Liwanag sa Dilim, Kalayaan sa Bilangguan

Sa panahon ng malaking pangangailangan, nagbigay ang Panginoon ng patnubay at pag-asa para sa Kanyang propeta at sa Kanyang mga tao.
Noong Disyembre 1, 1838, nagtipon ang mga residente ng Liberty, Missouri, malapit sa plasa. Minasdan nila ang anim na lalaking bumaba mula sa isang bagon at dahan-dahang naglakad paakyat sa county jail.

Ang anim na lalaking iyon ay mga lider ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa Huling Araw: sina Joseph Smith Jr., Hyrum Smith, Sidney Rigdon, Lyman Wight, Caleb Baldwin, at Alexander McRae. Dinakip at binigyan ng maling paratang ng milisya ng estado ang mga lalaking ito ng pagtataksil isang buwan bago iyon. Ngayon ang mga lider ay naghihintay sa piitan ng Liberty hanggang sa panahong maaari na silang humarap sa isang hukom. Habang naghihintay sila at nag-aapela sa kanilang kaso, pinalaya ng isang hukom si Sidney Rigdon noong Pebrero para sa mga problemang medikal, pero ang iba pa ay nanatiling nakabilanggo hanggang sa mga unang araw ng Abril.
Mga pader na bato ng replika ng Liberty Jail.
Ang mga buwan sa piitan ay hindi kasiya-siya. Ang piitan ay madilim, malamig, at kulob. Naliligiran ng makakapal na pader ang dalawang maliliit na silid, na magkapatong, na may isang maliit at may rehas na bintana para makapasok ang kaunting liwanag at hangin. Ang pagkain ay masama sa panlasa at marumi. Pinahihintulutan ng mga bantay ang paglalakad sandali sa labas at pagbisita ng ilang kaibigan, pero ang paminsan-minsang kabaitang ito ay hindi nagbigay ng kapanatagan sa mga alalahanin ng mga bilanggo tungkol sa kanilang pamilya at mga kaibigan sa labas ng piitan.
Orihinal na pinto ng Liberty Jail.
Noong Oktubre 27, 1838, limang linggo bago pumasok ang mga lalaking ito sa piitan, ang gobernador ng Missouri ay nag-utos sa milisya ng estado na “puksain” ang mga Banal sa mga Huling Araw o palayasin sila mula sa estado. Ilang araw matapos lumabas ang utos mula sa tanggapan ng gobernador, dinakip ng milisya si Joseph Smith at ang iba pang mga lider ng Simbahan at naglunsad ng pagkubkob sa kanilang lungsod ng Far West. Pagsapit ng Disyembre, ang mga pamilya ng mga lider ng Simbahan ay sumama sa libu-libong iba pang mga refugee na Banal sa mga Huling Araw na naglakbay sa silangan patawid sa Missouri papuntang Iowa at Illinois.
Si Joseph Smith at ang iba pa sa piitan ay tumanggap ng balita tungkol sa kanilang pagsulong sa pana-panahon sa pamamagitan ng mga pagbisita at mga liham. Sinabi ni Joseph na ang mga liham na iyon ay “[nag]pahayag ng magiliw at nakapapanatag na damdamin” at “nagpaginhawa sa aming kaluluwa na tulad ng sariwang hangin.” Ngunit ang mga ito rin ay mga paalala tungkol sa mahihirap na panahon sa labas ng kanilang piitan. “Ang aming kagalakan ay nahaluan ng kalungkutan,” sabi ni Joseph, “dahil sa mga pagdurusa ng mga maralita at lubhang napinsalang mga Banal” (Joseph Smith Papers).

Isipin ang kabiguan, pagkabalisa, kalungkutan, at kawalang-katiyakan na nadama nila dahil kakaunti ang magagawa nila para matulungan ang kanilang mga mahal sa buhay. Ipinagkanulo sila ng ilan sa sarili nilang mga tao noon. Tatalikod rin ba ang iba? Paano matatamo ng Banal sa mga Huling Araw—ng mga nasa piitan at ng mga ipinatapon—ang kapayapaan at lakas na kailangan nila? Paano pa kaya nila maitatatag ang Sion?
Interior of Liberty Jail
Silong ng replika ng Liberty Jail.
Pagkatapos ng dalawang linggo sa piitan, isinulat ni Joseph nang may positibong pananaw, “Mananatiling buhay ang Sion, bagama’t siya ay tila pumanaw na” (Joseph Smith Papers). Pero sa pagdaan ng panahon, at nang nadama ng Propeta ang bigat ng pagdurusa ng kanyang mga tao sa mahabang mga buwan ng taglamig, ipinahayag niya ang kanyang pagdadalamhati sa panalangin.

“O Diyos, nasaan kayo?” pagsamo ng Propeta. “At nasaan ang pabilyon na tumatakip sa inyong pinagkukublihang lugar?” (Doktrina at mga Tipan 121:1).

“Hanggang kailan pipigilan ang inyong kamay, at ang inyong mga mata, oo ang inyong dalisay na mata, ay mamasdan mula sa walang hanggang kalangitan ang mga kaapihan ng inyong mga tao at ng inyong mga tagapaglingkod, at marinig ng inyong mga tainga ang kanilang mga iyak?” (Doktrina at mga Tipan 121:2).
Orihinal na teksto ng Doktrina at mga Tipan 121.
Sumagot ang Panginoon,

“Aking anak, kapayapaan ay mapasaiyong kaluluwa; ang iyong kasawian at ang iyong mga pagdurusa ay maikling sandali na lamang; at muli, kung ito ay iyong pagtitiisang mabuti, ang Diyos ay dadakilain ka sa itaas;” (Doktrina at mga Tipan 121:7).

Ang payo ng Panginoon ay umantig kay Joseph at sa iba pang mga bilanggo. Sa panahon ng malaking pangangailangan, nagbigay ang Panginoon ng patnubay at pag-asa para sa Kanyang propeta at sa Kanyang mga tao. Ang liwanag ng Langit ay lumagos sa kadiliman ng piitang iyon. Sa pamamagitan ng paghahayag na ito, pinagkalooban ng Diyos si Joseph Smith ng tapang na magtiis. Ipinahayag Niya sa Kanyang matatapat na anak na hindi Niya sila kalilimutan kailanman, Siya ay palagi nilang makakasama sa kanilang mga pagsubok, at dadakilain Niya ang lahat ng gumagawa at tumutupad ng mga tipan.

Kahit nakabilanggo pa rin ang Propeta, ang inihayag na salita ng Diyos ay umabot hanggang sa loob ng mga pader ng piitang iyon. Si Joseph Smith at ang kanyang kapwa mga bilanggo ay naghanda ng dalawang liham para sa buong Simbahan. Ang Doktrina at mga Tipan 121 at 122 ay naglalaman ng mga salitang ito. Kasama sa pangalawang liham ang isang mensahe mula sa propeta na gumagabay sa mga Banal sa patuloy nilang pagsisikap na itatag ang Sion:
“Ating malugod na gawin ang lahat ng bagay sa abot ng ating makakaya; at pagkatapos nawa tayo ay makatayong hindi natitinag, na may lubos na katiyakan, na makita ang pagliligtas ng Diyos, at upang ang kanyang bisig ay maipahayag.”
Labinlimang kalalakihan ang naglipat kay Joseph Smith at sa kanyang mga kasama sa Daviess County noong Abril 6, 1839. Doon ay inatasan si Sheriff Morgan na dalhin sila sa isang paglilitis. Sa tulong ng kanilang mga bantay, nakatakas ang limang bilanggo noong Abril 16. Nagtungo sila sa Quincy, Illinois, kung saan muli nilang nakasama ang kanilang mga pamilya at kapwa mga Banal. Sa taon ding iyon, sisimulang itatag ng mga Banal ang lungsod ng Nauvoo, isang batong panulok ng Sion.