Ang lokasyon ng lungsod ng Far West ay isang oras sa hilagang-silangan ng Independence, Missouri. Kahit matagal nang inalis ang mga gusali at istruktura ng pamayanan, ang
Far West Temple Site ay tanda ng sentro ng inasahan ng mga Banal noon na magiging isang malaking stake sa Sion. Ang tahimik na tanawin ng mga bukirin na nakapalibot sa lokasyon ay naglaan ng payapang kapaligiran
para mapagnilayan ang kanilang mga sakripisyo sa pagtatayo ng Sion.
Kasunod ng pagpapatalsik sa kanila sa Jackson County, Missouri, kinailangan ng mga Banal ng bagong lugar kung saan sila magtitipon. Bagama’t nakakalat sa kalapit na mga county, umasa pa rin sila at hinangad na itayo ang Sion. Gayunman, ang mga kapitbahay nila sa Missouri ay may mga problema pa rin sa mga Banal sa mga Huling Araw. Paano magkakaroon ng epekto ang kanilang mga pinaniniwalaan at tradisyon sa lokal na komunidad? May solusyon ba para sa magkabilang panig?
Noong 1836, nilikha ng lehislatura ng estado ng Missouri ang Caldwell County at itinalaga ito bilang lugar na pamayanan para sa mga Banal sa mga Huling Araw. Far West ang pinakamalaking pamayanan at sentro ng pamahalaan ng county. Noong 1838, ang Far West ay lumawak na mula sa orihinal nitong sukat na isang square mile [milya-kudrado] na lote at naging dalawang square mile, na mayroong 5,000 naninirahan.
Lumipat si Joseph Smith sa Far West noong Marso 1838. Nang sumunod na mahigit walong buwan, ang headquarters ng Simbahan ay nalipat mula sa Ohio papunta sa Missouri. Nagbigay ang Panginoon kay Joseph Smith ng pitong paghahayag sa Far West na kalaunan ay naging mga bahagi ng Doktrina at mga Tipan. Kasama sa mga paghahayag na ito ang mga direksiyon tungkol sa pangalan ng Simbahan (
Doktrina at mga Tipan 115), ang layunin ng mga stake (
Doktrina at mga Tipan 115), ang batas ng ikapu (
Doktrina at mga Tipan 119), at isang utos sa Korum ng Labindalawa na ipangaral ang ebanghelyo sa Europa (
Doktrina at mga Tipan 118). Bukod pa rito, inutusan ng Panginoon ang mga Banal na magtayo ng templo sa Far West. Noong Hulyo 4, 1838, sa pagsunod sa kautusan ng Panginoon, inilatag ng mga Banal ang mga batong-panulok para sa templo sa gitna ng lungsod.
Hindi na maganda ang samahan ng mga Banal sa mga Huling Araw at ng kanilang mga kapitbahay noong tag-init at taglagas ng 1838, na nauwi sa
pagpapalabas ni Governor Bogg ng “extermination order” [utos na paglipol]. Noong Oktubre 31, 1838, dinakip ng Missouri militia ang mga lider ng Simbahan, kabilang na sina Joseph at Hyrum Smith. Kinabukasan, ang lungsod ay sumuko, at puwersahan nang inagaw ng militia ang mga kalakal, tahanan
, at ari-arian. Sa gitna ng kaguluhang ito, si Mary Fielding Smith, na asawa ni Hyrum, ay nagsilang kay Joseph F. Smith, ikaanim na pangulo ng Simbahan, sa kanyang tahanan sa Far West.
Dahil sa pang-uusig na ito, inabandona ng mga Banal sa mga Huling Araw ang Far West noong Abril 1839 at iniwang mapanglaw ang lungsod. Tanging ang apat na batong-panulok ang tanda ng lokasyon ng templo. Sa pagsasakatuparan ng utos ng Panginoon, pitong Apostol ang nagbalik sa Far West noong Abril 25, 1839, at inilaan ang lugar bago sila umalis papunta sa kanilang mga misyon sa Europa.
Noong 1840, nagbalik si John Whitmer sa Far West at binili ang lupa na nakakasakop sa lote ng templo. Nanirahan siya roon sa loob ng 38 taon at inilibing sa kalapit na Kingston. Binili ng Simbahan ang ari-arian mula sa pamilya Whitmer noong 1909. Noong 1968, isang monumento ang inilaan sa lote ng templo. Mayroong mga picnic table at palikuran sa lugar na ito.
Basahin pa ang tungkol sa Far West at sa mga taong nanirahan doon sa
Mga Banal Tomo 1, Mga kabanata 24-33.