol na ng panahon sa pagkabihag sa kasalanan, at lahat tayo ay inaanyayahang talikuran ang kasalanan at sundan si Jesucristo, na nangakong, “magagawa ko kayong banal” (Doktrina at mga Tipan 60:7).
Para sa buod ng aklat ng Levitico, tingnan sa “Levitico” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan.
Mga Ideya para sa Pag-aaral sa Tahanan at sa Simbahan
Exodo 35–40; Levitico 19
Nais ng Panginoon na ako ay maging banal.
Inilalarawan sa Exodo 35-40 ang pagsisikap ng mga Israelita na magtayo ng tabernakulo, kung saan tutulungan sila ng mga sagradong ordenansa na maging mga banal na tao. Habang binabasa mo ang mga kabanatang ito, hanapin ang mga bagay na hiniling ng Panginoon na ilagay ng Kanyang mga tao sa tabernakulo. Ano kaya ang kinakatawan ng mga item na ito? Ano ang iminumungkahi ng mga ito sa iyo tungkol sa pagpapaibayo ng kabanalan? Isipin lalo na kung paano ibinabaling ng mga item na ito ang iyong isipan sa Tagapagligtas. Ang isang table na tulad nito ay maaaring makatulong sa iyo:
|
Anong bagay ang nakita mo? |
Ano ang maaaring kinakatawan nito? |
|---|---|
Anong bagay ang nakita mo? Kaban ng tipan (Exodo 37:1–9; 40:20–21) | Ano ang maaaring kinakatawan nito? (Tingnan sa Exodo 25:20–22; Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Kaban ng Tipan”) |
Anong bagay ang nakita mo? Dambana ng insenso (Exodo 40:26–27; tingnan din sa Exodo 30:1, 6–8) | Ano ang maaaring kinakatawan nito? (Tingnan sa Apocalipsis 8:3–4) |
Anong bagay ang nakita mo? Kandelero o lalagyan ng kandila (Exodo 37:17–24) | Ano ang maaaring kinakatawan nito? (Tingnan sa Mateo 5:14–16; Juan 8:12) |
Anong bagay ang nakita mo? Dambana ng handog (Exodo 38:1–7; tingnan din sa Exodo 27:1; 29:10–14) | Ano ang maaaring kinakatawan nito? (Tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Sakripisyo”) |
Anong bagay ang nakita mo? Hugasan (palanggana ng tubig): (Exodo 30:17–21) | Ano ang maaaring kinakatawan nito? (Tingnan sa 2 Cronica 4:6; Isaias 1:16; Jeremias 33:8) |
Mangyari pa, ang pagtuntong lamang sa mga banal na lugar ay hindi nagpapabanal sa atin. Ang Levitico 19 ay naglalarawan ng mga batas at kautusan na ibinigay ng Panginoon upang tulungan ang mga Israelita na mag-ibayo sa kabanalan. Ano ang nakikita mo sa mga kautusang ito na maaaring makatulong sa iyo na maghangad ng kabanalan mula sa Panginoon? Ano ang nahihikayat kang gawin para mas lubos na maipamuhay ang mga alituntuning ito?
Tingnan din sa Henry B. Eyring, “Kabanalan at ang Plano ng Kaligayahan,” Liahona, Nob. 2019, 100–103; “The Tabernacle” (video), Gospel Library.
Ang Tabernakulo
Gumamit ng sagradong musika. Ang musika ay may malaking kapangyarihang anyayahan ang impluwensya ng Espiritu at magpalakas ng pananampalataya kay Jesucristo. Ang mga mensahe sa mga himno ay kadalasang nagpapatibay ng doktrina sa mga banal na kasulatan. Halimbawa, ang pagkanta ng himnong tulad ng “Kabanalang Lalo, Aking Kahilingan’ (Mga Himno, blg. 80) ay maaaring magpatibay sa ilan sa mga mensaheng itinuro sa Levitico 19. Matutulungan ka rin nitong isipin kung ano ang ibig sabihin ng maging mas banal tulad ng Tagapagligtas at pagnilayan kung paano ka Niya tinutulungang lumago sa kabanalan.
Exodo 35:4–35; 36:1–7
Hinihiling sa akin ng Panginoon na ibigay ang aking mga handog nang may nagkukusang puso.
Sa taon matapos lisanin ang Egipto, ang kaugnayan ng mga anak ni Israel kay Jehova ay maaaring sabihing pabagu-bago. Gayunman, habang binabasa mo ang Exodo 35:4–35 at 36:1–7, pansinin kung paano tumugon ang mga Israelita sa utos na itayo ang tabernakulo. Ano ang natututuhan mo mula sa mga Israelita na maaaring makatulong sa iyo na mas paglingkuran ang Panginoon?
Maaaring hindi ka Niya hingan ng mga mamahaling metal, linen, o kahoy para sa tabernakulo. Ano ang naibigay sa iyo ng Panginoon, at ano ang hinihiling Niyang ialay mo? Kailan “[ka] napukaw ng iyong puso na lumapit sa gawain”?
Tingnan din sa Mga Paksa at mga Tanong, “Sakripisyo,” Gospel Library.
Ibinigay ng mga anak ni Israel ang mga handog para sa tabernakulo nang may “mapagbigay na puso” (Exodo 35:5). Paglalarawan ni Corbert Gauthier, © Lifeway Collection/lisensyado mula sa goodsalt.com
Exodo 40:12–14
Ang mga ordenansa sa templo ay ibinigay noong unang panahon.
Ang Exodo 40:12–14 ay tumutukoy sa mga sinaunang ordenansang isinasagawa rin sa ating panahon sa bahay ng Panginoon. Narito ang ilang karagdagang talata na makakatulong sa iyo na malaman kung paano nagpapatotoo ang mga ordenansang ito kay Jesucristo:
-
Paghuhugas: Awit 51:2; Ezekiel 36:25–27
-
Pagbibihis sa banal na garments: Isaias 61:10; Mateo 22:11–14; Apocalipsis 19:7–8
-
Pagpapahid: Lucas 4:18–19; Mga Gawa 10:38
Levitico 1:1–9; 4; 16
Dahil sa sakripisyo ni Jesucristo, maaari akong mapatawad.
Karamihan sa aklat ng Levitico ay maaaring tila kakatwa sa atin—pag-aalay ng mga hayop, mga ritwal na may kasamang dugo at tubig, at mga batas na sumasaklaw sa maliliit na detalye ng buhay. Ngunit ang mga ritwal at batas na ito ay nilayong magturo ng pamilyar na mga alituntunin—pagsisisi, kabanalan, at ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas. Para mahanap ang mga alituntuning ito habang binabasa mo ang Levitico 1:1–9; 4; 16, isipin ang mga tanong na tulad nito:
-
Anong mga salita o parirala ang nakikita ko na nagpapaalala sa akin kay Jesucristo at sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo?
-
Ano ang matututuhan ko mula sa mga sakripisyong ito tungkol sa sakripisyo ng Tagapagligtas?
-
Paano ako katulad ng mga taong gumawa ng mga sakripisyong ito?
Hindi na hinihiling ng Panginoon na mag-alay ng mga hayop. Ngunit ang sakripisyo ay isa pa ring mahalagang alituntunin ng ebanghelyo. Para malaman ang mga uri ng sakripisyong hinihingi ng Panginoon, pag-aralan ang 3 Nephi 9:19–20; Doktrina at mga Tipan 64:34. Paano mo inaalay ang ganitong uri ng mga sakripisyo? Ano ang itinuturo sa iyo ng Moises 5:7 kung paano mo dapat tingnan ang iyong mga sakripisyo?
Tingnan din sa “Mga Kaisipan na Dapat Tandaan: Ang Tabernakulo at Handog.”
Mga Tulong sa Banal na Kasulatan
Mga Ideya para sa Pagtuturo sa mga Bata
Exodo 35:20–29; 36:1
Binigyan ako ng Diyos ng mga kaloob para tumulong sa Kanyang gawain.
-
Nasa dulo ng outline na ito ang isang larawan ng tabernakulo ng mga Israelita sa ilang. Maaari ninyong tingnan ito ng iyong mga anak at tanungin sila kung anong mga materyal ang maaaring kinailangan para maitayo ang tabernakulo. Pagkatapos ay maaari ninyong sama-samang basahin ang Exodo 35:20–29 para malaman kung paano inilaan ang mga materyal na ito. Paano tayo inanyayahan ng Panginoon na mag-ambag sa pagtatayo ng Kanyang kaharian?
-
Isiping basahin na kasama nila ang Exodo 36:1 para malaman kung ano ang ibinigay ng Panginoon kina Bezaleel at Aholiab para makatulong sa pagtatayo ng tabernakulo. Pagkatapos ay maaari mong kausapin ang iyong mga anak kung ano sa pakiramdam mo ang naibigay sa kanila ng Panginoon para makatulong sa pagtatayo ng Kanyang kaharian. Paano natin magagamit ang mga bagay na ito para pagpalain ang iba?
Rome Italy Temple
Exodo 40:17–34
Maaari kong madama ang presensya ng Panginoon sa mga banal na lugar.
-
Nakalista sa Exodo 40:17–34 ang mga bagay na bahagi ng tabernakulo ng mga Israelita. Makikita ninyo siguro ng iyong mga anak ang mga ito sa mga talatang ito at sa larawan ng tabernakulo sa dulo ng outline na ito. Pag-usapan kung paano maituturo ng bawat bahagi ng tabernakulo ang tungkol sa Tagapagligtas o sa Ama sa Langit. Halimbawa, ang kaban ng patotoo ay maaaring ipaalala sa atin ang mga utos ng Diyos, ang altar ay maaaring ipaalala sa atin ang sakripisyo ni Jesucristo, at iba pa.
-
Anong mga banal na lugar ang mayroon tayo ngayon na nagpapadama sa atin na mas malapit tayo kay Jesucristo? Bilang bahagi ng pag-uusap na ito, maaari ninyong panoorin ang video na “Temples” (Gospel Library). Maaari din ninyong kantahin ang isang awiting tulad ng “Holy Places” (Gospel Library). Ibahagi sa isa’t isa ang nadarama ninyo tungkol sa mga sagradong lugar tulad ng templo.
Ano ang Templo?
Levitico 1:1–4
Dahil sa sakripisyo ni Jesucristo, maaari akong mapatawad.
-
Ang mga pag-aalay ng hayop na inilarawan sa Lumang Tipan ay nilayong ituro sa mga anak ni Israel ang pagpapatawad sa pamamagitan ni Jesucristo. Isipin kung paano ito magagawa ng pagbabasa tungkol sa mga sakripisyong ito para sa iyong mga anak. Maaari kang magpakita ng mga larawan ni Jesucristo sa Getsemani at sa krus (tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 56, 57) habang binabasa ninyo ng iyong mga anak ang Levitico 1:1–4. Tulungan silang maghanap ng mga salita o parirala na nagpapaalala sa kanila ng sakripisyo ni Jesucristo.
-
Maaari din ninyong sama-samang basahin ang 3 Nephi 9:19–20 para malaman kung ano ang inuutos sa atin na ialay sa halip na mga hayop. Ano ang ibig sabihin ng mag-alay ng bagbag na puso at nagsisising espiritu sa Panginoon? Tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Bagbag na Puso” (Gospel Library) para makatulong na masagot ang tanong na ito.
Para sa iba pa, tingnan ang isyu ng magasing Kaibigan sa buwang ito.