Local Pages
Missionary na Inapo ng Dalawang Propeta sa mga Huling Araw
Si Elder Heber George, isang missionary na naglilingkod sa Philippines Antipolo Mission, ay— literal—na sumusunod sa mga yapak ng mga propeta. Tubong Seattle, Washington sa Estados Unidos, si Elder George ay may ninunong dalawang makabagong propeta.
Sa panig ng kanyang ina, si Elder George ay kaapu-apuhan ni Spencer W. Kimball, ang ikalabindalawang pangulo ng Simbahan. Ang lolo ng kanyang ina ay ikinasal kay Olive Beth Kimball, na nag- iisang anak na babae ni Pangulong Kimball.
Sa panig ng kanyang ama, si Elder George ay nagmula sa pamilya ni Propetang Joseph Smith, lalo na ni Samuel Harrison Smith, na nakababatang kapatid ng Propeta at itinuturing na unang missionary ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.
“Nagpapasalamat ako sa desisyon ng mga ninuno ko na gumawa ng mga sagradong tipan sa ating Ama sa Langit at maging bahagi ng tunay na Simbahan ng Tagapagligtas,” sabi ni Elder George. “Alam ko na kung wala sila, hindi sana ako lumaki sa isang tahanan na magiliw, nakasentro kay Cristo na may dalawang kagila-gilalas na mga magulang na nagturo sa akin ng ebanghelyo ni Jesucristo.”
Hindi doon nagtatapos ang pagsasamahan. Ang pangalan ni Elder George ay ibinigay ng kanyang mga magulang bilang parangal sa isa pang bantog na ninuno, si Heber C. Kimball, na naglingkod noon bilang counselor ni Brigham Young sa Unang Panguluhan.
Sa sambahayan ng mga George, may espesyal na mga alaala tungkol sa kanilang mga ninuno na tumutulong para mapalakas ang pananampalataya ng mga miyembro ng pamilya. Isinalaysay ni Elder George ang isang magandang kuwento na ibinahagi sa kanila ng kanyang lolo:
“Ikinuwento ng isang lalaki sa aking Lolo ang tungkol sa pagdalo sa isang stake conference noong siya ay dose anyos, at kinabahan siya nang hilingin ni Elder Kimball [na noon ay Apostol] na magpunta sa harapan ang lahat ng mga batang lalaki na labindawalang taong gulang. Pinapila silang lahat ni Elder Kimball at binigyan niya ang bawat isa sa kanila ng malutong na isang dolyar. Sinabi niya sa kanila na iyon ang panimula ng kanilang missionary fund. Hindi kailanman nalimutan ng taong iyon ang karanasang iyon at sinabing nakatulong iyon para magkaroon ng pokus ang kanyang buhay.”
Si Elder George ay mula sa isang pamilya ng mga missionary. Ang kanyang ama at ina ay kapwa nagmisyon, pati na ang isang ate at kuya. “Nang buksan ko ang aking mission call, nabasa ko ang ‘Philippines Antipolo Mission’ at tuwang- tuwa ako,” paggunita ni Elder George. “Malaking pagpapala ang mapunta sa bansang ito kasama ang kahanga-hangang mga taong ito at ang magandang wika.”
Ang mga ninuno ni Elder George ay mayroon ding malapit na espirituwal na kaugnayan sa Pilipinas. Isang great grand-uncle sa panig ng mga Smith, si Elder Joseph Fielding Smith (na kalaunan ay naging pangulo ng Simbahan), ang naglaan sa Pilipinas para sa pangangaral ng ebanghelyo noong 1955, sa Clark Air Base sa Pampanga.
Sa kabilang banda, ang kanyang kalolololohan na si Pangulong Kimball ang unang pangulo ng Simbahan na bumisita sa Pilipinas nang pamunuan niya ang isang nationwide conference ng Simbahan sa Araneta Coliseum noong 1975.
Para kay Elder George, ang paglilingkod bilang missionary tulad ng kanyang dakilang ninuno na si Samuel Harrison Smith ay isang napakagandang paraan para mamuhay ayon sa kanyang natatanging pamana. “Alam kong mahalaga ang papel na ginagampanan ng Pilipinas sa pagtitipon ng Israel,” pagpapatotoo niya, “at malaki ang pasasalamat ko na maging bahagi nito.”