2024
Ang Kapangyarihan ng Paggawa ng mga Tipan sa Templo
Oktubre 2024


Mensahe Ng Area

Ang Kapangyarihan ng Paggawa ng mga Tipan sa Templo

Sumapi ako sa Simbahan noong 13 taong gulang ako. Isang araw ng tag-init noong 1971, isinama ako ni Itay sa bayan para magpagupit. Habang ginugupitan ako ng barbero, biglang may dumating na dalawang Amerikana sa barbershop. Ipinakilala sila ng barbero sa tatay ko bilang mga missionary ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Sinabi niya sa Tatay ko na mabuti ang kanilang doktrina at maaari niyang subukang aralin ito. Noong una, medyo atubili si Itay na tanggapin ang imbitasyon pero sa huli ay pumayag siya sa isang appointment na turuan kami sa bahay.

Kaya itinuro sa amin ang tunay na ebanghelyo ni Jesucristo at binigyan kami ng kopya ng Aklat ni Mormon. Binasa at pinagnilayan ng mga magulang ko ang sagradong libro habang inaaral nila ang nilalaman nito, at nadama nila ang kapangyarihan nito. Nagpasiya silang magpabinyag kasama kaming mga anak nila.

Bago naging mga miyembro ng totoong simbahan, ang aming mortal na landas ay tila madilim at walang pag-asa, wala kaming alam tungkol sa plano ng Diyos, at hindi namin alam ang tungkol sa buhay na walang hanggan. Ang motto namin noon ay “kumain, uminom, at maging masaya dahil bukas tayo ay mamamatay,” pero nang matagpuan namin ang totoong simbahan, naging mas maliwanag ang aming landas dahil sa lahat ng mga ordenansa at tipan na ginawa namin sa Diyos.

Dahil sa binyag namin sa Simbahan ay pumasok kami sa landas ng tipan na magbabalik sa amin sa presensya ng Diyos na may pangakong buhay na walang hanggan kung patuloy kaming susulong, sumusunod sa mga kautusan, at nananatiling tapat hanggang wakas. Makakamit namin ito sa paggawa, pagtupad, at paggalang sa aming mga tipan sa binyag at sa templo.

Gaya ng payo noon sa mga banal ng bagong tawag na Pangulo ng Simbahan na si Pangulong Nelson: “Ngayon, sa bawat miyembro ng Simbahan ay sinasabi kong: Manatili sa landas ng tipan. Ang inyong tapat na pangakong sundin ang Tagapagligtas sa pamamagitan ng pakikipagtipan sa Kanya at pagtupad sa mga tipang ito ay magbubukas ng mga pinto sa bawat espirituwal na pagpapala at sa pribilehiyong makakamit ng kalalakihan, kababaihan, at mga bata sa lahat ng dako.”

Sa mga nalihis ng landas, ipinaabot niya ang imbitasyong ito sa Pangkalahatang Kumperensya noong Abril 2019. “Nakikiusap ako na magsisi kayo. Danasin ang nagpapalakas na kapangyarihan ng araw-araw na pagsisisi— ng paggawa at pagiging mas mabuti sa bawat araw.”

Ang sinasabi ni Pangulong Nelson ay, kung lumihis tayo sa ating landas ng tipan, kung mayroon tayong mga kabiguan na dahilan ng paglayo natin sa landas, ang kanyang panawagan at payo bilang propeta sa ating lahat na nabibigo ay payak at simple lang, “magsisi at magbago ng landas,” tumindig, “magsisi, magbago at bumalik sa ating landas ng tipan.”

Kung hindi tayo nagbabayad ng buong ikapu kahapon, magbayad agad nang buo ngayon upang dumaloy ang mga pagpapala. Sa paggawa nito tayo ay magiging marapat sa isang temple recommend para muli tayong makapasok sa templo. Tiyak ang pangako, ang mga pagpapala ay darating sa ating buhay.

Nang mabinyagan kami sa simbahan noong 1971, walang mga templo sa Pilipinas, ang pinakamalapit ay nasa Tokyo, Japan. Nang malaman ang tungkol sa mga ordenansa ng templo at sa kapangyarihang magbuklod ng mga pamilya sa kawalang-hanggan, nasabik kami na magkaroon ng templo sa Pilipinas. Matagal na paghihintay iyon hanggang sa pagsapit ng 1984 nang inilaan ni Pangulong Gordon B. Hinckley ang Manila Temple.

Isa kami sa maraming Pilipinong Banal na nagmadaling mabuklod bilang pamilya sa Manila Temple. Lubos ang aming kagalakan nang matanggap namin ang mga ordenansa at nabuklod bilang pamilya. Magmula noon hindi namin kinaligtaan ang aming mga tipan sa Diyos, regular kaming nagpunta sa templo kahit malayo ang distansya ng Pangasinan sa Manila. Tulad ng karamihan sa mga Pilipino, naharap kami sa mga hirap ng kabuhayan pero nag-ipon kami para regular kaming makapasok sa templo. Isang kagalakan ang mapanibago ang aming mga tipan sa Diyos at isagawa ang mga ordenansa para sa aming mga yumao.

Makalipas ang 50 taon, ang mga Pilipinong Banal ay nabiyayaan ng 13 templo at maaaring marami pang dumating sa hinaharap. Tuwang-tuwa kami na sa bawat Pangkalahatang Kumperensya ay nagbabalita si Pangulong Nelson ng mga templong itatayo sa buong mundo.

Inihayag ng Panginoon sa propeta ang pagtatayo ng marami pang mga templo para madali itong ma-access ng mga miyembro. Naniniwala ako na sa maraming templo na nasa ating kalipunan, ang mga banal sa Pilipinas ay maiaangat sa temporal at espirituwal na paraan.

Sa mas marami nang bilang ng mga templo sa Pilipinas, kailangan na ngayon na maihanda natin nang mas mabuti ang ating sarili na maging handa sa templo, na dumalo sa templo at mahalin ang templo. Ngayon na mas marami nang templo ang naa-access natin, kailangan nating patunayan na marapat tayong pumasok sa templo at isagawa ang mga ordenansang kailangan para sa mga patay at sa mga buhay.

Kailangan nating maunawaan na mahalagang bumalik nang regular sa templo. Binigyang-diin ito ni Pangulong Nelson sa General Conference Leadership Meeting noong Abril 2024: “Ang pakikipagtipan sa Diyos ay isa sa mga pinakamalaking pribilehiyo na ibinigay sa atin ng ating Ama sa Langit at ng Kanyang Anak na si Jesucristo sa buhay na ito sa mundo. Kailangan nating ihanda nang mas mabuti ang ating mga tao para sa napakagandang mga pagpapala ng templo sa pamamagitan ng pagtulong sa kanila na maunawaan ang mga tipan o mga pangako nila sa Diyos na ginagawa nila doon at ang potensiyal na mga pagpapalang nauugnay sa mga tipang iyon.”

Napakalaking pagpapala ang mabuhay tayo sa panahon na kung saan patuloy ang pagtatayo ng mga templo sa buong mundo para maging available ang mga sagradong ordenansa sa mga banal, at magkaroon ng mapagmahal na mga propeta at apostol na gumagabay sa atin sa templo upang matanggap natin ang napakaraming mga pagpapalang ipinangako sa mga marapat pumasok doon.

References

  1. Russell M. Nelson, “Habang Tayo ay Sama-samang Sumusulong”, Liahona, April 2018.

  2. Russell M. Nelson, “Maaari Tayong Gumawa nang Mas Mahusay at Maging Mas Mahusay,” Liahona, May 2019, 67.