“Enero 12–18. ‘Nang Pasimula, Nilikha ng Diyos ang Langit at ang Lupa’: Genesis 1–2; Moises 2–3; Abraham 4–5,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at sa Simbahan: Lumang Tipan 2026 (2026)
“Enero 12–18. “Nang Pasimula, Nilikha ng Diyos ang Langit at ang Lupa’,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin: 2026
Enero 12–18: “Nang Pasimula, Nilikha ng Diyos ang Langit at ang Lupa”
Genesis 1–2; Moises 2–3; Abraham 4–5
Dahil ang mundong ating ginagalawan ay napakaganda at kahanga-hanga, mahirap isipin ang mundo noong ito ay “walang anyo at walang laman,” “walang laman at mapanglaw” (Genesis 1:2; Abraham 4:2). Ang isang bagay na itinuturo sa atin ng kuwento ng Paglikha ay na kaya ng Diyos, sa paglipas ng panahon, na gumawa ng isang bagay na maringal mula sa isang bagay na hindi organisado. Makakatulong na tandaan iyan kapag tila magulo ang buhay. Ang Ama sa Langit at si Jesucristo ay mga Lumikha, at hindi pa tapos ang Kanilang paglikha sa atin. Kaya Nilang paningningin ang ilaw sa madidilim na sandali sa ating buhay. Kaya Nilang punan ang ating kahungkagan sa buhay. Kaya Nilang baguhin tayo at gawing mga banal na nilalang na nilayon na kahinatnan natin. Bahagi iyan ng kahulugan ng malikha sa larawan ng Diyos, ayon sa Kanyang wangis (tingnan sa Genesis 1:26). May potensyal tayong maging katulad Niya: dakila, niluwalhati, makalangit.
Para sa buod ng aklat ng Genesis, tingnan sa “Genesis” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan.
Mga Ideya para sa Pag-aaral sa Tahanan at sa Simbahan
Genesis 1:1–25; Moises 2:1–25; Abraham 4:1–25
“Sa pamamagitan ng aking Bugtong na Anak ay nilalang ko ang mga bagay na ito.”
Bagama’t hindi natin alam ang lahat kung paano nilikha ang mundo, kawili-wiling pansinin kung ano ang napili ng Diyos na ihayag tungkol sa Paglikha. Ano ang itinuturo sa iyo ng Diyos tungkol dito sa Genesis 1:1–25; Moises 2:1–25; at Abraham 4:1–25? Bakit Niya nais na malaman mo ang mga bagay na ito? Habang pinagninilayan mo ang mga salaysay na ito, maaari mo ring isipin ang itinuturo nito sa iyo tungkol sa Ama sa Langit, kay Jesucristo, sa mundo, at sa iyong sarili.
Para mapagyaman ang iyong pag-aaral, isiping basahin ang mga talatang ito habang napapaligiran ka ng mga likha ng Diyos o habang nakikinig ka sa isang awiting tulad ng “O Bawat Nilalang ng Diyos” (Mga Himno, blg. 34). Makakakita ka ng mga larawan ng Kanyang mga likha na magpapadama sa iyo ng pagpipitagan sa Lumikha. Isiping ibahagi ang mga larawang ito, pati na ang iyong patotoo, sa iba.
Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 101:32–34.
Ang Halamanan ng Eden, ni Grant Romney Clawson
Genesis 1:26–27; Moises 2:26–27; Abraham 4:26–27
Ako ay nilikha sa larawan ng Diyos.
Habang binabasa mo ang Genesis 1:26–27; Moises 2:26–27; at Abraham 4:26–27, pagnilayan kung ano ang ibig sabihin ng malikha sa “larawan” o ayon sa “wangis” ng Diyos, lalaki at babae. Bakit mahalaga sa iyo na malaman ang mga katotohanang ito sa mga talatang ito? Halimbawa, paano nakakaapekto ang mga katotohanang ito sa paraan ng pagtingin mo sa iyong sarili, sa iba, at sa Diyos? Paano ka matutulungan ng mga ito kapag may negatibong damdamin ka tungkol sa iyong sarili?
Para matulungan kang pag-isipan ang mga tanong na ito, subukang kumpletuhin ang isang pangungusap na tulad nito: “Dahil alam ko na ako ay nilikha sa larawan ng Diyos, pinipili kong …” Maaaring makatulong na rebyuhin ang “Ang inyong katawan ay sagrado” sa Para sa Lakas ng mga Kabataan: Isang Gabay sa Pagpili (mga pahina 22–29). Isiping pumili ng isang bagay na gagawin mo para ipakita sa Diyos na alam mo na ang iyong katawan ay sagrado.
Sa video na “Pinakadakilang Nilikha ng Diyos” (Gospel Library), pinatotohanan ni Pangulong Russell M. Nelson ang mahimalang katawan ng tao. Habang pinanonood mo ang video na ito, itanong sa iyong sarili, “Ano ang nais ng Ama sa Langit na madama ko tungkol sa aking katawan?” Paano ito naiiba sa mga mensaheng maaari mong marinig mula sa iba?
God's Greatest Creation
Maaaring sabihin ng ilang tao na ang malikha sa larawan ng Diyos ay nangangahulugan na lahat ng ating iniisip, nadarama, at hangarin ay Kanyang inaaprubahan at hindi natin kailangan (o hindi natin makakaya) na magpakabuti. Ano ang masasabi mo tungkol diyan? Anong mga kabatiran ang natatamo mo mula sa Mosias 3:19 at Eter 12:27?
Tingnan din sa Russell M. Nelson, “Ang Inyong Katawan: Isang Kagila-gilalas na Kaloob na Dapat Pahalagahan,” Liahona, Ago. 2019, 50–55.
Genesis 1:27–28; 2:18–25; Moises 3:18, 21–24; Abraham 5:14–18
Ang kasal sa pagitan ng isang lalaki at isang babae ay inorden ng Diyos.
“Sina Adan at Eva ay pinag-isang dibdib sa kasal para sa panahon at sa buong kawalang-hanggan sa pamamagitan ng kapangyarihan ng walang-hanggang priesthood” (Russell M. Nelson, “Lessons from Eve,” Ensign, Nob. 1987, 87). Pagnilayan ito habang binabasa mo ang Genesis 1:27–28; 2:18–25; Moises 3:18, 21–25; at Abraham 5:14–19. Paano mo maituturing ang kasal nang may kabanalan na naibigay rito ng Diyos?
Tingnan din sa 1 Corinto 11:11; “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Gospel Library.
Genesis 1:28; Moises 2:28; Abraham 4:28.
Ako ang responsable sa pag-aalaga sa mga likha ng Diyos.
Ano ang sinasabi sa Genesis 1:28; Moises 2:28; at Abraham 4:28 tungkol sa ating responsibilidad sa mga likha ng Diyos? Ano ang idinaragdag ng Doktrina at mga Tipan 59:16–21 at 104:13–18 sa iyong pang-unawa?
Tingnan din sa Gérald Caussé, “Ang Ating Tungkuling Pangalagaan ang Mundo,” Liahona, Nob. 2022, 57–59; Mga Paksa at mga Tanong, “Environmental Stewardship and Conservation,” Gospel Library.
Genesis 2:2–3; Moises 3:2–3; Abraham 5:2–3
Binasbasan at pinabanal ng Diyos ang araw ng Sabbath.
Ginawang banal ng Diyos ang araw ng Sabbath, at inuutusan Niya tayo na panatilihin itong banal. Habang binabasa mo ang Genesis 2:2–3; Moises 3:2–3; at Abraham 5:2–3, isipin kung paano naging “pinagpala” sa iyo ang Sabbath.
Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 59:9–13; “The Sabbath Is a Delight” (video), Gospel Library.
Highlight: The Sabbath Is a Delight
Para sa iba pa, tingnan ang mga isyu ng mga magasing Liahona at Para sa Lakas ng mga Kabataan sa buwang ito.
Mga Tulong sa Banal na Kasulatan
Mga Ideya para sa Pagtuturo sa mga Bata
Genesis 1:1–25; Moises 2:1–25; Abraham 4:1–25
Nilikha ni Jesus ang mundo.
-
Paano mo magagawang masaya para sa iyong mga anak ang pag-aaral tungkol sa Paglikha? Maaari mo silang isama sa labas para maghanap ng mga uri ng mga bagay na ginawa sa bawat panahon ng Paglikha. Maaari ding tingnan ng iyong mga anak ang mga larawan ng mga bagay na nilikha ni Jesus (tingnan sa “Ang Paglikha ng Mundo” sa Mga Kuwento sa Lumang Tipan, 8–12). Pagkatapos ay maaari ninyong pag-usapan ng iyong mga anak ang nadarama ninyo tungkol kay Jesucristo matapos basahin ang tungkol sa Paglikha.
-
Isiping sama-samang kantahin ang isang awitin tungkol sa magandang mundo natin, tulad ng “Ako ay Mahal ng Ama sa Langit” (Aklat ng mga Awit Pambata, 16–17). Maaari sigurong magdagdag sa awitin ang iyong mga anak ng iba pang mga bagay na nilikha ng Diyos na nagpapadama sa kanila ng Kanyang pagmamahal.
Tulungan ang mga bata na maipahayag ang kanilang pagkamalikhain. “Kapag inanyayahan mo ang mga bata na magdrowing, [magbuo], magkulay, o magsulat ng isang bagay na nauugnay sa isang alituntunin ng ebanghelyo, tinutulungan mo silang mas maunawaan ang alituntunin at binibigyan mo sila ng isang bagay na magpapaalala sa natutuhan nila” (Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 34).
Genesis 1:26–27; Moises 2:26–27; Abraham 4:26–27
Ako ay nilikha sa larawan ng Diyos.
-
Ang iyong mga anak ay maaaring magkaroon ng diwa ng pagpipitagan at paggalang sa katawan nila at ng iba kapag nalaman nila na lahat tayo ay nilikha sa larawan ng Diyos. Para maipaunawa sa kanila ang kahulugan nito, maaari mong hayaang tingnan ng iyong mga anak ang sarili nila sa isang salamin o retrato habang binabasa mo ang Moises 2:26–27 sa kanila. Maaari mo ring ipakita sa kanila kung paano madalas na “makamukha” ng mga sanggol na hayop ang kanilang mga magulang (tingnan ang larawan sa outline na ito, halimbawa). Maaaring humantong ito sa pag-uusap kung bakit mahalaga sa inyo ang malaman na kayo ay nilikha sa larawan ng inyong Ama sa Langit.
-
Maaaring masiyahan kayo ng iyong mga anak na magdrowing ng katawan ng tao at gupitin ang mga drowing para gawing puzzle ang mga ito. Habang binubuo ng iyong mga anak ang kanilang mga puzzle, maaari nilang pag-usapan ang mga paraan na maipapakita nila sa Ama sa Langit na nagpapasalamat sila para sa kanilang katawan.
Genesis 2:2–3; Moises 3:2–3; Abraham 5:2–3
Ang araw ng Sabbath ay banal.
-
Habang binabasa mo ang Moises 3:2–3, hilingin sa iyong mga anak na pakinggan kung ano ang ginawa ng Diyos sa ikapitong araw. Tulungan ang iyong mga anak na hanapin o idrowing ang mga larawan ng mga bagay na maaari nilang gawin sa araw ng Linggo para gawin itong isang banal na araw at naiiba sa ibang mga araw. Ibahagi sa isa’t isa kung bakit mahalaga sa inyo na panatilihing banal ang araw ng Sabbath.
-
Tulungan ang mga bata na isadula ang pagpapaliwanag sa isang kaibigan kung bakit nila pinipiling gawin ang mga bagay-bagay sa araw ng Linggo na nagpapakita ng paggalang sa Ama sa Langit at kay Jesus. Imungkahi na gamitin nila ang Genesis 2:2–3 sa kanilang mga paliwanag. Paano nagpapakita ng ating pagmamahal sa Ama sa Langit at kay Jesucristo ang pagpapanatiling banal ng araw ng Sabbath?
Para sa iba pa, tingnan ang isyu ng magasing Kaibigan sa buwang ito.