Maraming Banal na naglakbay patungong Ohio mula sa kanlurang New York ang dumaan sa Fairport Harbor. Kalaunan, nang lisanin ng mga Banal ang Kirtland para magmisyon, ilan ang dumaan sa Fairport Harbor patungo sa mga lugar sa hilaga at silangan ng Kirtland para mangaral. Nang bisitahin ng lola ni Joseph Smith na si Mary Duty Smith ang kanyang pamilya sa Ohio, sinalubong siya ng kanyang apong propeta sa Fairport Harbor.
Ang Fairport Harbor ay naglaan ng kabuhayan sa hilagang-silangang Ohio nang may masigasig na pakikipag-ugnayan sa mga merkado ng mas maunlad na Silangan. Mula sa daungan na ito, ang mga barko ay maaaring maglakbay sa Lake Erie hanggang sa Buffalo, sa Erie Canal, at kalaunan sa Pittsburgh, Philadelphia, Boston, Washington, DC, at New York City. Ang mga lokal na mangangalakal, kabilang sina Joseph Smith at
Newel K. Whitney, ay nagpapadala at tumatanggap ng mga kalakal sa pamamagitan ng Fairport Harbor. Halimbawa, tatanggap si Whitney ng mga kalakal na ibebenta sa kanyang tindahan at magpapadala siya ng mga bariles ng abo mula sa
Kirtland Ashery sa pamamagitan ng Fairport Harbor.
Sa kasalukuyang panahon, isang muhon o marker ang nakatayo malapit sa harap ng Marine Museum at Parola sa Fairport Harbor. Isang eksibit sa loob ng Marine Museum na pinamagatang “Fairport Harbor: Gateway to the Gathering” ang nagtatampok sa naging bahagi ng Fairport Harbor sa buhay ng mga Banal habang nasa Kirtland.
Ano ang Aasahan
Ang Fairport Harbor ay isang maliit na bayan na may mayamang kasaysayan. Ang muhon o marker na tumatalakay sa kahalagahan ng lugar na ito sa mga Banal sa mga Huling Araw ay matatagpuan sa hilagang-kanlurang kanto ng 2nd at High Street.