Ang Hyde Home ay naglalarawan ng pagdadamayan ng komunidad na napakahalaga sa pagtatatag ng Nauvoo. Bilang pasasalamat sa paglilingkod ni Orson bilang missionary at sa mga sakripisyo ni Marinda sa panahong iyon, itinayo ng mga kapitbahay ang bahay na ito para sa pamilya Hyde noong 1843.
Ang pamilya Hyde ay nanirahan dito mula 1843 hanggang 1846. Bagama’t ang karamihan sa mga bahay noon sa Nauvoo ay yari sa kahoy, isa ito sa dalawang bahay lamang na naipanumbalik sa dating itsura na kahoy ang mga frame sa Historic Nauvoo ngayon. Bagama’t maraming gusali na ladrilyo mula noong 1840s ang nananatiling nakatayo sa lungsod, ang karamihan sa mga kahoy na bahay ay hindi nagtagal. Bukod kina Orson, Marinda, at kanilang mga anak, sina Mary Ann Price at Martha Browett, kapwa bagong binyag mula sa England, ay nanirahan dito kasama ang mga Hyde hanggang sa lumipat ang pamilya sa kanluran noong Mayo 1846.
Pinakasalan ni Orson Hyde si Marinda Johnson sa Kirtland Ohio noong 1834. Makalipas ang ilang buwan, tinawag si Orson na maglingkod bilang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol. Habang naglalakbay ang iba sa korum mula Nauvoo patungong Europa, nagpunta si Orson
sa Jerusalem para ilaan ang lupain para sa pagbabalik ng mga Judio at para sa pagpapala sa mga inapo ni Abraham. Noong Oktubre 24, 1841, nagbigay si Orson Hyde ng inspiradong panalangin sa paglalaan sa Bundok ng mga Olibo. Bumalik siya sa Nauvoo matapos ang mahigit dalawang taon. Habang wala siya, sumapi si Marinda sa Nauvoo Female Relief Society at naaliw sa paglilingkod, gayundin sa paglilingkod sa kanya ng kanyang mga kapitbahay.
Ano ang Aasahan
Ang Orson and Marinda Hyde Home ay may dalawang silid na malilibot nang may gabay. Kasama sa tahanan ang pagtingin sa exhibit nang walang kasamang gabay na naglalarawan ng unang apat na mission ng mga Apostol sa ibang bansa, samantalang ang sala ay malilibot nang may kasamang mga missionary. Pagkatapos ng paglilibot sa Hyde Home, maglalakad o gagamit ka ng sasakyan papunta sa Heber and Vilate Kimball Home para ipagpatuloy ang paglilibot sa Homes of the Apostles.
360° Walkthrough