Local Pages
Mula sa Pagiging mga Masskara Dancer Tungo sa Pagiging mga Missionary
Maaaring nangyari ito ilang buwan na ang nakalipas, pero ang pagiging bahagi ng pambungad na bilang ng Masskara festival para sa cultural show na itinanghal namin sa welcome dinner para sa Tabernacle Choir noong Pebrero at sa area broadcast kasama sina Elder at Sister Stevenson noong Mayo ay inspirasyon pa rin para sa akin.
Sa pagbabalik-tanaw, kinailangan kong isakripisyo ang aking mga araw ng Sabado para makadalo sa mga praktis. May mga pagkakataon na nadama kong pagod na talaga ako, lalo na at kailangan kong pagsabayin ang tungkulin sa pamilya, ang napakaraming gawain sa eskuwela, at mga nakagawian habang gumigising nang maaga, pagbiyahe, pananakit ng mga kalamnan, at marami pang iba. Sa kabila nito, alam kong ginagawa ko ito para sa Panginoon at na ang lahat ng pagsisikap ko ay magiging sulit. Nadama ko ang kamay ng Panginoon sa bawat hakbang. Higit sa lahat, marami akong nakilala, bigla akong nagkaroon ng mga kaibigan, at talagang nasiyahan ako!
Kulang sa dalawang buwan lang ang ibinigay sa amin para magpraktis kumpara sa nakaraang mga kultural na pagtatanghal na mga ilang buwan naming pinaghandaan, kaya namangha ako na kaagad naming natutuhan ang mga step. Nabigyan din ako ng inspirasyon ng kasipagan ng mga nakapalibot sa akin, lalo na ng mga trainer at ng mga nag- asikaso sa pagtatanghal.
Maraming oras at pagod ang isinasakripisyo nila (hanggang sa puntong hindi na natutulog ang iba), at talagang matiyaga sila sa amin. May malasakit sila sa bawat isa sa amin. Damang-dama ko ito nang bigyan kami ng aming mga trainer ng mga award na pinag-isipan nilang mabuti at ginawa itong personal, kaya talagang naantig ang puso ko. Hinikayat din kami ng aming mga trainer na makipag-ugnayan sa isa’t isa, at sa palagay ko ang ugnayang ito sa aming mga kapwa dancer ay hindi iiral kung wala ang mga ito.
Sa araw ng pagtatanghal, ibinigay namin ang lahat sa abot-kaya namin. Nang makita ko na talagang nasiyahan ang mga miyembro ng Tabernacle Choir sa aming mga pagtatanghal, at kung paano sila maiyak sa tuwa, nadama ko na lahat ng pagsisikap at sakripisyo ay sulit. Nagulat at naiyak din ako nang kantahin nila sa amin ang isang awitin. Napakagandang karanasan iyon para sa akin. Sa sandaling iyon ay nadama ko na para kaming Sion - na iisa ang puso at iisa ang isipan, lahat ay sumasamba sa Panginoon, lahat ay nagkakaisa dahil sa musika. Walang makapapalit sa kasagraduhan at kagalakan na nadama ko nang gabing iyon.
Makalipas ang tatlong buwan, itinanghal naming muli ang aming Masskara dance, sa pagkakataon ito naman ay kasama sina Elder at Sister Stevenson, ang Area Presidency at kanilang mga asawa, at ang buong bansa dahil nakabrodkast nang live ang show at ang debosyonal! Nadama pa rin namin ang sigla, na sa sandaling ito ay inihatid ng nagbibigay inspirasyong mga salita nina Elder at Sister Stevenson. Pinayuhan nila kami na mag-P.R.O. araw-araw: Pray, Read, Obey, (o Manalangin, Magbasa, Sumunod) nang paulit-ulit.
Sinisikap namin ng mga kasama kong Masskara dancer na ipamuhay ang mga bagay na natutuhan namin noong nagpapraktis kami at sa aming mga pagtatanghal kamakailan, at ngayon ay masaya akong sabihin na sa mga Masskara dancer, tatlo na ngayon ang nasa misyon, at may dalawa pa na nakatanggap ng kanilang mission call. Kabilang sa mga naglilingkod ay sina Sister Alcantara, na service missionary ngayon sa Quezon City North Mission, at sina Sister Russel Bañaga at Sister Krizzia Arpellida, na kapwa naglilingkod sa Philippines Urdaneta Mission (pumasok sila sa MTC noong Hulyo 19, 2024). Samantala, ang misyon ni Brother James Ejercito sa Seoul, South Korea ay nagsimula noong Setyembre 27, 2024, at si Sister Maren Rivera ay maglilingkod sa Philippines Baguio Mission sa Nobyembre 1, 2024.
Sina Sister Alcantara at Sister Bañaga ay bahagi ng dating henerasyon ng mga Masskara dancer na nagboluntaryong magbigay ng training at magturo ng Masskara dance sa kasalukuyang batch ng mga dancer. Nagpakita sila ng tiyaga at malasakit habang nagiging malapit sila sa mga kabataan at sa mga tinuturuan na nahihirapan sa mga step ng sayaw. Ang kanilang halimbawa hindi lamang bilang mga dancer kundi bilang mga lingkod ng Panginoon ay napakalaking pagpapala sa aming lahat.
Sina Sister Arpellida, Brother James, at Sister Maren ay bahagi ng kasalukuyang henerasyon ng mga Masskara dancer. Silang tatlo ay naging malalapit na magkaibigan sa mga praktis, at ibinahagi ang kanilang progreso sa landas ng tipan, na hinihikayat at binibigyang-inspirasyon ang bawat isa. Nagpakita sila ng katatagan at matiyagang pagsisikap sa kabila ng pananakit ng katawan sa patuloy nilang pagpapraktis tuwing Sabado mula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon.
Hindi ko na matandaan kung ilang henerasyon na ng mga Masskara dancer ang nagtanghal simula nang mag-umpisa ito 14 na taon na ang nakalipas nang magtanghal sila sa Jubilee celebration ng simbahan sa Araneta Coliseum. Bilang batang Primary noon, namangha ako sa makulay at masiglang bilang ng pagtatanghal. Nabigyang-inspirasyon din ako ng maraming mga dancer at trainer na nakapagmisyon sa paglipas ng mga taon. Patuloy ang pamana, at umaasa ako na marami pang darating at maglilingkod na mga dancer sa aking henerasyon.
Ang mga missionary at magiging mga missionary na ito ay inspirasyon sa aming lahat na mga kapwa dancer. Isinakripisyo nila ang kanilang panahon at mga talento sa Panginoon para paglingkuran Siya sa pamamagitan ng pagtatanghal para sa Tabernacle Choir at kina Elder at Sister Stevenson. Ngayon ay isinasakripisyo nila ang kanilang oras at mga talento para imbitahin ang iba na lumapit kay Cristo at tulungan silang matanggap ang ebanghelyo ni Jesucristo.