Ang Lokasyon ng Far West Temple ang tanda ng sentro ng dating malaking lungsod na may libu-libong residente. Kahit hindi natapos ang templo, iyon ang sentro ng atensiyon ng mga Banal noong una. Saanman lumagi noon ang mga Banal, inihayag ng Panginoon ang lokasyon ng templo sa pamamagitan ng Kanyang propeta, na karaniwang nasa sentro o gitna ng lungsod. Ngayon, isang monumento at apat na batong-panulok ng templo ang nagsisilbing alaala ng pagsisikap ng mga Banal na magtayo ng stake ng Sion at ng mga paghahayag na natanggap dito.
Matapos hadlangan ng karahasan ng mga mandurumog ang mga pagsisikap na magtayo ng mga templo sa Independence, Missouri, noong 1833, itinuon ng mga Banal sa mga Huling Araw ang kanilang pagsisikap na magtayo sa
bahay ng Panginoon sa Kirtland, Ohio. Ang Kirtland Temple ay nakumpleto at inilaan noong Marso 27, 1836. Noong 1838, nag-utos ang Panginoon na magtayo ng bagong templo sa sentro ng Far West sa Caldwell County, Missouri. Noong Hulyo 4, 1838—Independence Day [Araw ng Kalayaan] sa Estados Unidos—pinangasiwaan ni Joseph Smith ang seremonya sa paglalatag ng apat na batong-panulok sa plaza na nasa gitna ng lumalagong lungsod. Libu-libong mga manonood ang nakasaksi sa seremonya.
Ang mga pagsisikap na magtayo ng templo ay panandalian lamang. Ang pakikipagtunggalian sa mga mamamayan ng Missouri ay naging sanhi ng pag-alis ng mga Banal sa mga Huling Araw sa Far West noong Nobyembre 1838. Maraming buwan matapos umalis ang malaking grupo ng mga Banal, limang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol at iba pa ang nagbalik sa lokasyon ng templo bilang pagsunod sa utos mula sa Panginoon (tingnan sa
Doktrina at mga Tipan 115:11;
118:5). Noong Abril 26, 1839, nagbalik ang mga Apostol sa lokasyon at inordenan sina Wilford Woodruff at George A. Smith para punan ang bakante sa korum sa inaasahan na isang misyon sa Great Britain.
Basahin pa ang tungkol sa panahon ng mga Banal sa Far West sa
Mga Banal, tomo 1, mga kabanata 24–33.Ano ang Aasahan
Tampok sa Far West Temple Site ang isang lugar na may bakod at may monumento na gumugunita sa mga pangyayaring naganap doon. Mayroong mga palikuran, picnic area, at bukirin sa paligid ng lugar na may bakod. Walang visitors’ center na mayroong mga missionary, kaya’t ang lahat ng mga karanasan sa lugar na iyon ay self-guided. Hanapin ang apat na batong-panulok ng templo sa loob ng lugar na may bakod. Ang mga bisita ay gumugugol nang mga 30 minuto sa lugar na iyon.